"PERO ang sabi mo, Dash, inalay ni Tiyang Magda si Ysabelle sa diablo. Paanong nangyari na buhay pa siya?" tanong ni Bridgette kay Dash.
Tumingin sa maalon na dagat si Dash at bumalik sa nakaraan ang kanyang diwa...
MAG-ISANG kumakain si Dash sa canteen nang tuwang-tuwa na lumapit si Ysabelle sa kanya.
"Dash, may sasabihin ako sa iyo!" malapad ang pagkakangiti ni Ysabelle.
Napahinto siya sa pag-inom ng softdrinks at naguguluhan na kinausap ang kaibigan. "Ha? Ano namang sasabihin mo? Pwedeng manghula? Tungkol 'yan sa love life, 'no?"
Kinikilig na hinampas siya nito sa braso. "Paano mo nalaman?"
"Eh, halatang-halata kaya na kinikilig ka! Bakit ka ba kinikilig diyan? Paki-explain!"
"Sinagot ko na si Gener! Kami na!" anito.
Natahimik bigla si Dash sa sinabi ni Ysabelle. Nawala ang ngiti na kanina ay nakapaskil sa kanyang labi. Kilala niya si Gener dahil iisa lamang sila ng section nito. Si Ysabelle kasi ay sa ibang section nabibilang. Siya ang unang nakakilala sa lalaki at nagkagusto siya agad dito at hindi iyon lingid kay Ysabelle. Ito nga lang ang nakakaalam na gusto niya si Gener.
"N-nililigawan ka pala ni Gener? K-kailan pa?" hindi makapaniwalang tanong ni Dash.
Alanganin na tumango ito. "Last week lang, Dash. Sa totoo lang, nahihiya nga ako sa iyo kasi alam kong crush mo siya. Okey lang ba na ako ang niligawan niya? Okey lang ba na sinagot ko siya?"
Isang pilit na ngiti ang pinakawalan niya. "Oo naman... Oo naman! Wala naman akong magagawa kung ikaw ang gusto ni Gener. As long as masaya ka, masaya na rin ako."
"Salamat, Dash! Napakabuti mo talagang kaibigan!" at mahigpit siyang niyakap nito sa sobrang tuwa nito.
Lingid sa kaalaman ni Ysabelle ay ang pagtalim ng mata ni Dash.
Nagngingitngit sa galit ang puso niya. Siya ang dapat na mahalin ni Gener dahil siya ang unang nakakilala dito. Gagawin niya ang lahat mapasakanya lang ang lalaking minamahal!
ISANG gabi ay nagulat si Dash nang umiiyak na pumunta si Ysabelle sa bahay niya. Namumugto ang mga mata nito. Pumasok silang dalawa sa kwarto ni Dash upang makapag-usap doon ng maayos.
"Anong nangyari, Ysabelle? Bakit ka umiiyak?" tanong agad niya sa kaibigan. Nakaupo sila noon sa kama.
"Dash... Si Gener..." muli ay humagulhol si Ysabelle.
Hinimas-himas niya sa likod ang kaibigan. "Anong tungkol kay Gener?"
Pilit na inayos ni Ysabelle ang pagsasalita. "N-nag-away kasi kami," sagot nito.
Lihim na natuwa si Dash sa narinig. "Bakit naman kayo nag-away?"
"S-sasabihin ko sa iyo pero sana huwag mong ipagsasabi sa iba lalong-lalo na kay Nanay Magda."
"Ysabelle, matagal na tayong magkaibigan. Mga bata pa lang tayo, magkasama na tayo. Mapagkakatiwalaan mo ako," at hinawakan niya ito sa kamay.
Matamang tumingin sa kanya si Ysabelle bago ito nagsalita. "Hiniling kasi ni Gener na isuko ko sa kanya ang aking p********e pero hindi ako pumayag. At dahil doon ay nag-away kami... N-nakipaghiwalay siya sa akin!" sumubsob ito sa sarili nitong mga palad at doon ito muling umiyak.
Niyakap ito ni Dash upang kalmahin. "Tahan na, Ysabelle. Tama lang ang iyong ginawa. Hindi si Gener ang uri ng lalaking nararapat sa iyo," aniya pero sa loob niya ay nagdiriwang siya. Kailangan na niyang samantalahin ang pagkakataon.
