XVI

3370 Words
XVI. Criselga Siguenza. "MA, may ipapaalam sana ako." "Magkano nakubra mo kagabi? Akin na lahat." Saad ni Marisol sa kaniya, hindi pinapansin ang sinabi niya. Buong araw na wala sa bahay nila ang ina at nakita niya lang nang puntahan ito sa sugalan malapit sa mga nagsasabong ng mga manok. Maingay ang paligid, nasa malaking bakuran sila ng kapitbahay na likod-bahay at napapaligiran ng mga tarpaulin kaya tagong-tago. Iba't ibang uri ng sugal ang ginagawa sa paligid, nakaupo sa kaniya-kaniyang upuan at may maliliit na mesa sa pagitan. Masaya at nagtatawanan ang iba, ang iba naman ay halos nagkakapikunan at nagkakamurahan na dahil sa pera at pustahan. "Akin na! Bilisan mo!" Bulyaw nito sa anak habang hindi nag-aalis ng tuon ng pansin sa mga barahang hawak. "Hoy kayo, iisa pa tayo ng laro ah! Hindi ako makakapayag na hindi ako makabawi riyan!" Nagtawanan ang mga kalaro nito. "Marisol! Kanina mo pa 'yan sinasabi, hindi ka naman nakakabawi. Mas lalo lang lumalaki ang utang mo, siguraduhin mong babayaran mo kami!" Dinuro ni Marisol ang nagsalita saka ang iba pang kalaro na nakitawa sa sinabi nito. "Tanga ka ba? Ito na nga 'yung anak kong malakas kumita oh! Sakto 'di ba? Ako na ang sinadya rito, babayaran ko kayo kahit sobrahan ko pa kayo ng tig-lilimang daan kada isa e!" Nangunot ang noo ni Kiel sa narinig at nakita naman ng ina kaya hilaw na tumawa-tawa. "Syempre, joke lang. Akin na ang pera, kailangan ko 'yan." "Napapadalas na ang pagsusugal mo, wala tayong naiipon kahit anong laki ng perang kinikita ko gabi-gabi." Mahinahon ngunit inis na saad niya sa ina. "'Wag kang kontrabida, ito na lang ang libangan ko sa nakakapagod na paglalabada, nakaka-stress din kayo sa bahay. Pati ang mga bilihin. Hayaan mo 'ko rito." "Naglalabada ka pa ba? Mula no'ng makapasok ako sa Galaxy ay rito ka naman na dumidiretso at hindi sa trabaho mo sa paglalabada." Nauubusan ng pasensya na nag-angat ng tingin ang ina sa kaniya. "'Yung pera ang hinihingi ko, hindi pagbubunganga mo. Tigilan mo muna ako at baka malasin ako sa ginagawa mo!" Nang mapansin na napalingon sa kanila ang iba sa mga naroon ay napilitang dumukot ng pera si Kiel mula sa sariling bulsa, mabigat ang loob na iniabot sa ina ang dalawang libo. "Ito lang?!" "Minamalas na nga eh." Natatawang komento ng mga kalaro nito. Saka maya-maya ay malakas na napasapo ng noo si Marisol habang ang mga kalaro naman ay masayang nag-apir at nagtawanan. "Kita mo na! Talo ka na naman ng ilang daan, Marisol paano ba 'yan?!" "May ipapaalam ako, Ma." Ulit ni Kiel. "Ano! Sabihin mo kaagad at busy ako!" "Mag... Mag-aapartment muna ako malapit sa university. Tuwing Linggo na lang ako uuwi riyan sa bahay." "Apartment?" "Oo." "Pa'no 'yung pagbibigay mo para sa mga bayarin diyan sa bahay? Tatakasan mo?" Umiling si Kiel. "Hindi. Magbibigay pa rin ako para ro'n. Pati sa pagkain, lalo na sa mga gamot at pampa-check up ni Lola." "Oh! 'Yan ang gusto ko marinig!" "Swerte mo naman dito kay Kiel, napakabait!" Komento ng mga kumare ni Marisol na nasa malapit lang nakaupo, nakikinood ng sugal. "Gano'n talaga kapag marunong ka kumontrol ng anak! 'Yung iba riyan ayaw nang magsustento eh, walang mga utang na loob. 