XVII. Manipulation.
HINDI LUMILIPAS ANG kahit isang minuto nang hindi sinisipat ni Kiel ang suot na relo. Nag-aalala siya na baka maabutan siya ni Gino na wala sa apartment at magduda ito sa kung saan siya nagpunta at galing.
"Sigurado ka bang ibababa kita sa Waterlily street? Hindi ba sinabi mong may kailangan kang bilhin do'n?"
"Huh? Um, oo... gamot lang! Kailangan kong bumili ng gamot ni Lola ro'n." Tipid na ngumiti siya rito.
Nagpresinta si Brent na ihatid na siya pauwi pagkatapos ng dinner night nila. Ang Mommy naman nito ay may dalang sariling sasakyan at driver kaya naman nauna na.
"Doon kasi ang apartment unit ng isa sa mga kaibigan ko. Doon nga kami minsan nagpapalipas ng gabi kapag galing kami sa mga malapit na nightclub at hindi na masyadong makapag-drive pauwi. Sa pagkakaalam ko naman ay walang masyadong pharmacy ro'n."
"T-Talaga? Okay lang! Maghahanap na lang ako sa kabilang bayan, basta do'n mo na lang ako ibaba."
"You sure? Kung maghahanap ka then pwede naman kitang samahan, para hindi ka na maglakad pa."
"'Wag na, Brent! Ako na lang. Magco-commute na lang ako, jeep o kaya tricycle. Ako na ang bahala, nakakahiya naman!" Pagpapalusot niya pa rito. Ayaw niya kasing may makaalam ng kung nasaan ang apartment niya kaya ayaw niya ring magpahatid dito.
Lalo na't si Gino ang gumastos do'n at mukhang may balak itong pumunta-punta ro'n kung kailan maisipan at gusto. Kaya dapat ay walang ibang makaalam o makakita no'n.
Ang palusot pa na nauna niya nang nasabi sa kung bakit siya nagmamadaling umuwi ay may iniuutos sa kaniya ang ina na ipabili. Gamot ng lola niya. Kaya 'yon na ang pinandigan niya buong byahe na nagtatanong ito tungkol doon.
"Nah, alam ko namang 'yan ang sasabihin mo. Sige, ganito na lang, tutal gabi na rin talaga, hindi pa naman ako gano'n ka-samang tao para pabayaan ka na lang sa daan... the best thing I can do for you is to drop you off to the nearest tricycle or jeepney terminal. Kung gusto mo talagang mag-commute." Determinadong desisyon nito saka ililiko na ang manibela para mag-U turn tungo sa terminal.
Mas mapapalayo pa siya nang bahagya sa apartment niya kung doon siya nito ibababa.
Napaurong ng upo si Kiel paharap dito at umiling-iling, kulang na nga lang ay pati ang mga kamay niya ay isenyas din bilang pagtanggi sa alok nito.
"Hindi-"
"Kiel, 'wag ka nang makulit."
"Brent."
"No, just let me. H'wag ka nang mahiya, hindi bagay sa 'yo ang mahiyain." Natatawang pabiro na saad pa nito.
Malalim na napahugot na lamang ng paghinga si Kiel, sumusuko na.
Kaya naman nahihiyang nagyuko siya ng ulo at napagdesisyunan na sabihin na lang ang totoo bago pa sila tuluyang makalayo sa apartment na dapat ay malapit na sanang madaanan.
"Brent, ang totoo kasi niyan... hindi naman ako naghahanap talaga ng pharmacy o bibili ng kahit anong gamot."
"Mm? Kung gano'n ano?"
"Ayoko lang kasi sana magpahatid sa bago kong apartment... nahihiya kasi ako. Kaya nagpapababa na lang ako riyan sa main road."
"Bagong apartment? Saan?" Saad nito habang sinisilip lalo ang daan sa harapan.