MASAYANG naliligo sa dagat sina Dash at Ysabelle sa dagat nang may mapansin si Dash sa beywang ni Ysabelle. Isa iyong tattoo na itim na paru-paru. "Bakit may tattoo ka sa beywang, Ysabelle?" tanong niya.
"Ah, ito ba? Ang tattoo na ito ay tanda ng pagkakaibigan namin ng pinsan ko. Maganda ba?"
Tumango siya. "Oo. Maganda! Gusto ko rin magpalagay niyan bilang tanda rin ng ating pagkakaibigan..."
"Ano kaya kung magpa-tattoo ka rin, Dash?" suhestiyon ni Ysabelle.
"Parang iyan din ang sinabi ko," at nagkatawanan sila. Kaya ng araw din na iyon ay nagtungo ang dalawa sa bayan upang magpalagay din si Dash ng tattoo na katulad ng kay Ysabelle.
"D-DASH, anong ginagawa mo dito?"
Inaasahan na ni Dash na magugulat si Gener sa pagpunta niya sa bahay nito. "Hindi mo ba ako papapasukin sa loob?" nakangiting turan niya.
Tuluyan nang binuksan ni Gener ang pinto para makapasok siya. "Tuloy ka," anito.
Pagkapasok ay umupo siya sa sofa at iginala niya ang paningin. "Mag-isa ka lang ba, Gener dito?" tanong ni Dash. Naitanong niya iyon dahil napansin niya na tahimik ang bahay.
Sumagot si Gener matapos nitong umupo sa upuan na nasa harapan niya. "Oo, ako nga lang mag-isa. Nagpunta kasi sina Mama at Papa sa Cebu. Namatay kasi si lolo..."
"Bakit hindi ka sumama?"
"Hindi pwede, eh. Alam mo naman na sa makalawa na ang periodical exams natin, diba?"
Tumango siya. "Sabagay. Eh, si ate mo, 'asan?" dalawa lang kasing magkapatid sina Gener.
"Si ate naman, nasa Manila na. Nag-start na siya sa OJT niya sa isang hospital doon." Ilang segundo rin silang nagkatitigan bago muling binasag ni Gener ang katahimikan. "Bakit ka nga pala napunta dito?"
"Gusto ko sanang humiram ng notes sa Filipino. Hindi kasi ako nakapangopya kahapon," aniya.
"Sige ba! Saglit lang at kukunin ko sa kwarto ko. Hintayin mo lang ako dito, okey?"
Pagkasabi noon ni Gener ay nagtungo na ito sa kwarto nito. Sinundan ni Dash ito ng tingin. Ito na ang tamang panahon para isagawa niya ang kanyang plano. Kinakabahan man ay kailangan niyang gawin ito alang-alang sa pag-ibig niya kay Gener.
Tumayo si Dash mula sa pagkakaupo at pumasok rin sa kwarto ni Gener. Nakatalikod ito sa gawi niya at hinahalungkat ang bag nito. Pagharap nito sa kanya ay kita niya ang gulat dito. "D-dash! A-anong ginagawa mo dito? `Di ba, sabi ko doon ka lang sa salas. Ito na nga pala iyong notes sa Filipino," at inunat nito ang braso para iabot sa kanya ang hawak nito.
Namumungay ang mga mata ni Dash nang lumapit siya kay Gener. Kinuha niya ang hawak nitong notebook pero ibinagsak niya lang iyon sa sahig. Halos isang dangkal na lamang ang layo ng mukha nila sa isa't-isa. Hinubad agad ni Dash ang suot niyang blouse at isinunod na rin niya ang kanyang bra. Lumantad sa harapan ng lalaki ang 'di kalakihan niyang dibdib.
Kinuha ni Dash ang isang kamay ni Gener at dinala niya iyon sa kanyang dibdib. "Ito ang gusto mo, diba? Ito ang hindi kayang ibigay sa'yo ni Ysabelle. Ako, Gener...kayang-kaya kong ibigay lahat sa iyo mahalin mo lang ako!"
Sinalikop ni Dash ang baba ng nakatulalang si Gener at inabot ng labi niya ang nakaawang nitong labi. Bahagya siyang napaungol nang magsimulang gumalaw ang kamay ni Gener na nakapatong sa kanyang dibdib. Gumaganti na rin ng halik sa kanya ang lalaki!
"Sorry ka na lang, Ysabelle. Akin na ngayon si Gener!" bulong niya sa kanyang sarili habang inihihiga siya nito sa kama.
HALOS umusok na ang paa ni Dash sa paghabol kay Gener. Wala na siyang pakialam kahit na nakakabangga na niya ang ilang estudyante na nakakasalubong niya.
"Gener, sandali!" Sa wakas ay nahawakan niya ito sa braso. Humarap sa kanya ang lalaki. "B-bakit ba parang umiiwas ka sa akin?"
"Bakit? May dapat ba tayong pag-usapan, Dash?"
Nahihiyang sumagot si Dash. "Hindi ba't tayo na? May nangyari na sa atin!" Hinawakan siya ni Gener sa kanyang braso. Mahigpit at masakit. "Ano ba, Gener?! Nasasaktan ako!" piksi niya. Dinala siya nito sa gilid ng isang classroom.
"Init lang ng katawan ang nangyari sa atin, Dash! Alam kong matagal mo na akong gusto at ngayon pa lang sinasabi ko na sa iyo na tigilan mo na ang ilusyon mo sa akin!"
Napakasakit ng mga binitiwan nitong salita. Wala lang pala dito ang nangyari sa kanila. "P-pero paano na ang nangyari sa atin, Gener? Pinagparausan mo lang pala ako. Hayop ka!"
"Ikaw ang nagpakita ng motibo. Isa pa, nagkabalikan na kami ni Ysabelle!" deklara nito.
Isa-isang naglaglagan ang mga luha niya. "N-nagkabalikan na kayo? P-pero..." hindi na niya naituloy ang sasabihin. Nilukob na siya ng galit. Pinagbabayo niya sa dibdib si Gener habang pilit naman siyang inaawat nito. "Hayop ka! Ginamit mo lang ako! Walanghiya!"
"Ikaw ang may gusto na may mangyari sa atin!" sigaw ni Gener sa kanya.
"Ysabelle!" gulat na bulalas ni Dash nang mapansin niyang nasa likuran pala ni Gener ang kanyang kaibigan. "K-kanina ka pa diyan?"
Pagharap ni Gener ay malakas na sampal ang natanggap nito kay Ysabelle. "Ang baboy niyo!" at nagtatakbo ito palayo.
"Kapag hiniwalayan ako ni Ysabelle, pagsisisihan mo 'to, Dash!" banta ni Gener sa kanya bago nito sinundan ang nobya.
Nang mapag-isa si Dash ay tila natauhan siya. Hindi siya makapaniwalang nagawa niyang pagtaksilan ang kanyang matalik na kaibigan. Masyado siyang nabulag sa pagmamahal niya kay Gener.
"YSABELLE, pwede ba tayong mag-usap?" Natagpuan ni Dash na mag-isang nagbabasa ng aklat si Ysabelle sa library.
Nang makita siya ni Ysabelle ay masama siya nitong tiningnan. Isinara nito ang binabasang aklat. Akmang aalis na sana ito pero hinarangan niya ang daraanan nito. "Umalis ka nga sa daraanan ko!" galit na turan ni Ysabelle.
"Ysabelle, sorry. H-hindi ko sinasadya," sincere na paghingi ng tawad ni Dash.
"Nagpapatawa ka ba? Anong hindi sinasadyang pinagsasabi mo?"
"Ibalik natin ang dati. Buuhin nating muli ang friendship natin, please..."
"At talagang umaasa ka pa na maibabalik natin ang dati? Hindi na, Dash!"
"Ano bang gusto mong gawin ko para mapatawad mo ako?"
"Mamatay ka muna!" anito at wala na siyang nagawa nang iwan na siya ni Ysabelle.
"KAIBIGAN mo pala si Ysabelle?" putol ni Bridgette sa kwento ni Dash.
Tumango ito. "Oo pero noon iyon."
"Teka, ano nang nangyari kay Ysabelle? Nasaan na siya?"
Tiningnan siya ni Dash at muli itong nagsalaysay sa kanya...