XVIII. Breath of Fresh Air.
"WATCH WHERE you're going!" Bahagyang inis na sita ng nakabungguan ni Kiel na babae. Natapon ang alak na nakalagay sa tray at nagpapasalamat na lang siya na hindi 'yon natapon sa mismong damit noong nabunggo niya o ng kung sino man.
Baka napabayad na naman siya kung sakali.
"Sorry, pasensya na... pasensya na talaga."
Inirapan lang siya noong babae saka inaya na ang mga kasamang kaibigan para magtuloy sa paglalakad sa club.
Ikinusot ni Kiel ang mga mata at hindi matukoy kung bakit siya nahihilo, naisip niya na lang na baka dahil lang sa patay-sindi na mga ilaw sa paligid. Sigurado naman siyang masyado pang maaga at malayo pa ang alas dose ng gabi na breaktime ng iba sa kanilang mga waitress, kaya naman wala siyang choice kundi ang indahin ang hilo at magpatuloy sa pagtatrabaho.
"Kiel."
"Brent?"
"Oh. Okay ka lang?" Nasalo siya nito nang muntik na namang matisod. Daig niya pa ang nakainom sa pag-ikot ng paningin niya.
Mariin niya lang na ipinikit ang mga mata at idinilat. Tinanguan niya ang binata at marahang inalis ang pagkakahawak nito sa kaniyang mga braso.
"Okay lang ako, may kailangan ka ba? Aakyat pa naman ako rito sa VIP floor mamaya-maya... babalik lang ako sa baba para kumuha ng mga alak."
"Are you sure okay ka lang? You look pale."
"Pale naman talaga ako palagi, puyat ako gabi-gabi 'di ba?"
"Right. Wala naman akong kailangan... um, nakita lang kita bigla. Kumusta pala?"
Natatawang kinunutan lang ng noo ng dalaga ang kausap. "Talaga ba, Brent? Dito mo talaga ako kukumustahin? Kailangan ko pa magtrabaho. Bumalik ka na sa table ninyo."
Nag-umpisang maglakad patungo sa hagdan pababa si Kiel at mahigpit na kumapit sa handrail o bannister nang maramdaman na naman ang hilo. Sa pagkakataon na 'yon ay naramdaman niya nang nanlamig ang kaniyang katawan at namanhid ang ulo.
Nakita niyang humabol pa rin si Brent at hindi siya nilulubayan. Nakasunod at kahit sa ibang direksyon sa harapan nila nakatingin ay nakangising kinakausap at kinukulit siya, gaya ng usual nitong energy sa tuwing makikita siya sa paligid.
Ang kaibahan lang ay hindi na ito nakukuntento sa pagsunod lang ng sulyap sa kung saan siya magpunta at mag-serve ng drinks, hindi na ito nakatiis at talagang nilapitan siya nang magkaro'n ng tyansa.
"Bawal ba? Hindi mo pinapansin ang mga messages ko sa social media account mo, inisip ko tuloy na baka sumama ang loob mo sa naging pag-uusap niyo ni Mom."
"Hindi lang ako masyadong nagso-social media nitong mga nakaraan, baka hindi ko rin napansin na nag-message ka pala." Pagsisinungaling niya rito.
Wala siyang ibang espesyal na nararamdaman para kay Brent. Ang atensyon niya ay na kay Gino at sa mga pinararamdam nito sa kaniya ngayon. Kaya naman naisip niya rin na sundin ito at 'wag nang masyado pang kausapin o lapitan si Brent.
Pinag-iipunan niya lang mabuti ang ipapambayad sa utang niya rito at sigurado naman siyang mababayaran niya na 'yon sa susunod na buwan. Pagkatapos no'n ay balak niya nang diretsuhin ang binata na h'wag na siyang lapitan o kulitin pa.
"I don't buy it, I'm still not convinced."
"Bahala ka, pero totoo 'yon. Hindi talaga ako nagtatampo o galit, wala kang atraso sa 'kin. Lubayan mo muna ako at nagtatrabaho pa 'ko, para mabayaran ko na ang utang ko sa 'yo."
Tumigil sandali si Kiel nang bahagyang mag-malfunction ang kanyang pandinig at tumindi ang pagkahilo. Naisip niyang kailangan niyang makapunta muna sandali sa dressing room nila para magpahinga.
Natawa ang binata sa huli nitong sinabi. "Mabuti naman. Pero kung talagang hindi, then... um, may paparating kasi kaming gig ng mga kaibigan ko. Next week. Wala 'kong maisip na isama, so..." hinimas nito ang sariling batok at nilingon ang kausap, "pwede ka ba ayain?"
