Matamang nakikinig si Harvey sa balita sa telebisyon nang umagang iyon. Mag-isa lang siya sa sala ng mga oras na iyon. Ang mga kapatid nito ay pumasok na sa eskwelahan kasama ang dalawa nilang katulong. Wala na si Manang Ermin sa kanila...isa rin ito sa nasawi noon.
Nagpapasalamat pa rin si Harvey kahit paano dahil hindi ganoon kainit ang mga kapatid niya sa mata ng mga tao kaya maayos ang pag-aaral ng mga ito hindi katulad niya.
Ang mommy at lolo niya naman ay magkasabay na umalis dahil may pupuntahan daw kasama ang driver nila. Si Teacher Chloe naman ay nasabihan na nina Alpha at Kennedy na magpapahinga muna sila ni Harvey ng isang linggo. Kaya naman nag-iisa si Harvey sa bahay nila ngayon. Tutok na tutok ang mga mata nito sa balita.
Ayon sa balita, may mga pumunta raw sa bundok kung saan nakitang may isang malaking earthworm na nakakulong sa isang cage. Pinakita pa sa balita na may mga chopper na nasa tuktok ng bundok. Pero wala raw nadatnan ang mga pumunta doon. Wala na raw doon ang sinasabing cage na may lamang earthworm.
Sa video na nakuha doon ng may-ari ng de remote na eroplanong kinabitan ng video recorder, makikitang may munting kubo sa tabi ng cage na may earthworm. Pero ayon sa balita ngayong umaga, maging ang kubo ay parang bulang naglaho. Wala man lang daw bakas na may kubo at cage nga doon. Iba-iba na rin ang reaksiyon ng mga netizen tungkol doon. May mga natakot at nangamba na baka maulit nanaman daw ang nangyari tatlong taon na ang nakakalipas.
Pinatay na ni Harvey ang tv matapos ang balitang iyon.
Tila may naglalaro sa isipan niya ng mga sandaling iyon.
Kinabukasan...
"Mom, mukhang kanina pa hindi lumalabas si kuya. Affected pa rin ba siya sa balita?" ang tanong na iyon ni Kisses sa ina ay may halong sarkasmo. Hindi masasabing concern lang ito kay Harvey kundi tila nagpapasaring lang nanaman ito.
Nasa kusina sila ng mga oras na iyon at kasalukuyang pinagsasaluhan ang inihanda ni Alpha na pagkain nila sa umagang iyon.
"Kisses...sana naman, kahit ngayon lang? Ayusin mo muna ang pakikitungo mo sa kuya mo?" mahinahon nguni't may diing sabi dito ni Alpha.
"Alpha, why don't you check him? We haven't seen him since yesterday," singit ni Kennedy. Gabi na kasi nang makauwi sila ni Alpha kahapon at pinili nilang 'wag ng abalahin pa si Harvey sa k'warto nito.
Bago naman tumalima si Alpha ay naglagay pa ito ng pagkain sa tray para dalhin sa k'warto ng anak.
"Harvey?" tawag ni Alpha na inilapit ang mukha sa pinto ng silid nito.
Pero gaya ng dating nangyayari, walang sagot mula kay Harvey. Kaya naman napagdesisyunan ni Alpha na kunin muli ang duplicate key ng k'warto nito.
Nang tuluyang makapasok si Alpha, hindi nito nakita ang anak sa kama. Maayos rin ang kama nito kaya naman naisip ni Alpha na baka nasa banyo lang ito.
"Harvey, dinalhan kita ng pagkain. Kumain ka na pagkatapos mo riyan ha?" malakas na sabi ni Alpha na sa banyo ng anak nakaharap.
Lalabas na sana si Alpha nang mapansin nitong wala siyang naririnig na lagaslas ng tubig mula sa banyo. Parang bigla siyang kinabahan.
"Harvey?" sinubukan niya itong muling tawagin.
Nang wala pa ring sumagot ay humakbang na siya papunta sa banyo. Pinihit niya ito at mas lalo siyang kinabahan nang bumukas iyon. Kung nandoon si Harvey ay dapat naka lock iyon. Sukat doon ay agad niyang itinulak ang pinto para mabuksan ito nang tuluyan. At saka niya napatunayang wala doon si Harvey. Maliit lang naman ang k'warto ni Harvey kaya natitiyak niyang wala talaga doon ang anak niya. Dali-dali itong lumabas at pinuntahan si Kennedy.
"Dad, wala ho si Harvey sa k'warto niya!"
Nakasuot ng jacket na may hood, nakapantalon at may backpack sa likod. Iyon ang ayos ni Harvey nang tuluyang makalabas sa airport. Siniguro niyang walang makakakilala sa kanya dito sa Pilipinas.
Matapos sumakay sa taxi ay mariin itong napabuntung-hininga.
"Saan ko po kayo ihahatid sir?" tanong ng driver.
"Sa Mt. Danayat po," maikling tugon ni Harvey nang hindi tumitingin sa driver.
"Po? Sigurado ba kayong doon ang punta ninyo sir? Delikado na pong pumunta doon. Iyong pamilya ngang nakatira sa paanan ng bundok na iyon umalis na eh. Kalat na po kasi ang balita tungkol sa nakitang malaking earthworm na nasa isang cage raw. Pero nang may magpunta doon para sana mapatay iyong earthworm, wala na ito doon," mahabang sabi ng driver kay Harvey.
"Doon po talaga ang punta ko," sagot lang ni Harvey.
Pinaandar na nga ng driver ang taxi nito kahit na medyo tutol ito.
"Hindi po ba ninyo alam ang tungkol sa earthworm na iyon? Three years ago kasi sir, may mga nakamamatay na earthworm ang lumabas. Maraming tao ang napahamak at namatay noon sa bayan ng Sta. Rama. At ang may kagagawan po, ang pamilya Carters. Iyong panganay po nilang anak na ang sabi eh sampung taon lang noon, siya talaga iyong dahilan ng pagkakaroon ng binansagang killer earthworms noon. Pero isa rin sa pamilyang iyon ang namatay. Ang padre de pamilya nila. Hanggang ngayon marami pa ring galit sa pamilyang iyon kahit namatayan din sila. Kaya nga umalis ang pamilya nila dito eh."
Patuloy lang sa pagku-k'wento ang driver at wala itong kaalam-alam na ang k'wento ng pamilyang sinasabi niya ay k'wento mismo ng pamilya ng pasahero nito.
May mahigit dalawang oras din ang itinagal ng b'yahe na hindi naman naramdaman ni Harvey dahil buong biyahe ay halos nagku-k'wento lang ang driver.
"Mag-iingat ka iho. Sana hindi talaga doon sa bundok ang tungo mo," pahabol na sabi ng driver nang iabot ni Harvey ang bayad dito.
Hindi na ito pinansin ni Harvey at nagsimula na lang maglakad. Iiling-iling naman ang taxi driver bago ito lumisan.
Tanaw na ni Harvey ang bundok. Mga ilang metro rin yata ang lalakarin niya bago marating ang paanan niyon. Nang malapit na siya doon ay napailing siya nang makitang may ilog pa pala siyang dapat tawirin bago makarating sa kabila kung saan naroon ang bundok na balak niyang akyatin.
Inilibot ni Harvey ang paningin. May nakita siyang bangka at walang pag-aatubili niya itong ginamit. Naisip niyang marahil ay wala ng taong nandoon na taga sagwan ng bangka dahil siguro sa balita.
Nang makarating na siya sa kabilang ibayo, may natanaw pa siyang bahay sa ibaba ng bundok na iyon. Iyon na marahil ang bahay ng binatilyong nakakuha ng video sa taas ng bundok. Pero alam ni Harvey na wala ng tao doon kahit isa dahil nga sa napabalita.
Humugot ng malalim na buntung-hininga si Harvey bago inumpisahan ang pag-akyat sa bundok.
"Sana, sa gagawin kong ito. Makalimutan na ng mga tao ang minsang pagkakamali ko. At sana, mapatawad na rin ako ng mga kapatid ko," bulong nito sa sarili.
Balak ni Harvey na hanapin ang namataan doong earthworm. Kung hindi siya nagkakamali, may nag-aalaga sa earthworm at baka inilipat lang iyon nang aksidenteng may makakita niyon. Balak niyang siya ang pumatay sa malaking earthworm. Inisip niyang sa ganong paraan ay mababawi niya na ang naging kasalanan niya. Baka sakaling makalaya siya sa nakaraan kung babalikan niya ito. Hindi siya makakapayag na maulit muli ang nangyari noon. Siya ang tunay na lumikha ng ganoong klase ng earthworm, kaya siya rin ang tatapos sa natitira pa o sa naiwang lahi nito. Kung sino man ang nasa likod nito at kung ano ang dahilan niya, iyon ang isa pang nais alamin ni Harvey.
***