HALOS madurog ang puso ni Dash nang makita niyang mag-kausap sina Ysabelle at Gener sa canteen. Sa tingin niya ay nagkabalikan na ang dalawa. Talagang mahal na mahal pala ni Ysabelle ang lalaking iyon. Biruin mo, kahit na napakalaki ng kasalanan nito ay nagawa pa rin nitong magpatawad.
Talagang nagsisisi na siya sa katangahan na nagawa niya. Ngunit hindi na maibabalik ang lahat. Ang buhay ay hindi parang aklat na pwedeng mong ulit-ulitin. Ang kailangan niyang gawin ay humingi ng tawad sa dalawa.
"Umalis ka na sa inyo, Ysabelle. Baka kung ano pa ang gawin sa iyo ng nanay mo," iyon ang narinig ni Dash na sinabi ni Gener kay Ysabelle. Malapit lang ang kinaroroonan niya sa mga ito kaya naririnig niya ang usapan ng dalawa.
"Ayokong iwan si Inay. Kukumbinsihin ko siyang tumiwalag sa grupong kinabibilangan niya," sagot naman ni Ysabelle.
NAGISING si Ysabelle sa gitna ng gabi nang maramdaman niya na gumalaw ang kanyang kama. Nakita niya na nakupo ang kanyang nanay na si Magda sa gilid ng kanyang kama. Tanging ang sinag ng buwan na tumatagos sa bintana niya ang tumatanglaw sa nanay niya. Tulad ng nakasanayan ay suot na naman nito ang kulay pulang damit at palda. Nanlalaki ang mga mata nito na napapalibutan ng itim na marka habang nakatitig sa kanya. Gulo ang buhok. Nakabuka ang bibig ngunit walang tinig na lumalabas.
"I-inay? A-anong ginagawa niyo dito? Gabing-gabi na, ah," gulat na bulalas niya.
Umusog ito palapit sa kanya. Nakaramdam siya ng takot. "Patawarin mo ako, anak. Ikaw ang pinili. Ikaw ang kailangang isakripisyo!" Masuyong hinaplos-haplos ng nanay niya ang buhok niya.
Gusto niyang iiwas ang sarili ngunit nakasandal na siya sa dingding. "Ano po ang ibig niyong---" Hindi na naituloy pa ni Ysabelle ang sasabihin dahil biglang humigpit ang pagkakahawak ng nanay niya sa kanyang buhok at iuntog siya sa dingding.
Unti-unti ay nawalan siya ng malay.
IKINURAP-KURAP ni Ysabelle ang kanyang mga mata hanggang sa masanay na siya sa liwanag. Doon niya nakita ang kanyang ayos. Nakatali ang mga kamay at paa niya sa sarili niyang kama.
Masakit ang ulo niya at ramdam niya ang dugong natuyo doon.
Bumukas ang pinto. "Gising ka na pala, anak!" sabi ng pumasok na nanay niya na si Magda. May dala itong maliit na palanggana at bimpo.
"Pakawalan niyo ako?! Ano ito, inay?!"
Inilapag ng Inay Magda niya ang palanggana sa side table. Inilublob doon ang bimpo at pinunasan ang sugat niya. "Kailangang malinis ka kapag ihaharap ka sa diyos na may labingtatlong mata!" anito.
"Diyos? Anong diyos ang pinagsasabi niyo?! Demonyo ang sinasamba mo!"
Biglang nanlisik ang mga mata nito. "Estupida! Siya ang tunay na magliligtas sa atin! Sa makalawa, sa pagbilog ng buwan, iaalay ka na, anak! Dapat matuwa ka dahil isa ka sa hinirang!"
Matapos iyon ay mag-isang iniwan na siya sa kwartong iyon. Iginala niya ang paningin. Kailangan niyang makatakas dahil malakas ang kutob niya na hindi maganda ang mangyayari sa kanya.
Naalala niya ang cellphone na inilagay niya sa ilalim ng kama bago matulog. Inusog niya ang unan sa pamamagitan ng kanyang ulo at lumabas ang cellphone niya. Paano niya magagamit iyon kung nakatali ang dalawa niyang kamay?
"NAKATAKAS ba si Ysabelle? Natuloy ba ang pag-alay sa kanya ni Tiyang Magda?" muli ay putol ni Bridgette sa kwento ni Dash.
Isang misteryosong ngiti lang ang isinagot sa kanya ni Dash at ipinagpatuloy nitong muli ang kanyang kwento...
LABIS ang tuwa ni Ysabelle nang sa wakas ay maputol na niya ang tali sa kaliwang kamay niya. Matiyaga niyang ikinuskos ang tali sa gilid ng headboard hanggang sa maputol iyon. Kinuha niya agad ang cellphone at nag-browse siya sa pwede niyang tawagan.
Nadaanan niya ang number ni Dash. Hindi na siya nagdalawang-isip na tawagan ito.
"Hello, Dash! Tulungan mo ako... Si Inay, kinulong niya ako!" sabi niya agad nang kumonekta na ang linya.
"Ysabelle, 'asan ka?!"
"Nandito ako sa bahay. Tulungan mo ako. Itakas mo na ako dito!" umiiyak na siya.
Hindi na narinig ni Ysabelle ang mga sasabihin pa ni Dash dahil nabitiwan niya ang hawak na cellphone nang bumukas muli ang pinto at pumasok si Inay Magda niya.
HINDI mapakali si Dash. Isang araw na ang nakalipas simula ng makatanggap siya ng tawag mula kay Ysabelle. Humihingi ito ng tulong.