Hindi na 'yon narinig pa ni Kiel nang mabuti at nang tangkain na magpatuloy sa pagbaba ng hagdan ay tuluyan nang nandilim ang paningin, nawalan na siya ng malay.
Mabuti na lang at maagap na nasalo siya ni Brent sa braso at beywang, kaya naman ang tray at ilang baso mula roon lang ang nahulog sa hagdan pababa at hindi ang katawan niya.
Natatarantang tinapik siya ni Brent at sinubukang gisingin pero wala na siyang response, nagtinginan ang mga taong nakapansin habang binuhat naman siya ng binata at dire-diretsong nagtungo sa labas para dalhin ito sa sasakyan niya, at dalhin sa pinakamalapit na ospital.
"PARE! IKAW na ang bayani ng taon! E mabilis ka pa yata sa ambulansya ng barangay eh!"
"Just shut up already, Hansel. Kanina mo pa 'ko tinatawag na bayani ng taon."
Nagtatawanan naman sa gilid sila Levi, Jameson, at Finn.
Nasa ospital sila ngayon at sumunod kaagad kay Brent nang mag-abiso ito sa text message kay Levi na nagpunta siya roon. Nagmamadali pa sila noong una dahil buong akala nila ay may nangyaring masama o aksidente sa kaibigan, pero pagdating sa kwarto na sinabi nito ay naabutang malakas at nakatayo naman sa gilid ng hospital bed si Brent.
Binabantayan ang babae na mapayapayang nagpapahinga sa hospital bed.
"So, ang sinasabi mo ba ay nakita mong nahimatay 'yung waitress na 'yan sa harapan mo at ang initial instinct mo ay isugod siya rito sa ospital?"
"At sa private hospital pa talaga na ikaw pa mismo ang magbabayad ng bill?"
"Marami ka namang pera so okay lang, pero kung sa 'kin nangyari 'yan. I'd rather pretend blind, sayang pambayad ng bill, pambili ko na lang ng alak. Gigising din naman 'yan kinabukasan e, baka lasing?"
"Kilala ko rin siya. Actually, siya 'yong nagbalik ng phone ko."
"Really? What a small world!"
"Kung hindi rin dahil sa kaniya baka iba pa ang nakakuha ng cellphone ko, alam niyo naman kung bakit mahalaga 'to no'ng mga panahon na 'yon."
Tumatawang nailing si Levi. "Oh, yeah right. Nariyan nga pala ang mga proof mo na nag-cheat si Jacque. Nai-send mo na ba kay Tita? 'Di ka na ba pinipilit makipagbalikan?"
"Let's just not talk about her here." Awat ni Finn. Hindi umimik si Brent at nanahimik lang nang 'yon na ang maging topic ng usapan nila.
Kahit ilang buwan na ang lumilipas ay masasabi niyang hindi pa rin talaga siya nakakausad kapag 'yon na ang pinaguusapan. Minsan ay sinisisi na lang niya ang sarili at gustong maniwala sa mga kaibigan, na kaya malalim ang sugat ay dahil malalim din siya kapag nagmamahal ng babae.
"Mabalik tayo rito." Pag-iiba ni Hansel ng usapan habang lumalapit sa natutulog na si Kiel. Bahagyang inilapit ang mukha para titigan mabuti ang mukha ng dalaga. "Parang bata pa ah, ilang taon na 'to?"
"I don't know pero sigurado akong above 18. She's already working in the club."
Natawa si Hansel. "You better be sure, man. Baka makasuhan ka pa rito kung minor 'to."
"Shut up, Hansel."
"Don't tell me siya rin 'yong kursunada mo sa Galaxy?" Nangingising pang-aasar na segunda ni Jameson. "Come on, we all know na hindi mo naman habit ang maging concerned citizen bigla sa kung sino lang diyan."
"Pero nagtatrabaho sa club? I think she's just not his type, baka nakakarami na ng body count 'yan?"
"Hey. Don't talk about her that way." Maagap na saway niya sa mga kaibigan. "She's not like who you think she is."
Sumipol si Jameson. "Gaano mo na ba siya katagal kakilala? Dude, you talked like you're one of her closest friends."
"Sandali pa lang..."
"Base sa sinabi mo mukhang hindi naman 'sandali pa lang'. One month ba? Kaya ba one month na rin na palaging Galaxy ang go-to club nating lima?"
Nag-umpisa ang kantyawan.
