Katahimikan.
Iyan ang namayani sa paligid matapos kong sabihing boyfriend ko si Orlando. Kahit na samu't saring tao ang nagdadaan sa gilid naman, para bang mga naka-mute sila at hindi mo maririnig ang kahit ano'ng tunog.
Si Orlando ang unang nagsalita kaya naputol ang katahimikan. "Good evening, Sir." Tumango ito sa direksyon ng tatay ko. "Good evening, Ma'am." Tumango rin ito sa direksyon ng nanay ko.
Ilang segundong tinitigan ito ng nanay ko bago ito ngumiti at nagsalita. "Good evening, Orlando."
Umayos ito ng tindig bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Since you're here, would you like to have dinner with us?"
Gulat akong napapatitig sa nanay ko. Wait, kakain pa kami? Akala ko uuwi na kami after nilang manuod. Sabagay, baka dahil sa bigla kong pagpapakilala kay Orlando kaya bigla niyang gusto kaming kumain dito?
"Yes, that would be great." Nagkatinginan kami ni Orlando pagkasagot nito. Ngumiti naman ako rito.
"Great! Let's go down? Lhia's brothers are there, they're waiting for us." Naunang maglakad papuntang escalator ang nanay ko na sinamahan naman ng tatay ko.
Ilang segundo pa bago ko na-process 'yong sinabi nito. Agad akong naglakad pasunod dito habang nasa tabi ko si Orlando. Pagtungtong sa escalator, automatic kaming tumayong lahat sa may kanan. Nasa unahan nanay ko na sinundan ng tatay ko, at tsaka ako at si Orlando. Pasimple kong nilapit ang sarili ko sa tatay ko at tsaka bumulong rito.
"Tay, nandito rin sila kuya?"
Tumango ito bago nagsalita, "Dumiretso rito pagkatapos nilang dumaan sa hospital para ipatanggal 'yong cast ni Travis."
Sumilip naman bigla sa'min 'yong nanay ko. "Your brothers are already in the restaurant. I asked them to reserve a seat for us so we can eat once we're done with the film."
Napanganga na lang ako habang marahang napatango. Shemay, hindi man lang ako na-inform na kakain pala talaga kaming buong pamilya sa labas!
Nang makarating kami sa ground floor ay dumiretso lang kami sa isang kilalang kainan. Madali naman naming nakita sila kuya dahil sa pagkaway ni kuya Jarvis. Kitang kita ko kung paano kumunot ang mga kilay at noo ni kuya Travis, pati na rin ang nagtatakang tingin ni kuya Jarvis sa'kin at kay Orlando. Alanganin na lang akong napangiti sa mga ito habang papalapit kami sa kanila.
Magkakatabi kami nila tatay at nanay sa mga upuang nasa aisle; sila kuya Travis, kuya Jarvis, at Orlando naman sa may side ng pader. Nakahain na ang mga pagkain nang dumating kami. Plain rice, fried chicken, kare-kare, steamed fish, tsaka isang luto ng gulay na hindi ako pamilyar. Puro putaheng Pinoy talaga. Hindi ko maiwasang mapatingin nang nag-aalala kay Orlando. Makakain kaya 'to? 'Yong ibang Pinoy food kasi hindi pasok sa panlasa nito.
"Okay, before anything else, let's thank the Lord for the foods that we have." Tinaro ni nanay ang mga pagkaing nasa harapan naming. Hind na muna nakaporma ng tanong sila kuya at sinunod muna ang sinabi nito.
Saglit lang naming pinagdikit ang mga palad namin at nagsalita na "Thank You Lord for our food." Bago kami nagsimulang kumain. Nakisabay naman si Orlando sa ginawa namin.
Habang paikot at isa-isa kaming kumukuha ng mga pagkain. Nagsimula namang magtanong si kuya Jarvis kay Orlando.
"We've met before right? But I don't think we formally introduce ourselves." Bahagya nitong hinarap ang katawan nito sa direksyon ni Orlando. "I'm Jarvis, Lana's eldest brother." Inilahad nito ang kamay kay Orlando para makipag-shake hands. Tinaggap naman ito ni Orlando at gumanti ng bati rito.
"And this here," tinuro nito si kuya Travis na parang walang pakialam sa mundo habang seryosong seryoso sa pagkuha ng pagkain. "This is my younger brother, Travis. He's older than Lana."
"Nice to meet you," napansin kong bahagyang iningat ni Orlando ang kaliwang braso niya pero napatigil din. Tinignan ko si kuya Travis, ni hindi nito tinignan ni Orlando.
Naiinis ko itong tinitigan.
Bastos ka! Kuya!
"Uhm..." muling nabalik ang tingin ko kay Orlando nang magsasalita sana ito. "I'd like to formally introduce myself." Napansin kong umayos muna ito sa pagkakaupo nito bago nagpakilala sa pamilya ko.
"My name is Jae Shin 'Orlando' Lee. I am a Korean national that's currently working in an educational firm in Manila. And I'm..." tumitig ito sa'kin bago muling nagsalita. "Lana Iya's boyfriend."
Hindi ko naitago ang ngiti ko nang banggitin nito ang buong pangalan ko at ang salitang boyfriend. Bakit iba ang dating kapag sa kanya nanggagaling?
Pagkatapos magpakilala ni Orlando ay nagbigay ng ilang mga katanungan ang mga magulang ko pati na rin si kuya Jarvis. Nagpatuloy ang pag-uusap usap naming hanggang sa matapos kaming makakain. Halos naging mabilis lang ang oras ng pagkain namin kaya naman nagpadagdag pa si tatay ng dessert para naman medyo humaba pa ang usapan namin.
Masaya naman ang buong hapunan naming. Nakakatuwa pa lang makita 'yong boyfriend mo habang kausap at kasama ang buong pamilya mo. Pakiramdam ko, tanggap na tanggap kami. Maliban na lang sa isang tao.
Hindi ko maiwasang tapunan ng tingin si kuya Travis. Hindi kasi ito umiimik, ni hindi nga ito tumitingin sa direksyon namin ni Orlando. Para lang siyang may sariling mundo doon sa sulok. Tingin ko napapansin din siya ng mga magulang namin pati ni kuya Jarvis, ayaw lang siguro pansinin dahil may iba kaming kasama.
9:00 PM
Napagdesisyunan naming tapusin na 'yong hapunan at kwentuhan namin ng mag-9 na ng gabi. Malapit na rin kasi ang closing time ng mall, kahit na marami rami pa ang tao sa loob. Pagkalabas namin ng kainan ay nagpaalam na si Orlando sa pamilya.
"Thank you so much for inviting me over dinner. It was fun talking to you, I hope we can do this again. I mean...eating out together."
"Of course! Thank you, too. It was a sudden invitation but you still accepted it."
"It was nothing. Good bye, Ma'am, Sir, Jarvis." Isa isa nitong kinamayan ang mga magulang ko at si kuya Jarvis. Bago pa man din nito maiabot ang kamay nito kay kuya Travis ay nakatalikod na ito at nagsimula nang maglakad palayo.
Nakagat ko na lang ang labi ko sa inis at tsaka tumingin kay Orlando na para bang nanghihingi ng pasensya rito. Napansin naman nito ang pagtingin ko sa kanya at tsaka ngumiti sa'kin bago marahang tumango.
"Then, I'll excuse myself now. Please be careful on your way home." Patalikod na sana ito sa'min nang mapatigil 'to sa sinabi ni kuya Jarvis. Maging ako ay napatingin dito sa gulat.
"Wait, wait, wait. Where are you going? We're giving you a ride home."
"What? Ah, no need." Nagbalik balik ang tingin ni Orlando sa'kin at kay kuya Jarvis.
"We insist. Aside from the time, it was also raining so hard outside." Pagsuporta ng tatay ko sa kapatid ko. Ngayon ko lang napagtanto na 'yong ingay pala na naririnig ko ay 'yong malakas na ulan sa labas.
"But..."
"Let's go?" ako na mismo ang pumutol kay Orlando. Ngumiti ako nang tumingin 'to sa'kin bago nagsimulang maglakad papuntang parking lot. Sa huli, wala rin siyang nagawa kung hindi ang sumama sa'min.
Pagdating sa parking lot ay agad kong hinanap kung nasaan ba ang sasakyan namin.
"Nay, Tay," napatingin ako kay kuya kahit na hindi naman ako kasama sa mga tinawag nito.
"You go home first with Lana. Orlando will ride with me and Travis." Hindi ko naiwasang mag-alangan nang marinig ko ang pangalan ni kuya Travis. Kung si kuya Jarvis lang, wala akong problema kaso kasama nila sa sasakyan 'yong isa pa naming bwisit na kapatid.
Aangal pa sana ko kaso sumang-ayon na mga magulang ko. Nagpaalam lang sila kay Orlando bago nagsimulang maglakad palayo, papunta sa kung nasaan ang sasakyan namin. Nag-aalangang tinignan ko si Orlando pero ngiti lang ulit ang binigay nito sa'kin bago hinawakan ang ulo ko.
"Good bye. Talk to you later?" nag-aalangan man ako, tumango na lang ako sa sinabi nito bago nagsimulang maglakad pasunod sa mga magulang ko.
Okay lang 'yan. Nando'n naman si kuya Jarvis.
* * *
Naging tahimik ang pagbyahe namin sa ilalim nang malakas na ulan. Dahil sa katahimikan sa loob ng sasakyan, hindi ko maiwasang isipin lalo kung ano na kaya nangyayari doon sa kabilang kotse. Napakagat labi na lang sa pag-aalala.
"Lhia..." gulat akong napatingin sa nanay kong nakaupo sa tabi ng driver's seat. Nakapwesto naman ako sa may passenger seat, sa likod mismo ng driver.
"Po?"
"Gwapo si Orlando, ha? Mabait pa." Hindi ko naiwasang mapangiti sa mga papuri nito.
"Matanong ko lang, gaano na kayo katagal?" napasilip ako sa tatay ko at napaisip sa tanong nito.
Gaano na nga ba katagal? First week of December 'yon tapos mag-third week na ng January. Isang buwan mahigit na? Natigilan ako sa naisip ko at ramdam ko ang panlalaki ng mga ko.
Wait...isang buwan na kami?! Hindi man lang kami nakapag-celebrate ng monthsary! Pilit kong inaalala ang eksaktong petsa na naging official kami.
Ano'ng date nga 'yon?
Nakakaloka naman 'to! Nawala sa loob ko! Hay...'di bale may next month pa naman. O kaya...sa 100th day na lang naming! Tutal gano'n naman sila magbilan. Iyon na rin siguro dahilan kung bakit hindi niya rin naalala na may isang buwang mahigit na kami? Kasi iba ang counting system sa kanila.
"Lhia?" para naman akong natauhan sa pagtawag sa'kin ng tatay. Hala, hindi ko pa pala nasasagot tanong nito.
"Uhm...ano po...mahigit isang buwan na."
Saglit itong hindi umimik kaya hindi na rin muna ko nagsalita. Inantay ko lang kung may sasabihin pa ba ito.
"Nagkataon lang nasa mall siya kanina, 'di ba?"
Napakurap kurap ako bago ko nakasagot sa tatay ko. "Opo, nagkita lang kami habang inaantay ko kayo sa arcade."
Hindi ko alam kung bakit pero parang biglang nagbabago ang ere sa loob ng sasakyan namin. Pansin ko rin ang biglang pag-iiwas ng tingin ni nanay habang nag-uusap kami ni tatay. Kung kanina ay patingin tingin pa ito sa'kin habang nagsasalita, ngayon ay tahimik lang itong nakatingin sa labas ng bintana.
"Lana," bigla akong napaayos sa pagkakaupo ko ng biglang tawagin ni tatay ang pangalan ko.
Bakit biglang naging Lana? Galit ba 'to?
Hindi ko maiwasang mapalunok sa naisip ko. Bakit? Ano'ng nagawa ko? Pinilit kong isipin kung may nangyari ba kanina na maaari nitong ikainis? Parang wala naman akong maalala. Maayos naman siya kanina, kinakausap din niya at pinapatunguan ng maayos si Orlando.
Hindi katulad ni kuya Travis.
"Kung nagkataon, kailan mo talaga siya balak ipakilala sa'min? Kailan mo talaga balak sabihin sa'ming may boyfriend ka na?"
Natigilan ako sa mga tanong nito. Hindi ako nakasagot at napaisip ako sa mga sinabi niya.
Kailan nga ba?
Simula nang maging official kaming couple, hindi sumagi sa isipan kong ipakilala siya o mabanggit man lang sa mga magulang ko ang relasyon namin. Ni hindi ko rin naisipang banggitin kahit kay kuya Jarvis.
Bigla akong napalunok, unti unti na kong nagkakaideya kung bakit biglang ganito ang nangyayari. Nagagalit ang tatay ko kasi kung hindi nagkataong nasa iisang lugar lang kami, hindi nila makikilala si Orlando.
Guilt.
Ganyan ang nararamdaman ko ngayon. Kinakain ako ng konsensya ko. Biglang uminit ang pakiramdam ko at nagsimula akong hindi maginf komportable. Pakiramdam ko biglang bumigat ang hanging nilalanghap ko sa loob ng sasakyan.
Binuka ko ang bibig ko para sana magsalita pero ni isang tunog ay walang lumabas. Hindi ako makapagsalita, ni hindi ko nga alam kung ano ang dapat kong sabihin. Basta ang alam ko lang, ang pakiramdam ko ngayon para bang gusto ko na lang tumalon palabas ng sasakyan sa hiya at konsensya para sa mga magulang ko. Kaya pala ni hindi rin makatingin sa'min si nanay simula nang magsalita si tatay. Siguro dahil alam na niya kung ano ang sasabihin nito, siguro kaso maski siya mismo gano'n din ang nararamdaman kamukha nang sa asawa niya.
"Alam kong may mga bagay na hindi madaling sabihin sa mga magulang. Ang hiling ko lang naman, hindi kami ang huling taong makakaalam ng mga nangyayari sa'yo."
Lalo lang akong naman yukod sa mga narinig ko. Lalo akong nakokonsensya. Simula't sapul, hindi mahigpit ang mga magulang namin. Hinahayaan nila kaming magdesisyon para sa mga sarili namin basta kapag may malaking desisyon kaming ginawa, sasabihan namin sila.
Bakit nga ba hindi ko naisipang sabihin sa kanila?
"Okay na ko, nasabi ko na ang gusto kong sabihin."
Naramdaman ko ang paghinto ng sasakyan. Pasimple kong nilingon ang bintana sa tabi ko. Napansin kong nakahinto rin ang ibang mga sasakyan.
Humugot ako ng hininga bago ko dahan dahang itinaas ang ulo ko.
Kailangan kong mag-sorry.
Tinanggal ko ang seatbelt ko at tsaka umalis sa pagkakaupo ko. Mula sa pwesto ko ay niyakap ko mula sa likod ang tatay ko.
"Sorry po, sorry Tay."
Ilang segundo itong tahimik bago ko naramdaman ang pagbuntong hininga nito.
"Ito na ang una't huli, Lhia. Ayokong naglilihim kayo ng ganyan sa'min."
Tinanggo ko ang ulo kong nakapatong sa balikat nito. "Opo. Sorry talaga."
Tumingin din ako sa direksyon ng nanay ko. Nakatingin na ito sa'kin ngayon. "Sorry po."
Kasabay nang pagngiti nito sa'kin ay naramdaman ko ang pagtapik tapik ng tatay ko sa braso kong nakapulupot sa kanya.
"Sige na, okay na. Maupo ka na." Tinignan ko muna ang nanay ko at ngumiti ito sa'kin. Nilapit ko ang pisngi ko sa tatay ko bago ko inalis ang mga braso ko rito.
Saktong pag-upo ko ay siyang andar ng sasakyan.
"Basta..." napasilip ako sa tatay ko habang kinakabit ko pabalik ang seatbelt ko. "Maging masaya ka."
Tinignan ako nito mula sa rear view mirror, isang ngiti ang naging sagot ko rito.
* * *
Napahikab ako sa antok bago ako napatingin sa orasan sa pader namin.
11:45 PM
Iyon ang nakita ko sa orasan gamit ang mga antok na antok ko ng mga mata. Kung may pasok ako bukas siguradong natutulog na ko ngayon, pero dahil sa Sabado bukas libre akong magpuyat. Hindi pa rin kasi ako makatulog. Hindi pa kasi bumabalik sila kuya.
Ano'ng oras na? Inuwi naman nila nang maayos si Orlando, 'di ba?
Binuksan ko ang phone kong nakacharge na, kakatext at tawag ko kila kuya Jarvis at Orlando nalowbat na ito. Napabuntong hininga ko ng wala pa rin akong nakukuhang kahit isang reply man lang.
Hindi na ko nakatiis pa at tumayo ako sa kinauupian ko at lumabas ng kwarto ko. Naglakad ako papunta sa may salas. Rinig ko pa ang ingay mula sa tv kaya alam kong gising pa ang nanay o kaya tatay ko.
Pagdating kong salas si nanay ang bumungad sa'kin. Tinabihan ko ito sa pagkakaupo nito sa sofa. Itinaas ko pa ang mga binti ko para maging kumportable.
"Nay..."
"Oh? Bakit gising ka pa?" tanong nito sa'kin ng hindi inaalis ang tingin sa tv.
"Bakit wala pa sila kuya? Naihatid kaya nila si Orlando? Mga hindi kasi nagrereply sa'kin 'e."
"Ah. Mga kuya mo ba?" bigla kong nailapit ang sarili ko rito dahil para bang may alam ito. "Tumawag kuya Jarvis mo kanina. Hindi raw muna nila hinatid si Orlando, iinom daw muna sila."
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko. "Iinom? Pinayagan niyo?" Nag-angat baba ang kilay nito sa'kin bilang pagtugon.
"Nay! Laklakero si kuya Jar at si kuya Trav! Hindi tatagal si Orlando sa mga 'yon! Tsaka ano'ng oras na?" Mabilis kong hinanap ang orasan dito sa may salas.
"Halos hating gabi na! Hanggang 12 MN lang curfew ng chambre. Baka hindi na makapasok si Orlando sa loob."
Umusad pa ko lalo palapit bago nagpatuloy. "Tsaka nay, sino'ng magda-drive sa kanila kung pare pareho silang mga lasing?"
Sa haba ng mga sinabi ko, ngayon lang ako tinignan ng nanay ko. "Napakahaba ng litanya mo. H'wag kang mag-alala, doon naman sila uminom sa may kainan ni Jarvis. Nandoon best friend no'n. Hindi sila pababayaan no'n."
"Pero—"
"Ay, matulog ka na nga! Napaka ingay mo hindi ko na maintindihan pinapanuod ko!" tinulak ako nito palayo kaya wala na kong nagawa pa kung hindi ang mapatayo.
Sumimangot ako rito bago ko nito mahinang hinampas sa hita. "Tumabi ka nga. Pumunta ka na sa kwarto mo. H'wag kang mag-alala sa mga 'yon. Mas malaki pa sa'yo mga inaalala mo."
Hinawi hawi pa ko nito na para bang bumubugaw ng aso palayo. Hindi na ko makasagot pa rito. Mabigat ang mga paang naglakad ako pabalik sa kwarto ko.
Napabuntong hininga na lang ako sa sarili ko. Patay kang Orlando ka, sasagarin ng mga 'yan ang baga mo. Nailing na lang ako bago ko tuluyang pumasok sa kwarto ko.
* * *
"Pwede na Lana, buo naming naihatid kanina si Orlando. Tantanan mo na nga 'yang titig mo na 'yan." Naiiritang puna sa'kin ni kuya Trav habang umiinom ng kape.
"Natutulog pa siguro 'yon kasi umaga na rin kaming natapos." Nabaling ang tingin ko kay kuya Jar. Sinimangutan ko ito.
"Nakakaloka naman kasi kayo 'e. Sabi mo hahatid n'yo lang tapos biglang nauwi sa inuman. Hindi naman kayo magkalebel ng alcohol tolerance no'n!" Naiinis na sabi ko kay kuya. Alam ko namang tulog pa si Orlando kasi hindi pa ko tinetext. Walang palyang mag-text 'yon pagkagising niya sa umaga.
"Ano'ng oras ba kayong natapos?"
"Alas kwatro." Nanlaki ang mga mata ko sinagot ni kuya Trav at agad napatingin sa screen ng phone ko.
6:56 AM
"Halos kakauwi n'yo lang? Tapos gising na kayo? Tao pa ba kayo?" Hindi makapaniwala kong tanong habang nagpapalipat lipat ako ng tingin sa dalawang kapatid kong nakaupo sa harap ko.
"Lhia, tama na nga 'yan. Kay aga aga 'e bunganga agad 'yang pinapaalmusal mo sa mga kuya mo." Nilapag ni nanay ang kakaluto lang na ulam sa harapan namin. "Halika't kumain na tayo."
Hindi na ko nakaimik pa nang magsimula na kaming kumain. Ah~ nakakabaliw ang mga kapatid ko.