"M-mommy, Daddy, Aerin," mahinang usal ni Aeron. Iginala niya ang paningin sa kabuoan ng lugar na namulatan pero para siyang nasa loob ng isang kuweba, ang kaniyang paligid ay tila nababalutan ng tuyong putik.
Tiningnan niya ang hinihigaan, nalalatagan iyon ng kakaibang mantel, mantel na animo'y kumikinang sa dilim gayundin ang malambot na telang nakabalot sa katawan niya. Madilim ang paligid at tanging mga sulo na nakatusok sa bawat dingding ang nagsisilbing liwanag doon.
Muli siyang tumawag. Umaasa na ano mang oras ay darating na ang kaniyang mga magulang upang aluhin siya at samahan sa dilim.
Pero wala....
Sa halip, isang anino ang bumungad sa b****a ng silid. Napaatras si Aeron sa dulo ng higaan sapagkat hindi niya kilala ang lalaking pumasok.
"Gising ka na pala, halika, kumain ka."
Malaki ang boses nitong ume-echo sa kabuoan ng silid. Bagama't naroon ang sinseridad, hindi pa rin maiwasang makaramdam ng kaba ni Aeron.
Nasaan siya at sino ang lalaking ito?
Ng hindi siya kumilos ay tuluyan itong lumapit sa kaniya. Nahagip ng liwanag ang hitsura nito kaya napagtanto ni Aeron na gaya niya ay tao rin naman ang nilalang, mas matangkad at mas malaki nga lang ng kaunti sa mga normal na taong nakikita niya.
"Hindi ka ba nagugutom? Huwag kang matakot, isa akong kaibigan, hindi kita sasaktan." Muling saad nito.
Tiningnan ni Aeron ang lalaki sa mukha.
"S-sino po kayo? Nasaan ako?" Iginala niya ulit ang paningin sa paligid.
"Hindi mo pa mauunawaan sa ngayon, Anak. Pero higantatay na lang ang itawag mo sa akin. Ang mabuti pa, sabayan mo na ako sa pagkain para lumakas ka." Muling yakag ng lalaki sa kaniya.
Dahil sa taglay na bait ng tinig ni Higantatay ay madali niyang nakuha ang loob ni Aeron. Ilang sandali lang na nag-isip ang bata at malugod na rin itong sumama sa kaniya.
Ngayon nga ay kinakailangan niya pang lumabas sa mundo ng mga tao upang makuhaan ng sapat na pagkain si Aeron. Hindi kasi puwedeng kainin ni Aeron ang mga pagkain na nasa mundong iyon, para lamang iyon sa mga katulad niyang immortal. Magiging napakahirap man ng gagampanan niyang obligasyon sa pagkuha kay Aeron at pakikialam niya sa mundo ng mgamortal, nakahanda naman siya dahil na rin sa pangako niya noon sa lolo ng bata.
Tahimik na kumain si Aeron, pamilyar naman sa kaniya ang mga nasa hapag. Nagtataka lang siya dahil hindi kumakain ang lalaking kasama niya, prente lamang itong nakaupo at mataman na nagmamasid sa kaniya.
"Ang sabi niyo po kakain kayo?" Tanong ng musmos.
"Ah- Oo nga pala," ani higantatay. Doon niya lang pinansin ang pagkain na nasa harapan niya. Hindi gaya ng mortal, siya ay maaaring kumain ng mga pagkaing galing sa mundo ng mga ito.
"Alam niyo po ba kung saan nagpunta ang Mommy at Daddy ko? Kasama po nila yung kapatid kong baby." Inosenteng tanong ni Aeron.
Napatigil sa pagsubo si Higantatay at pilit ang ngiting tumingin sa kaharap na bata. Mabuti na lang at effective ang iniwan niyang alaala sa isip ng bata. Kahit papa'no magiging magaan ang buhay nito at pananatili sa piling niya.
"Hindi ko puwedeng sabihin sayo, Anak. Baka hindi mo pa maintindihan."
"Pero.. hindi na po ako bata, nasaan po ba talaga sila?" Puno ng kuryusidad na tanong nito ulit.
Walang nagawa si Higantatay kung hindi ang mapailing. Nagpakawala din siya ng malalim na buntong-hininga saka nagdesisyong gawin na ang plano.
"Sigurado ka ba na maiintindihan mo na?"
Sunod-sunod na tumango si Aeron na animo'y matanda.
"Opo!"
"Ganito, may kumuha sa kanila kanina. Mga masasamang tao. Nailigtas lang kita kaya dinala kita dito, malayo sa mga bad na tao para 'di ka nila masundan at kunin din. Ang kailangan nating gawin ay maging malakas para matalo natin sila at mabawi ang Mommy, Daddy at Kapatid mo."
Bumakas ang labis na pag-aalala sa mukha ng inosenteng bata. Sumungaw din ang luha sa mga mata niya.
"B-bakit ako lang po ang iniligtas niyo?"
Hindi inaasahan ni Higantatay ang tanong na iyon mula kay Aeron.
"A-kasi ano.. kasi, ikaw lang ang nailigtas ko." Ulit niya lang rin sa tanong ng bata.
Maang itong tumitig sa kaniya. "Sana po hindi niyo na lang ako iniligtas, para kasama ko pa rin ang pamilya ko."
"Pero paano mo maililigtas ang pamilya mo kung kasama ka nila ngayon?"
"Hindi ko rin naman po sila kayang iligtas. Ang liit-liit ko pa. Baka kung ano na ang nangyari sa kanila." Nagsimula na ring bumuhos ang luha sa mga mata nito.
Labis na nahabag ang puso ni Higantatay pero pinigil niya ang sariling amuin si Aeron. Hindi iyon makakatulong para sa nais niya sa batang ito. Sa halip ay hinawakan niya ang magkabilang balikat nito.
"Kaya nga kita niligtas. Para turuan kang maging matapang, malakas at matalino. Pag kaya mo na, babalikan natin ang mga kumuha sa kanila at ililigtas sila. Nauunawaan mo ba?"
Ang mga mata nitong puno ng lungkot ay napalitan nang tapang. Dagli din nitong pinunasan ang mga luha niya sa mukha at pinigil ang paghikbi.
"Naiintindihan ko po! Kailan niyo po ako tuturuan?" Taas noong tanong ni Aeron sa kaharap.
Napangiti si Higantatay. Di yata't nakuha talaga ng batang ito ang ugali ng kaniyang lolo. Matalino at matapang!
"Yan, ganyan nga, Aeron. Bukas pa tayo magsisimula. Basta susunod ka sa lahat ng bilin ko, sa lahat ng utos ko at ipapagawa sayo, ha? Sa ngayon, magpahinga ka muna at ikondisyon ang iyong katawan."
Mahusay itong tumango at naglakad na patungo sa kaniyang silid. Pero pagsampa na pagsampa ni Aeron sa higaan ay muling bumuhos ang luha sa mga mata niya. Nagtalukbong siya ng kumot at doon umiyak ng umiyak. Nangungulila siya sa mga magulang, kahit pa nga kailangan niyang maging malakas, may kung anong bigat ang pinanggagalingan ng mga luhang bumabagsak sa mata niya.
Hindi niya maintidihan kung bakit, pero naniniwala naman siyang kaya niya iligtas ang Mommy, Daddy at kapatid niya.
Nakatulog si Aeron na may luha sa magkabilang pisngi.
Hindi iyon naging lingid kay Higantatay. Parang dinudurog din ang puso niya sa tanawing nasasaksihan pero kailangan niyang maging matatag para sa batang ito. Siguradong walang makakamit na hustisya ang paslit sa mundo nila, kaya siya mismo ang gagawa ng paraan upang makuha ni Aeron ang karapat-dapat na hustisya para sa pamilya nito...