Pinag-angatan sila ng mga kilay ni Brent at palapit sana rito para bigyan ng mahinang suntok ang nagtutulungan sa pangangantyaw na mga kaibigan, nang ituro ni Finn si Kiel.
"Bro, she's awake."
Mabilis na lumingon si Brent doon at nakahinga naman nang maluwag ang mga nang-aasar na kaibigan nang bumalik ulit ito sa gilid ng hospital bed.
NANG tuluyang magising si Kiel ay kinumusta kaagad ni Brent ang nararamdaman nito, ayos naman na siya at hindi na nakakaramdam pa ng pagkahilo kaya naman nakahinga sila nang maluwag. Matapos din ipakilala ni Brent ang mga kaibigan niya ay nagdesisyon ang mga ito na bumalik ng Galaxy para ituloy ang pag-iinom.
Pinaliwanag niya rin na Hypoglycemia lang ang nangyari rito kaya hinimatay. Dulot lang ng hindi pag-kain kaya bumaba ang sugar sa dugo.
Doon na sila nagpalipas ng gabi kahit na gusto na sanang lumabas ni Kiel at magbalik sa pagtatrabaho dahil wala pa sa kalahati ang naipasok niyang oras sa club para sa gabing 'yon. Hindi naman siya pinayagan ni Brent at sa halip ay pinagpahinga na lang habang umorder din ito ng maraming pagkain para sa kaniya.
"Brent, hindi ko alam kung ano pang mukha ang ihaharap ko sa 'yo. Nahihiya na 'ko."
"Don't be. Mas nag-aalala ako sa kalusugan mo, mabuti na lang pala talaga nilapitan kita kagabi. Kung hindi, baka nahulog ka sa hagdan at mas malaki pa ang naging problema." Nangingiting tinapik nito ang sariling dibdib. "Instinct works."
Hindi napigilang matawa nang mahina ni Kiel. Ngayon ay nasa sasakyan na sila ng binata at babyahe na pauwi. Ihahatid siya ni Brent gaya ng presinta nitong gawin kaya naman abot-abot na ang hiya niya sa lahat ng ginawa nito para sa kaniya.
Hindi rin siya pinagbayad sa hospital bills. Nag-aabot siya ng dalawang libo kahit na 'yon na ang ba-budgetin sa mga susunod na araw pero hindi rin tinatanggap ni Brent.
"Maraming salamat talaga. Sa susunod hindi na 'ko magpapagutom, sinadya ko rin kasing h'wag kumain kagabi. Parang ang huling kain ko no'n ay no'ng nakaraan pa. Hell week din kasi."
"Kaya pala hindi kita nakakausap no'ng mga nakaraan." Tumatango-tango na saad nito habang nagmamaniobra ng manibela. "H'wag mong pabayaan ang sarili mo, please. Sa unhealthy daily routine mo, 'yon na lang ang magagawa mo para sa sarili mo."
"Parang ang dami kong binubuhay, ano?"
"May mga anak ka na ba?" Pabirong bwelta ni Brent sa kaniya.
Hindi naiwasan ni Kiel ang matawa.
"Lola ko at nanay ko lang naman ang binubuhay ko, sarili ko rin pala."
"Walang trabaho ang mama mo?"
Bumuntonghininga ang dalaga. "Hindi na siya nagtrabaho no'ng nakapasok ako riyan sa club. Mas lumakas pa nga magsugal." Pagkuwento niya. "May sakit naman si Lola, baka nga lumuwas kami ng Maynila kapag nakaipon ako."
"Doon mo siya ipapatingin?"
Tumango si Kiel.
"Sabihan mo 'ko, may mga kakilalang doktor si Mommy ro'n. Saka may mga hospital director din kaming family friend, para makaiwas kayo sa hassle ng pabalik-balik o kaya mahahabang pila. Alam mo na, special treatment." Kumindat ito.
Napangiti si Kiel. "Brent, thank you... hindi pa 'ko nakakabayad sa una kong utang sa 'yo, mayro'n na namang panibago. Umamin ka nga, sinasadya mo ba?" Natatawa niyang biro rito.
"Kaya nga palagi akong nakadikit sa 'yo e, hindi mo ba napapansin? Para lumaki pa lalo ang utang mo." Pabiro nitong sambit.
Inirapan niya ito kahit na nangingiti ang mga labi. Saka humugot ng pera mula sa bulsa ng suot. "Ito na nga pala ang 1/4 ng 20k na utang ko sa 'yo... palagi kong nakakalimutan iabot. 'Yan lang muna sa ngayon, marami pa kasing bayarin."
