Rinig na rinig ang pag-ikot ng electric fan at ang mga estudyanteng nasa grade 4 na matyagang naghihintay sa sagot ni Annika.
"Oh Annika, Caryl is asking you, why do you speak like that?", tanong ng guro.
Nanginginig si Annika at walang tunog na lumalabas sa bibig niya. May activity sila sa English subject na nahati ang row 1 at row 2. Magtatanong sa Ingles ang row 1 at sasagot naman sa Ingles ang row 2.
Nagtaas ng kamay si Caryl at tinanong niya si Annika kung bakit paputol-putol at hirap siya magsalita. May speech defect si Annika, nauutal siya kapag nagsasalita. Hindi 'iyong normal na pag-utal kapag kinakabahan, pero utal na hirap bigkasin ang ilang mga tunog lalo na ang "T" at "G". Stuttering, sa Ingles. Pero mula sa mga mata ng isang nine year old na bata, abnormal at katawa-tawa kapag kakaiba ka.
Umiling siya at nagkibit-balikat. Tumawa ang buong klase pati ang teacher.
"Walang ganyang sagot Annika."
"A-a-a-a... I don't know.", sabi niya at umupo. Tumawa ang buong kaklase. Gusto niyang umiyak pero pinipigilan niya, dahil sa tingin niya, kung iiyak siya, hagulgol. Ano bang mali sa akin?Bakit ako ganito? Ang tanong niya sa kanyang sarili.
"Bukas, maghanda na kayo para sa sinaulo ninyong tula, bibigkasin niyo ito sa harap bukas." Para siyang binuhusan ng malamig na tubig. "Eto nanaman, mapapahiya nanaman ako", ang tumatakbo sa isip ni Annika. Umuwi siyang nakasimangot.
"Ayokong pumasok.", sabi niya sa nanay niya kinabukasan.
"Bakit?" Hindi siya nagsalita at nakahigang tinalikuran ang kanyang ina. Pinagalitan niya si Annika pero hindi pa rin siya kumikibo, hinihila siya para gumising pero nakahawak lang siya sa frame ng kama.
Umiyak ang mama niya. Umiyak din si Annika pero hindi pa rin niya sinabi kung bakit hindi niya gustong pumasok.
Kinabukasan, pinag-recite ng guro si Annika pero pinagbasa lang siya ng buong tula pero nautal pa rin siya. Nginig na nginig siyang nagsalita sa harap habang nagpipigil ng tawa ang mga kaklase niya.
Hindi ito ang una at huli. Nangingibabaw ang mga memorya niyang nasa harap ng mga tao at pinagtatawanan.
"Bakit ka ganyan magsalit?", tanong sa kanya ng mga kaklase niya sabay ng nakaka-insultong tawa.
"Hindi ko alam.", sabi niya at dali-daling pinalitan ang topic ng usapan. Ayaw niyang pinag-uusapan 'yon dahil hindi niya naman talaga alam kung bakit. Hindi alam ng isang siyam na taong gulang na bata kung bakit siya iba sa kanyang mga kasama. Basta ang alam niya, iba siya.
Dahil dito, marami siyang hindi nagawa. Hindi niya nagawang ipagtanggol ang sarili niya sa mga bagay na pinagbintangan siya, hindi niya nagawang magsalita noong alam niya ang sagot sa recitation, hindi niya nagawang sabihing gusto niya ng gravy sa fried chicken dahil nahihirapan siyang bigkasin ang tunog na "G".
Marami siyang hindi magawa.
Taong 2000 noong unang tumatak sa isip niya na may iba sa kanya, na katawa-tawa siya.
"A-a-a-ling Maring, pahiram daw po ako ng kawali sabi ni mama!", sigaw niya sa labas ng bahay nila Aling Maring, ang katabi nilang bahay. Tumawa ang mga tambay na nakaupo sa harap ng tindahan ni Aling Gigi.
"A-a-a-ling M-m-m-m-aring!", sigaw nung mga tambay sabay lagapak sa tawa. "Bakit ka ganyan magsalita?", tanong nila at tumawa uli.
"Ang tatanda niyo na nang-aasar pa kayo ng bata!", lumabas si Aling Maring na naka-twalya. "Pumasok ka muna iha, magpapalit lang ako." Pumasok si Annika at naiiyak na, hiyang hiya sa mga tawa nila. Pagpasok niya, nakaupo sa sala at nanunuod ng cartoons ang isang matabang batang lalake at kumakain ng hiniwang mansanas.
Umupo siya sa tabi niya at humikbi. Nakatitig lang ang matabang bata sa kanya at iniabot ang platong hawak niya. "Huwag ka nang umiyak.", sabi niya at ngumiti.
"Anong pangalan mo?",tanong ni Annika.
"Jao.", ang sagot nung bata.
Naging magkakalase sila ng buong elementarya at high school sa malapit na eskwelahan sa barangay nila. Kung ikukumpara kay Annika, tahimik at hindi ngumingiti si Jao. Para kay Annika, si Jao ang paborito niya, dahil sa lahat ng kaklase niya, kahit kailan hindi siya tumawa kapag nauutal si Annika sa harap.
"Eto na 'yung kawali iha, huwag mong pansinin 'yung mga tambay don. Dibale, mao-overcome mo din yan, pag tumanda ka.", sabi ni Aling Maring na may matamis na ngiti. Teacher si Aling Maring ng elementarya kaya napakahinhin niya at maalaga sa mga bata.
Umalis si Annika ng bahay at kinuha ang kawali. Umuwi siya at ginawa ang takdang aralin sa Filipino, pinagawan sila ng essay tungkol sa kanilang pangarap.
Ano bang pangarap ko?
"Pangarap kong maging artista.", isip niya. "Natutuwa ako sa mga umaarte, gustong gusto kong nanunuod ng mga teleserye. Pagka uwi ko pa lamang mula eskwelahan, bubuksan ko kaagad ang TV para panuorin ang paborito kong mga serye."
"Pero tila pangarap nalang siyang hindi matutupad dahil sino bang tao ang tatanggap sa utal na artista?" Eto ang tumatakbo sa isip ni Annika.
Iniisip niya na kung may scene na kailangang ipakita na confident siya, hindi niya magawa dahil nauutal siya. Sa tuwing kinakabahan siya, lalong lumalala. Sinong direktor ang matutuwa diba?
Hindi niya 'yon isinulat dahil alam niyang tatawanan siya ng mga kaklase niya kung nabasa nila iyon. Pinili niya nalang ang doctor dahil isa iyon sa top 10 na mga inilalagay ng mga bata sa essay na ganito. At ang rason? "Dahil gusto kong tulungang gumaling ang mga may sakit" o di kaya nama'y "para may gagamot kapag nagkasakit sila mama".
Pero sa totoo lang, ang pangalawang pangarap ko talaga ay maging newscaster. Kaso nga lang, ganito nga.
Hindi pa handa ang mundong ginagalawan ni Annika sa mga ganitong klaseng disabilities. Simula pagkabata, sinasabi ng mga matatanda na hindi tama ang pagtawanan ang mga bulag, pipi, pilay, bingi at iba pa. Pero bakit ang mga matatanda pa mismo ang unang tunatawa dahil hindi siya makapagsalita ng maayos? Ito ang naglalaro sa isip ni Annika.
Pero, katulad nila, hindi pa handa si Annika na harapin ito. Sino ba namang limang taong gulang ang mag-iisip na mahalin ang kanyang sarili lalo na kung lahat ng tao ay pinagtatawanan siya?
Sino bang limang taong gulang ang lalaban pabalik at yayakapin ang kung anong mali sakanya?
Sino bang limang taong gulang ang hindi iiyak at magagalit sa Diyos kung bakit siya ginawang ganoon?
Sino ba?