"O! Kumusta naman ang date niyo ni Sayber kahapon?" Pambungad na tanong ni Margarita at saka sinundot-sundot pa ako sa aking tagiliran. Napangiwi na lamang ako nang maalala ang nangyari kahapon.
"Ayos lang naman. At saka hindi naman 'yon date."
"Ano?" Hindi makapaniwalang tanong niya. "Wala man lang harutan moments?"
Umiling ako't tinuloy na ang paggugusot ng damit. Ngayong araw kasi ay pinaglaba ako, habang si Sayber naman ay sumama sa bayan upang makitawag sa Maynila. Wala naman kasi kaming telepono dito, kaya napilitan siyang sumama kila Leonora sa bayan. Medyo gusot nga ang kaniyang mukha kanina dahil sa kaka-angkla ni Leonora sa kaniyang braso. Kulang na lamang ay pugpugin ang mukha niya ng halik.
"Napakahina mo naman, kaibigan!"
"Wala naman akong gusto sa kaniya," wala sa sariling sagot ko.
Oo nga't gwapo si Sayber, at kung minsan ay namamangha at napapatulala ako sa kaniya. Pero hindi ko naman maramdaman na nagkakagusto ako sa kaniya, minsan ay kinakabahan ako, pero dahil iyon sa kakaiba niyang itsura na mala-Adan na napadpad lamang dito.
Kaibigan lang talaga siguro ang tingin ko sa kaniya.
"Ha! Grabeh! Seryoso ka ba diyan, Diane? Pero parang nagugustuhan ka ni Sayber."
Tumango ako. "Kaibigan ko lang siya, Margarita."
Nang matapos kong gusutin ang huling damit, ay bubuhatin ko na sana ang planggana para ibuhos sa banyo. Ang kaso ay nagulat ako nang lumitaw si Sayber at inagaw sa'kin ang planggana, pawisan pa ito, pero parang wala lang sa kaniya ang maglakad habang buhat ang planggana papunta sa banyo.
"Hindi ka na dapat nag-abala." Kinuha ko ang planggana sa kaniya at saka muling lumabas.
"Ayos lang." Nginitian niya ako. "Babalik na pala ako sa Maynila mamaya. Nakausap ko na si Dad, at susunduin niya ako mamayang hapon."
"Mabuti." Tumango-tango pa ako't nagsalok ng tubig at inilagay sa planggana, para mag-banlaw.
"Ehem." Napalingon kami kay Margarita na mukhang istrikta. "Maiwan ko muna kayo."
Tumango lamang ako't inilagay na ang unang balde ng mga damit na aking babanlawan. Umupo naman si Sayber sa aking harapan, iyong parang palaka't nangalumbaba.
"Bukas na bukas, babalik ako dito. Kasama ang daddy mo, kakausapin ko siya mamaya."
Hindi ko alam ang aking sasabihin, kaya tumango na lamang ako't tipid na ngumiti. Inumpisahan ko na ring mag-banlaw, pero dama ko naman ang mga titig ni Sayber sa'kin.
"Hindi ka ba masaya?"
Inangat ko ang paningin ko sa kaniya. "Masaya, pero kinakabahan ako. Paano kung..."
"What?"
"Paano kung hindi siya maniwala?"
Tumawa siya ng pagak na dahilan ng pagtaas ng aking kilay. "Huwag kang mag-alala. Mararamdaman 'yon ni tito, you know, lukso ng dugo. At saka nasa modernong panahon na tayo. Kung hindi man maniwala si tito, pwede namang magpa-DNA test kayo."
"Pero—"
Ngumiti siya't pinutol ang dapat na sasabihin ko. "Huwag kang mag-alala. Tulungan na nga lang kita dito, at mamaya'y aalis na ako."
"Salamat."
Tahimik na nagbanlaw kami. Minsan napapatingin ako kay Sayber, pero mukhang seryoso siya sa pagbabanlaw. Napailing na lamang ako't medyo nahihiya. Halata naman Kasi na anak mayaman siya, at hindi siya sanay sa ganito, pero kung titingnan ay parang matagal na siyang naglalaba. Pero bigla akong napaiwas ng tingin nang lumingon siya sa'kin.
"Marunong akong maglaba." Natawa siya. "Simula noon ay tinuruan na ako ni Mom, kaya nang lumipat ako sa condo, marunong na ako sa mga gawaing bahay."
Napanganga ako. "Ah..."
"Ayos lang, mukha kang gulat." Winisikan niya ako ng tubig, at nanlaki ang aking mga mata. "Hindi naman porket mayaman ay hindi na marunong gumawa ng mga gawaing bahay."
"Hindi naman sa ganoon—" mas lalong nanlaki ang aking mga mata nang wisikan niya ako ulit. "Nananadya ka na!"
