"Mirkov, ayoko na sa lugar na ito." Umiling-iling si Mirkov sa sinabing iyon ng dalaga. Hindi, hindi... Hindi siya papayag doon. Ngunit kasunod ng pag-iling niyang iyon ay ang paghagulgol ng dalaga. "Ayoko na sa lugar na ito! Ayoko na sa lugar na ito! Ayoko na rito!" Kitang-kita niya ang pagbalatay ng takot at sakit sa mukha ng dalaga. Agad siyang naupo sa tabi nito at ikinulong ito sa mahigpit na yakap. Maging ang kaniyang mga mata ay tigmak na rin ng luha. Nasasaktan siya habang nakikitang nasasaktan ang dalaga. "Ibebenta niya ako." Wala sa sarili nitong paulit-ulit na bulong. Nanginginig ang buong katawan nito. "Kailangan kong makaalis dito bago niya ako makita." Kausap nito ang sarili. "Hey, hey, easy." Pilit niya itong pinakakalma. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ng dalaga.

