1
NAGISING si Travis dahil may marahas na yumugyog sa kanya. Napaungol siya. Antok na antok pa siya. Tila sandaling oras pa lang ang itinulog niya.
“Lola...” reklamo niya habang nakapikit. Kahit hindi siya dumilat, alam niyang ang abuela niya ang gumigising sa kanya. Bukod sa kanyang ama, ito lang ang gumagawa ng ganoon sa kanya.
“Tumayo ka na diyan, Travis. Tanghali na,” utos nito sa kanya. Malumanay ang tinig nito ngunit maawtoridad pa rin.
“Wala pong pasok ngayon,” aniya, saka ibinaon ang mukha sa malambot na unan.
“Malamang na wala kang pasok dahil nasa villa ka. Bangon na, hijo. Naisabog na ng Diyos ang lahat ng suwerte at wala kang nakuha dahil huli kang bumangon.”
“Hihingi na lang po ako sa inyo ng suwerte later.” Tuwing bakasyon na nga lang siya nagtutungo roon ay pilit pa siya nitong ginigising nang maaga. Sa Maynila, minsan kahit na may pasok siya ay tanghali pa rin siya nagigising. Kaya bihira na siyang kumuha ng subjects sa umaga.
Pinalo nito ang puwit niya kaya napabangon na siya. “Bangon na sabi!”
“Lola!” angal niya na tila isang bata siya. Gusto rin niyang magwala ngunit ayaw niyang mapalo uli. Ano ba ang masama sa gusto niya? Gusto lang niyang matulog nang matagal tutal, bakasyon naman. “Nawiwili na kayo sa pagpalo sa `kin, ha. Hindi na po ako bata. Malaki na ako. I’m nineteen, for goodness sake!”
“Hindi ka na pala bata, bakit ganyan ka pa rin kung makaasta, ha? Travis, mas matured pa sina Xander at Wilt sa `yo!” anitong ang tinutukoy ay ang mga nakababata niyang kapatid.
“Iba po sila, iba ako. Lahat po ng apo n’yo, unique. Hindi naman po lahat ng apo n’yo ay matured at mabait. Mayroong immature at pasaway para masaya, at ako `yon.”
Pinamaywangan siya nito. “O, gising ka na? Hala, maligo ka na at samahan mo akong mag-almusal. Samahan mo na rin akong bisitahin ang lolo mo.”
Wala na siyang nagawa kundi ang tumango. “Opo,” paungol na sabi niya. Tinatamad na bumaba siya mula sa kama. Palingon-lingon siya habang patungo sa banyo at baka makalusot pa siya. Pinandilatan siya nito. Nakangusong pumasok siya sa loob ng banyo. Tumapat siya sa shower at naligo kahit tinatamad pa siya. Nais pa sana niyang bumalik sa kama, ngunit alam niyang hinihintay siya ng lola niya sa labas.
Mula nang dumating siya sa villa ay palagi na lang siyang ginigising nito nang maaga. Hindi talaga siya sanay na maagang nagigising. Panay ang reklamo sa kanya ng mga magulang niya tungkol sa katamaran niya. Mas gusto niya ang nakahilata na lang. Addict na addict siya sa mga video game. Hindi siya kagaya ng ibang mga kapatid at pinsan niya na mahilig sa mga outdoor sport.
Palagi siyang napupuna ng lola niya dahil mas gusto niyang magkulong sa entertainment room upang maglaro ng video games. Ang karamihan sa mga pinsan niya ay excited na maligo sa naggagandahang ilog at talon na nakapaligid sa villa. Habang bakasyon ay sinasamantala ng mga pinsan niyang mag-hiking at mag-camping. Walang kasingganda ang kagubatan ng Mahiwaga. Wala na yatang mas gaganda pa sa mga tanawin doon. Halos lahat ng makikita ng kanyang mga mata ay luntian.
