ROSABELLA
Napahinto ako sa paglalakad patungo sa counter upang ayusin ang mga receipt nang makita ko ang hindi ko dapat makita. Si Kuya Chris. Seryoso siyang nakatitig sa akin. Napalunok ako at biglang bumilis ang t***k ng puso ko.
Bumaba ang tingin niya sa tiyan ko. Limang buwan na ang pinagbubuntis ko kaya halata na ang umbok.
“K-Kuya Chris.” Nauutal na sabi ko. Naglakad siya palapit sa kinatatatayuan ko.
“What is the meaning of this Rosabella?” Matiim ang tingin niya sa akin. Hindi ko alam kung ano’ng gagawin ko. Hindi pa ako handang malaman nila ang kalagayan ko. Bakit lagi na lang may nakakakita sa akin? Napakaliit naman ng mundo. Dito pa talaga sa malayong lugar? Napalunok ako.
“Answer me, Rosabella.” May diin ang pagkakabanggit niya sa pangalan ko. Alam kong galit siya at seryoso.
“I am so sorry kuya Chris kung hindi ko sinabi sa inyo ni ate Isabella ang kalagayan ko. May rason ako kung bakit. Ayokong mag-alala pa siya sa akin,” sabi ko at napayuko ako.
“Bakit noong nabuntis ba ang ate mo naglihim ba siya sa inyo? Kapatid mo si Isabella at hindi ibang tao. Bakit kailangan mong magsinungaling na nasa ibang bansa ka na pawang kasinungalingan lang. Hindi mo ba alam na lagi kang bukambibig ng ate mo? She misses you, also Toper and Belle. Inisip mo ba sila? Sa tingin ko ay hindi. Mas inisip mo ang sarili mo. Pamilya mo kami Rosabella. Mabuti pa ang ibang tao alam ang kalagayan mo. Maiintindihan ka namin kung sinabi mo sa amin ang kalagayan mo. Mas makakatulong pa nga kami sa iyo. Hindi ganito na para kang kriminal na nagtatago sa sarili mong pamilya. Kung hindi pa ako napadpad dito ay hindi ko pa malalamang nandito ka lang pala sa Pilipinas.”
Nakaramdam ako ng konsensya sa sinabi niya. Alam ko namang mali ako dahil mas inisip ko ang kapakanan ko. Ni hindi ko inisip na pamilya ko sila at hindi nila ako pababayaan kahit ano pa ang nangyari sa akin. Sa lahat ay sila ang makakaintindi sa akin.
“Please Rosabella umuwi ka na. Lalo pa ngayon ganyan ang kalagayan mo malayo ka sa ate mo. Mahirap ang sitwasyon mo. Kailangan mo ng pag-aalaga ng pamilya mo. Hindi na kita tatanungin kung sino ang ama dahil alam ko naman kung sino. Mananagot ang lalaking iyon.” Sa sinabing iyon ni kuya Chris ay natakot ako para kay Leonardo. Nakagawa man ng masama sa akin ang lalaking iyon ay may kaunting concern pa rin ako sa kanya.
“Kaya nga ako lumayo Kuya Chris dahil ayokong makagulo sa buhay niya. Alam kong malaking pagkakamali na ang nagawa ko kahit alam kong mayroon siyang ibang mahal. Pero pinagpatuloy ko pa rin ang katangahan ko. Pakiusap kuya Chris huwag mong sasabihin sa kanya na buntis ako. Ayokong m-malaman niya.” Pakiusap ko sa kanya na tinutukoy ko ay si Leonardo. Nagbuntonghininga siya.
“Okay, hindi ko sasabihin. Parusa na rin niya ito sa panloloko niya sa iyo. Pero sa isang kondisyon umuwi ka na. Sabihin mo sa ate mo ang totoo. Hindi naman siya magagalit sa iyo kung malaman niya ang sitwasyon mo. Alam mong mahal na mahal kayo ng ate mo.” Hiling niya sa akin.
Kahit alam kong maiintindihan ni ate Isabella ang kalagayan ko ay nahihiya ako sa kanya. Kahit labag sa kalooban ko ay tumango ako bilang pagsang-ayon.
Wala akong kibo habang nasa loob ng sasakyan. Nakatingin lang ako sa labas ng bintana. Iniisip ko kung paano ang gagawin ko kapag nakita na ni ate ang sitwasyon ko.
Nagpasalamat ako sa mag-asawang Colt at kay Delfin dahil sa kabutihan nila na kupkupin ako. Sa ilang buwan kong pananatili roon ay naging masaya ako.
“Huwag mo na muna isipin ang lalaking iyon. Hindi siya kawalan sa buhay mo. Gagawin ko lahat para hindi ka niya mahanap.” Ani kuya Chris sa pananahimik ko. Ngiti lang ang sinagot ko.