"Diyan na sa street na 'yan, pwede ka nang pumarada sa harapan ng malaking itim na gate. 'Yang 4-floors building na 'yan mismo."
Huminto ang sasakyan nito sa tapat ng nasabing gate at mula sa loob ng sasakyan ay namamanghang pinagmasdan ni Brent ang apat na palapag na gusali. Saka siya nakangiting lumingon pabalik sa dalaga.
"Ayos ah, mukhang maganda. Malapit pa sa mga sakayan, tingin ko malapit din 'to sa university na pinapasukan mo," sambit nito. "Ayaw mo na siguro sa bahay ninyo, ano?"
Tumango si Kiel at tipid na ngumiti. "May nag-sponsor lang kaya nakalipat na ako riyan."
"Sponsor? Sino? Boyfriend mo?" Natatawang biro nito.
Hindi umimik si Kiel at nagtanggal lang ng seatbelt.
Hinuli ng binata ang tingin nito.
"Boyfriend mo nga? May boyfriend ka na?"
"Wala. Wala naman akong sinabing 'oo'."
Nagkibit-balikat na lang ang kausap at kumurba ulit ang ngiti sa mga labi.
"Anyway, I knew it. Ito kasing lugar na 'to, puro apartment dito kaya nagtataka ako kung bakit dito ka maghahanap ng botika kanina e. Malapit nga rito 'yong apartment ng kaibigan ko, parang dalawang street lang ang layo. Minsan kakatok na lang ako sa 'yo para makihingi ng pagkain."
"'Wag mo 'yan gagawin!" Maagap na pigil ni Kiel sa kaniya. Halos magulat ang binata sa bahagyang napalakas na boses nito at paghawak pa sa kaniyang braso.
"Alalang-alala ka naman. Nagbibiro lang ako, Kiel." Naguguluhan man ay mahinang natawa pa rin ang binata sa inakto ng kausap. "Pero malay mo 'di ba? Kung ayaw mo namang hingian kita ng pagkain, e 'di ako na lang ang magdadala. Makikitulog na lang ako kapag lasing na lasing ako, kaysa sa apartment ng kaibigan ko, marami na kaming nakikitulog do'n e."
"Brent, pasensya na pero hindi talaga pwede."
"Ang damot. But fine, I understand. Babae ka nga pala at lalaki ako."
Natigilan ng ilang segundo si Kiel sa sinabi nito sa sincere na paraan.
Ilang beses niya nang nahahalata sa personality ng binata na marunong itong rumespeto, lalo na sa mga babae. Nagtatanong din muna ito at nanghihingi ng permiso sa kaniya kung may gustong gawin na involved siya at hindi ipinagpipilitan ang sariling desisyon.
Malayong-malayo sa nakasanayan niya mula kay Gino.
"Mauna na 'ko, Brent. Maraming maraming salamat sa paghatid."
"Salamat din, I appreciate you taking the time to meet me and Mom today. Kahit na medyo hindi siya masaya kausap. Have a good night, Kiel."
Ngumiti siya rito at tumango saka bumababa na ng sasakyan, bumusina lang ito gaya ng palaging nakakagawian saka umalis na sa lugar.
Nagmamadali naman na pumasok ng gate si Kiel at umakyat ng hagdan, nasa fourth floor pa ang unit niya pero tinakbo niya 'yon sa kaba at pagmamadali.
Pagkarating niya sa ikaapat na palapag ay kaagad na lumiko siya sa hallway kung nasaan ang unit niya, pero nang gawin 'yon ay bumagal ang takbo ni Kiel. May lalaking nakadungaw sa terrace ng 4th floor habang nakatukod ang mga siko nito sa railing doon.
Nakamasid sa ibaba, sa harapan ng gusali.
"G-Gino?"
Nilingon siya nito at nag-ayos ng pagtayo.
"Sa'n ka galing?"
Pakiramdam ni Kiel ay tinakasan siya ng dugo niya sa ulo at kaagad na namutla.
"Um, d-diyan lang sa... sa-"
"Sino 'yong naghatid sa 'yo?"
"Kaibigan ko lang. Um, sumabay na 'ko kasi-"
"Hindi ba't siya rin 'yong naghatid sa 'yo noong nakaraan?"
"H-Huh?" Sa puntong iyon ay hindi na niya alam pa kung paano at kung saan mag-uumpisang magpalusot. Naglakad siya palapit dito ngunit tumalikod ang lalaki para maunang pumasok sa unit gamit ang sarili nitong duplicate keys.
Napaawang ang bibig ni Kiel at halos mariing mapapikit ng mga mata, ito na nga ba ang kinakatakot niya. Ang mauna si Gino kaysa sa kaniya sa unit at malaman nitong wala siya ro'n 'di gaya ng sinabi niya rito sa text message, ang malala pa ay nakita nito na galing siya sa kotseng naghatid din sa kaniya noong Sabado.
Kotse ng lalaking paulit-ulit itinutukso sa kaniya ng mga kaibigan na boyfriend niya raw.
Sumunod siya rito sa loob ng unit at nang maisara ang pinto ay halos mapasinghap siya nang lumapit ang lalaki at mariin siyang hawakan sa panga.
"Pinagpapalit mo na ba 'ko? Mm, Kiel?"
"G-Gino... syempre h-hindi!"
"Gabing-gabi na pero nasa labas ka, galing ka kamo sa kaibigan mo? Anong ginawa niyo ng ganitong oras?" Malamlam at pagod ang mga mata nito habang nakatitig sa kaniya, at desperado habang nangsusuyo ang boses ng pagtatanong pero kabaliktaran ang uri ng higpit ng hawak sa kaniyang panga.
Dinaga ng kaba ang dibdib ni Kiel sa mga pagkakataon na 'yon.
Hinawakan niya ang braso nito at sinubukang pigilan sa ginagawa.
"Gino... Sir Gino. Na-invite lang niya 'kong sumama sa dinner kasama ang Mommy niya. 'Yun lang! Hindi ako makatanggi kaya sumama ako... umuwi rin naman ako kaagad para sa 'yo-"
"Sino 'yong kasama mo? Kailan ka pa nagkaro'n ng kaibigan na may kotse, wala naman sa inyo ang may sasakyan na sarili, 'di ba? Ginagawa mo ba 'kong tanga?" Ang bawat salita nito ay may talim. Kaya naman mas lalong natameme si Kiel.
Nakahinga lang siya nang maluwag nang bitiwan siya nito. Namemeywang na hinilamos ang palad sa mukha, tila natatauhan sa ginawa.
Nanghihina ang mga tuhod na napasandal sa pader ang dalaga, natatakot na salubungin ulit ang tingin ng lalaki sa kaniyang harapan.
"Ayokong may umaaligid sa 'yo na kung sinu-sino, lalo na't lalaki pa. Iniingatan lang kita, Kiel. Mas marami na 'kong alam sa buhay kaysa sa 'yo at kabisado ko ang sikmura ng mga lalaki riyan," pauna nitong saad. "Ang gusto lang ng mga 'yan ay makuha ka, maikama ka! 'Yon lang 'yon! Tapos tinatago mo pa sa 'kin ang mga lakad mo na 'yan?"
"Hindi ko naman tinatago... natatakot lang ako."
"Natatakot? Bakit ka naman matatakot sa 'kin? Wala naman akong ibang gusto kundi ang kaligtasan mo, ang safety mo! Of all people, aside from your friends, ako na ang may pinakamalaking pakialam sa 'yo." Sarkastiko itong natawa. "Kahit nga yata ang nanay mo ay nalalamangan ko na sa concern ko para sa 'yo."
Hindi nakaimik si Kiel at nananatiling nakayuko ang ulo, nakikinig lang siya rito gaya ng palagi niyang ginagawa. Disi otso anyos lang siya at sa tuwing kausap niya si Gino ay alam niyang ito ang palaging 'mas' may alam sa mga bagay-bagay.
At hinahayaan niya lang na ganoon ang sistema nila palagi.
"Isa pa," saglit na nanginig ang katawan ni Kiel sa gulat nang muli ay lapitan siya nito at hawakan sa pisngi. Pero mas maingat na ngayon. "Isa pa, hindi lang concern ang mayro'n ako para sa 'yo. Mahal din kita. Mahal natin ang isa't isa. Naiintindihan mo naman kung bakit ganito ako mag-react 'di ba?"
Pinilit nitong ilihis ang mga mata ng dalaga sa kaniya.
At wala siyang ibang nakita mula roon kundi takot.
Tumango si Kiel bilang pagtugon sa mga sinabi nito.
"Nagseselos ako. Hindi kita palaging nakakasama kahit 'yon ang gusto kong mangyari, kung pwede ko lang baguhin ang sitwasyon ko gagawin ko. At ikaw ang pipiliin ko."
"Gagawin mo talaga 'yon? Pero bakit?"
Naalala niya pa kung paano ito magsalita sa harapan ng mga magulang ng nobya noong nasa bakasyon sila. Mula sa ngiti nito na umaabot sa mga mata hanggang sa pagiging sweet at maalaga para kay Althea, lahat 'yon ay napanood niya mula sa gilid. Hanggang sa matatamis nitong pangako sa harap ng lahat na iingatan at mamahalin ang babae kahit na anong mangyari.
Napapaisip siya kung gaano ito kahusay umakto, mambilog ng ulo ng mga tao at magpaniwala.
Hindi niya tuloy sigurado kung totoo ang mga sinasabi nito ngayon sa harapan niya. Ito kaya ang pinakatotoo sa lahat ng sinasabi nito?
"Tinatanong pa ba 'yan? Dahil mahal kita, ano ba namang tanong 'yan, Kiel?" Natatawang saad ng lalaki. "Marami na 'kong nagawa para sa 'yo, suklian mo naman pabalik. Ang gusto ko lang naman ay iparamdam mo rin sa 'kin na mahal mo rin ako. At hindi nakakatulong kung mag-e-entertain ka ng iba't ibang lalaki."
Hinalikan siya nito sa labi, mapusok at malalim.
Kaya naman muli ay alam ni Kiel na malulunod na naman siya sa tawag ng laman na ito lang ang kayang magparamdam sa kaniya.
"Inaamin ko nang mali 'to pero gustung-gusto kita. Kahit pa alam ko na ang lahat sa buhay mo, at sigurado akong mahihirapan ka nang makahanap ng ibang lalaki na makakaintindi sa 'yo kung sakaling iwanan mo pa 'ko. Wala nang ibang makakaintindi at magmamahal sa 'yo nang kasinglalim ng kaya kong ibigay, Kiel." Bulong nito sa kanyang tenga.
Tila kinokondisyon ang isip ng dalaga.
Habang hinahalikan ng lalaki ang kaniyang leeg at nag-uumpisa nang hubarin ang mga saplot na suot niya ay naidilat ni Kiel ang mga mata, natulala siya sa iisang direksyon.
Hindi niya malaman kung anong mararamdaman dahil sa narinig. Gusto niyang malungkot, sa kabilang banda ay itinatak niya sa isipan niyang tama ito, si Gino nga lang ang mayro'n siya ngayon sa buhay.
Mas natakot siyang iwan ito dahil sa ideyang baka wala nang ibang tumanggap sa kaniya nang buo bukod dito.
MAGMULA NO'NG gabi na 'yon ay pinagbigyan ni Kiel ang gusto at hiling ng propesor. Kahit wala pa siyang karanasan sa pagkakaro'n ng nobyo ay ginawa niya ang makakaya niya para maging 'sweet' at 'caring' dito, chat man o sa personal kung magkikita man sila.
Nag-umpisa rin siyang mag-ipon at bumili ng mga espesyal na regalo para rito para makabawi. Oras-oras niya ring hindi kinakalimutang replyan ang mga chats nito, at kung maisipan ay siya na mismo ang nauunang mag-send ng messages para rito. Naging gano'n na ang routine niya magmula noon.
Sa mga lumipas na linggo ay ginawa niya ang lahat para makahabol sa 'efforts' na ginagawa nito para sa kaniya gaya ng palagi nitong hindi nakakalimutan na bilangin sa tuwing makakausap siya.
"O Kiel, este Heaven pala! Ang aga mo yata ngayon?" Nang-aasar na bungad ni Mother Beauty nang mabungaran ang dalaga sa dressing area nila sa club. Sumusulyap pa sa suot na relo habang lumalapit sa vanity table nito.
"Opo, hapon na rin kasi ako nakauwi galing sa school kaya wala na 'kong oras pa para matulog. Medyo inaantok ako kanina pa, kung itutulog ko naman po baka magdire-diretso na hanggang bukas 'yung tulog ko."
"Ah, kaya pumasok ka na rito nang diretso? Exam week niyo na ba, ano ba tawag ro'n, Mystica? 'Di ba nag-college college ka rin no'ng una?" Baling nito kay Mystica na nasa tabi ngayon ni Kiel, abala sa pagmamake up sa kaibigan.
"Hell week po, Mother!"
"Ayun, hell week niyo na ba?"
Tumango si Kiel bilang pagsagot. "Puro exams po, diretso, mula no'ng Lunes."
"Grabe! Mabuti kinakaya ng brain cells mo?" Nakangiwi ngunit nag-aalala na asik nito sa kaniya. Tipid na ngumiti lang si Kiel habang nakatingin sa repleksyon niya sa salamin.
"Tignan mo nga ang mga mata nito, Mother. Kaunti na lang babagsak na eh."
"Wala ka pa yatang tulog, hanggang 4 AM pa tayo rito! E kain mayro'n ka na ba?"
Nahihiyang umiling si Kiel.
"Huh? 7:30 PM na, Kiel! Alam mo namang mamaya pang 12 AM ang breaktime natin dito." Ani Mystica.
"Okay lang ako... kaya ko pa naman." Pagkagaling sa university noong hapon ay inuna niya ang paglalaba at paglilinis, napansin niya kasing halos marumi na ang unit dahil wala na siyang oras dito sa kakaaral, exams week nila at sinusubukan niyang bumawi.
Kahit kasi 'safe' na ulit ang status ng scholarship niya ay kailangan pa rin niyang ayusin ang pag-aaral para naman hindi na kailanganin pa ulit ang tulong ni Gino kung saka-sakali.
"Siya nga pala dadagsa ang customers mamaya," anunsyo nito saka umikot para mapansin ng iba pang alaga na nagmamakeup sa kaniya-kaniyang vanity table, "nagkaro'n kasi tayo ng advertisement sa social media no'ng nakaraan. Medyo pumatok kaya sigurado 'yan susugod ang mga 'yan starting tonight!"
"TANGINA! HINDI ba kayo nagsasawa rito? Akala ko ba ang new year's resolution natin ay mag-nightclub hopping?" Malakas na reklamo ng kaibigan ni Brent nang makaupo sila sa pwestong napili.
Present silang magkakaibigan, lima sila ngayon at napagkasunduan na sa Galaxy Club mag-inom.
"Hopping! Hopping sa iba't ibang club para naman maka-spot kung sa'n ang mas maganda, hindi hopping na sa iisang nightclub lang hop nang hop!" Ulit na singhal pa ni Hansel.
Nagtawanan ang mga ito habang iniaayos ang mga inorder na alak sa mesa nila.
"'Yon nga rin ang sinasabi ko pero kung may reklamo talaga kayo, sisihin mo 'yong nagpupumilit na rito mag-inom." Natatawang segunda ni Finn saka sumulyap sa katabi nilang si Brent.
"Bakit? Wala naman problema rito ah, ang ganda nga ng ambiance rito eh. Ayos din ang tugtugan, dami pang babae! 'Di ba, Levi?" Sagot nito sa mga kaibigan na nginitian ni Levi at nag-thumbs up.
"E malapit kasi ang apartment mo rito kaya payag ka!" Duro ni Hansel kay Levi kaya mula sa thumbs up ay pinalitan ng huli ang daliri sa bad finger para sa kanya.
"Parang isang buwan na tayong dito at dito nga lang gumigimik. Kaunti na nga lang kilala ko na ang mga waitress at stripper dito, eh!" Dagdag ni Jameson.
"Hindi ba kayo napapagod sa paiba-ibang nightclub? At least dito kabisado mo na 'yung lugar, pati 'yung daloy ng mga tao. Wala pang masyadong gulo!" Segunda ni Brent habang nakatukod ang mga braso sa magkabilang tuhod, pasimpleng iginagala ang tingin sa paligid.
May hinahanap.
Hindi 'yon nakaligtas sa paningin ni Finn at Jameson kaya naman natatawang nagkatinginan ang dalawa at naiiling na nagsalin ng alak sa kanya-kanyang baso.
"Mukha ngang nag-eenjoy ka rito, pare. Ilang gabi ka na bang misteryosong nawawala na lang bigla?"
"Usually naman sabay-sabay tayong umuuwi kahit anong oras. O kung may gusto na lumabas dahil nakaka-spot ng babae, magpapaalam naman sa isa't isa pero ikaw, poof! Parang magic na nawawala bigla."
Humalakhak si Hansel. "Hindi ko na nga pinansin ang tungkol diyan, binanggit niyo pa!"
Umakbay si Levi sa katabing si Brent at tinanaw rin ang direksyon kung saan ito nakamasid kanina lang.
"Sino ba kasi talaga riyan, p're? Ba't di namin mahulaan kung sino?"
"At ba't ayaw mong ipakilala, ilang gabi at mga linggo mo naman na yatang kinukursunada rito?"
Binigyan ni Brent ng iritable at hindi makapaniwalang tingin ang mga kaibigan saka iwinasiwas ang mga balikat para alisin ang pagkaka-akbay ni Levi.
"Ano bang pinagsasabi niyo? Wala! Gusto ko lang dito uminom, that's really it."
Kaibigan niya na ang mga kasama magmula pa no'ng mag-4th year siya sa kolehiyo, sabay-sabay silang naka-graduate at ang ilan ay kagaya niyang nagpapahinga muna bago mag-apply sa kanya-kanyang trabaho. Isa sa hobby nila ang mag-inom sa gabi kapag walang lakad o ginagawa ang lahat sa kanila sa araw na 'yon.
"That's really it?" Ulit ng nakangising si Hansel. Saka nito itinuro ng dalawang daliri ang sariling mga mata at itinuro pabalik kay Brent.
"Mahuhuli rin natin 'yan. Patience, p're, patience!" Nagtatawanan na segunda nila Finn. Nailing-iling lang si Brent sa kanila at kinuha ang baso na may alak para inumin, habang ginagawa niya 'yon ay halos masamid siya sa iniinom, lalo na nang makita na ang kanina pang hinahanap ng mga mata.
Napatuwid siya ng upo at pasimpleng napaayos ng buhok at suot na polo.
Napansin niyang hindi siya nito nire-replyan sa chat niya nitong mga nagdaang araw pero naiintindihan niya naman, inisip niya lang na marami itong ginagawa lalo na't estudyante pa sa umaga.
Pero hindi siya mapakali, gusto niyang makita o makausap kahit sandali ang dalaga. At nagpapasalamat na lang siya dahil may Galaxy Club.