Chapter 10

1759 Words
Chapter 10 Hawak   Nagpunta kami ni Gabriel sa hindi kalayuang mall. Unang beses ko yatang lumabas mula sa ospital at hindi inisip ang natutulog na si Ana pagkalipas ng ilang buwan.  Si Gabriel, ang pusang kulay orange, ay pahuni-huni habang binabagtas namin ang bayang aking kinalakihan. Action film ang aming pinanood sa sinehan na tumagal ng tatlong oras. Sa loob ng sinehan na rin kami kumain ng dinner, nanonood at nakaupo lang sa hagdan na naghihiwalay sa mga upuan. Iyon na yata ang pinakamatagal kong paglabas mula sa ilang buwan kong paglalagi sa ospital. Mas maraming kwento dahil mas maraming tao. Maingay ang trapiko sa labas, bukas ang lahat ng mga shops at maliwanag na maliwanag kahit pa lumalalim na ang gabi. Buhay na buhay ang Santiago. Habang naglalakad kami papunta at pauwi, habang pinapasadahan ang bawat kanto at kalsada ay parang bumabalik ako sa dating buhay kung saan isang simpleng estudyante lang na naglalakad papuntang school at uuwi pabalik sa resto. Habang gumagalaw ang buong bayan ay parang pinapakita at pinapaalala nito sa akin ang ibig sabihin ng salitang buhay. “Grabe talaga! Napakatanga ni Peter! Bobo! Inutil! Umay sa’yo, idol!” panay ang sigaw ni Gabriel habang naglalakad na kami pauwi. Hindi ko alam kung mas gusto ko siyang isang pusang tahimik maglakad o isang mala-taong nilalang pero hindi naman matigil sa kadadaldal. Kanina pa siya dada ng dada tungkol sa movie. “Maghihintay pa ako ng isang taon para sa part two! Wala na sanang part two kung hindi bobo at tanga si Star-Lord!” “Si Star-Lord ang tipo ng kasama mo sa ML na pinapatay niyo na ‘yung lord pero tumakbo tapos nag-reset! Report kita!” Sa gilid ng kalsada ay dinadaan-daanan kami ng mga mabibilis na sasakyan. Minsan ay magara, minsan ay isang mausok na truck kaya ang siste ay napapaubo kaming dalawa. Sa ganitong paraan ay parang mas marami na rin akong nasalubong na tao. Bukod sa daloy ng mga sasakyan, sa isang gilid naman ay ang mga sari-saring nagtitinda. Naghahalo ang usok ng mga sasakyan at ang usok ng mga iniihaw na barbecue at isaw. Pumuputok ang mga nilulutong pop corn, kakahangong mga lomi at lugaw at itinatayo na rin ang mga sampayan para sa ukay-ukay. Halu-halo ang taong dumadaan sa kalsada sa pagitan ng mga sasakyan at baratilyo. May naka-polo shirt at pants na pauwi galing sa trabaho at mayroon ding naka-skirt at blouse na papasok pa lang. Mga estudyanteng pauwi pagkatapos ng night class, mga batang hindi nakapag-aral at naging palaboy, mga manggagantso at ginagantso, at mga magnanakaw at ninanakawan. Espesyal ngayong gabi dahil dumagdag pa ang isang kaluluwang nawawala at isang mala-taong kayang maging pusa. “Hoy! Bakit ang tahimik mo?” Kinalabit ako ni Gabriel. Inalis ko ang tingin sa mga Lightsaber at sa kung anu-anong pang mga palamuting umiilaw na binebenta sa bangketa. “Wala lang. Pinapanood ko ang paligid ko kasi hindi ko na ito makikita mamaya sa ospital.” “E ‘di lumabas tayo ulit! Isasama kita tapos nood tayong sine. Tayong dalawa lang.” Nagkibit-balikat ako.  Nang nagawi ang naghahabulang mga bata ay tumagos lang sa aming mga katawan. Humahabol kaagad ang isang nanay na may dalang pamalo sa kabila ng malakas na pagbusina ng mga sasakyan. “Ayaw mong lumabas? Bakit ayaw mong lumabas?” Kumunot ang noo ni Gabriel. Nagkibit-balikat na lang ulit ako, pinanonood ang iba’t ibang klaseng senaryo habang naglalakad kami sa kasaganahan ng gabi. “Ahh. Alam ko na...” “Ano?” Natatawa ko itong nilingon. Pinagsalikop ni Gabriel ang dalawang kamay na pinatong sa kaniyang ulo. Mas lalo lang siyang tumangkad at mas lalong nabanat ang malapad na dibdib. Bahagyang umangat ang kaniyang t-shirt at ipinakita ang mestizong balat. “Natatakot kang lumabas kasi naaalala mo ‘yung buhay mo dati. Ayaw mong lumabas kasi parang gusto mo na ulit maranasan ang lahat ng ito. Ka-miss, ano? Kahit magulo?" Napataas ang kilay ko, pinipigilan ang ngiti. Isang buntong-hininga ang aking pinakawalan.  Sinabi man ni Lucas sa akin ang mga tao at dahilan kung bakit ko kailangang mabuhay ay ipinakita at ipinaranas naman ni Gabriel. Sa gabing ito, nakalimutan kong may Anastasia Resurreccion sa second floor ng Santiago General Hospital, nakaratay at hindi magising-gising. “Tama ako, ‘di ba? Hindi ba?!” Tumili si Gabriel. “Oo na nga...” Hindi ko na napigilan ang pagngisi.  Proud na proud si Gabriel sa kaniyang sarili pero mukhang hindi lang yata dahil sa nakuha ang tamang sagot. “Buti na lang may gwapong nagdadala sa’yo sa sine. Kaysa naman sa boyfriend mong cheap. Wala nang nagbibigay ng bulaklak at chocolates ngayon. Kung ako sa kaniya ay delata at bigas ibibigay ko.” Napataas ang kilay ko. Tinitigan ko si Gabriel na hindi kayang linyahan ang aking tingin. Kung hindi lang madilim ay mas lalo ko pang makikita ang pula ng kaniyang dalawang tainga. “Hindi ka lang pala mayabang, ano? Tsismoso ka rin?” “Wow! Galing! Kasalanan ko bang naamoy ko ang chocolate? Hindi na nga pogi tapos hindi pa masarap ang dinala. Supalpal ko sa kaniya ang Nutella ko e!” “Kinain mo ‘yung chocolate ko?!” gulantang kong tanong. Nawala ang inis sa mukha ni Gabriel. Lumaki ang mga mata niya sabay takip ng bibig. "Bakit mo naman kinain, Gabriel?" Sumimangot ako. "Naamoy ko tapos amoy masarap. Kaya kinain ko."  "Akala ko ba hindi masarap?" "Amoy masarap lang! Hindi lasang masarap! Mas masarap pa ako!" laban niya. Wala akong nagawa kung hindi ang mapabuntong-hininga. Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad. “Hindi ko boyfriend si Lucas...” Napanguso ako. Umangil si Gabriel sa gilid ko. Hindi ko na siya kailangan pang lingunin para makita ang umaasim na mukha kung saan siya beterano. “Wala kayong label pero lagi kang dinadalaw tapos dinadalhan ng cheap na chocolate? Anong klase iyon? M.U. kayo?” Bubulong-bulong si Gabriel habang ginagaya ang boses ni Lucas. “Maraming naghihintay sa’yo. Maghihintay ako sa’yo. Malalandi!” “Kaibigan ko lang si Lucas,” iling ko sa kaniya. “Binigyan ka pa ng sunflower! Baka binunot niya lang ‘yon sa tabi-tabi e! Wala namang silbi ang sunflower!” “E ‘di maging butterfly ka tapos sipsipin mo ang bulaklak.” Sinimangutan lang ako ni Lucas. Hindi na ako sumagot. Bubulong-bulong pa rin siya kung paano niya dudurugin si Lucas sa nilalaro niya sa cellphone. Mukha raw itong ipis at kung anu-ano pang balasubas na hayop. Ilang minuto na tanging ang buhay na buhay na kalsada lang ang nagsasalita sa pagitan naming dalawa. “Gabriel?” marahan kong tawag. “Oh?!” Bumaling ito sa akin. “Natatakot ako." Napatigil si Gabriel. Bumagal ang kaniyang paglalakad at para na ring bumagal ang daloy ng trapiko sa tabi. Unti-unting kumunot ang kaniyang noo, ang makakapal na kilay ay nagdidikit sa malalim na pag-iisip. “Bakit?” tanong niya pagkalipas ng ilang segundo. “Hindi ako alam. Basta natatakot ako sa kung anong pwedeng mangyari sa akin.” Tumingala ako sa mausok na langit. Hindi katulad sa tuwing nasa ospital ako na sinisipat ang araw ay tanging ang buwan lang ang nakaabang sa aking mga tanong. “Gabriel, pwede ko bang hawakan ang kamay mo?” Halata ang pagkagulat sa kaniyang mukha. Malikot ang mga mata niyang patingin-tingin sa maingay na paligid. “Luhh. Awit...” Napanguso si Gabriel. Kahit hindi ako matingnan ay hindi pumiglas ang kaniyang isang kamay nang aking abutin. Hindi ito nagpumiglas katulad noong niyakap ko siya. Dumausdos ang aking dalawang daliri mula sa kaniyang pulso, pababa sa palad at huminto sa kaniyang hintuturo. Hinawakan ko iyon, pinipisil ang lang dulo ng kaniyang daliri, kuntento na kahit hindi ang buong kamay ang hawakan. Maingay ang mga busina ng sasakyan at kabi-kabila ang sigawan ng mga nagtitinda. Hawak ko si Gabriel habang naglalakad sa pagitan ng dalawa. Ang paghawak ay isang simpleng pamamaraan lang bukod pa sa mga nakararami at mas enggrande. Ngunit minsan, ang isang simpleng paghawak lang ang pinaka-epektibo sa lahat.  