Concurrant illi

2807 Words
2: Concurrant illi Tumatagaktak ang pawis ni Milo sa pag-aani ng mga aguacate na kaniyang ititinda. Gusto niya sanang hingiin ang tulong ni Olympus, pero huli na. Nakahanap na ito ng trabaho sa ibang encomiendero. Halos maabo na ang nagniningning niyang balat. Walang patid ang pagsunog ng araw. Hindi pa rin siya tumitigil. Malapit na rin siyang matapos. Pagbubuhat na rin nito sa kubol ang susunod. Sa kabila nito, naiisip niya pa rin na hindi pa siya nagkakaroon ng karelasyon kahit kailan. Hindi na sumagi pa sa isip niya dahil kinailangan niyang punang maigi ang mga aral upang maging vistador ng bayan. Aminado siyang gusto niya nang makipagtipan kay Olympus, pero sa puso’t kaluluwa niya, makalangit ang nais niya. Isang diyos mula sa Sierra Alta ang nagpapatibok ng puso niya - si Viento Visto. Habang nagbubuhat, nananaginip siya na kasama niyang nag-aani si Viento. Pagkatapos, maglalakad lang sila ng malayo-layong dipa at nasa tabing dagat na sila. Mga pangarap na alam niyang sa panaginip lang din mangyayari kailanman. “Nararamdaman niya rin kaya ang t***k ng puso kong sa kaniya lang naliligayahan sa tuwina?” Kasinglayo ng sagot sa tanong niya ang posibilidad na maglapit silang dalawa. Alam niyang kahit kamatayan ay hindi sila paglalapitin. Hindi namamatay ang isang diyos, liban na lang sa isang bagay. Ngunit maaari siyang malagutan ng hininga kahit anumang sandali. Sa kabila nito, hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. “Maaaring kamatayan ang maglapit sa atin, pero hindi ko pa rin alam, Panginoong Viento Visto.” Maraming lalake na rin ang nag-asam sa kaniyang kamay - mga lalakeng maharlika na nais siyang itakbo mula sa ciudad patungo sa kanilang bayan. May isa na prinsipe pa mula sa malayong kaharian, ngunit tinanggihan niya ito. May isa pa nga na nilapagan siya ng isang tesoro ng mga ginto, pilak, safiro, at mga diyamante, ngunit isinara niya lamang ito at itinulak iyon pabalik sa prinsipe. Tanging siya at ang vistador menor ng Castañesa ang nakakatamasa ng ganitong kalayaan - kalayaan na tanggihan ang sinumang hihingi sa kani-kanilang kamay para pakasalan. Iyon na rin siguro ang dahilan kung bakit humantong siya sa pagkakagusto sa isang diyos na katulad ni Viento Visto. Kakalabas pa lang ni Viento sa bayan ng Pezcuenza. Tila isang disyertong walang katapusan ang binabagtas niya. Paa niya ay unti-unti namamalatos. Nang marating niya ang kalagitnaan ng disyerto, natanaw niya na ang isang kampanaryo sa ibabaw ng pitong magkakasuklob na burol. Luntian ang kulay mula sa malayo. Hindi nanlalabo ang paningin niya. Halos isandaang dipa na lang ang layo, at papalubog na ang araw sa kanluran. Natatanaw niya na ang malaking tarangkahan na gawa sa makakapakal na kahoy. Matataas ang fortaleza na gawa sa malalaking bato na hinugis na parisukat. Amoy nardo ang paligid. Ito na nga ang bayan ng Buen Aire. “Señor, ano po ang pakay nila sa bayan?” tanong ng guardia. “Naghahanap po ako ng matitirhan. Tatlong bayan na po ang nalampasan ko. Tanging Buen Aire na lang ang pag-asa ko,” sabi ni Viento. Tinawag niya ang kasamahan. “Caballero, halika.” Tumalima ito. “Bakit?” “Tingnan mong maigi ang lalakeng ‘to. Sa tingin mo, dapat ba natin siyang papasukin?” “Sa tingin ko, oo. Wala siyang dalang kahit ano, ni supot, wala.” “Sige. Dadalhin na lang ba natin sa dambana?” “Mas mabuti pa nga. Ang Vistador Milo na ang bahala.” Pinapasok nila ako. Hindi ko alam, pero nangyayari ang dapat na mangyari. Mukha siyang tanga dahil alam ligtas ang mga diyos na katulad niya