"What time will she wake up?"
"Ano? Pogi, hindi kita maintindihan. Pwedeng paki-tagalog na lang? Tutal ay nasa Pilipinas naman tayo."
"Sorry. Ang tanong ko ay anong oras kaya siya magigising?"
"Pwedeng ngayon na—Diane, gising!"
Bigla akong napaupo sa aking higaan nang may sumigaw sa mismong tainga ko. Sumalubong sa'kin ang naka-ngising mukha ni Margarita, at si Sayber na mukha pang nabigla.
"Ah... Hindi ko naman sinabing gisingin mo na siya," sabi ni Sayber at napakamot pa sa kaniyang ulo.
"Ano ka ba! Kailangan niya nang magising dahil mamamasyal tayo sa bayan. Hindi na nga siya nakasama kahapon sa disco-an, kaya ngayon, pupunta tayo sa bayan."
Kinusot ko ang aking mga mata't medyo iritado na sa matinis na boses ni Margarita, kaya binato ko sa kaniya ang unan. Narinig ko ang pagri-reklamo niya, pero hindi ko na lamang siya pinansin at muling humiga.
Gusto ko pang matulog.
"Diane, gumising ka na! Pupunta tayo sa bayan!"
"Ayaw ko."
Tinalikuran ko sila't pinilit na matulog ulit, pero halos gusto ko nang salpakan ng kung ano ang tainga ko dahil sa boses ni Margarita, naririnig ko namang pinipigilan at pinatatahimik siya ni Sayber. Pero ayaw talagang magpa-awat ng kaibigan ko, kaya bumangon na lamang ako't kinuha ang aking tuwalya para maligo.
"Bilisan mo, Diane!"
Napailing ako't tuluyan nang pumasok sa banyo, pero agad ding lumabas ulit dahil nakalimutan kong kumuha ang aking susuotin. Sumalubong pa sa aking mga mata si Leonora na kapapasok lamang ng bahay, at inirapan ako. Mukha nga ring iritado na siya dahil rinig na rinig ang boses ni Margarita sa bawat sulok ng aming bahay habang kausap si Sayber at nakaupo sila sa sala. Dumiretso ako sa kuwarto at kumuha ng damit at underwear na susuotin, at saka patakbong tinungo ang banyo. Muntik pa nga akong madulas, pero buti na lamang ay napigilan ko ang aking sarili na matumba.
Malaking kahihiyan kung nagkataon.
Habang naliligo ay hindi ko maiwasang isipin ang mangyayari sa oras na tuluyan na kaming magkita ng aking ama, naiisip ko kung totoo ba talagang hinahanap pa rin ako hanggang ngayon. Kung ganoon man ay siguradong mahal na mahal ako ng aking pamilya, kahit malabo na sa aking memorya ang mga alaalang kasama ko sila, sigurado akong sobrang mahal ko sila.
Napangiti ako. Malapit ko na silang makita ulit.
Pagkatapos kong maligo ay lumabas na ako nang banyo na nakadamit na, at ang tuwalya ay nakapaikot sa aking buhok para medyo tumigil na sa pagtulo kapag susuklayin ko na. Simple lang naman ang suot kong damit, maong shorts na hanggang itaas ng tuhod ang haba at simpleng pink na t-shirt na may nakaburdang sunflower sa gitna.
"Kumain na ba kayo?" Tanong ko habang nagsusuklay. Napatingin sila sa'kin, at kasabay no'n ay ang pagtunog ng pinto, na ang ibigsabihin ay may kumakatok.
"Teka, baka si Penri na 'yan!"
Napailing ako nang dali-daling tumayo si Margarita, kaya kami na lamang ni Sayber ang nandito. Nginitian ko siya't umupo sa upuan.
"Kumain ka na?"
"Not yet."
Ah... Napakamot ako sa aking batok, at saka tumayo para tingnan kung may pagkain ba.
Pagdating ko sa kusina ay binuksan ko ang kaldero at nakitang may kanin naman na, pati ang kawali ay tiningnan ko't ganoon na lamang ang pasasalamat nang makitang may sinigang na luto.
Siguradong si tatay ang nagluto nito, siya lang naman ang mahilig sa putaheng sinigang na baboy, siguro malaki-laki ang kita kaya nakabili ng karne. Medyo mahal na kasi ang karne, kaya minsan lang ito lutuin ni tatay.
Kumuha na muna ako ng dalawang plato, kutsara, at baso. Hindi naman na kakain dito sila Margarita, dahil siguradong nakakain na 'yon sa kanila.
"Sayber!" Tawag ko't naupo sa silya.
"Bakit?"
Tumingin ako sa kaniya't sinenyasan na siyang umupo. "Kain na tayo."
Kahit medyo naiilang ako dahil sa patingin-tingin ni Sayber sa'kin, ay mas tinuon ko na lamang ang aking pansin sa pagsubo't binilisan na ang pag-kain. Nang matapos ay agad ko itong inilagay sa lababo, hindi rin naman nagtagal ay natapos na rin si Sayber.
"Ako na diyan, Diane."
Umiling ako. "Ako na, Sayber. Bisita ka namin, kaya huwag kang mag-alala. Puntahan mo na sila Margarita sa labas at pakisabing, huhugasan ko lamang ang mga ito at nang maka-gayak na tayo."
"But—"
Pinutol ko ang sasabihin niya't nilingon siya. "Sige na."
"Alright."
Nang makaalis si Sayber, ay agad akong nag-toothbrush at saka hinugasan at pinunasan na ang lamesa. Medyo basa na rin ang suot kong damit kaya pumunta ako sa kuwarto para magpalit. In-pony tail ko na rin ang aking buhok at saka tuluyan nang lumabas.
Sumalubong sa aking katawan ang malakas na ihip ng hangin, at ang tunog ng bawat hampas ng mga alon. Medyo maaraw na rin, pero hindi pa naman ito ang oras na kayang sunugin ang aming balat. Lumingon ako sa may pampang at nakita sila Margarita doon, kinawayan naman ako ni Sayber kaya agad na akong naglakad palapit sa kanila.
"Buti naman at natapos ka nang babaita ka!" Hinatak ni Margarita ang aking kamay palapit sa bangka na sasakyan namin. "Buti na lamang at hindi ito gagamitin ni amang ngayon, kaya nahiram ko. Si Penri na ang mag-ma-mani-obra nito dahil marunong naman daw siya."
Napailing ako nang kindatan niya si Penri, at nang ngitian siya nito'y napatili pa siya. Agad kong hinampas ang braso niya at hinatak na siya pa-akyat ng bangka. Sumunod naman sila Sayber at Penri na seryosong nag-uusap.
Ano kayang pinag-uusapan ng mga 'to?
Habang nasa kalagitnaan kami ng biyahe papuntang bayan, ay hinayaan ko na lamang na dumada itong katabi kong si Margarita, at pinagmasdan ang dagat. Sobrang linaw na kasi dito sa bandang gitna.
Hindi rin naman nagtagal ay dumating na kami sa daungan. Agad kaming inalalayan nila Sayber sa pagbaba. Nagpasalamat pa ako kahit na medyo naiilang, nasanay na kasi akong bumaba nang walang tulong. Tapos ay binigyan pa ako ng nanunuksong tingin ni Margarita kaya mas lalo akong nailang.
"O." Inabutan ako ni Margarita ng tatlong libo na agad kong pinanlakihan ng mata.
"Margarita, ang laki naman—"
"Tumahimik ka na lang, kaibigan. At huwag kang mag-alala, utang daw 'yan sabi ni Sayber." Lumingon naman ako kay Sayber at kausap pa rin si Penri. "Ito na ang tiyansa mong magka-nobyo, Diane."
"Sira."
Humalakhak naman siya, muntik ko na nga siyang mahampas kundi lang siya tumakbo't kumapit kay Penri. Napalingon pa sa'kin si Sayber at binigyan ako ng ngiti.
"Tara na," anyaya ni Sayber. Kinindatan pa ako ni Margarita, pero ipinagsawalang-bahala ko na lamang iyon.
"Pagdating natin sa mall, kayo na bahala kung saan kayo tutungo. Basta magdi-date kami nitong Penri ko," kinikilig na ani ni Margarita at saka kinurot sa pisnge ang ikalawa.
"Oo na."
Nagtawanan na lamang kami't naglakad na patungo sa terminal ng jeep. Baka kasi abutin pa kami ng ilang oras kapag naglakad kami, malayo-layo kasi dito ang mall at sa pagkakatanda ko'y isang beses lang ako nakapunta doon. At iyon ay noong labing-isang taong gulang ako, iyon ay noong kaarawan ni Leonora.
Pagkarating namin sa mall ay agad na humiwalay sila Margarita dahil kailangan daw nilang mag-solo date kaya wala na kaming nagawa ni Sayber. Kasalukuyan kaming naglalakad-lakad, at ni isa sa'min ay walang nagsasalita.
Naiilang tuloy ako.
Lumilingon na lamang ako sa iba't ibang stores na nadadaanan namin, may ngumingiti pa nga sa'kin at tinatawag ako. Pakiramdam ko tuloy ay kilala talaga nila ako, siguro ay nagustuhan lamang nila ang kulay ng aking mga mata.
Medyo marami ring tao ngayon, may mga namimili ng damit, grocery, at iba pa. Mayroon mag-nobyo't nobya na grabeh kung magdikit, may mag-pamilya, at solong naglalakad.
"Saan mo gustong pumunta?" Napaigtad pa ako nang akbayan ako ni Sayber nang magtanong siya.
"Ikaw ang bahala."
Napatawa siya. "Huwag ka nang mailang sa'kin. Doon na lang tayo sa quantum, maglaro tayo. You want?"
Nilingon ko siya't tumango na lamang. Napangiti naman siya ng malawak kaya kitang-kita ko ang pantay na patay at maputi niyang ngipin. Nagpatianod na lamang ako sa kaniya habang nakikita ang ibang mga kasabayan namin na napapatingin sa'min at para bang kinikilig na akala mo ay nakakita ng magkasintahan. Napailing na lamang ako't napangiti.
Ito ang unang beses na mamamasyal ako, at isang bagong kaibigan pa ang kasama ko.
Pagdating namin sa quantum ay agad kaming pumila sa bilihan ng tokens. Napapaigik pa ang ibang kaibabaihan na kasama sa pila. Sa tuwing tumatama kasi ang mga mata ni Sayber sa kanila ay nginingitian niya ang mga ito. Napapakamot pa siya sa likod ng kaniyang ulo kapag sumisigaw at gustong magpa-picture ng mga babae.
Ganito talaga ata kapag gwapo. Maraming nagkakandarapa.
"Sorry."
Nginitian ko siya. "Ayos lang."
Nang kami na ang kasunod, ay agad na iniabot ni Sayber ang pera para sa tokens. Isang daang piraso na tokens ang binili niya, at hindi ko alam kung magagamit namin ito lahat.
"Ano ang una nating susubukan?" Nagkibit-balikat ako.
Siguro nga ay hindi pa talaga kami ganoon ka-komportable sa isa't isa, kaya kailangan pa naming magtanungan. Masyado naman kasi siyang gwapo at agaw pansin, kaya medyo naiilang ako.
"Doon na lang," ani niya. Napapitlag pa ako nang hawakan niya ang aking pala-pulsuhan at hilahin palapit sa claw machine. Ang mga prize na pwedeng makuha ay stuff toy na pokemon, bear, at may maliit din kagaya ng maliit na leon na parang key chain.
"Marunong ka?"
Tumaas ang kaliwang kilay niya. "Let's try. What do you want?"
Ngumiti ako't parang biglang nawala ang aking hiya nang akma niya nang ihuhulog ang token. "Iyong bear na white."
"Alright!"
Lihim akong napailing nang umpisahan niya nang subukan. Parang gusto ko pa ngang matawa nang sa unang subok pa lang ay hindi niya na makuha. Kaya sumubok siya ulit, hanggang sa maka-lima at hindi niya pa rin makuha-kuha. Dinumog na nga kami ng mga tao dahil sa kaniya, mukha pa siyang seryoso habang naglalaro. Ang kaso ay 'di niya talaga makuha.
Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi at sinundot-sundot ang kaniyang braso.
"Wait. Damn! What's the problem of this machine?"
Napalunok ako nang makitang nanggigigil na siya, kaya agad kong inagaw sa kaniya ang token na dapat ay ihuhulog niya na. "Ako na."
Medyo tinulak ko siya't ako na ang pumalit sa kaniya. Inihulog ko ang token at medyo nag-isip pa kung ano ang aking pipiliin. Pero sa huli ay pinili ko na lamang ang lion na parang key chain. Nakangiti kong ginalaw ang claw at nang makitang ayos na, ay agad kong pinindot ang button para bumaba ito. Halos mapatili pa ako nang madakma niya ang key chain na lion.
Nang tuluyan na itong ihulog ay agad kong kinuha ang key chain at binigay kay Sayber. Deserve niya naman kasi ang ito, at saka 'di naman ako mahilig sa mga bagay na ganito.
"Bakit mo binigay sa'kin?" Nakasimangot niyang tanong. Pero halatang namangha siya sa ginawa ko.
Matagal ko na rin naman kasi nilalaro ito. Pero ang mga nakukuha ko ay binibigay ko na lamang sa mga bata dito.
"Sa'yo na 'yan. Hindi naman ako mahilig sa ganiyan."
Napakamot siya sa kaniyang ulo at saka hinila ako palabas.
"Let's eat."
Tumango na lamang ako't nagpahatak na lamang papasok sa Jabee. Ang paborito ko ring kainan. Matagal na mula nang kumain kami dati, at tila ba bigla akong naglaway dahil sa naaamoy ko.
Pagpasok namin ay um-order muna kami't naghanap ng bakanteng upuan. Pag-upo ay nagulat ako nang umangat ang kamay ni Sayber para ayusin ang buhok kong humaharang sa aking mukha, hinaplos niya rin ang aking pisnge, dahilan nang pag-kunot ng aking noo. Saktong dumating naman ang waiter, babae siya't ngiting-ngiti habang inilalapag ang order namin.
"Ang sweet niyo naman po, Sir."
Napalunok ako't napatingin kay Sayber. Preskong ngumiti siya sa'kin at nagpasalamat sa babaeng waiter na halatang kilig na kilig.
Pero paanong sweet daw si Sayber?