Kung hindi na sapat ang mga salita at pagtingin, kung dumidilim na lang lahat sa sobrang sakit at g**o. Hindi ang bibig at hindi ang mata ang kailangan nating gamitin dahil ginawa ang ating mga kamay para harapin ang trabahong iyon. Sa isang kalabit ay pwedeng makuha ang pansin ng isang tao, sa isang palakpak o sa isang kumpas ng kamay. Pero hindi lang roon nagtatapos ang lahat dahil sa tuwing babalutin ng saya ay makikipag-apir pa bago magkahawak na tatalon sa ere na para bang wala ng bukas. Kapag ang lungkot ay hindi na kakayanin pa ng mga salita, idadampi na ang palad sa balikat, ang mga daliri ay hihigpitan ang hawak bago kuhanin ang nalulungkot at umiiyak para balutin ng yakap. Sa pagkikita at sa paalam, pilit pa ring paghawak ang binibigay, ang kaway sa ere ay hindi lang galaw ng kamay sa iba’t ibang direksyon dahil ito rin ang patunay na pilit nating inaabot ang mahal sa buhay laban sa distansyang naghihiwalay at nagdudugtong. Hawak ng saya, lungkot, pagmamahal. At ngayon para sa akin ay takot. Hindi ko nalaman ang kahalagahan ng paghawak hanggang sa huli na ang lahat. Kaya ngayong natatakot ako ay wala akong ibang ginusto kung hindi ang gamitin ang aking mga kamay dahil alam kong sa pagkakataong ito ay mayroon na itong lalapatan.  Wala sinabi si Gabriel. Pagkatapos ng ilang minutong paglalakad ay nakarating na rin kami sa ospital. Umiilaw ang malaking krus sa harapan na pinalilibutan ng mga tinik. Hindi katulad ng maingay na mall at kalsada kanina ay tahimik ang labas ng ospital. Bukas na bukas ang Emergency Room, naghihintay ng unang papasok sa gabi. “Dito na ako. Salamat." Huminto ako.  "Sige! Una na rin ako. Pinapatawag na rin ako. Hinahanap na ako nila Kuya. Baka may utos na naman. Daig pa ang sampung utos!” “Lilipad ka ulit? Pwede akong patingin?” “Hindi pwede. Asset ko ‘yun, e! Baka sa sobrang gwapo ko tingnan habang may pakpak, palitan mo pa si Lucas. Baka umiyak.” “Yabang…” Napanguso ako. “Mayabang talaga ako dahil may maipagyayabang naman.” “Bakit hindi pa natatanggal ang pakpak mo sa sobrang yabang mo?” “Tumingin ka na lang, kosa, habang kaya mo pa. Malay mo ay umalis ako tapos hindi na bumalik. Baka habulin mo pa ko!” Napangiti ako. “Kosa?” “Oo, kosa. Nakakulong ka rito e.” Napanguso na lang ako sabay tango. Nilingon ko ang maliwanag na ospital. Para bang naghihintay ito habang pananonood kaming dalawa ni Gabriel. Nilingon ko ulit ito na nanlalaki ang mga mata bago napaiwas ng tingin. Mukha siyang may iniisip na malalim habang tumatagilid ang ulo ngunit pulang-pula naman ang tainga. Napatingin ako sa kulot niyang buhok at sa ebidenteng panga, sa matangos na ilong at mas sumisingkit na mga mata kapag ngingisi. “Salamat kasi sinama mo ako sa sinehan…” panimula ko. Tumango ito, nakatingin lang sa sinisipang bato sa kalsada.  “Uuwi ka na ba talaga? Wala ka ng pupuntahang iba?” tanong ko. “Oo. Uuwi na ako. Wala na akong pupuntahang iba. Dito lang." "Hmm. Okay. Ingat." Tumango ito, hindi pa rin makatingin. "Ikaw, uwi ka na. Bilis na," nguso nito. Tumango ako at dahan-dahang umatras. Napangiwi lang si Gabriel nang maiwang mag-isa. Kumaway ako rito bago tuluyang pumasok sa loob. Nilingon ko ito sa salamin at kumaway. Winagayway nito ang mga kamay na para bang pinapaalis ako lalo. Tumango ako at naglakad na ulit. Sa sumunod kong lingon ay wala na si Gabriel.     
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD