Chapter 11
Abo
Sa isang paraan, masasabi kong ang mga pasilyo at pader ng isang ospital ay nabubuhay ng higit pa sa dalawang beses na buhay ng anumang itinayo o itatayo pa lang na istruktura sa mundo.
Kung tutuusin, mas sagrado pa ang kapilya ng edipisyong ito dahil ang isang panalanging dumadaan ay kayang tumbasan ang daan-daang mga humihiling sa misa tuwing sasapit ang Linggo. Ang isang kwartong hindi lalampas ng sampung metro kwadrado, may tatlong mahahabang bangkuan at isang bakal na krus sa harapan. Bagama’t maliit at madilim ay ito ang mas nakakarinig ng mga panalanging mula umagang paggising hanggang gabing pagpupuyat ay dala.
Mas banal pa ang mga pader at sahig dito dahil ang mga sementong ito ang tahimik na nakakarinig sa bawat iyak, bawat hagulgol at bawat huling hininga. Hindi nakakapagsalita ang mga bakal at konkreto ng ospital na ito dahil kung oo ay kayang-kaya nilang idetalye kung gaano ba talaga kalupit ang buhay.
At kung may mga pag-iyak at huling hininga, alam ko ring mayroong pagtalon at unang pagmulat ng mga mata. Katulad na lang ng bagong tatay na si Cyrus na hindi maipinta ang sigla sa mga mata dahil pagkatapos ng mahabang paghihintay ay may maririnig na rin siyang pag-iyak ng sanggol sa umaga, babangon at magpupuyat tuwing gabi at maglilinis ng mga bote sa madaling-araw.
Isang maliit na mundo ang isang ospital.
Ito ang tinaguriang tahimik na mga museyo at galeriya. Sa kanilang mga puting mga pasilyo at pader ay nakaukit ang bawat kwento ng mga tao. Sa hagdan kung saan marami ng umupo at pilit kinimkim ang mga sama ng loob. Sa garden kung saan nakatanggap ng masama at masayang balita. At sa likod ng mga saradong pintuan kung saan nagtatalo ang mga desisyon.
Bilang isang ligaw na kaluluwang pagala-gala ay nalaman ko itong lahat. Ang kanilang mga hinanaing at sikreto. Nakita ko rin ang sinasabi ni Gabriel. Ang isang bagay na nagtatago sa likod ng mga saradong pintuan at ang tanging hindi mawawala sa kabila ng mga gamot, swero at walang hanggang bayarin. Ang nag-iisang bagay na nagdudugtong sa ating lahat sa gitna ng lungkot at saya. Nakita ko rin sa wakas ang sinasabi ni Gabriel.
Ang pag-ibig.
“Lisa. Lisa…” marahang sambit ni Lola Aida sa kaniyang pagtulog.
Sa loob ng madilim na kwarto, nakatayo sa kaniyang harapan.
Katulad ng mga nakaraang gabi ay binabantayan ko si Lola Aida. Kung minsan ay natutulog ako sa kaniyang kwarto kung kailangang umalis ng kaniyang bantay. Marahil sa katandaan at kahinaan ay ayaw tanggapin ng kaniyang katawan ang chemotherapy. Stage three na ang lung cancer ng matanda. Niyayakap na lang ng laman ang butot-balat na katawan.
Kahapon ay dumalaw ang mga anak at apo ni Lola Aida. Nakita ko ulit tuloy ang mga sinasama niya noon tuwing magde-deliver sa resto namin.
“Lisa. Anak…”
Kaagad kong hinanda ang kamay sa alarm na siyang magtatawag sa nurse station. Na-trauma ako noong gabing inatake ang matanda kaya laging nakabantay. Hindi bale, kapag magaling na si Lola Aida ay bababa na ulit ako at sasamahan si Aling Marie.
“Lisa..." Unti-unti nitong binukas ang mga mata.
Nanatili akong nakatayo at nakadungaw sa kaniya. Gumuhit ang pagtataka sa mga mata ng matanda bago nangilid ang mga luha.
“Alam kong nariyan ka, Lisa. Nararamdaman na naman kita. Nasa tabi at binabantayan ako.” Ngumiti si Lola Aida sa kawalan.
Nanatili ang mga mata ko sa matanda.
“Alam kong ikaw ang nagsalba sa akin. Inaalagaan mo pa rin si Mama hanggang ngayon. Miss na miss na kita, anak.”
Inabot ni Lola Aida ang kung anong nakapatong sa kaniyang bedside table. Isang litrato kung saan nakangiti ang mas batang bersyon ni Lola Aida, itim pa ang buhok at unat ang likod. May bitbit itong babaeng sanggol na kamukhang-kamukha niya.
“Mamamatay na ba ako, Lisa? Kung mamamatay na ako, pwede bang ikaw ang sumundo sa akin para makita ulit kita kahit sa huling pagkakataon?” Niyakap ng matanda ang litrato at muling ngumiti sa kawalan.
Hindi ako si Lisa pero kung iyon ang iniisip niya sa mga panahong may iniinda siyang sakit ay walang problema sa akin.
“Handa na akong mamatay, anak. Kuntento na ako sa naging buhay ko. Matanda na ako at wala ng ibibigay pa sa mundo. Hayaan mo nang matulog si Mama, Lisa…” Pumikit ang matanda, ang ngiti ay nakaukit pa rin sa mga labi.
Ilang minuto na nakayakap ang matanda sa litrato bago ulit nakatulog. Nanatili akong nakatayo sa kaniyang harapan. Matagal kong pinanood ang kaniyang mahimbing na pagtulog. Ito ang pinakamaginhawa sa lahat, ang tanging pagtulog na hindi siya namimilipit sa kauubo ng dugo. Inayos ko ang kaniyang buhok bago tuluyang umalis at bumalik sa sariling kwarto.
Si Anastasia Resureccion ay mahimbing pa rin ang tulog. Walang kaalam-alam sa sinapit ng pamilya. Nananaginip lang sa kawalan. Siya ang aking natatanging parteng puno man ng galos at sugat ay ang pinakapayapa sa lahat. Gusto ko itong tanungin kung katulad ni Lola Aida ay handa na ba siyang mamatay. Kung kuntento na ba siya sa naging buhay niya sa mundo at tuluyan nang tatalikuran ang mga naghihintay.
Gusto ko rin itong tanungin kung bakit hanggang ngayon ay ayaw pa rin akong pakawalan.
“Code blue! Room 207!”
Nakatingin ako kay Ana habang naririnig ang komusyon sa kabilang kwarto. Matinis pa rin ang tunog ng makina. Isang papabilis na papabilis na tunog ang hudyat ng abnormal na pagtibok ng puso. Sunod-sunod ang mga yapak ng paa sa sahig at ang malakas na pagbukas ng pinto. Ang aking sunod na narinig ay ang mga kalansing ng aparato.
“All clear!”
Lapag at taas ng dibdib.
“All clear!”
Lapag at taas ng dibdib.
“All clear!”
Diretsong linya.
Napayuko ako at unti-unting naglakad patungo sa maliit na kama ng kwarto para sa magbabantay. Namatay na ang ingay sa labas, tanging ang tunog ng paggulong ng stretcher na lang ang naririnig. Napatingin ako sa bintana sa labas. Sa pamamagitan ng ilaw ng buwan ay nakita ko ang isang kulay puting paru-parong lumilipad sa tabi ng salamin. Ang maliit na insekto ay nakaabot sa second floor ng mataas na gusali.
"Ayos lang ako, Gabriel." Kahit malungkot ay napangiti pa rin ako.
Ang puting paru-paro ay dumapo lang sa bintana.
"Ganoon talaga, 'di ba? May mga sitwasyon na ang masasabi mo na lang ay 'ganoon talaga'."
Hindi gumalaw ang paru-paro sa salamin. Kumaway na lang ako.
“Good night, Gabriel…” marahan kong sambit bago pumikit.
Kinabukasan ay mataas ang sikat ng araw. Katulad ng nakasanayan ay pinagpag ko ang damit dahil sa mga damong kumapit habang nakaupo sa garden. Tinapon ko na ang balat ng ice cream atsaka kumain ng breakfast sa cafeteria. Naiisip ko pa rin ang bakanteng kwarto sa Room 207 habang nagsusulat ulit sa pulang sticky note.
“Ano ‘yang sinusulat mo?”
Napatalon ako sa gulat nang tingalain ang isang Gabriel na nakadungaw sa pinagsusulatan kong lamesa. Napailing ako sabay hiklat ng pulang sticky note. Medyo inunat ko pa ang mga dulo.
“Patingin ako! Akin na!” Pilit niyang inaabot ngunit nilagay ko sa aking likuran.
Hamak na mas matangkad sa akin si Gabriel. Kayang-kaya niyang kuhanin ang maliit na papel pero ang pagkabugnot sa mukha ay kitang-kita. Masarap siyang asarin kaya siguro laging tampok sa mga kapatid. Umatras ako nang umatras habang kaniyang inaabot. Halos hindi namin namalayan pareho na nakasandal na ako sa pader habang nakatingala sa kaniya. Siya naman ay nakababa ng tingin sa akin.
Napanguso ako. Lumaki kaagad ang mga mata ni Gabriel, ang dulo ng mga tainga ay namumula.
“Uy, ano ‘yon?! Si Lucas, oh!” duro niya sa isang tabi.
Napabaling ako kaagad ngunit walang Lucas ang dumating. Mabilis na kinuha ni Gabriel ang sticky note ko at naupo sa ibabaw ng lamesa. Pinatong niya pa ang maruming itim na sneakers sa upuan.
“Lucas ka pa, idle!” Umirap ito sa hangin habang binabasa ang nakasulat sa papel.
Sinipat ko na lang si Aling Marie sa kitchen at si Manong Romeo na ilang minuto lang ay aabot na ang pagmo-mop dito.
“Akala ko ay religious ka? Hindi ba?”
Nilingon ko si Gabriel na binitiwan na sticky note. Bumuntong hininga ako.
“Sakto lang. Magkaiba naman ang religious sa naniniwala.”
“Naniniwala kanino? Kay cheese sauce?”
“Cheese sauce?” Kumunot ang noo ko.
Nagkibit-balikat si Gabriel. Inunat-unat niyang dalawang pang nakapatong na ngayon sa upuan. Sobrang dumi ng sapatos niya na parang sobrang layo ng kaniyang mga nararating.
“Ahm…” Napangiwi si Gabriel, hindi makatingin sa akin. “Sorry nga pala kasi namatay si Lola Aida kagabi. Kung, ano, malungkot ka… tarayayayainkitasanangmagsineulit.”
Napataas ang kilay ko. Sa sobrang bilis niyang banggitin ang dulo ay halos wala akong naintindihan. Mas lalo lang tumingkad ang pagkapula ng kaniyang tainga.
“Ayos lang. Alam ko namang doon din pupunta ang lahat. Nagpaalam naman si Lola Aida ng maayos.” Ngumiti na lang ako.
“E ‘di okay ka na? Hindi ka na malungkot?”
“Malungkot pa rin.”
“Ahh! Okay! Sabi ko nga!” sigaw nito at sinimangutan ako.
“Gabriel?” Napatingin ako sa labas kung saan natatanaw ang garden.
“Ano na naman? In demand na in demand ako sa kosa ko, ah!”
“Saan pupunta si Lola Aida? Sa langit?” Kumunot ang noo ko.
Parang nabilaukan si Gabriel. Napainom siya ng shake na nakalapag sa lamesa pero kaagad ding iniluwa dahil natirang shake iyon ng customer.
“Ano ba namang tanong iyan, Ana?” gulong-g**o si Gabriel.
Nagkibit-balikat ako. May kutob akong alam niya kung nasaan na si Lola Aida pero ang pag-usapan iyon sa isang taong katulad ko ay nakakabahala para sa isang katulad niya.
“Ikaw si Angel Gabriel. Sabi mo ay pito kayong magkakapatid. Michael ang tawag mo sa isa mong kuya.” At pinangangalandakan mo pang si Rafaela ang main character mo sa nilalaro sa cellphone. Hindi ko na lang dinagdag ang huli.
Parang mas lalong hindi makahinga si Gabriel. Hindi niya alam ang sasabihin, bukas-sara ang bibig na para bang isdang nakawala sa tubig.
“Paano mo nalaman?! Pinakulam mo ba ako?! Pina-DNA test mo ako! Sagot!” gulantang niyang sabi. “Kaya ayokong bumababa rito e! Maraming issue!”
Napahagikgik ako pero namatay rin kaagad.
“Kung anghel ka, alam mo ba kung bakit kaluluwa lang ako ngayon? Ano ba ang dapat kong gawin?”
“Ang gagawin mo ganito: kumuha ka ng isda tapos i-kiss mo!”
Inis na inis pa rin ang mukha ni Gabriel sa akin. Hindi maipinta at gulong-gulong buhok. Daig pa niya ang isang batang nagta-tantrums. Magsasalita pa sana ako ngunit nakaramdam ng kung anong panghihina. Lumabo ang aking mga mata kaya naman napapikit.
“Ana? Anong nangyayari sa’yo?” Tumayo kaagad si Gabriel para makaalalay.
Mabilis niya akong dinaluhan nang mas lalo akong nanghina. Napatingin ako sa mga kamay na unti-unting numinipis, parang naglalaho at lumalabnaw. Nagiging abo.
“Ana?! Ana!”