Gusto niyang sabihin kay Gener ang nangyayari kay Ysabelle ngunit nagdadalawang-isip siya. Baka kung ano ang isipin ni Ysabelle kapag nakita nitong magkasama na naman sila ng nobyo nito. Kailangang bumawi siya sa kaibigan. Mamayang gabi...pupuntahan niya ito.
HININTAY muna ni Dash na mamatay ang ilaw sa bahay nina Ysabelle. Senyales na matutulog na si Tiyang Magda. Alas-diyes pasado na. Naghintay pa siya ng ilang minuto bago pumakabila sa bakod. Una niyang pinuntahan ang front door. Pag-ikot niya ng door knob ay napag-alaman niyang hindi iyon naka-lock kaya naman madali siyang nakapasok sa loob.
Madilim ang loob ng bahay. Umakyat siya sa ikalawang palapag. Alam niyang naroon ang silid ni Ysabelle dahil minsan na siyang naisama ng kaibigan doon. Pagpasok niya sa loob ng kwarto ay nakita niya si Ysabelle na nakatali sa kama nito.
"Ysabelle!" at dagli siyang lumapit dito.
"D-dash? Ikaw ba iyan?" inaaninag nito ang mukha niya sa dilim.
"Ako nga ito, Ysabelle. Huwag kang mag-alala. Papakawalan kita," aniya habang tinatanggal ang pagkakatali ng kaibigan. Agad niyang niyakap si Ysabelle nang makawala na ito. "Bakit ka ba nakatali? Sino may gawa sa iyo nito?"
"Si Inay Magda. Iaalay niya ako sa diablo! Kailangan na nating makaalis dito!"
"Sige. Pero, teka lang, Ysabelle. Gusto ko lang humingi sa iyo ng tawad sa ginawa ko sa iyong pagtataksil. Ngayon ko lang na-realize na mali ang ginawa ko. Dapat pala inisip ko ang pagkakaibigan natin..." pagkasabi niya noon ay napansin niya na nagbago bigla ang ekspresiyon ng mukha ni Ysabelle. Sumeryoso iyon at biglang nanlisik ang mga mata. "Y-ysabelle...ayos ka---"
Bigla siyang sinakal ni Ysabelle. "Hayop ka! Malandi ka! Ang dapat sa iyo ay mamatay!"
HINDI na napigilan ni Ysabelle ang sarili at sinakal na niya si Dash matapos nitong humingi ng tawad sa kanya. Muli niya kasing naalala ang pagtataksil na ginawa nito. Muli niyang naramdaman ang sakit!
"Ysa...belle... Ugh!" hindi na makapagsalita ng maayos si Dash sa sobrang higpit ng pagkakapiga niya sa leeg nito. Wala siyang pakialam kahit na namumuti na ang mga mata nito.
"Napakasakit ng ginawa mo sa akin, hayop ka! Itinuring kitang kapatid, Dash!"
Kinuha niya ang flower vase na nakapatong sa lamesa sa gilid ng kama at puwersadong ipinukpok niya iyon sa ulo ni Dash. Nawalan ito ng malay. Agad gumana ang isip niya. Kapag nalaman ng Inay niya na nakatakas siya ay siguradong hahanapin pa rin siya nito. Tiningnan niya ang walang malay na si Dash.
Hinubaran niya ito ng damit at maging siya ay naghubad din. Nagpalit sila ng damit. Inayos niya ang pagkakahiga ni Dash sa kama. Ngunit malalaman pa rin ng Inay niya na hindi siya ito dahil sa hindi naman sila magkamukha!
"K-kailangan kong sirain ang mukha mo..." bulong ni Ysabelle sa sarili. Desperada na siya.
Nagtungo siya sa banyo at pagbalik niya ay may dala na siyang muriatic acid. Ibinuhos niya ang laman noon sa mukha ng walang malay na si Dash.
"PAGGISING ko, maraming taong nakasuot ng pula ang nakapalibot sa akin. Sinabi kong hindi ako si Ysabelle pero ayaw nilang maniwala!" kitang-kita ni Bridgette ang pagluha ni Dash habang nagsasalaysay ito. "At nang iharap na nila ako sa diablo ay lumuha ito ng dugo. Para silang mga baliw na nag-iyakan habang sinisigaw nila na hindi na ako birhen... Bilang parusa sa akin ay pinatay nila ako! Ibinigay ang bangkay ko kay Tiyang Magda!"
Napanganga si Bridgette. "H-hindi..." gumagapang na ang kilabot sa kanyang katawan.
"Oo, Bridgette! Ang karne na kinakain mo araw-araw ay ang katawan ko..." sabay ngisi nito sa kanya.
Umikot ang paningin ni Bridgette at tila hinahalukay ang kaniyang tiyan. Sumuka siya sa buhangin ngunit puro laway lamang ang lumalabas sa kanyang bibig. Pagtingin niya sa kinauupuan ni Dash ay wala na ito.
Ibig sabihin ay multo na lang si Dash?
Binigyan siya nito ng babala. "Kailangang makaalis na ako kay Tiyang Magda. Ayokong matulad kay Dash..." tumayo na siya.
Ngunit sa paglisan niya sa lugar na iyon ay isang katanungan pa rin ang naglalaro sa kanyang isipan... Nasaan na nga ba talaga si Ysabelle?
HINAWI ni Fely ang mga estudyante na nagkukumpulan sa sinasabing mag-aaral na nakitang patay sa garden tools room. Napatigil siya sa paghakbang nang makita niya ang kulay dilaw na police line.
"Ma'am, hindi po kayo pwede dito," pigil ng pulis.
Hindi na siya nakapagsalita pa ng makilala niya kung sino ang namatay.
Si Patrick!
Patihaya itong nakahiga at may palakol na nakatusok sa likod ng ulo nito. Dilat ang mga mata nito at tila sa kanya ito nakatingin...