'Di ba ganoon 'yong nangyari sa anak na babae no'ng si Dolor?" "E kasi naman hindi naman daw obligasyon ng anak na buhayin pa ang mga magulang. Hindi raw retirement plan ang anak, 'yon ang paniniwala nila." "Tama naman 'yon." Segunda ni Kiel. "Tama? Ulo nila ang may tama! Basta ako maayos ang patakaran ko, magbigay ka pa rin sa akin ng pera kada linggo kung gusto mong mag-apartment apartment diyan. 'Yun lang ang mahalaga sa 'kin." Hindi na nito inintindi pa ang anak na nakatayo sa gilid niya at nagpatuloy sa pagsusugal. "E bakit ka pala mag-aapartment, Kiel?" Pag-uusisa ng kumare ni Marisol imbis na ito ang magtanong ng detalyeng iyon sa sariling anak. "Para hindi ho magastos sa pamasahe saka hindi ako ma-late ng pasok kada umaga kahit puyat ako galing trabaho." Pagdadahilan niya rito. "Bahala ka basta ikaw ang magbayad ng renta mo riyan, 'wag mo 'ko tatakbuhan kapag hindi mo na 'yan mabayaran, wala kang mapapala sa akin." Kalmado at iritableng saad ni Marisol saka masayang humiyaw nang gumanda ang baraha sa kamay. "Hindi mo na tatanungin kung saan?" Hindi siya nito narinig kaya naman hindi na napansin pa. Mahinang bumuntonghininga na lamang siya at nadidismaya sa sariling ina na tumalikod na para umalis. "Marisol! 'Yung utang mo pala ro'n sa mga bumisitang nagpapautang ng malaki noong nakaraan? Kumusta na ang bayad mo ro'n?" "'Wag ka ngang maingay! Baka marinig ka ng anak ko, kaya nga ako naglalaro rito para madagdagan ang pambayad ko." "Naku, kapag nalubog ka ro'n sa utang... delikado ang mga 'yon! Ang laki pa mag patong ng interest sa loan!" Nangungunot ang noo na tumigil ng paglalakad si Kiel para lingunin ang pwesto ng ina dahil sa narinig. Nang magtama ang tingin nila ay parang patay-malisyang ngumiti lang ang ina saka isinenyas ang kamay, pinapaalis na siya ng lugar. PINAKA-NAG AALALA siya para sa Lola niya kaya naman hindi matapos-tapos ang pag-aabiso niya sa ina habang nag-aayos ng mga gamit. Sa tingin niya ay araw-araw pa rin siyang uuwi rito para sumilip-silip sa kalagayan ng Lola niya kung saka-sakali. Ilang beses din niyang naisip na h'wag tanggapin ang alok na apartment ni Gino, sinubukan niya pang mag-message rito tungkol doon pero bigo pa rin siya sa gustong mangyari. Lalo na't nabayaran na raw ang ilang buwang deposit ng lugar. "Napuntahan ko na ang location ng apartment na sinend mo, nakausap ko na rin ang landlady. Hindi na kita inabala, naglipat na 'ko ng mga gamit at mga damit ko ngayong hapon." "Really? That's good news! Bibisitahin kita mamaya." Namilog ang mga mata ni Kiel. "Huh? Um, hindi pwede!" Narinig niyang natawa sa kabilang linya ng tawag si Gino. "Nahihiya ka ba dahil makalat pa ang paligid? Kaya nga ako pupunta para tulungan ka mag-ayos, magdadala rin ako ng pagkain-" "Hindi, hindi dahil do'n... ano kasi, hindi pa ako rito matutulog ngayong gabi. Nagdala lang ako ng mga gamit... doon muna ako sa bahay namin. Nag... Nag-aalala pa rin kasi ako sa Lola ko." Pagsisinungaling niya rito. Iniisip niya lang ang pakiusap ni Brent sa kaniya noong Linggo pa lang at kahit hindi niya pa rin ito nare-replyan ulit ay pupuntahan niya naman ito at pagbibigyan sa pabor na hiningi. Hiyang-hiya pa rin naman siya sa pang-aabala rito kahit na madalas niyang sungitan. "Gusto kitang makasama. Palagi mo naman nang kasama ang Lola mo sa bahay ninyo, minsan ka lang mawala sa inyo." "Pero kasi-" "No buts. Pupuntahan kita mamaya pagkatapos kong