sa mapaminsalang tadhana. Pero ito siya ngayon, parang sanga na inaanod sa dagat at napadpad sa isang dalampasigan nang walang kamalay-malay. Nakikita niya ang kaayusan ng bayan. May pagitan ang bahay at kalye. Sa mga makakapal na laryo gawa ang mga daan. Doon naglalakad ang mga mamamayan. Pare-parehong tunika ang suot ng mga tao. Habang papalapit siya sa dambana, hindi niya mapigilang mapangiti sa pag-asang makikita niya na nang malapitan si Milo. Sa kasawiang palad, napagtanto niyang terça-feira pa lang. Hindi pa ngayon ang lingguhang pasasalamat. Wala na siyang nagawa pa. Minabuti niya na lang na manatili muna sa dambana. Matayog ang loob at labas. May malaking rebulto ni Viento - siya - sa altar. Walang upuan o kahit ano. May mga unan na maaaring luhuran. Nakasalansan ang mga ito sa isang band. Amoy azafrán at kamanyang ang loob. Gawa sa marmol ang dingding at may mga awit ng papuri pang nakasulat. May mga lalagyan ng sulo. Sa gawing kanan ng rebulto ay may mga lalagyanan ng pagkain at tubig. “Señor, ano po ang pangalan nila?” tanong ng caballero. “Aire. Aire ang ngalan ko.” “Salamat po, Señor Aire.” Nakipagsanggang-kamay siya at lumabas na ang mga caballero. Nagsimula na siyang maghanap ng trabaho sa mga mercante, pero walang tumatanggap. Kamot na siya nang kamot sa ulo. Ang hirap palang maging tao, aniya. Sa kabilang banda, hindi siya nawawalan ng pag-asa. Bigla-bigla, nakita niya ang isang anunsyo mula sa paskilan. Natabunan pa ng ibang anunsyo. Naghahanap ng tagabuhat at tagatanim ng mga aguacate at trigo - Vistador Milo. May mapa kung saan siya tutungo. Pinilas niya na ang papel. Nagsimula na siyang sundan ang lugar. Hirap na hirap siya. Nasa dulo na kasi ng bayan ang bahay ni Milo. Halos isandaang dipa na lang papunta sa dalampasigan. Wala na siyang matanaw na fortaleza. Malalawak na bukirin at mga katamtamang laki ng bahay lang ang bumungad sa kaniya. Magkakalayo pa ang mga ito. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakita niya pang may naghahatak ng malaking kariton ng aguacate. Napansin niya agad ang tunikang suot ng lalake. Pamilyar. Pumitik siya at biglang humangin. Amoy nardo. Siya na nga si Milo. Tumakbo ito nang mabilis at tinungo si Milo. “Ikaw ba si Milo?” Tumigil sandali si Milo. “Oo, ako nga. Ano’ng maipaglilingkod ko?” “Naghahanap kasi ako ng trabaho. Naghahanap ka ng tagabuhat at tagatanim. Tama ba?” “Siyanga.” Ngumiti si Milo kay Viento. “At dahil mukhang sabik kang magtrabaho, sisimulan na natin ngayon.” “Opo.” “Ano nga pala ang pangalan mo?” Hindi siya agad nakapagsalita. Nauutal siya, “Ah, Aire. Aire.” “Sige na, Aire. Tara na sa bahay. Ipapakita ko na rin sa ‘yo kung saan ka matutulog.” “Oo, sige.” Kinuha na ni Aire ang hawakan ng kariton at binuhat. Napalagok si Milo dahil nakita niyang kumislot ang braso nito. Halos malusaw na ang binti niya sa panghihinga. Hindi naman makatingin nang diretso si Aire sa kaniya. Hindi mapagsidlan ng saya ang puso niya dahil mukhang magsusunod-sunod na ang suwerte niya upang maligawan ang binatang kinahuhumalingan ng madla. “Aire, saang bayan ka nga pala galing?” “Atenas. Ikaw?” “Sa bayan ng Valle Azul, pero dito na ako lumaki.” “Nakita kong vistador ka. Paano ang naging proseso?” “Mahaba-haba. Parang pasensiya ko.” Sinasalaysay ni Milo ang mga pinagdadaanan ng isang tao para maging vistador. Kailangang maganda ang tinig. Walang kahit anong bisyo gaya ng pag-inom at paninigarilyo. Pitong taon na mag-aaral sa paaralan ng mga pilosopo, lalo na at tungkol sa aral ng mga diyos ang kailangang basahin. Inaaral