Hindi ko maiwasang ikumpara si kuya Chris noon sa ngayon. Ibang-iba na siya. Malaki ang pinagbago niya nang mahalin niya si ate Isabella. Iba nga naman ang nagagawa ng pag-ibig. Minsan nakakatanga dahil kahit nasasaktan na patuloy pa rin nagmamahal.
“We’re here.” Anunsyo ni kuya Chris. Napatingin ako sa labas. Kumabog ng mabilis ang t***k ng puso ko.
“Rosabella.” Tawag niya sa akin nang hindi ako natinag.
Bumaba ako. Kinuha ni Kuya Chris ang mga gamit ko. Sumunod ako papasok sa loob ng bahay nila. Sinalubong kami ni Belle na gulat na gulat.
“Tita Rosabella, dumating ka na?!” aniya at niyakap niya ako. Hinaplos ko ang buhok niya. Sumulpot naman si Toper.
“Mama, nandito na si Tita Rosabella!” Sigaw ni Toper.
Napakagat labi ako dahil ninenerbiyos ako. Alam kong sasama ang loob ni ate sa akin dahil naglihim ako sa kanya. Tatanggapin ko kung sumama ang loob niya sa akin.
Napahinto ako nang makita ko si ate na nakatinging sa akin at bumaba ang tingin sa tiyan ko. Napahawak siya sa labi. Agad na lumapit si Kuya Chris sa ate ko at hinawakan ang kamay niyang nanginginig.
“Rosabella, anong ibig sabihin nito? Sabi mo nasa ibang bansa ka? Bakit m-malaki ang tiyan mo?” Sunod-sunod na tanong ni ate. Tila maluluha na si ate.
“Ate, sorry nagsinungaling ako sa iyo.”
Hindi ko rin mapigilang lumuha. Alam kong naging makasarili ako hindi ko na inisip ang mararamdaman ni ate Isabella. Lumapit itosa akin at yumakap ng mahigpit.
“Ate sorry. . . sorry. . .” paulit-ulit na paghingi ko ng tawad habang umiiyak. Pati si ate Isabella ay umiiyak na rin.
“I am so sorry Rosabella - ni hindi ko inalam kung ayos pa ba kayo ni Annabella. Naging busy ako sa pamilya ko at nakalimutan ko na kayo. Sana mapatawad mo si ate,” paghingi niya ng tawad na ako dapat ang magsabi niyon. Okay lang naman na madalas niya kaming dalawin dahil naiintindihan ko na may sarili na siyang pamilya.
“Ate wala kang kasalanan. Ako ang may kasalanan kung bakit nangyari ito sa akin. Ako ang dapat humingi ng sorry kasi nagsinungaling ako sa iyo. Hindi ko inisip kung ano’ng mararamdaman mo dahil sa sinapit ko. Hindi na ako nakapag-isip ng tama. Ang gusto ko lang ay lumayo,” sabi ko sa gitna ng pag-iyak ko. Inalalayan niya akong umupo. Hinawakan niya ang kamay ko.
“Sino ang nakabuntis sa iyo? Sabihin mo sa akin.” Mahinahong tanong niya. Natigilan ako sa tanong niya. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba o hindi na.
“Please Rosabella, sabihin mo sa ate kung sino ang nakabuntis sa iyo.” Ulit niyang pakiusap. Nagkatinginan kami ni ate Isabella. Napalunok ako.
“Si Leonardo.” Napaiyak ako. “Patawarin mo ako ate. Alam kong mali ang ginawa ko, pumatol ako kay Leonardo kahit alam kong mayroon na siyang nobya.” Pag-amin ko.
Sa lahat ako ang mali rito. Nagpakatanga ako dahil pinilit ko ang sarili ko sa taong may mahal ng iba. Naging sarado ang isip ko. Mas pinairal ko ang puso ko kaysa ang isipan. Kahit alam kong isang kahibangan ang mahalin si Leonardo. Hinaplos ni ate ang pisngi ko.
“Magpahinga ka na Rosabella. Alam kong pagod ka sa biyahe,” sabi ni ate Isabella.
“Belle, anak samahan mo si Tita Rosabella sa room niya.” Utos ni ate sa pangana niyang anak.
Hinagkan niya ang noo ko. Alam kong disappointed siya sa nangyari sa akin. Hindi ko alam kung ano’ng tumatakbo sa isip ni ate. Ayokong tanungin pa siya dahil nahihiya ako sa ginawa ko.
Nagpasya na akong magpahinga na. Malayo rin ang naging biyahe namin ni Kuya Chris. Paalis na ako nang mapalingon sa kinaroroonan ni ate Isabella. Nakayakap si ate Isabella kay kuya Chris habang siya’y umiiyak. Nakokonsensya ako dahil ako ang dahilan ng pag-iyak niya. Ito ang pinakaayaw kong makita.