Mahal na mahal niya ang Mahiwaga at ang Villa Cattleya. The villa had always been home to them. Kaya tuwing bakasyon niya sa eskuwelahan ay naroon siya. Mas mahimbing ang tulog niya roon dahil sariwang-sariwa ang hangin at napakatahimik. Kahit na nasaan siya ay nakakatulog siya. Payapang-payapa ang pakiramdam niya roon. Magaan ang pakiramdam niya dahil sagana siya sa tulog.
Aminado siya sa katamaran niya. Hindi niya kasalanan kung antukin siya.
Paglabas niya ng banyo ay naroon pa nga ang lola niya na inaayos ang hinigaan niya habang hinihintay siya. “Magbihis ka na at baka naghihintay na ang lolo mo.”
Niyakap at hinagkan niya ito sa pisngi. “Good morning, Lola,” malambing na bati niya rito.
Napangiti ito at gumanti ng yakap. “Good morning, apo. Bihis na para makapag-almusal na tayo. Maagang umalis ang mga pinsan mo para mag-hiking.”
Nagbihis na nga siya. Mahal na mahal niya si Lola Ancia kahit na ganoon ito kaestrikto sa kanya. Lahat silang magpipinsan ay hindi mapapantayan ang pagmamahal sa matanda. She was the best lola ever. Kahit na palagi siyang pinagsasabihan nito tungkol sa katamaran niya, ramdam niya palagi ang pagmamahal nito sa kanya.
Pagkatapos niyang magbihis ay sabay na silang nagtungo sa maliit na dining room. Tahimik na tahimik ang villa. Silang maglola lang yata ang naiwan doon bukod sa mga kawaksi. Abala ang lahat sa activity ng bawat isa. Pagkakain ay tinungo nila ang mausoleum kung saan naroon ang kanyang Lolo Andoy.
He admired the love his grandmother had for his late grandfather. Kahit na wala na ito, patuloy pa rin ang pagmamahal ni Lola Ancia para dito. Araw-araw itong bumibisita sa puntod at kinakausap ang lolo niya na tila sumasagot ito rito.
Naglagay siya ng mga cattleya sa harap ng puntod. Gusto ng lola niya na palaging puno ng paboritong orkidyas ni Lolo Andoy ang libingan nito. “Lolo, sabihin mo naman kay Lola, kailangan ko pang matulog nang matagal kasi bakasyon. Kapag hindi na bakasyon, hindi na ako makakatulog nang matagal.”
“Magtigil ka, Travis,” saway ng lola niya na abala sa pagtatanggal ng mga natuyong bulaklak sa paligid. Iminungkahi na ng kanyang ama rito na hayaan na lang nito ang mga kawaksi na maglinis doon, ngunit ayaw nitong pumayag. Gusto raw nitong ito ang gumagawa ng lahat sa mausoleum. “Kung buhay pa ang lolo mo, hindi ka niya hahayaang maging ganyan. Magiging pastol ka ng maraming hayop. Matututo kang mag-araro at magtanim. Babanatin niya nang husto ang mga buto mo. Hindi ka magiging tamad,” pagpapatuloy nito sa masuyong tinig.
Wala siyang gaanong maalala tungkol sa Lolo Andoy niya. Bata pa lang siya nang mawala ito sa kanila. Gayunman, alam niya na isa itong mabuting lolo at isang mabuting tao. Halos lahat yata ng mga matanda sa Mahiwaga na nakasama ng lolo niya ay nagsasabing wala itong kasimbait na tao.
Habang lumalaki silang magpipinsan, panay ang kuwento ni Lola Ancia sa kanila tungkol dito upang kahit na hindi nila ito gaanong nakasama noong mga bata sila ay may alam pa rin sila tungkol sa matanda. Gusto ng lola niya ay maging parte pa rin ito ng buhay nila kahit na wala na ito sa kanila.
“Naku, Andoy, itong apo mo, wiling-wili sa video games. Ayaw gayahin ang ibang mga pinsan niya na mahilig mag-hiking at mag-camp. Hindi mahilig maglalabas ng bahay. Ang hilig-hilig matulog. Hindi na ako nagtataka kung bakit lalampa-lampa ito. Walang gaanong exercise sa katawan. Umuuwi lang ito dito dahil mas masarap daw matulog dito.”
Umupo siya sa marmol na sahig. “Hindi gaanong totoo `yon, `Lo. I play ball. Mas lampa kaya sina Wilt at Xander kaysa sa `kin. Mas matured sila, oo, kasi nerd sila, eh. May exercise ako kahit paano. I love it here, Lolo. Si Lola lang ang ayaw maniwala.”
Natatawang ginulo ni Lola Ancia ang buhok niya. Hindi siya naiinis katulad ng ibang mga pinsan niya tuwing ginagawa nito iyon. He loved it when she did that. It felt like she was very fond of him. “Binibiro lang kita. Well, medyo lang. I want you to be more mature, to take things seriously. Hindi ka na bata, Travis.”
Nginisihan niya ito. “You want me to grow up so quickly?”
Sa palagay niya ay matured naman siya mentally. Nasa nature lang marahil niya ang pagiging playful. Masayahin lang siya kompara sa ibang mga pinsan niya.
“Not so quickly. Siyempre, I want you to enjoy growing up. Kapag matutulog ka nang matutulog, you’ll miss out on a lot.”
“Don’t worry about me, `La. I’m happy. I’ll always be happy.”
“I want you to always be happy, apo.”
“Lola, bakit mahal na mahal mo si Lolo Andoy?”
Nakakunot ang noo na napatingin ito sa kanya. Ilang sandali siya nitong tiningnan bago ito marahang tumawa.
“What?” nagtatakang tanong niya. Wala namang masama o nakakatawa sa tanong niya. Gusto lang niyang malaman ang rason kung bakit nagmamahalan ang dalawang tao.
“Tinanong mo na rin ba `yan sa mom o dad mo, apo?”
Tumango siya. “Ang haba nga ng sinabi ni Mom, hindi ko na gaanong maalala. Si Dad, sinabi niya ang lahat ng magagandang qualities ni Mom. Ikaw, Lola, bakit patuloy mong minamahal si Lolo?”
“Your lolo was unbearable most of the time. Ang kuri-kuripot niya. Nakakainis. Malakas siyang maghilik kapag natutulog. Ang kulit-kulit niya kapag nakainom siya. Matigas ang ulo niya. Minsan, ipinipilit niya ang gusto niya kahit na alam naman niyang mali.”
Naguluhan siya. “What are you saying, Lola?”
Napangiti ito. “Mahal ko ang lolo mo sa kabila ng mga kapintasan niya, sa mga nakakainis niyang ugali. Hindi lang magagandang katangian ng isang tao ang yayakapin at mamahalin mo, dapat buong pagkatao niya. Wala talaga akong dahilan na masasabi kung bakit mahal ko ang Lolo Andoy mo at patuloy na mamahalin. Basta ang alam ko lang, mahal ko siya.”
Napatango na lang siya. Ang totoo ay wala siyang maintindihan sa mga sinabi nito. Hindi kasi niya kayang yakapin at mahalin ang nakaiiritang ugali ng mga naging girlfriend niya. Kapag nainis na siya sa kaartehan ng mga ito ay nakikipaghiwalay agad siya.
Natawa ang lola niya sa ekspresyon ng mukha niya. Marahang tinapik-tapik nito ang kanyang pisngi. “You’ll understand when you’ve fallen in love for real.”
Nagkibit-balikat na lang siya. Hindi niya gaanong inisip iyon. Mas iniisip niya kung paano makakasalisi sa lola niya mamaya para makapaglaro sa entertainment room. May tatapusin kasi siyang level.