Sumalok din ako't binasa siya. Kaya imbes na mabilis kaming matapos, mas natagalan pa. Hanggang sa dumating si nanay, at nanahimik kami't tinapos na ang ginagawa.
Nang mag-hapon ay nagpaalam na si Sayber. Pinanood namin siya ni Margarita habang papalayo ang bangka. Kumaway-kaway pa siya hanggang sa hindi na namin matanaw ang sinasakyan niya. Pagtapos ay bumalik na ako sa bahay, at si Margarita naman ay pumunta kila Penri.
Nang makapasok ako sa kuwarto, ay naupo ako sa papag at nangalumbaba. Iniisip ko ang mangyayari bukas.
Sana maging maayos ang lahat.
---
Kinabukasan ay tinanghali ako ng gising. Himala ngang hindi nila ako ginising, wala ring Leonora na bumubuhos sa'kin ng tubig sa tuwing gigising ako. Parang ang payapa, pero may naririnig akong nag-uusap sa labas.
Tumayo na lamang ako't sinuot ang aking bra. Sinuklay ko ang aking buhok at nagtanggal ng muta. Humikab pa ako bago tumayo at mag-unat-unat.
Paglabas ko ay napahinto ako't napakunot-noo nang may makitang lalaki sa sala. Kausap niya si tatay, at nang lumingon siya sa'kin ay nagulat ako nang makitang magkaparehas kami ng kulay ng mga mata. Bigla ay naramdaman ko ang bugso ng damdamin at kusang tumulo ang aking mga luha.
Ganito ba ang tinatawag na lukso ng dugo?
"Diane?" Hindi makapaniwalang tanong niya sa'kin at sinuri ako. Bigla namang may pumasok at nakangiting mukha ni Sayber ang sumalubong.
"Diane."
"S-Sayber?" Nanginginig kong tanong, habang ang aking mga mata ay nakatuon lamang sa lalaking kaharap ko.
"Yes."
Biglang tumayo ang medyo may katandaan nang lalaki at agad akong niyakap. Naramdaman ko ang paggalaw ng kaniyang balikat, kasabay no'n ay ang pagkabasa ng aking balikat.
"Anak..."
Naantig ang aking damdamin at sunod-sunod na luha na ang kumawala sa aking mga mata. Wala sa sariling niyakap ko siya ng pabalik. Dama ko ang panginginig ko't pagkagusto na mayakap ang aking ama.
"I'm glad. I'm so glad."
Humiwalay siya sa'kin at hinalikan ang aking noo. Pinunasan niya aking mga luha, kaya napangiti ako.
"Anak... Anak ko." Hinalik-halikan niya ang aking ulo, at saka humarap na ulit kay tatay.
"Salamat at inalagaan niyo ang aking anak. Matagal ko na siyang hinahanap, at alam kong buhay pa siya dahil hindi namin natagpuan ang katawan niya sa dagat." Lumingon siya sa'kin at nginitian ako. "Kukunin ko na ang aking anak at isasama sa Maynila. Malaki ang pasasalamat ko sa inyo kaya sana tanggapin niyo ang maliit na tulong. Sayber..."
Napatingin kami kay Sayber at nakitang may inilabas siyang papel, iniabot niya ito kay tatay. Nang basahin ito ni tatay ay napailing siya't pilit na binabalik sa kamay ni Sayber ang papel.
Ano iyon?
"Tanggapin mo iyan."
Napayuko siya. "Napakalaking halaga po nito, Sir. Hindi na po kailangan. Masaya ako't nailigtas ko si Diane, at napamahal na rin siya sa'kin. Tinuring ko rin naman siyang anak, kaya hindi niyo na po kailangang magbigay ng pera."
Umiling ang aking ama. "Wala lang iyan kung ikukumpara sa buhay ng anak ko. Kung hindi dahil sa inyo... Hindi ko na makikita ang aking anak."
"Sir..." Umiling ang aking ama at hinarap ako.
"Anak..."
Nginitian ko siya. "Ah..."
"You can call me, Daddy."
Nanlaki ang aking mga mata. "D-daddy..."
"Anak ko..." Ginulo niya ang aking buhok at ngumiti. "That's better. Pero gusto mo bang sumama sa'kin sa Maynila, sa bahay natin?"
"O-opo..."
"Oh my precious daughter! Daddy loves you so much." Kinurot niya ang aking pisnge at muling hinarap si tatay. "Maaari na ba kaming umalis ngayon?"
Lumingon sa'kin si tatay at matipid akong nginitian. Parang may kumurot naman sa aking dibdib nang makita ang malungkot niyang mukha. Sa pamilyang ito kasi ay si tatay na talaga ang napamahal sa'kin, kaya siguro ganito ang aking nararamdaman.
"Daddy, gusto ko po munang makausap si tatay."
Ngumiti siya. "Go on, dear. We'll wait you outside."
Nang makalabas na sila ay agad akong tumabi kay tatay at niyakap siya. Narinig ko ang pagsinghot niya, tanda na siya ay umiiyak.
"Mamimiss kita, Diane. Kahit hindi naging mabuti sa'yo ang mag-ina ko, alam mong parte ka na ng pamilyang ito. Tinuring kitang parang tunay na anak, at masaya akong kinupkop ka namin. Ngayon ay makakasama mo na ang totoo mong pamilya, sana ay sumaya ka't maging maganda na ang buhay mo. Mahal na mahal ka ni tatay, anak. Kung nagsasawa ka na sa Maynila, pwedeng-pwede kang bumalik dito."
Nakangiting napaluha ako. "Tatay naman." Pabirong hinampas ko siya sa braso. "Mahal na mahal din kita, tatay. Salamat sa pagkupkop sa'kin, kahit na naging pabigat ako sa pamilyang ito."
"Hindi, anak."
Nagyakapan pa ulit kami, hanggang sa tuluyan na kaming maghiwalay. Nang lumabas ako'y sumalubong sa'kin ang luhaan kong kaibigan, hinahagod pa ni Penri ang likod niya.
"Diane!" Matinis na boses ang pumalahaw at saka tumakbo siya palapit sa'kin. "Aalis ka na? Wala na akong kaibigan!"
"Magkaibigan pa rin naman tayo. At saka magkikita pa tayo."
Bigla ay hinampas niya ako. "Huwag mo akong kakalimutan!"
Natawa na lamang ako't niyakap si Margarita. Hinding-hindi ko talaga makakalimutan ang babaeng 'to. Simula mga bata pa lamang kami ay naging parte na siya ng buhay ko, at siguradong magkikita at magkikita pa rin kami. Magkaroon man ako ng mga bagong kaibigan sa lugar na pupuntahan ko'y siya pa rin ang nag-iisa kong matalik na kaibigan. Kaya kapag maayos na ang lahat, tutulungan ko siya.
Katulad ng pagtulong niya sa'kin sa tuwing pakiramdam ko'y wala akong kwenta.
"O siya! Paalam na. Huwag mo talaga ako kakalimutan, Diane!"
Tumawa ako. "Oo na nga!"
Nang sumakay na kami sa bangka ay kumaway-kaway pa si Margarita, hanggang sa tuluyan na kaming makalayo. Katabi ko si Sayber at nasa harapan ko naman ang aking ama. Tahimik lamang kaming tatlo at tanging ang tunog lamang ng tubig ang naririnig.
Nahihiya ako.
"How are you, Diane?" Bigla ay tanong ng aking ama, kaya napalunok ako.
Naintindihan ko naman ang tanong niya. Pero kinakabahan talaga ako, unang pagkikita namin ito ng aking ama.
"Ayos lang po."
Naging tahimik na ulit hanggang sa makarating kami sa daungan. Nakita ko pa si Kuya Asler. Napatingin pa siya sa'kin at kinawayan ako, nginitian ko na lamang siya't tumango-tango. Para ngang gusto niyang magtanong dahil nagtataka ang mukha niya habang nakatingin kila Sayber at daddy.
"Diane."
Nakuha ang atensyon ko ni Sayber, kaya nagtataka ko siyang nilingon. Inilahad niya ang kaniyang kamay sa aking harapan at napagtantong may kotse sa aking harapan, o mas tinatawag na van. Kulay itim ito at halatang mamahalin. Napalunok ako't hindi makapaniwala.
M-mayaman ba talaga a-ang aking pamilya?
"Diane, get in."
Bigla akong napagalaw nang marinig ko ang boses ni daddy. Nakasakay na siya, kaya sumakay na ako't sumunod naman si Sayber. Namamangha ako habang nasa loob.
Malamig at masarap sa pakiramdam ang upuan, para pa akong inaantok dahil sa malamyang musika sa loob ng sasakyan. Nilingon ko pa si Sayber na ngayon ay kinakalikot ang kaniyang cellphone. Si daddy naman ay kausap ang mamang nagda-drive.
Tumingin ako sa bintana at namangha dahil ang bilis ng andar, pero parang wala akong nararamdaman. Kahit bako-bako ang daan ay medyo hindi ko nararamdaman, hindi gaya noong nakasakay ako sa pampublikong transportasyon. Kakaiba ang pakiramdam dito.
Nakakamangha.
Pero nakakapanibago. Ngayong napagtanto ko ang buhay na mayroon kami, ay parang gusto ko na lamang na bumalik sa Isla at mamuhay ng tahimik. Nakakapanibago, ang makitang mamahalin ang lahat ay talagang nakapanlulumo.
Kaso hindi ko pa rin talaga mapigilan na sumaya, hindi dahil sa kaalamang mayaman ang aking pamilya, kundi dahil nakilala ko na ang aking ama.
Kumusta naman kaya ang aking ina? Bakit hindi siya kasama nang sunduin ako?