Sinulyapan lang ni Brent ang pera sa kamay nito na nakalahad sa direksyon niya.
"Just keep it. Ibigay mo na lang kapag buo na."
"Hindi 'yon posible, baka maibigay ko lang kay Mama 'yan at maipang-sugal niya. Kunin mo na, Brent."
"Gamitin mo na lang 'yan sa kung sa'n mo kailangang gamitin. Hindi ko pa naman kailangan ng pera."
"Brent-"
"Kiel, believe me, hindi ko pa kailangan ng pera. Okay lang kahit magamit mo muna sa mga kailangan mong paggamitan."
"O-Okay, sabi mo e." Binawi ni Kiel ang kamay at itinago ang pera pabalik. Naisip niyang may mga kailangan nga siyang bilhin na gamit para sa apartment unit niya kaya ro'n na lang niya muna gagastusin ang pera. "Ipambibili ko na lang 'to ng mga unan at kaldero para sa apartment."
"Kailan? Saan ka bibili? May kasama ka na? Can I go with you?"
Napabuga ng mahinang pagtawa si Kiel at nahihiwagahan na nilingon ang binata. Nilingon din siya nito at tila natauhan nang itago ang mga labi sa bibig.
"What? Marami akong free time, eh. Saka... ganito talaga ako kapag bored. So... ano?"
"H'wag na-"
"Ganito na lang, since hindi naman kita pinagbayad ng hospital bills, hayaan mo na lang akong samahan at guluhin ka. Wala rin naman akong gagawin sa condo ko, bale pareho tayong magbe-benefit sa pagka-bore ko. So ano?" Pangungulit pa nito.
Gustong matawa nang tuluyan ni Kiel, deep inside alam niyang sincere at malinis naman ang intensyon nito sa pagsama sama sa kaniya dahil so far ay wala pang pagkakataon na may hiningi ito o ipinilit mula sa kaniya na hindi siya komportableng ibigay.
Nagtungo sila sa binanggit niyang malapit na appliances store malapit sa apartment unit niya. Sinamahan pa siya nito sa mismong loob at kumuha ng malaking push cart.
"Bakit 'yan ang kinuha mo? Kaunti lang naman ang bibilhin ko." Natatawang sita ni Kiel dito habang naglalakad sa area kung nasaan ang mga kitchenwares. "Dalawang kaldero, ilang mga sandok, at siguro dalawang unan lang."
"Wala lang. H'wag ka nang magreklamo, pwede ba? Ako naman ang magtutulak."
Habang naglalakad ay walang minutong naging patay sa pagitan nilang dalawa, hindi maubos-ubos ang mga tanong ni Brent tungkol sa buhay ng dalaga. Nags-share rin ito kung sakaling may pagkakapareho sila o kung may itatanong si Kiel sa kaniya.
Masaya lang silang nagtatawanan habang namimili ng mga gamit.
"Teka, bakit mo ba nilalagay 'yan diyan. Tignan mo, sobrang mahal nito, hindi ko 'yan bibilhin." Reklamo ni Kiel habang kinukuha ang takure na inilagay ni Brent sa push cart matapos tignan 'yon at magustuhan.
"Sino ba nagsabing ikaw ang bibili? Para sa condo ko 'yan." Kinuha ulit 'yon ng binata at binalik sa cart. "Kaya h'wag ka nang makialam, okay? Pero pwede mo rin ako tulungan kung anong design ang mas maganda sa paningin mo."
Iniirapan na pinag-angatan siya ng kilay ni Kiel.
Masayang nagkukuwentuhan lang sila buong oras at sa kada may madadaanan ang binata na magandang gamit sa bahay ay inilalagay sa pushcart matapos mabusising tignan.
"Alin ang mas gusto mo rito sa dalawa?" Asik ni Brent habang ipinapakita ang mga hawak na non-stick pan. Parehong maganda ang quality at kulay kaya naman pareho ring mahal.
"Mmm... 'yung Beige ang kulay. Ang ganda sa paningin, kung yayaman ako bibili rin ako ng maraming ganiyan."
Napangiti si Brent at tumatango-tango habang inilalagay sa cart ang pinili nito.
"This is so stres-relieving to do, right? Ang mag-shop ng mga gamit sa bahay."
"Oo, stress-relieving kung maraming pambili gaya mo. Sa 'kin, sakto lang. Masaya rin naman, may bago na 'kong mga unan." Sinulyapan ni Kiel ang cart at nagtatakang nag-angat ng tingin sa kasama. "Parang kumpleto ka naman na ng gamit sa condo unit mo, talaga bang kailangan mo pa ang lahat ng 'yan?"
"Yup."
Natatawang inilingan na lang niya ang binata.
"Kapag mag-grocery ka rin, sabihan mo 'ko. Gusto ko ring sumama."
"At makiki-grocery ka rin? Ano bang trip mo sa buhay mo?" Natatawang asik ni Kiel. Kalalagay lang nila ng mga ipinamili sa trunk ng sasakyan.
Umihip ang malamig na hangin ng umaga sa kanilang balat. Maganda rin ang sikat ng araw at hindi masyadong mainit, pakiramdam ni Kiel ay magaan ang lahat sa araw na 'to.
Saka siya natigilan nang matitigan ang kausap na abala sa pagsasalita.
Tila breath of fresh air si Brent sa buhay niya ngayon tuwing nakakasama niya. Palagi pang lumilitaw ito sa pagitan ng mga araw na mabibigat at malulungkot, para bang time out at breaktime niya sa lahat-lahat.
Nagulo lang ang pag-iisip niya na 'yon nang maalala si Gino. Hindi niya naisip ito kaagad bago pa pumayag na samahan siya ni Brent. Kailangan na naman niyang itago rito ang tungkol sa lakad nila ngayong araw.
"Nothing. Ganito lang ako ma-bore, h'wag ka na lang kumontra, okay? Saka libre na nga ang sakay mo oh, hindi mo na kailangan magbayad ng mahal sa tricycle. Ayos ba?" Nawala sa dalaga ang atensyon niya nang may mapansin na matandang palapit.
Mukha itong gusgusin at base sa hitsura at kulubot ng mga balat ay nasa 70s o 80s na. May hila-hilang kariton pero hindi basura o mga dyaryo ang laman kundi mga maliliit na bote at iba't ibang uri ng halaman na tuyo.
"Ang ganda-ganda niyo naman pagmasdan, ang saya-saya ninyong dalawa."
Napalingon din si Kiel dito at hindi alam kung mangingiti o mahihiwagahan sa bigla nitong paglitaw.
"Wala namang duda, ang isa't isa kasi ang pahinga ninyo sa kanya-kanyang gulo sa buhay ninyo. Kaya pansin niyo ba, masaya at magaan lang palagi sa tuwing kayong dalawa lang ang magkasama?" Nakangiti na tila tuwang-tuwa ang matanda.
Napabuga ng pagtawa si Brent. "Pansin ko nga po. Pero itong kasama ko, parang hindi naman. Palagi pa rin nagsusungit sa 'kin."
Pabirong hinampas ng dalaga ang braso ng katabi.
"Palagi niyong tatandaan na kayo ang gumagawa ng tadhana ninyo, kapag sumuko ka, ending na." Nakangiti man ay diretso pa rin ang titig nito kay Brent na para bang nakikita pati ang kaluluwa ng binata. Para bang binabasa ang kung ano man doon. "Magiging magulo rin at malubak sa mga susunod na buwan at taon pero may nag-uugnay na pulang sinulid sa mga kamay ninyong dalawa. Nakarinig na ba kayo ng 'twin flame'?"
Nailing si Brent bilang magalang na pagsagot.
"Ano ho 'yon? Manghuhula po ba kayo?"
Nag-aalinlangan na sumulyap si Kiel sa binata at naging hilaw ang ngiti.
"Mauna na po kami, nagmamadali po kasi kami." Magalang na paalam niya nang magumpisang matakot dito. Hinila niya sa manggas ng damit si Brent pero habang hindi pa nakakalayo nang lubusan ay nagpahabol ng sinabi ang matanda.
"Ikaw, iha! Walang sikretong hindi nabubunyag kahit gaano ka pa kahusay magtago. Mahuhuli rin kayo sa ginagawa ninyo, sisirain ng lalaking 'yon ang pananaw mo sa sarili mong halaga at sa pag-ibig. Ano pa bang hinihintay mo, kumalas ka na sa kaniya!"
Mula sa pagbukas ng pinto ng sasakyan ay natigilan si Kiel at gulat na nilingon ulit ang matanda. Tama ba siya ng narinig? Nanlambot ang mga tuhod niya sa biglang pag-ahon ng kaba. Ganoon palagi ang pakiramdam sa tuwing inaatake siya ng takot na may nakakaalam sa pinakamadilim niyang sikreto.
Kumaway ang matanda kay Brent, nakangiti pa rin. "Hindi ikaw ang tinutukoy ko, ha? Mabait na binata. Pero iiyakan mo nang sobra 'yang babae na 'yan. Ingat ka!"