“May pamalit ka ba?” “Unfortunately, I don’t have. Nasa kotse ang backpack ko.” Naiinis siyang tinitigan ang nakangiting mukha ni Baxter. Marumi na nga at walang maisuot, nakuha pang maging masaya. May bahid ng dumi ang puting t-shirt pati na ang pantalon nito. Hayst, may dumikit pang dumi pa sa braso. Nakabusangot na pinagpag niya ang dumi pero ayaw mawala. “Ano ba kasi’ng pinaggagagawa mo, ha?” Nakangiti lang nitong itinaas ang supot na dala nito pagpasok sa kusina. “Binili ni Tatay para sa ‘yo.” Palamig na nakasilid sa plastic ang iniangat nito sa ere. “Lipat ko lang ng sisidlan, ha?” “Ako na.” Pahablot niyang inagaw mula rito ang palamig at isinalin sa pitcher. “So, ano nga ulit ang ginawa mo?” Hindi siya matatahimik hangga’t hindi nito sinasabi. “Tumulong lang po kay Tatay.”

