“Hala, totoo na nga ‘to!” Excited na sambit ni Kim habang patalon-talon sa kama niya ng makita niya akong inaayos ang toga ko na naka-hang sa aparador. Isang buwan na ang nakalipas at natapos na rin ang mga exams, papirma ng clearance at practice ng martsa para sa graduation. At mahigit isang buwan na rin ang nakalipas simula ng nakaalis si Matt ng Pilipinas papuntang Italy. Posible pa bang makakabalik siya rito? Unang tanong na pumasok sa isip ko. Maraming pang mga tanong at mga posibilidad ang naisip ko.
“Hoy, Swan! Kanina pa kita kinakausap, ano bang iniisip mo?” napahinto si Kim sa pag talon-talon niya at umupo ito sa kama. Naging seryoso ang mukha niya, dahilan na napaupo na rin ako sa sahig.
“Wala.” I quickly dismissed her question at napahinga ako ng malalim habang ibinaling ko ang tingin ko sa sahig.
“Sus! Sabihin mo nga ang totoo, Aphrodite.” Seryoso niyang sabi. Nakakatakot ang itsura at boses niya. Gusto niya talagang ipaluwal sa’kin ang totoo.
“Ano kasi–” At nag ring ang phone ko. Salamat talaga! Sinenyasan ko siya nag mag hintay muna habang tumayo ako para kunin ang cellphone ko sa bedside table ng kama niya.
Napangiti ako nang makita ko ang pangalan ng tumawag sa screen. Agad ko itong sinagot.
“Papa!” Masaya kong pagbati sa kabilang linya.
Tumawa ng mahina si Papa bago sumagot, “Wow, graduation na ng unica hija ko bukas ah.” May panunukso at kasamang lambing sa boses.
“Opo, excited na po ako kaso…” I paused at napalitan ng lungkot ang saya na naramdaman ko kani-kanina lang.
Narinig ko na napa buntong hininga si Papa, “Pasensya na anak ha, wala ang Papa sa special day mo. Gustuhin ko man na umuwi ngunit kailangan ko muna makapag-ipon, lalo na at mag co-college ka na.” Rinig sa boses niya ang lungkot at pagsisisi na hindi niya magawang umattend ng graduation ko pero ramdam ko din ang saya niya na mag college na ako.
“Papa naman eh,” pilit kong tumawa para hindi maramdaman ni Papa ang bigat. “Okay lang po! Andito naman po sila Tito at Mommy Belle para samahan ako.” Dagdag ko, mas mahinahon ang boses. Tumango-tango si Kim habang nakangiti.
Tahimik si Papa sa kabilang linya saglit, parang may iniipon ding sasabihin. Narinig ko ang mahinang ingay sa background, mga taong nagsasalita ng iba’t-ibang lenggwahe, siguro nasa trabaho pa rin siya. Kahit hindi ko siya nakikita, kabisado ko na ang itsura niya kapag ganoon, nakakunot ang noo, hawak ang phone nang mahigpit.
“Alam mo,” sabi niya sa huli, “hindi man ako nariyan bukas, proud na proud pa rin ako sa’yo. Hindi lahat nakakayanan ang mga pinagdaanan mo.” Napangiti ako. Sapat na sa’kin na marinig ‘yun. Pero hindi ko alam kung alin doon ang tinutukoy niya—ang pag-aaral, o ang mga bagay na hindi ko kailanman naikuwento.
“Salamat po,” mahina kong sagot. “Mag-iingat po kayo diyan.”
“Always,” sagot niya. “At Swan… enjoy mo ang araw mo ha. Huwag mong hayaang na may kulang sa araw mo.” Nakangiti pa rin ako, kahit alam kong may kulang talaga.
Pagkababa ko ng tawag, nadatnan ko si Kim na nakatingin sa’kin, nakasandal sa unan, may halong pagtataka at pag-aalala sa mga mata niya. Hindi na siya nagtanong. Alam niyang ayokong magsalita minsan, lalo na kapag graduation na ang usapan.
“Kamusta si Tito?” tanong niya sa huli.
Kinuwento ko sa kanya ang sabi ni Papa na kung kamusta na siya doon.
Tahimik kaming dalawa sandali. Tanging ugong lang ng aircondition lang ang maririnig, paulit-ulit, parang oras na ayaw tumigil. Tumayo ako at muling inayos ang toga, hinaplos ang tela nito na malamig sa balat. Bukas, susuotin ko na ito. Sa wakas tapos na ako sa high school life ko. Bukas na bukas ay may matatapos. Pero may mga bagay ding mananatiling bukas, mga tanong, mga pangalan, mga pangakong hindi malinaw kung maitutupad pa.
“Swan,” biglang sabi ni Kim, mas magaan ang tono. “Kahit anong mangyari bukas, picture tayo ha. Marami. Para kapag tumanda tayo, may ebidensya na minsan, fresh pa tayo.”
Napatawa ako nang mahina. “Ikaw lang ‘yan.”
Humiga ako sa kama niya at tumitig sa kisame. Graduation na bukas. Isang yugto na naman ang magsasara. Pero sa loob-loob ko, may isang kwento pa ring nakabitin, at hindi ko alam kung kailan, o kung babalik pa ba ang taong naiwan sa gitna nito.
Alas kwatro pa lang ng madaling araw ay ginising na ako ni Kim. Agad na rin akong naligo pagkatapos. Hindi pa rin ako makapaniwala na gagraduate na kami ngayon. Kahit ilang beses ko pang sabihin sa sarili ko, parang hindi pa rin nagsi-sink in. Graduation. Tapos na ang high school. Isang buong chapter ng buhay namin ang magsasara ngayong araw.
Pagkababa ko, si Kim ay nilalagyan na ng make-up ni Luna. Nakaupo siya sa maliit na upuan sa harap ng salamin, tuwid ang likod, parang artista na naghahanda para sa isang malaking event. Nakataas ang kilay niya habang pinipigilan ang sarili na gumalaw. Chaka talaga ‘tong mushroom. Ganap na ganap!
“Luna, huwag kang manginig diyan ha,” warning ni Kim. “Ayokong magmukhang may dinaanang bagyo sa graduation ko.” Napatawa ako. Umupo ako sa sofa at pinapanood ang dalawa.
“Relax lang, Ate Kimmy,” sagot ni Luna habang nakatuon ang tingin sa mukha niya. “Maganda ka na, ina-enhance lang kita.”
Napangiti ako habang pinapanood sila. May kakaibang saya sa loob ng bahay, ibang klaseng ingay, ibang klaseng kaba. Hindi tulad ng normal na umaga na nagmamadali lang para pumasok sa school. Ngayon, lahat may oras. Lahat may dahilan para maghanda nang maayos.
Magaling talaga si Luna pagdating sa ganitong bagay. Hindi ko alam kung saan niya natutunan ang pagbe-blend ng eyeshadow o kung paano eksaktong ilagay ang eyeliner nang pantay. Minsan ko ring sinubukang mag-make up dati, pero nagmukha lang akong payaso sa kapal at kaputian ng nilagay ko. Simula noon, tinanggap ko na lang na mas bagay sa akin ang simpleng lip balm.
“Ate Swan, patapos na si Ate Kimmy, sunod ka na dito ah,” sabi ni Luna habang inilapag ang make-up brush.
Lumapit ako at napatingin kay Kim. “Grabe,” sabi ko, hindi ko napigilang ngumiti. “Kung ganito ka araw-araw, baka ma-late ka na lagi sa klase kasi may humihinto para titigan ka.”
“Ay, syempre,” pabirong sagot niya. “Graduate na ‘ko, pwede na akong maging distraction.”
Tumawa si Luna. “Totoo ‘yan. Ate Kim, ang ganda mo po.”
“Talaga ba?” kunwaring gulat ni Kim. “Thank you. Mana sa best friend ko ‘yan.”
“Hoy,” sabi ko. “Ako pa talaga ang nadamay.” It’s the first time I heard something good that came out from her mouth.
Umupo ako sa upuan at hinarap ang salamin habang naghahanda si Luna para sa akin. Ramdam ko ang kaba, pero mas nangingibabaw ang excitement. Graduation na. Isang araw na matagal naming hinintay. Isang umagang puno ng tawa, kaunting nerbyos, at maraming alaala na dadalhin namin kahit saan pa kami mapunta.
“Bakit ang ganda ng pagkalagay mo ng eyeliner sa kanya?” reklamo ni Kim na panay ang tingin sa salamin at salit-salitan ang tingin sa akin. “Sa’kin parang masyadong safe at friendly ang look. Kay Swan, ang lakas ng dating.”
Napailing si Luna habang pinupunasan ang brush. “Ate Kim, ikaw na nga ‘yung parang cover ng yearbook eh. Kay Ate Swan, konting highlight lang ‘to para lumabas mag pop yang mata niya.”
“Excuse me,” singit ko habang pinipigilan ang ngiti. “Natural lang talaga ang charm ko.”
“Wow,” sabay na sabi nina Kim at Luna.
Tumawa kami, at sa sandaling iyon, parang nabawasan ang kaba ko. Parang naging normal ulit ang lahat, tatlong tao sa isang kwarto, nagtatawanan habang naghahanda para sa isang araw na matagal naming hinintay.
Matapos naming mag-ayos, inayos ni Kim ang laylayan ng toga niya habang si Luna naman ay abalang kinukunan kami ng litrato gamit ang phone niya.
“Dito kayo sa may bintana,” utos niya. “Mas maganda ang ilaw.”
Pumwesto kami ni Kim, magkatabi, bahagyang nakatagilid sa camera. Inakbayan niya ako agad, parang sanay na sanay na.
“Smile ha,” paalala ni Luna.
Nag-flash ang camera.
“Isa pa!” sabi ni Kim. “Yung parang candid.”
“Eh hindi na ‘yan candid kung sinasabi mo,” reklamo ko, pero ngumiti pa rin ako.
Isa pang flash. Tapos isa pa. May naka–peace sign, may naka–finger heart, may seryoso, may tawa na hindi planado. May kuhang blur dahil hindi kami makanatili sa isang lugar kasi puro tawa.
Pagkatapos, nagmadali na kaming lumabas ng bahay. Mainit na ang araw kahit maaga pa, at ramdam ko na agad ang bigat ng toga sa balikat ko. Pero iba ang pakiramdam, parang may bigat na masaya.
Sa sasakyan, hindi tumigil sa kakasalita si Kim. May commentary siya sa buhok niya, sa make-up, sa kung gaano kainit, at sa posibleng mangyari sa graduation.
“Kapag nadapa ako sa stage, iiyak talaga ako,” sabi niya.
“Hindi ka madadapa,” sagot ko. “Pero kung mangyari man, iconic.”
Pagdating namin sa school, bumungad agad ang ingay, mga magulang na may dalang bouquet, mga estudyanteng naka-toga, may umiiyak, may naghahalakhakan. Parang isang malaking eksena na sabay-sabay gumagalaw.
Pagbaba ko ng sasakyan, huminga ako nang malalim.
Ito na ‘yon. Graduation day.
At sa unang hakbang ko papasok ng campus, alam kong kahit anong mangyari pagkatapos nito, hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na ito.
“Swan,” bati ni Paul.
Napatingin ako agad kay Kim, naghihintay ng kahit anong reaksyon, pag tili niya, kilig, kahit konting pag-aayos ng buhok. Pero wala. Parang wala lang sa kanya na nandito si Paul sa harap namin, naka-toga rin, may hawak na cap, at may ngiting pang–graduation photo.
“Congratulations,” dagdag ni Paul, diretso ang tingin sa’kin.
“Congrats din,” sagot ko na may kasamang ngiti.
Huminto siya saglit, parang may gusto siyang idagdag, pero bigla siyang tinawag ng kaklase niya sa di kalayuan. Kumaway lang siya saglit bago tuluyang umalis.
Huminga ako nang malalim saka humarap kay Kim. Hinawakan ko siya sa balikat at marahang inuga.
“Hindi ikaw ‘to, Kim,” bulong ko, pero ramdam ang pagkagulat sa boses ko. Hindi ikaw ‘to, paulit-ulit kong sabi sa isipian ko. Tinaasan niya lang ako ng kilay, parang ako pa ang may problema.
“Anyare sa’yo?” seryoso kong tanong. “Akala ko ba patay na patay ka kay Paul?”
Nagkibit balikat laman ito bilang sagot. Walang emosyon. Walang paliwanag.
“Wow,” napailing ako. “Himala.”
Binitawan ko na siya, at sakto namang dumating si Zaire. Hindi ko alam kung ako lang, pero kitang-kita ko kung paano biglang nagbago ang itsura ni Kim, kung paano nagliwanag ang mga mata niya, parang may ilaw na biglang binuksan.
“Akala ko ‘di ka na dadating,” agad niyang sumbat, pero may ngiti na hindi niya maitago.
“May inasikaso lang. Ang ganda mo.” Papuri niya kag Kim, rason na hindi na ito nakasagot. Kinilig ang g*ga.
At doon ko siya naalala.
Ramdam ko ang biglaang pag higpit sa dibdib ko.
Hindi ko na narinig ang usapan nila. Hindi ko na rin namalayan kung kailan ako tumahimik. Dahan-dahan kong nilibot ang paningin ko. Una sa kaliwa, tapos sa kanan. Sa likod ng mga magulang na may dalang bulaklak. Sa mga estudyanteng nagpi-picture. Sa mga kaklaseng yakap-yakap ang isa’t isa.
Hinahanap ko siya. Hindi ko alam kung bakit. Hindi ko rin alam kung ano ang inaasahan ko. Alam kong wala siya. Pero hinanap ko pa rin.
Baka sakaling may himala. Baka sakaling makita ko ang pamilyar na tindig niya sa gitna ng crowd. Baka sakaling marinig ko ang boses niya na tinatawag ang pangalan ko katulad ng dati.
I tiptoed, umaasang masisilayan ko siya kahit sandali lang. Dumaan ang ilang segundo. Wala.
Lumunok ako.
Ang tanga mo, sabi ko sa sarili ko. Umalis na siya. Malayo na.
Pero hindi mapigilan ng mata ko ang maghanap pa rin. Sa bawat lalaking may kaparehong hairstyle niya, napapalingon ako. Sa bawat tawang medyo pamilyar, tumitigil ang paghinga ko sandali.
May kurot sa dibdib ko. Hindi ‘yung masakit na bigla. ‘Yung mabagal. Paulit-ulit. Parang may kulang na dapat nandito ngayon.
Graduation ko ‘to, naisip ko. Dapat nandito ka.
Hindi ko inaasahang yayakapin mo ako. Hindi ko rin inaasahang may sasabihin ka. Kahit makita lang kita sa malayo okay na sana. Kahit anino mo na lang.
“Swan?” tawag ni Kim.
Napalingon ako sa kanya. Nakatitig siya sa’kin, halatang napansin niya na kanina pa ako wala sa sarili.
“Okay ka lang?” tanong niya, mas mahina ang boses ngayon.
Tumango ako, kahit hindi totoo. “Oo.”
Ngumiti ako, pero ramdam kong mabigat. Mas mabigat pa sa toga na suot ko. Mas mabigat pa sa tumbler na hawak ko.
Sa gitna ng ingay, sa gitna ng saya ng araw na ‘to, isang pangalan lang ang umiikot sa isip ko.
At kahit alam kong wala siya, may bahagi pa rin sa’kin na umaasa kapag lilingon ako, at nandoon siya.
Nakangiti at naghihintay.
Natapos na ang graduation ceremony, at nagkanya-kanya na ang mga tao. May yakapan sa kung saan-saan, may iyakan, may halakhakan. Ang iba, abalang-abala sa pagkuha ng pictures—friends na magkakadikit ang pisngi, magjowang halos hindi na maghiwalay, mga magulang na proud na proud, hawak ang bouquet at diploma ng anak nila na parang trophy.
Nakatayo lang ako roon, hawak ang diploma ko, nakatingin sa mga ilaw ng stage na unti-unti nang pinapatay.
Isang tapik sa tagiliran ko ang nagpabalik sa’kin sa realidad.
“Tara,” sabi ni Kim, sabay siko sa braso ko. “Picture din tayo. Hoy, once in a lifetime ‘to ah.” Tumango ako kahit bahagyang mabagal ang galaw ko.
“Tayong tatlo ni Zaire,” dagdag niya. “Asan na ba kasi ‘yon?”
Hinila niya ako papunta sa gilid ng stage, kung saan mas maliwanag ang ilaw at mas maayos ang background. Tumingin-tingin siya sa paligid, nakataas ang kamay, parang naghahanap ng nawawalang bata.
“Zaire!” sigaw niya. “Dito ka!”
Maya-maya, sumulpot si Zaire sa likod ng isang grupo ng students, hawak ang phone niya at may ngiting hindi maalis sa mukha.
“Grabe kayo,” reklamo niya. “Parang ako pa ang na-late.”
“Arte,” balik ni Kim. “Dali na bago mawala ‘yung ilaw.”
Tumabi si Zaire sa amin, at awtomatikong pumagitna si Kim. Inakbayan niya kaming dalawa, parang ayaw kaming pakawalan.
“Smile,” sabi ng kaklase naming nag-volunteer mag-picture.
Ngumiti ako. Hindi pilit. Hindi rin buo. Sapat lang.
Click.
Isa pa.
Click.
“Isa pa para sure,” sabi ni Kim at sinabayan ng tawa.
Sa huling picture, napatingin ako sa camera, at sa sandaling iyon, may pumasok sa isip ko.
Na kung nandito siya, siguro nasa gilid lang siya. Tahimik. Nanunuod. Naka-ngiti nang bahagya. Hindi mahilig mag-picture, pero nandiyan pa rin para makita ako.
Pero wala siya.
At wala na talagang darating.
Pagkatapos ng picture, humiwalay si Kim saglit para hanapin ang Mommy niya, at naiwan akong nakatayo sa tabi ni Zaire. Tahimik lang kami pareho, pinapanood ang mga tao sa paligid.
“You did great,” bigla niyang sabi.
Napatingin ako sa kanya. “Thanks.”
Tumango lang siya, parang may gustong sabihin pero piniling huwag na.
Huminga ako nang malalim at muling tumingin sa harap. Sa stage. Sa upuang kanina lang ay puno ng estudyanteng katulad ko—may pangarap, may iniwan, may hinahanap.
Doon ko naintindihan.
Hindi lahat ng hinihintay ay dumarating pabalik.
May mga taong dumaan lang para ipaalala kung paano magmahal. Kung paano umasa. Kung paano masaktan.
At kahit anong tagal ng paghihintay, may mga taong hindi na talaga babalik—hindi dahil ayaw nila, kundi dahil tapos na ang bahagi nila sa kwento mo.
Mahapdi pero malinaw. Hinigpitan ko ang hawak ko sa diploma ko. Ito ang araw ko, hindi niya araw.
At sa wakas, kahit masakit, tinanggap ko na.
Hindi na talaga siya babalik.