"Ano 'yan?" tanong ni Kim habang iniisa-isa ang mga papel na nakalatag sa study table ko. May iba't ibang sukat at klase ng papel—may malinis, may gusot, may ibang punit sa gilid—ngunit iisa lang ang laman ng lahat, mga sulat para kay Matt. Hindi ko naman inaasahan na itext niya ako o tawagan. Ang gusto ko lang ay malaman niya na nandito pa rin ako, na hindi ako biglang naglaho, na may isang taong tahimik na naghihintay para sa kanyang pagbalik.
Minsan naiisip ko kung mababasa niya ba talaga ang mga salitang ito kung sakaling makarating man sa kaniya. Kung mararamdaman niya ba kung gaano ko pinili ang bawat salita. O baka para lang talaga sa'kin ang mga sulat na ito—paalala na minsan, may isang taong naging dahilan kung bakit mas madaling huminga ang mundo.
"Ang old school mo!" pabirong sabi ni Kim. Napailing siya bago umupo sa kama ko. "Pwede ka rin namang mag-text sa kanya," dagdag niya, parang napakasimple lang ng lahat.
As if hindi ko naisipan na gawin iyon. Siguro mga limampung texts na ang nasend ko sa kaniya. Mga random updates, simpleng ingat ka, minsan memes pa nga—pero kung mag-reply siya, maiikli lang. Isang linya. Minsan isang salita lang. Parang laging nagmamadali.
Hindi ko alam kung gano'n lang ba talaga siya mag-text, o kung ako lang ang nagbabasa ng masyadong malalim. Pero sa bawat maikling reply niya, parang may isang buong tanong na hindi nasasagot.
"Kung hindi ko isusulat, baka makalimutan ko siya," biro ko pabalik sa kaniya, kahit hindi ko sigurado kung biro pa ba talaga iyon. Narinig ko siyang may ibinulong, pero hindi ko na tinanong kung ano.
Tahimik akong bumalik sa pagsusulat, pilit inaayos ang sulat ko kahit paulit-ulit lang naman ang gusto kong sabihin.
Grabe na talaga 'tong isang teacher, bulong ko sa isip ko habang sumusulat. Akala ko ba naman ako ang may highest grade sa section namin. Napabuntong-hininga ako. May favoritism ata siya eh. Pero hinayaan ko na lang. Masaya na rin ako sa naibigay niya sa'kin—kahit pakiramdam ko minsan ay kulang pa rin. At 'yun lang naman ang nangyari sa akin ngayong araw. Dagdag ko.
Walang bago. Walang tawag. Walang balita.umaasa
Ingat ka palagi, Matt! :) I wrote to end my letter.
Binalik ko ang ballpen sa aking bag at binasa ulit ang sulat. Mabagal. Isa-isa. Parang umaasa akong may magbabago sa mga salita kapag binasa ko ulit.
Pero pareho pa rin. Pareho pa rin ang ending. Pareho pa rin na ang pangalan niya ang nakasulat sa dulo. At pareho pa rin ang pakiramdam na parang may kulang.
"Matulog ka na, maaga pa tayo bukas," paalala ni Kim.
Agad ko namang tinipon ang mga papel at maayos kong nilagay sa plastic envelope. Dahan-dahan, parang may halaga ang bawat isa.
"Kailangan pala natin magpapirma ng clearance bukas," sabi ko sa kaniya habang kinukuha ang papel na para bukas at itinago iyon sa drawer ng study table ko. Siya naman ay humiga na, nakaharap sa kisame, tila may iniisip. Hindi na siya nagsalita, pero ramdam kong nag-aalala siya.
Tumabi ako sa kaniya. "Huwebes bukas, mag-ice cream tayo ha. Baka nakalimutan mo at pinagpalit mo na 'ko kay Zaire mo na 'yan," mahina kong sambit habang binubuksan ang kumot at ibinabalot ang sarili ko rito.
Hindi siya sumagot agad, pero bahagya kong naramdaman ang pagtawa niya.
Nakatapos na kaming maghanda at nakakain na rin. Naghihintay na lang kami kay Zaire kasi susunduin niya na lang daw kami at sabay na papuntang school. Inayos ko muna ang upuan sa sala, inayos ang mga unan na parang may darating na bisita, at siniguradong nakapatay ang lahat ng ilaw sa bahay bago kami umalis.
Biglang may narinig kaming busina ng sasakyan sa labas.
"Bilisan mo na diyan, duwende," sigaw ni Kim.
Nauna akong lumabas ng bahay, at malaking gulat ko nang makita kung ano ang nasa tapat namin.
Sasakyan ni Matt.
Saglit akong napapikit. Isang segundo lang, parang panalangin. Na sana, kahit minsan lang, pumabor ang mundo sa'kin. Na sana, sa pagbukas ng pinto, siya na ang makita ko.
Parang may humigpit sa dibdib ko. Tumibok nang mabilis ang puso ko, katulad ng unang beses ko siyang nakita. Hindi na 'ko nakaramdam ng ganito simula nang umalis siya, at ngayon lang ulit. May bahagi sa'kin na gustong umatras, may bahagi rin na gustong tumakbo palapit.
Ibig sabihin ba nito nandito siya? Kung oo, bakit 'di man lang sinabi ni Zaire kay Kim?
Bumukas ang pintuan sa may driver side ng sasakyan at mas lalong bumilis ang t***k ng puso ko. Nanghina ang mga tuhod ko, parang sandaling nakalimutan ng katawan ko kung paano huminga.
"Zaire! Kanina pa kaming naghihintay sa'yo, ang tagal-tagal mo," bulyaw ni Kim habang nilo-lock ang gate.
Binigay niya ang susi sa'kin at agad nagmamadaling lumakad papunta kay Zaire para pagalitan ito. Hindi pa rin siya tumitigil kakasalita. May pagka–machine gun rin 'tong mushroom na 'to eh.
Inaamin ko, sobrang nadismaya ako nang si Zaire ang nakita kong lumabas at hindi si Matt. Kasalanan ko rin naman kung bakit ako nag-expect sa bagay na imposibleng mangyari. Nakakainis umasa. Mas nakakainis ang sarili ko dahil kahit alam kong imposible, may parte pa rin sa'kin na umaasa.
Nang makarating na kami sa school, agad naghanap si Zaire ng pwedeng parkingan, ang kaso lang ay puno na 'yung malapit sa gate. Kaya napadpad kami sa kabila, sa bandang gymnasium kung saan bihira ang tao at mas mahaba ang lalakarin.
"Bakit ba mahilig kang mag-park sa malayo?" reklamo ni Kim habang binababa ang sun visor at tinitingnan ang sarili sa salamin. Tumawa lang ng mahina si Zaire, halatang sanay na sa ganitong eksena. "'Yan tuloy, 'di na ako fresh mamaya sa first period," dagdag niya, dramatikong hinahaplos ang pisngi niya.
"At paano kung makita ako ni Paul?" tarantang sabi niya habang halungkat ang bag at hinahanap ang pulbo. "Baka ma–turn off siya sa'kin!" Halos maluha-luha pa siya sa tono ng boses niya.
Ayan na, nagsimula na naman siya.
Tahimik lang akong nakikinig habang naglalakad kami. Nakababa ang tingin ko, binibilang ang mga hakbang papunta sa building, pilit sinasabay ang lakad ko sa kanila. Ang ingay ni Kim ay parang panandaliang distraction, pero sa likod ng ulo ko, andoon pa rin ang pag-iisip ko kay Matt.
Naglakad na kami papunta sa room namin at nakita naming nagsimula na ang pagpirma ng teacher. May ilan nang nakapila, at may mga estudyanteng nagmamadali ring pumasok. Mabilis akong dumiretso sa upuan ko, linapag ang bag, at agad kinuha ang clearance bago pa tuluyang mawala ang pagkakataon.
Si Kim naman ay nasa tabi ko, abalang-abala pa rin sa paglalagay ng pulbo sa mukha niya, parang may photoshoot na magaganap imbes na klase.
Napailing na lang ako sa sarili ko. Bahala na siya diyan.
Nagpatuloy ang pagpirma ng clearance. Isa-isang lumalapit ang mga kaklase namin sa harap, may nagrereklamo sa tagal, may nagkukuwento ng plano pagkatapos ng graduation. Ako, tahimik lang na nakaupo, hawak ang papel sa desk ko. Paminsan-minsan, tinititigan ko ang pangalan ko na nakasulat doon, parang hindi pa rin ako sanay na malapit na akong matapos dito.
"Sanna, Aphrodite, ikaw na," tawag ng teacher.
Tumayo ako at naglakad papunta sa harap. Walang tanong, walang sermon. Isang pirma lang at tapos na. Nang ibalik niya sa'kin ang clearance, saglit ko iyong hinawakan bago bumalik sa upuan ko. Isang pirma na naman ang nadagdag. Isa na namang bagay ang tapos na.
"Konti na lang, graduate na tayo," bulong ni Kim habang nakasandal sa upuan niya. "Ang bilis, 'no?"
Tumango lang ako. Ang bilis nga. Parang kahapon lang, iniintay ko siyang sunduin. Ngayon, iniintay ko na lang ang mga araw na lilipas nang wala siya.
Pagkatapos ng klase, sabay kaming lumabas ng room. Maingay ang hallway, may mga nagsisigawan, may nagpa-picture, may nag-aaya kukain. Dumiretso lang kami habang hilla-hila ako ni Kim papunta sa canteen bago pa ako tuluyang makalayo.
"Hoy, kumain ka," sabi niya, hawak ang braso ko. "Hindi pwedeng gatas lang buong araw."
"Hindi pa 'ko gutom," sagot ko, kahit alam naming pareho na kasinungalingan iyon.
Hindi na siya nakipagtalo. Hinila niya lang ako hanggang sa canteen, kung saan maingay, magulo, at punong-puno ng mga estudyante. Amoy ulam, tawa, sigawan. Parang walang nagbago.
Huminto si Kim sa isang mesa sa gilid. Doon kami dati umuupo. Hindi ko kailangang sabihin. Alam niya. Alam naming pareho.
"Dito na lang," sabi niya, casual kunwari, pero ramdam ko ang pag-iingat sa boses niya.
Umupo ako, dahan-dahan, parang may bigat ang upuan. Napatingin ako sa bakanteng puwesto sa tapat ko. Naalala ko nang pumunta kaming canteen kasama si Matt, doon kami mismo umupo sa kung saan ako nakatingin ngayon.
"Kinuha mo na ba food mo?" tanong ni Kim.
Umiling ako.
"Tignan mo naman oh," reklamo niya, "lunch na lunch, wala ka pang gana."
Tumawa ako nang mahina. "Hindi ko talaga feel kumain."
Saglit niya akong tinignan, parang pinag-iisipan kung pipilitin niya ako o hindi.
"Ano ba ang kaya mong kainin?" tanong niya sa huli.
Nag-isip ako sandali. "Ikaw na lang bahala," sagot ko. "Basta 'yung kinakain ko dati kapag wala akong appetite."
Napangiti siya nang kaunti. "Ah," sabi niya. "Alam ko na 'yon."
Tumayo siya at kinuha ang wallet niya. "Hintayin mo 'ko ha. 'Wag kang aalis." Na para bang iiwinan ko siya dito.
Hindi ako sumagot. Tumango lang ako.
Habang wala siya, pinanood ko ang paligid. May magkasintahang nag-aaway sa kabilang mesa. May grupo ng magkakaibigan na nagtatawanan. May mga nagmamadaling kumain dahil may quiz daw sa susunod na subject.
Normal lang ang lahat. Maliban sa'kin.
Bumalik si Kim dala ang tray. Inilapag niya ito sa harap ko.
"Tuna sandwich," sabi niya. "Hindi mabigat. Kahit konti lang kainin mo."
Tinitigan ko ang pagkain. "Salamat," mahina kong sabi.
"Kahit kalahati lang," dagdag niya. "Okay na 'ko doon."
Sumubo ako ng kaunti. Hindi masarap, hindi rin pangit. Sapat lang. Parang lahat lately.
"Tandaan mo," sabi ni Kim habang kumakain na rin siya, "kahit wala siya, hindi ka pwedeng mawala sa track mo."
Hindi ako sumagot, pero kumain ulit ako. Kahit konti at pilit lang ito.
Pagkatapos naming kumain ay bumalik na kami sa room at nag start na ang klase.
Nag ring na ang last bell para sa last class. The afternoon class ended with the teachers signing our clearances, and yung iba nag klase at yung iba ay nag bigay na lang ng notes para sa susunod na exam.
"Ice cream time!" excited na paalala ni Kim.
Sa maliit na ice cream shop malapit sa school, umupo kami sa tabi ng bintana. Naunahan kasi kami sa usual na pwesto namin. Si kim naman ay walang tigil sa pag re-reklamo na inagawan daw kami ng upuan, ngunit wala naman kaming magagawa.
Umorder si Kim ng maraming scoop gaya ng dati. Ako, vanilla lang. Dala-dala niya na ang tray kung saan nakalagay ang ice cream. Kinuha ko ang akin at inikot-ikot ang kutsara, walang kagana-gana.
May biglang tumawa sa likod namin. Mababa ang boses. Malumanay. Pamilyar.
Nanigas ako.
Hindi ako lumingon. Hindi ko rin ginalaw ang kutsara ko. Bigla na lang akong nawalan ng gana kahit hindi pa ako sumusubo.
"Swannie?" bulong ni Kim.
Hindi ko siya tinignan.
Saglit siyang natahimik, tapos dahan-dahang ibinaba ang kutsara niya. "Narinig mo rin, 'no?"
Huminga ako nang malalim bago sumagot. "Akala ko lang."
"Hindi," sagot niya. "Napansin ko kung paano ka biglang tumigil."
Tahimik ulit. Tanging tunog ng kutsara at ingay ng shop ang maririnig.
"Alam mo," sabi ni Kim, mas mababa ang boses, "simula nung umalis si Matt, parang lagi kang may iniipon."
Napatingin ako sa mesa.
"Hindi ka umiiyak," she continued "Hindi ka rin nagrereklamo. Pero tahimik ka na. Sobra. Parang nawala ang dating ikaw."
Hindi ko agad sinagot.
"Hindi ko naman sinasabing mahal mo siya," dagdag niya. "Pero halata kung paano ka maghintay."
Bahagya kong kinagat ang labi ko. "Ayoko lang bigyan ng pangalan," sagot ko. "Mas masakit kapag pinangalanan."
Tumango siya. "Gets ko."
Sumubo siya ng ice cream, saka ako tinignan ulit. "Pero kahit anong tawag mo diyan, nararamdaman ko na mabigat na."
Hindi ko na napigilan. "Nakakapagod," sabi ko. "Araw-araw, iniisip ko kung may saysay pa ba 'to."
Hindi siya sumagot agad. Inabot lang niya ang kamay ko sa ibabaw ng mesa, hinawakan nang mahigpit.
"Kahit mapagod ka," sabi niya, "hindi ka nag-iisa."
Hindi na kami nagsalita pa. Kumain lang kami nang tahimik hanggang sa matunaw ang ice cream, hanggang sa humupa ang ingay sa loob ko kahit papaano.
At kahit sandali lang, sapat na muna iyon.