mag-time out sa trabaho, pero baka umuwi muna ako sa bahay at tumyempo na pwede nang makalabas nang walang nakakaalam. Hihintayin ko siguro munang makatulog si Althea o magsasabi akong may bibilhin muna sa labas. "Pwede naman din na h'wag niyo nang ituloy, baka kasi-" "No. Hindi ikaw ang masusunod." Hindi na siya nakaalma pa, hindi na rin naman siya nito binigyan ng pagkakataon na ipagpilitan ang gusto niyang mangyari. Kaya nang patayin nito ang tawag ay nagmamadali siyang nagtipa ng reply para kay Brent. Sasama siya rito sa dinner kasama ang mommy nito bilang pambawi kahit papaano pero kailangan din na makauwi siya kaagad. Nagpapasalamat na lang siya bigla sa langit na day off niya ngayon sa Galaxy Club! Nagpatuloy siya sa pag-aayos ng mga gamit sa apartment. Mga damit, ilang mga gamit sa kusina pangkain gaya ng mga kubyertos, plato, baso, saka electricfan at foam na maliit lang naman ang dinala niya. Wala na rin naman siyang ibang madadala mula sa bahay nila dahil lahat ng gamit doon ay ginagamit pa ng nanay at lola niya. Kulang pa nga sa pangangailangan nila. KINAGABIHAN ay gumayak na si Kiel at nagsuot lang ng simpleng white shirt na itinuck in sa suot niyang flare jeans. Sinalubong siya "MOM, this is Krisiane Eline. Kiel, this is my beautiful mom. Criselga." "Magandang gabi po, Ma'am..." Pagpasok pa lang ng entrance door ay nilalamig na ang mga kamay ni Kiel, mamahalin at elegante ang paligid, at sa buong buhay niya ay ngayon pa lang siya nakapasok sa ganitong uri ng kainan. Idagdag pa ang kasama nilang kumain ng binata, sa dami pa lang ng ginto sa leeg at mga daliri ng ina nito ay hindi na niya kailangang hulaan pa kung talagang may kaya ito sa buhay o wala. Medyo chubby, apple cut hair at makapal ang patatsulok na mga kilay, tipikal na hitsura ng strikta at masusungit na nanay. "Oh. So, you're that girl." Pinasadahan ng tingin ng ina ni Brent ang dalaga mula ulo hanggang paa, saka sumulyap sa anak. Sinenyasan siya ng huli sa pamamagitan ng tingin nito kaya tumawa kalaunan. "Anyway, nice to meet you, thank you for joining us tonight." Inaya sila ni Brent na maupo na. Magkatabi sila ng dalaga at nasa harapan naman naupo ang ina nito. "Sana masaya ka na, 'mmy. Baka isipin na ni Kiel na ipinapakilala ko siya bilang girlfriend." "Actually, 'yon nga ang gusto kong isipin na ngayon!" Nauna nang react ng mommy nito kaya napaawang ang bibig ng dalaga at nagkatinginan sila ng katabing si Brent, hindi alam kung mahihiya o tatawa muna. "I'm just kidding!" Napapakamot na lang ng batok ang anak na si Brent saka inalok ng pagkain ang katabing si Kiel. "May lakad si Kiel mamaya na importante pero sumaglit talaga siya rito ngayon para sa 'yo." Dagdag pa ni Brent. Kaya nahihiyang ngumiti si Kiel sa ina nito. "Mamaya pa naman ho. Magagawa ko naman ng paraan na maisingit itong dinner night, nakakahiya rin tumanggi..." "Of course. Saan ba ang lakad mo mamaya? Gabing-gabi? Pero mabuti at pinaunlakan mo ang aya ng anak ko, masasarap ang pagkain dito, baka hindi mo pa na-try. Paborito ko rito." "Ah, m-may inuutos lang po ang mama ko na puntahan ko." Tumango-tango ang ginang saka sumenyas sa waitress para manghingi ng extra dessert. "Hindi kasi ako naniniwala rito na hindi siya nag-uuwi ng babae sa condo. Ayoko nga nang ganoon sana! Kung sino lang ang hinaharot, 'yon na dapat ang maging girlfriend. Kung ayaw gawing girlfriend, e 'di h'wag harutin! Maging mapili ba!" Dire-diretsong saad nito habang sopistikada at may class na hinihiwa ang steak sa sariling plato. Hindi naiwasang matawa ni Brent at sinulyapan ang katabing dalaga. "'Di ba para akong teenager sa mommy ko?" Pabirong saad nito. "Pumayag na rin akong maaya ka kasi alam kong stressed ka, plus libre pa 'to lahat sa 'tin ni Mommy. Right, 'mmy?" Saka siya mahinang tumawa. Napangiti rin si Kiel hindi pa rin alam kung paano magsasalita kaya naman nagpatuloy lang siyang makinig sa Mommy nito habang naiilang na kumakain, at sasagot kapag tinatanong. "But, Mom, honestly we're just friends. Good friends, no more or no less." Gustong matawa ni Kiel sa mga pagkakataon na 'yon. "Bakit ka pala nasa condo unit ng anak ko noong nakaraan, iha? Naiwan mo pa ang gamit mo." Mahinahon ngunit nagdududa na tanong nito kay Kiel, hindi pinapansin ang sinabi ng anak. "Mabuti naman hindi damit o underwear ang naiwanan, mabuti heels lang! Hindi ba?" "Ah... nakituloy po kasi ako. Sa totoo lang, malaki po ang utang na loob ko sa anak ninyo dahil pinatuloy niya 'ko. May manyak na nagbalak po kasing magpainom sa 'kin ng alak na may drugs, balak din po sana akong dalhin sa kung sa'n no'ng medyo wala na po ako sa sarili." Napasinghap ang ginang at napaurong ng upo palapit sa mesa. "Really? What happened? I mean, why did that happen? Bakit kasi nasa bar ka, or yeah I understand naman na kayo 'yung generation ngayon na mahilig gumimik sa edad niyo na 'yan, pero wala kang friends to look after you that night?" Umiling si Kiel, hindi alam kung anong tanong ng kausap ang unang sasagutin. Napapakamot ng sentido na hilaw siyang nangiti rito saka napasulyap kay Brent, sa hitsura rin ng binata ay mukhang nahihiya na ito sa kaniya. "Um, wala po, hindi naman po ako nandoon para magsama ng friends at mag-enjoy." "Then ano?" "Mommy, stop being so nosy. Baka may mga detalye si Kiel na hindi komportableng sabihin-" "Okay lang," putol nito kay Brent, tipid na nakangiti. Saka humarap ulit sa ina nito. "Nagtatrabaho po ako sa club kaya naro'n ako no'n, si Brent naman ay kasama ang mga kaibigan niya. Sakto lang po na nakita niya 'yong nangyari." Hindi nakaimik ang ginang saka naglipat ng makahulugang tingin sa anak. "You work in a nightclub?" Tumango si Kiel. "Waitress po. Hindi stripper." Napahawak sa dibdib ang ginang at tila OA na nakahinga nang maluwag. "Oh God, but still, you work in a nightclub." "Mom." Mas seryosong saway rito ni Brent. "Waitress po at taga-serve lang ng drinks, hindi naman po nagpapa-table at nagpapa-kama sa iba't ibang lalaki." Nakangiting paliwanag ni Kiel. "'Yung iba ko pong kaibigan doon ay ganoon na ang parte ng trabaho pero wala naman po sigurong masama sa gano'n, malinis pa rin na kinikita ang pera hangga't walang tinatapakang ibang tao." "I agree. As long as it is consensual." Segunda ni Brent bilang suporta sa side ni Kiel. Hindi pa rin makaimik ang ginang, natutulala kay Kiel at Brent. Disente ang pamilya nila, ang mga trabaho ng bawat myembro ng mga Siguenza ay maayos at maipagmamalaki kahit kanino ikuwento. Kaya naman ganoon din ang standard ng ginang sa bawat social status at trabaho ng mga magiging kaibigan ng mga anak, lalung-lalo na sa mga babaeng matitipuhan ng mga ito. "But still, prostitution is never considered a decent work. The women in that job is not paid for their physical labour, they are the product, the one being consumed. They are the one being sold, I mean their dignity as a woman. They are being exploited due to increasing poverty and-" natigilan ito sa pagsasalita nang mapagtantong baka makasakit ng damdamin ng dalaga ang mga susunod na sasabihin. Huminga siya nang malalim. "You two are just friends lang naman, right?" Tumango si Kiel at nahihiyang nagyuko ng ulo. Naglihis ng tingin si Brent at nadidismaya sa sariling ina. "Good." Hilaw na tumawa ito. "Hindi sa nagmamatapobre ako pero tingin ko kasi masyadong mataas ang pangarap ko para sa anak ko. Gusto ko sa future talagang professional ang maging nobya nito. May college degree, maipagmamalaki ang work." "Parang 'yung ex-girlfriend ko, gano'n ba?" Sarkastikong dugtong ni Brent. "Wala naman sa degree o trabaho ang ugali ng tao." "Tama naman po kayo, Ma'am... sumasang-ayon naman din po ako sa opinyon ninyo." Pa-mamagitan na lang ni Kiel. Ang kaninang magaan na paligid ay napalitan ng hiya para kay Brent. Kilala naman niya ang dalaga at kahit madalas silang mag-asaran sa isa't isa ay alam niyang mabuting tao ito. Kaya nga natutuwa siyang dumadami na ang pagkakataon na nagkikita sila. "Pero bakit doon mo napiling magtrabaho? Marami naman diyan na mas 'maayos'. Bakit doon?" Bahagyang nakakunot ang noo at mahina ang boses na asik ulit ng ginang. Ayaw iparinig kahit miski sa mga kalapit na halaman ang topic na pinag-uusapan. "Mom, pati ba naman 'yon kailangan itanong? Stop these intrusive questions already." "Intrusive kaagad? Ano pa't nandito na tayo at may pagkakataon na magkwentuhan, besides I don't mean anything offensive naman. Isipin mo lang iha na curious lang ako!" "Mom, will you please-" Hinawakan ni Kiel ang braso ng katabi para pigilan. Tipid na ngumiti lang siya rito nang lingunin siya. "Doon po kasi ako pinagtrabaho ng nanay ko, madali nga naman ang daloy ng pera lalo na kapag nagbibigay ng tip ang mga customer. Hindi po kasi kami mayaman talaga, sa totoo lang ay kapos po kami at kailangan ng pera kaya wala po akong ibang choice." Magalang na saad niya rito. Nagpapaka-totoo. "Tama naman po kayo, maraming ibang 'maayos' na trabaho pero halos wala po ro'n ang may sapat na sweldo. Isa pa po, estudyante pa lang ako, siguradong wala pa pong tatanggap sa 'kin na malalaking kumpanya o negosyo." "While she works as a waitress at night, she's also a student during daytime. Pacific University, Mom." Mabilis na segunda ni Brent. "Talaga ba? Wow... that is impressive." Biglang liwanag ng mukha ng ginang nang marinig 'yon. "Hindi mo pa rin pinapabayaan ang pag-aaral mo, may pangarap..." tumatango na turo nito kay Kiel habang nakabaling sa anak. Proud na nag-angat ng labi si Brent sa ina saka nilingon ang dalaga sa tabi. "Doon nagtatrabaho si Mommy pero mukhang 'di mo siya nakilala kaya baka ibang department ka sa kaniya." Saad nito kay Kiel. Napakurap-kurap ang huli. "Nursing student po ako. Saan po kayong department?" "Program Head ng course na Medical Technology ako, iha." Sinulyapan nito ang anak. "Nasa iisang building lang kami kung ganoon. Pero ang first 4 floors ay sa amin habang ang next 4 floors sa itaas ay sa kanilang mga nursing na." "Malapit lang pala. Minsan dumadalaw ako ro'n." Wala sa sariling naikomento ni Brent. Nang matauhan ay tumikhim at uminom na lamang ng juice at hinayaan ang dalawa na magtuloy sa paguusap. Sa kalagitnaan ng pag-kain at pagkukuwentuhan ay tumunog ang telepono ni Kiel kaya naman nagpaalam itong sasagutin muna 'yon. Nagtungo siya sa pinakamalapit na banyo. "Anak, she's not your girlfriend, ha? I just want to make sure." Hindi tanong kundi pamimilit na saad ng ginang. "We're just friends, Mom. Una pa lang 'yun na ang sinabi ko." "Gusto ko siya ma-meet kasi feeling ko type mo siya. Hindi ka naman helpful nang todo sa mga kaibigan mong babae tapos biglang may papatuluyin ka sa condo." "Mommy, ang kulit!" Natatawa at nangingiwi na nagkamot ng kilay si Brent habang kausap ang ina. "But please speak gently to her. She's kind even though she's not filthy rich like what you want every women in my life to be, you know." Noong una ay magandang ideya rin kay Brent na makasama ngayon si Kiel at ma-meet nito ang ina, may parte sa kaniyang sigurado siya na magugustuhan din ito ng kanyang ina dahil sa ugali nito at pagiging pormal. Pero mukhang iba pa ang nangyari. "Oo, ganito naman ako magsalita talaga pero gentle naman! It's just that medyo sensitive ang topic." Saad nito saka nag-urong ng upo at hininaan ang boses. "Pero frankly speaking, ayaw ko siya para sa 'yo. Kaya kung friends lang kayo, stay in that way. Friends lang, pwede na 'yan." Natigilan sa pagtusok ng tinidor sa karne si Brent. "Why?" "Why? Bakit ganiyan ang tanong mo, may gusto ka ba kay Kiel?" Hindi siya nakaimik kaagad, pakiramdam niya pati siya ay napatanong no'n sa sarili. "Hoy! Answer me nga!" Wala sa sariling umiling lang si Brent para bigyan na ng sagot ang ina at hindi mag-over react. "Mabuti naman nagkakaintindihan. Gusto ko kasi kung may matitipuhan kang babae, 'yung level sana ng ex-girlfriend mo." Halos mapairap si Brent nang maglihis ng tingin mula sa kausap. "Oo na, she cheated on you. Ekis na ang part na 'yon. Pero gusto ko nga na kasing-professional niya! Decent, classy!" "Let's just not talk about her, Mom. Nawawalan ako ng gana kumain." "Basta ayoko 'yang si Kiel para sa 'yo. End of conversation." Nakalabi na pahabol na saad nito habang kinakalikot ang binuksang telepono. "Saka kung makita at mausisa rin siya ng Daddy mo, baka pareho rin kami ng sabihin." Habang tumatagal ay sumasama ang pakiramdam ni Brent, nalulungkot siya na nadidismaya sa kausap sa tuwing inuulit nito ang hindi pagkagusto sa dalaga. Gusto niyang umalma at hindi niya alam kung bakit gano'n ang nararamdaman niya. Ang sigurado lang siya, wala siyang pakialam sa opinyon nito. O ng kahit sino ukol doon. "Hindi naman kailangang makausap ni Kiel si Daddy, kahit nga ako ayokong makausap 'yon." "Brent Martin!" Mariing saway ng ina sa kaniya. "Stop talking like that about your father especially we're here in a public place. Alam mo namang hindi lang basta-basta ang Dad mo, kapag may nakarinig sa 'yo ano na lang ang sasabihin?!" "Oo na, Mom. He's a city mayor that needs to be respected by all people all the time." Tila labas sa ilong na litanya ni Brent. "Highly respected even though he's really acting fool behind closed doors."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD