SA MGA sumunod na araw, wala siyang ibang ginawa kundi ang humiga sa kama habang nakatulala. Masakit pa rin sa kanya ang ginawa ni Clint pero alam niyang kailangan niya pa ring bumangon. Ilang beses na naglaro sa isipan niya ang suhestiyon ni Carrie na bumalik siya sa pag-aaral. Mayroon siyang kaunting naipon para sa pagpapa-aral ng mga kapatid niya pero kung titipirin niya iyon, kakayanin ng perang naitabi niya na mapag-aral din siya hanggang sa matapos niya ang senior high school. Saka na niya proproblemahin ang kolehiyo. Marami siyang pinuntahan na mga paaralan para tingnan kung saan ang pinakamagustuhan niya. May mga pinuntahan siyang private schools at public schools. Sa huli, pinili niyang mag-public na lamang upang mas makatipid dahil baka hindi niya makayanan ang gastos.