pati ang paglilinis at pagpapabango ng loob ng dambana upang maging kaaya-ayang ang presensya ng diyos sa mga tao. Nagtanong bigla si Aire. “Trabaho ninyo pati pagpapabango ng diyos?” “Oo. Alam kong nakakatawa para sa mga pangkaraniwang tao, pero ang mga diyos din naman ang nagbibigay ng buhay sa mundo. Iyon lang ang tangi kong magagawa, at pinagbubuti ko pa rin. Dahil ang pinakaaral ng mga diyos sa tao ay pasensya.” Tumatawid na silang dalawa sa isang tulay. Nakakatunaw ng pagod ang lagaslag ng tubig sa ilog. Sumasayaw ang mga puno sa saliw na dala ng hangin. Maalikabok man ang daan, hindi naman sila napupuwing. Natutuwa si Aire sa kulot na buhok ni Milo. Hindi niya maiwasang mamangha sa gandang taglay nito. Hindi nababali ng malakas na hangin ang mga ngiting kinagigiliwan niya sa tuwina. Tinatalo na ng hangin si Aire. Nababaling mga sanga na ang binti niya. Muntikan pa siyang matisod, pero napigilan niya pa rin ang sarili. “Alam mo, Aire. Gusto kong sabihin sa iyo ‘to.” “Ano ‘yon, Milo?” “May lalakeng nanliligaw sa akin, pero tinanggihan ko.” “Bakit?” “May napupusuan na kasi ako.” “Sino naman?” “Matatawa ka ba kung sasabihin ko kung sino?” “Hindi.” Tumikhim si Milo. “Ang panginoong Viento Visto.” Nabitawan ni Aire ang kariton, napatitig kay Milo. Nang magtama na ang kanilang mga paningin, winagwag bigla-bigla ni Aire ang kaniyang ulo. Pinulot nilang dalawa ang mga prutas na nahulog. Nais niyang tumalon sa saya. Hindi na magkandamayaw ang kaniyang isip. “Kumusta ka? Bigla kang natigilan?” tanong ni Milo. “Wala lang, Milo. Nagulat lang ako. Sa diyos ka talaga nagkakagusto?” “Oo. Alam kong pinagbabawal, pero ang pusong umiibig lang ang magpapaliwanag kung bakit walang makakapigil sa akin sa pagmamahal ko sa kaniya.” “Hayaan mo. Malaya naman tayong umibig,” mutawi ni Aire. “Tama ka. Iyon ang aral na kabalintunaan ng lahat. Hindi natin alam kung para saan ba talaga ang pagmamahal. Upang sumaya lang ba o upang hindi maubos ang sangkatauhan?” Ngumiti siya kay Aire, “Walang nakakaalam. Kahit ako, wala nang masasabi pa.” Ilang dipa pa at nakita niya ang tahanan ni Milo. Tahanan na isang palapag. Hugis parisukat at may kubol sa likuran na gawa sa makakapal na tabla ng kahoy. Sa laki ng mga bintana, malayang lumalabas-masok ang hangin. Walang masyadong gamit sa loob. May tsimineya para sa taglamig, tatlong estante ng mga aklat, mga lamparang nakasabit - tatlong dipa ang layo sa isa’t isa. May hati-hati ang mga kuwarto na gawa sa laryo ang mga dingding - tanging kortina lang ang tabing o pinto, mesa at mga upuang gawa sa tabla ng punong cipres, at may ginuhit na eksena mula sa epiko ng Helena - kung saan nanalo ang bayan ng Helena sa mga mananakop mula sa bansang Franquia. Pinakita ni Milo ang magiging silid ni Aire. May tatlong lamparang nakasabit sa karet. May mga libro din na maaari niyang basahin. May higaan din na mula sa balahibo ng tupa ang palaman. “May ipapadagdag ka pa ba sa magiging kuwarto mo?” “Wala na, Milo. Labis-labis na ‘to. Salamat.” “Walang anuman.” Habang nakahiga siya ay napapangiti siya sa bawat saglit. Kasing-aya ng kalapati ang damdamin ng hangin. Napapikit siya sa pagod. Nakatulog siya saglit. Maya-maya pa ay naaamoy niya na ang nilulutong sopa. Sa mga sandaling ‘yon, nagdudurog ng paminta si Milo. Pinapakuluan niya ang karne ng tupa habang nabababaran ng azafrán, lechuga, at saka binudburan ng paminta. Naghihiwa na rin siya ng keso upang tunawin at gawing sawsawan. *** Kumakain na silang dalawa. Inabot na ni Milo ang mangkok at kutsara. Hindi maiwasang mapatingin ni Milo sa mala-asul na langit na mata ni Aire. Kumislap ito, pero hindi niya na lang pinansin. “Alam mo, Aire, puno ka ng hiwaga.” “Bakit?” “Pambihira ang hitsura mo. Mala-gintong buhok, matangkad, malaki ang katawan, at dapat na matunog ang pangalan mo sa buong bayan. Pero walang kahit anong kasulatan na nagsasabi ng mga haka-haka tungkol sa ‘yo.” Napaubo si Aire. “Hindi, hindi lang kasi ako lumalabas sa bayan namin. Mas maraming maton sa Atenas. Marami rin naman ang mala-ginto ang buhok.” “Mali ka riyan. Mga taga-Prado de los Cielos lang ang may mga taong ginintuan ang buhok. Anak ka ba ng isang diyos at isang tao?” “Hindi ko rin alam. Namatay kasi ang nanay ko noong anim na taong gulang pa lang ako. Simula noon, binubuhay ko ang sarili sa paglalako ng mga prutas, pagbubuhat ng mga kargada, at pagiging sundalo ng Atenas.” “Kung sabagay. Hindi ko rin naman kilala kung sino ka talaga. Pero, masasabi kong matalino ka.” “Salamat.” Patuloy pa rin sila sa pag-uusap tungkol sa mga magiging trabaho pa ni Aire. Lumalalim na ang gabi. Lumabas silang dalawa, kapwa nakatingala sa karagatan ng mga bituin. May mga bulalakaw pang dumadaan, isang kumpulan ng bilyon-bilyong mga bituin na tinatawag nilang galaxia. Sinasabing iyon ang nagbibigay ng bilis o bagal ng panahon. Wala pa ring nakakapagpatunay ng haka-haka dahil mga diyos lang ang may kakayahang pumunta roon. “Aire, ito ang pangarap kong buhay. Payak lang.” Tumango si Aire. “Ako rin. Maganda siguro na habang nangangarap tayo na maabot ang kalawakan, kapayakan pa rin ang gusto ng puso.” “Totoo, totoo, Aire. Siguro, kabilang buhay na lang din ang makakasagot. Ngunit paano kung patay ka na at hindi mo naman pala makikita ang sagot?” “At sa halip na makita ang sagot, makikita pala natin ang dagat ng mga kaluluwa ni Tenebris.” Napahagikgik si Aire. “Mabuti na lang din pala at kasama kita rito. Aaminin ko na hindi madali ang buhay ko bilang vistador. Kahit ano pa ang ipakita kong kabutihan, pero dahil may batas na pili lang ang taong kailangan kong makasama, hindi pa rin ako maaaring makipagdaupang-loob sa mga mamamayang sinasamahan ako sa pagdarasal sa mga diyos.” “Bakit? Dahil kailangan mo lang ituon ang sarili sa diyos?” “Oo. Maaaring mga trabahador lang ang tumira kasama ko. Pero kahit ang mga trabahador rito ay takot na sumuklob sa tahanan ko.” “Hayaan mo, narito lang ako parati.” Tumingin si Milo kay Aire. “Salamat.” “Walang anuman.” Naglakad-lakad sila patungo sa dalampasigan. Nakakakalma ang hampas ng alon sa kabila ng pagdagundong nito. Umupo sila sa batong malaki. Nakatanaw sila sa horizonte. Nananalamin ang langit sa pagtama ng mukha nito sa ibabaw ng tubig. Bumaba si Aire at hinubad ang tunika, saka tumakbo sa tubig. Bakas na bakas sa dilim ang hubog ng katawan nito. Mas lalong gumanda ang tanawin, sabi ni Milo. Hindi na kakatwa sa kaniya na makakita ng hubo’t hubad na lalake. Ngunit espesyal ang tanawing nakikita niya ngayon. Kagila-gilalas at hindi kapani-paniwala. Datapwat ay nangyayari, hindi niya maapuhap ang totoo sa hindi. Kumakaway si Aire at inaaya siyang maligo. Humindi si Milo dahil kailangan niyang ipahinga ang katawan para sa kinabukasan. Nabasa na ni Milo ang ganitong eksena. Isang diyos ang nagtatampisaw sa dagat. Hubo’t hubad at walang pakialam sa sinumang makakakita. Sasayaw ang mga tala sa saliw ng galaw ng diyos. Napatingala siya sa langit. Dumagundong ang kaba sa puso niya dahil namataan niya ang kumpulan ng galaxia na tila nagsasaboy ng mga bituin mula sa gitna nito. “Isa kaya siyang diyos?” Napakibit ng balikat si Milo. Umahon na sa dagat si Aire. Nagbihis na ito. Saka niya inalalayang makababa si Milo. Tanging lagaslas na lang ng tubig, kaluskos sa paligid, at mga yabag nila ang nagbibigay ng ingay sa nakakabinging katahimikan. Nawawala na ang init na dala ng araw. Napapalitan na ito ng lamig. Pinagpag nila ang mga sarili bago pumasok sa loob ng tahanan. Nauna si Aire sa kaniyang silid, naririnig na nagdadasal si Milo, nagpapasalamat sa mga diyos sa pinagpalang araw na ito. Narinig niyang nabanggit nito ang kaniyang pangalan. Inabot ng sampung sandali ang dasal at doon lamang siya tumigil. Humuni ang kungkong, at huminga pa nang malalim. Isang saglit pa, naririnig niya na ang kaluskos ng higaan, saka namatay ang mga ingay. *** Quinta-feira. Nasa pagitan na ng lupa at langit ang araw. Bumangon na si Milo upang maligo sa pinakamalapit na batis. Nakita niyang nakaupo na sa mesa si Aire. Naghanda na rin ito ng makakain nilang dalawa. Nasabihan na rin niya na manatili sa bahay si Aire upang ihanda ang mga paninda. “Aire. Isasalansan mo lang ang mga aguacate sa kariton. Tamang-tama at mahalimuyak na rin ang trigo. Ilabas mo na rin ang isa pang kariton nang mapadali ang pag-alis nating dalawa.” “Sige, sige.” Umalis na si Milo patungong batis. Habang papalayo siya, binibilisan naman ni Aire ang pagsasalansan ng mga ibebenta. Ginamit niya ang pambihirang lakas upang mapabilis ang paglalabas ng mga kariton. Balak niya kasing sundan si Milo. Nang makalampas sa huling linya ng bukid, puro punong mayayabong na ang humarang sa kaniya. Hindi siya nagpapigil. Sinundan niya ang lagaslas ng tubig. Doon niya nakitang naghuhubad na ng damit si Milo. Napanganga siya dahil walang katumbas ang nakikitang ganda. Parang isa sa mga estatwa ng mga diyos. Hindi malaki ang katawan ni Milo, aniya. Pero hindi rin siya nagtataka kung bakit maraming napapalingong mga caballero at vendedor. Kalalaking tao, pero malaking ang puwitan at walang masyadong balahibo. Naghahalo ang p********e at pagkalalake sa bawat kilos, kibot, at galaw. Kumbaga, nakakahumaling. At ang pinakamahalaga, matalino dapat ang isang vistador. Nabasa niya sa isang aklat na ang mga katulad ni Milo ang pinipiling vistador isang libong taon na ang nakalilipas. Sila kasi ang ginagawang pamalit sa prinsesa ng kaharian kapag ayaw nitong magpakasal. Unti-unting inilulubog ni Milo ang sarili sa tubig hanggang sa ulo na lang ang nasa ibabaw. Pagkatapos ay umahon ito at kumuha ng batong-buhay sa gilid ng bukal. Naghilod ito at mas lalong kuminang ang balat. Napapanganga lalo si Aire sa nakikita. Kaya naman kumaripas na siya ng takbo. Hindi na pag-ibig lang ang kaniyang nararamdaman, pagnanasa na rin. Binilisan niya ang pagtakbo para makabalik sa tahanan. Nang makabalik na siya, nakita niyang naroon si Olympus. “Sino po sila?” tanong agad ni Aire. “Ako si Olympus, kaibigan ni Milo. Nasaan siya?” “Nasa batis, naliligo.” “Gano’n ba?” May nilabas na sulat si Olympus. “Pakibigay ito kay Milo. Pakisabi na rin na galing ito sa isang pamilya.” “Sige, iaabot ko sa kaniya ang balita.” Bago humayo, nagtanong siya. “Ano nga pala ang pangalan mo?” “Aire.” “Salamat, Aire.” “Walang anuman.” Ngumiti lang si Aire habang papalayo si Olympus, pero gusto niya nang bumuo ng buhawi at isaklob ito sa lalake. Natigilan siya. “Naninibugho ba ako? Ano ‘to?” Bumalik sa gunita niya ang mga sandaling nakita niyang magkahawak ng kamay ang dalawa. Tinanong niya sa sarili kung ganito ba ang pagiging tao. Oo ang sagot. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD