bc

Milo de Buenos Aires

book_age18+
89
FOLLOW
1K
READ
sensitive
tragedy
brilliant
deity
mythology
supernatural
mxm
ancient
priest
like
intro-logo
Blurb

Pangarap ni Milo, isang vistador, na makita at mayakap ang diyos na kaniyang iniibig, si Viento Visto. Bumaba si Viento sa lupa at naging si Aire. Kapwa sila nagtatago ng nararamdaman sa isa’t isa kahit na isang tuldok na lang ang naghihiwalay sa kanila. Nakita nila ang pag-uugali ng bawat isa. Bawat dagitab ng kanilang mga patagong sulyap sa isa’t isa ang nagbibigay ng kakaibang batubalani o puwersa sa pagitan nila. At sa halos bawat araw na nagdaraan sa buhay nila, unti-unti nilang nakikilala ang bawat isa, hanggang sa humantong ang pagkakataong natuklasan ni Milo na si Aire at ang Panginoong Viento Visto ay iisa lamang. Sa pag-iibigan ng tao at diyos, mariin itong pinagbabawal. Ito ang ginamit ng diyos na si Ganador laban sa kapatid na si Viento upang maging kanang-kamay ng Haring Marzo. Sa huli, nanaig pa rin ang pag-ibig sa kabila ng mga batas na nagbabawal sa kanilang pagmamahalan.

Isang kuwento ng pagmamahalang pag-ibig lamang ang nakatibag sa tinitingnang bawal sa kanilang lipunan. Tunghayan ang natatanging kuwento nina Milo at Aire.

chap-preview
Free preview
Et Lux In Tenebris Lucet
1: Et Lux In Tenebris Lucet Suminag na ang araw sa kabuuan ng Ciudad de Buen Aire. Kilala rin ang lungsod sa pangalang Villa Vistañeza, alinsunod sa alamat na ito ang huling kahariang itinatag ng diyos na si Viento Visto. Unang namataan ng unang sinag ay ang mga kolum ng ayuntamiento sa gitna ng plaza. Mababakas ang payak na pamumuhay at pagkakapantay-pantay dahil nakasuot ng tunika ang lahat - bata, matanda, babae, lalake, o wala sa mga nabanggit. Sumunod naman ang pagbatingting ng mga noticiero sa paligid ng dambana ng diyos na si Viento Visto. Hinanda na ni Milo ang sarili sa palikuran ng mga vistador. Huminga siya nang malalim habang sinusuot ang tunikang kulay rosas at sandalyas na bigay sa kaniya ng mga vistador mula sa Pueblo de Poliza. Ngumiti siya at napansin hindi nakakapaso ang sinag ng araw ngayong sexta-feira. Hindi siya ang tipikal na vistador menor dahil nagtitinda pa rin siya sa mercado. Kinagigilawan ng mga tao at pinagbubunyi sa mga pagtitipon. Nakakaramdam siya ng importansya sa bawat pag-awit. Iyon ang gawain niya sa tuwina. Pinipili ang mga magiging vistador menor sa pamamagitan ng pagkilatis ng mga vistador mayor. Kung mapapansin sila, mga taong tila pinaghalong babae at lalake sa iisang katawan ang hitsura, ngunit mga lalake noong ipinanganak. Walang masyadong buhok sa katawan at mga kulay kape ang buhok. Pinaparis sa mga kasulatan at banal na aklat ng mga Diyos sa iba’t ibang dako ng daigdig. Unti-unting umaalingawngaw ang ingay ng mga tao sa mercado, saka naman sinundan ito ng awit ng mga vistador mula sa Prado de los Cielos. Bigla-biglang mga yabag na lang ang naririnig mula sa mga taong hindi pa lumuluhod. Pinangungunahan ni Milo ang pag-awit ng himno de creación sa estilo ng pag-awit ng mga taga-Pueblo de Gregoria - estilong gregoriano. Inangat ni Milo ang kaniyang mga bisig at saka pinagdaup ang mga kamay, nagsimulang umawit. Desde la nada en universo Hasta todas cosas tienen aliento Están guardados en las manos tiernas De Nuestro Padre, El Rey del Universo, Marzo, muchísimas gracias hasta el fondo. Desde el suelo que nos alimenta Hasta el cielo que nos da mucho aire En todas partes de nuestras vidas, Dar las gracias a El Señor del Aire, Viento Visto, hasta el fondo lo alabamos. Desde la arcilla de cenizas que nos creaban Hasta el agua nos derrite a la orilla del mar Vamos a pedir la misericordia por todos lo que pasan Y las cosas que pasarán más pronto que nosotros, Los Reyes en manos cruzados, ayúdennos. Que nos bendigan de sus gracias y manos de gravedad. Los Dioses en La Gran Sierra Alta, que nos bendigan Hasta el último aliento, vamos a dar gracias a ustedes. Binuksan ni Milo ang palad at pumitik saglit, huminga nang malalim, at tumayo mula sa pagluhod. Umihip ang hanging dala ng hilaga. Napapikit ang lahat ng tao sa loob ng dambana at lumalig saglit ang paligid. Nagkamayan ang bawat isa habang nagtatago ng mga haka-haka tungkol sa hanging dumampi sa bawat isa. Nagpasalamat kay Milo ang hari na kanina pa nadadala sa tinig niyang kasingtaas ng lipad ng agila. “Ikaw ang pinakamagaling na vistador menor na nakilala ng lahat sa buong buhay naming lahat,” papuri ng hari. “Maaaring natatawag mo na rin ang pansin ng mga diyos sa Sierra Alta.” Ngumiti lamang si Milo. “Maaaring mensahe ang dala ng hangin kanina. Susubukan kong umawit ng papuri sa Panginoong Viento Visto mamayang gabi.” Nilisan na ng lahat ang dambana, liban kay Milo na naglilinis pa ng buong bulwagan. Nilabas niya ang malaking mangkok at nilagyan ito ng mga pinutol na sanga ng cipres. Nang magningas na ang apoy, saka nilagay ang mirra at kamanyang. Winiwisikan niya naman ng nardo ang paligid. Bumabango na ang loob ng dambana. Umupo siya sa isang banda habang tinitingala ang simboryo nitong dambana. Nagmistulang buhawi ang usok. Natulala si Milo sa nakita at napakalikwas siya mula sa pagkakaupo. “O Panginoong Viento Visto, iadya mo ang bayan mula sa masama.” Naging bilog ang kumpol ng usok at tahimik itong sumabog. Nagkibit-balikat siya. Pinagpag niya ang damit at saka umalis. *** Tumatawa nang malakas si Viento Visto sa naging reaksyon ni Milo. Muntikan pa siyang malaglag sa bingit ng ulap na hinihigaan. Pinuntahan siya ng kapatid na si Borealis. Nagsasalubong ang kilay nito dahil sa galit. Nanginig si Viento nang makita ang kapatid na nakataas na ang kamay, at mukhang maghahatak ng mga yelo sa hilaga. Tumayo agad siya at nagsusumamo kay Borealis. “Oy! Borealis, biro lang naman ‘yong ginawa ko.” “Talipandas ka talaga! Makikita mo ang Polo Norte sa pagmumukha mo pag nagkataon.” “Patawad na. Hindi ko na uulitin. Pero, nagdasal naman ang vistador sa akin.” “Kahit na!” Sigaw niya. “Ibabaon kita sa gitna ng Polo Norte sa oras na maghasik ka na naman ng takot sa vistador na ‘yon.” Naningkit ang mga mata ni Viento. Nilapit niya ang mukha kay Borealis. Napansin niyang namumula ang mga pisngi nito. “May gusto ka ba sa vistador na ‘yon?” tanong niya. Biglang napakapit sa mukha ang diyosa at hindi na magkandaugaga. Lumipad bigla ito at bumalik na sa Polo Norte. Nagselos siya sa naging reaksyon ng kapatid. Biglang lumakas ang hangin. Pinilit niyang kumalma at nawala na ang mga abuhang ulap. Iniisip niya na ang magiging hakbang. Tinungo niya sa silid-aralan sa bayan ng Apolonio, nasa baba ng Sierra Alta. Nagpanggap siyang tao. Sa kabila ng pagpapanggap, hindi niya mailagan ang mga taong nakatingin sa kaniyang buhok ng kulay pilak at ginto. Napilitan siyang umalis saglit. Pumunta sa mercado ng bayan para bumili ng abrigong may panakip sa ulo. Halos mapaluhod na ang nagtitinda. Pinatayo niya ito at binigyan siya ng pinakamagandang tunika na gawa sa pinaghalo-halong hibla mula sa tupa at hibla ng mais, at saka binabad pa sa nardo pagkatapos tahiin. Bumili na rin siya ng sandalyas na kulay kape. Bumalik ulit siya sa silid-aklatan at nagbasa ng mga epiko. Doon niya nabasa ang mito ng unang relasyon sa pagitan ng dalawang lalake. Napalagok siya ng buksan ang unang pahina ng aklat. Dalawang lalake na magkahalikan habang nakahiga sa ibabaw ng mga azafrán. Sa epikong ito, sinasabing dinakip ang isang vistador dahil sa tinig nito kayang makahalina, kahit ng mga diyos. Isang sexta-feira, umaawit ng papuri si Serenus nang biglang bumukas ang pinto ng dambana. Lumitaw ang panginoon ng dilim na si Tenebris at ang alagang leon. Nagpulasan ang mga tao at nagsara lahat ng bintana at pinto ng dambana sa pagkuyom ng kaniyang kamay. Binitbit niya ang lalake at naglaho sila. Nakulong din pala sa loob ang kilalang matikas na si Fortis. Isa siya sa mga lihim na tagahanga ng nasabing vistador. Nabanggit din na kinailangan nitong malampasan ang sampung masusukal na lambak sa pitong bayan. Nakaharap niya ang falcón sónico, quimera, at mga duende na may daan-daang hukbo. Nilangoy niya ang ilog na kasinghaba ng pagitan ng dalawang malalaking bayan. Nang marating niya ang dulo, naroon ang isang gitana na nakasuot ng itim na damit at may isang tala sa kanang kamay. Kumurot ito at binigyan ng isang kapurit si Fortis. Kinain niya ito at nagliwanag siya. Nilabas niya ang palakol at sinira ang pinto ng dilim. Bumukas ito at nakita niyang nakalutang sa kadiliman ang katawan ni Serenus. Biglang lumitaw ang isang malaking kamay. Hawak-hawak siya ni Tenebris sa palad. Pinakawalan nito ang leon at nagapi ito ni Fortis. Sumigaw nang malakas si Fortis at naglaho ang dilim. Nakahandusay ang katawan ni Serenus. Doon niya napagtanto ang araw na dala ng mga diyos ng Sierra Alta - pag-ibig ang nagbibigay ng tapang at lakas sa isang tao. Iyon din ang unang pagkakataon na nagkaroon ng isang eksenang hinalikan ng isang lalake ang kapwa niya lalake. At dahil sa kaniyang kadakilaan, ikinasal sila sa isang dambana sa Prado de los Cielos at doon sila nanatili hanggang sa maging abo. “Ganito rin ba ang sasapitin ko kung mamahalin ko siya?” Tanong ni Viento sa sarili. *** Nagtama ang sexta-feira at kabilugan ng buwan. Singlinis ng nakakapasong umaga ang kalangitan ng gabi. Nakahiga na naman si Viento sa iisang kumpol ng ulap na binuo niya mula sa malalamig hangin sa timog at norte, saka kinalat nang kaunti nang hindi mahalata ng mga tao. Suot-suot na ni Milo ang tunikang kulang itim, at pula naman ang sa vistador mayor. Abuhan naman ang suot ng mga mamamayan. Lumalagatik ang mga sangang tinipon at sinusunog sa gitna ng plaza. Pumapalakpak ng pa-tatlo-tatlo ang mga tao habang si Milo naman ay umiindak. Pumipilantik ang mga daliri sa bawat kumpas ng kamay. La diosa Borealis, muéstrenos la luz, En su gloria y sensatez del bosque oscuro, En que Tenebris dibujó la tierra con tinieblas, Con El Gran Rey Marzo y usted la magistrad, sentimos la calma en la tiniebra insegura. Acepten estos gestos con alegría y alabanza. Al quemarnos los pétalos de azafrán, pedimos la plena gracia frutada todo el verano. De la tierra esperamos, al cielo rogamos. Patuloy pa rin sa paglagatik ang mga nasusunog na sanga. Nakangiti si Milo at naaakit ang mga tao na sumayaw. Tumayo si Viento at nagsimulang sumayaw. Napapapikit siya sa saya. Ngunit biglang natigilan ang mga tao. Hindi niya namamalayan na nagliliwanag ang buhok niya. Lumilipad pa siya at inakala ng mga nasa ilalim ng langit na dalawa ang buwan at gumagalaw ang isa. “Ano ang nangyayari?” Bulalas ng vistador mayor. “Hindi ko po alam, Señor.” Nagpulasan ang mga tao sa plaza at agad-agad umuwi sa kani-kanilang tahanan. Pinapasok ni Milo ang vistador mayor sa dambana. Lumabas ulit siya upang magdasal. Tumingala siya at napansing naglalaho na ang “pangalawang buwan”. Napahawak siya sa dibdib at nagpalakpakan ang mga tao. Saka bumukas ang lahat ng sulo ng palasyo ng hari. Nawawala na ang sinag at silaw ng buhok ni Viento nang mapansin niyang may anino ng isang babaeng mahaba ang buhok. Nilingon at nakita niya ang Ate na si Borealis, kumikibot ang kaliwang mata. Hinawakan siya nito at naglaho silang dalawa. Malamig ang paligid. Naging abuhan ang damit ni Borealis. Nakatali si Viento. Nakaluhod siya sa harapan nito, nagmamakaawa. Nagpipigil ng hininga si Viento dahil bawat pahinga niya ay lamig ang pumapalit. “Ikaw talagang talipandas ka!” “Ate, patawad na! Patawad!” “Nakikita mo ‘yang hukay na ‘yan?” Tinuro ni Borealis ang isang malalim na hukay na naglalabas ng nakakapasong usok dahil sa lamig. “Diyan kita ibabaon!” Binuksan ni Borealis ang kaniyang palad saka sumalo ng isang piraso ng niyebe. Sa kaniyang pagpisil, napansin ni Viento na bumibigat ang bagsak ng mga niyebe. “Ate, patawad na talaga.” Lumuhod si Viento. “Hindi na ako uulit. Pangako ‘yan! Pangako!” “Hindi ka na talaga makakaulit! Ibabaon na kita. Talipandas!” “Gusto ko ang vistador na ‘yon!” Natigilan si Borealis. Tinitigan niya nang maigi ang kapatid. Totoo nga, aniya. Natutunaw ang niyebe sa bawat pagdampi sa balat nito. “Nasumpungan ka, ano?” Ngumiti si Viento. “Oo, Ate.” Aniya, “Ngayon lang ako nakakita ng taong walang pag-iimbot sa puso.” Ngumisi naman si Borealis. “Kilala kita, Viento. ‘Yan lang ba ang dahilan?” Nagkibit-balikat siya. “Oo na. Nakakadala ang boses at mukha niyang walang kasingganda.” “Pero alam mo naman, hindi ba? Bawal na tayong makipagtipan sa mga tao.” “Alam kong mali ang ginagawa ko, pero gusto ko siyang makasama.” “Kahit na kailangan mong isuko ang pagiging diyos mo?” “Oo, Ate. Nakahanda na ako.” Hatak-hatak pa rin ni Borealis ang kapatid hanggang makabalik sa palasyo ng mga diyos. Punong-puno ng mga karne ng baka at kabayo ang hapag. Masarap ang samyo dahil pinausukan ito sa libo-libong tuyong azafrán habang pinatuyo sa ilalim ng araw ng pinakabatang diyos na si Cozir, na siya na ring diyos ng pagluluto. May alak na gawa pa sa mga ubas ng diyosa na si Demetría. Katabi ni Borealis si Australis. Si Ganador naman ang katabi ni Viento. Ang mensahero namang si Elixis ang katabi ng mga kapatid nilang sina Fides, Virtus, Primavera, Camina, Fogo, at nasa magkabilang dulo naman ang Hari at Reyna na sina Marzo at Nerea. “Maayos naman ba ang mga tao sa lupa, Viento?” tanong ni Marzo. “Opo, Ama. Kanina lamang po, pinapanood ko silang nagdiriwang at umiindak habang umaawit ng papuri sa inyo.” “Kung ako ang tatanungin, hindi na nila kailangang gawin ang mga papuri sa ating lahat. Sapat nang maligaya ang buong daigdig sa kasaganaan,” sabi ni Marzo. “Tama po kayo, Ama.” Pagdidiin ni Borealis, “Kahit nga rin ang mga diyos ay naliligayahan.” “Siyanga, Borealis,” si Nerea. Binalita naman nina Fides at Elixis ang mga pagbabago sa pag-aaral ng mga pilosopo sa bayan ng Avento. Anila, nakakaisip na ng paraan ang mga tao sa paggawa ng mga gusaling mas mataas pa sa tatlong girafa. Bloke ng batong inukit ng mga manlililok ng bayan, anila. Ito ang magsisilbing escuela para sa mga batang babae at lalake. Ang magtuturo ng sining ng pakikipaglaban at teknolohiya. *** Nagpapahinga si Milo nang may isang matipunong lalake na umupo sa kaniyang tabi. Siya si Olympus, ang pinakamagandang lalake sa pamayanan. Sa kabila ng maayang mukha, tikas at malaking pangangatawan, tila ilag sa kaniya si Milo. “Magandang gabi, Milo.” Ngumiti siya. “Magandang gabi rin.” “Ang galing mo kanina.” “Salamat. Nakakagulat lang talaga ang buwan kanina.” “Oo nga, e. Kinabahan kaming lahat. Pero narito ka pa rin.” “Vistador ako. Trabaho ko pa rin ang mananaig.” “Pero tanong ko lang: Nasubukan mo na bang umibig?” “Hindi pa. Pero para na sa pagiging vistador ang buhay ko.” “Alam mo kasi, gusto ko sanang manligaw. Kung gusto mo lang naman.” “Gusto ko sana, pero nais kong panatilihin ang pagkakaibigan nating dalawa.” “Pero sana, hayaan mo akong hawakan ang kamay mo kahit ngayon lang.” “Sige.” Hinawakan ni Olympus ang kamay ni Milo. Sabay silang tumingala sa langit. Nanggagalaiti naman sa galit si Viento mula sa ulap sa ibabaw. Gustong-gusto niya nang humila ng isang malaking araw para ibato sa lalakeng katabi ni Milo. At habang nagpupuyos siya sa galit, naisip niya biglang magpalit ng anyo at maging tao. Tumayo siya mula sa pagkakadapa sa ulap at tumalon sa ere. Lumipad siya papunta sa bayan ng Celuche, nagnakaw ng nakasampay na tunikang puti, abrigong may taklob, at sandalyas na may biyak sa suwelas. Nagpunta siya sa yungib at doon na nagsimulang magpalit ng damit. Pagkatapos ay naglakad na siya papunta sa kaharian ng Buen Aire. Naging lagalag siya. At nababahiran na siya ng dumi, alikabok; tulad ng mga taong nakakasalamuha niya. Inaral niya ang ginagawa ng mga tao sa araw-araw na lumilipas. “Naku, jovencito,” daglat ng matandang kausap niya. “Maaari kang maging torero o tagabuhat ng mga ani ng mga tao. Marami kang magiging trabaho sa laki ng katawan mo.” “Gano’n po ba?” “Oo, joven! May obsesyon ang mga tao sa malalaking katawan dahil matitikas at kayang magbuhat.” “Susubukan ko po, avo. Salamat.” “Vaya con los dioses, jovencito.” “Gracias a usted.” Sumasabog ang kaniyang damdamin dahil napasok niya ang ideya ng pagiging tao. Nagbabago na ang kaluluwa niya at nagiging mariin. Nang magsara ang malakang tarangka ng bayan ng Pezcuenza, kumakandirit pa siya at iniisip na ang mangyayari. Sa isang banda, nanunulok ang paningin ng kapatid niyang si Ganador. Nakasundot ang bawat tingin niya sa kumakandirit na kapatid. “May araw ka rin, Viento. Itatarak ko rin sa ‘yo ang navaja na nasa akin.” Nilabas niya ang navaja de justicia. Nang matamaan ito ng sikat ng araw, kumislap ito hanggang sa dulo. 

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

The Empire Series: Von Liam

read
597.9K
bc

The Billionaire's Marriage Agreement

read
445.6K
bc

In Love With A Witch

read
259.0K
bc

The Empire Series: Vance Luanne

read
567.1K
bc

Just Another Bitch in Love

read
40.3K
bc

DELTA MONTEMAYOR The Quadruplets ( Tagalog )

read
3.6M
bc

Wandering One

read
23.6K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook