Nasa sala ng bahay na tinutuluyan ni Warson si Warren. Kasama rin niya si Gino at ang dalawa pang tauhan. Tinitingnan ang laman ng sobre na ibinigay niya sa mga ito na naglalaman ng malaking halaga. Natapos na si Gino sa pagbibilang ng pera kaya tumingin ito kay Warren. Sumilay ang natutuwang ngiti sa labi niya. “Ang laki ng bonus namin boss,” wika nito na natutuwa sa natanggap. Kahit ang dalawang kasamahan nito ay nagustuhan ang halagang natanggap mula kay Warren. “Salamat boss,” pasasalamat niya pa. Napangiti si Warren. Maya-maya ay nagbuga siya ng hininga. “Ang totoo, huling bayad ko na ‘yan sa inyo. Isinama ko na rin ang bonus niyo dahil ginalingan ninyo ang pagtatrabaho sa akin,” saad ni Warren na ikinagulat ng tatlo lalo na ni Gino na nanlalaki pa ang malalaki na niyang mga mata.

