Episode 4

1053 Words
"Ano na girl? Tapos na ba ang sinusulat mong kwento na sinasabi mong magpapabago ng buhay niyo?" usisa ni Rosa na kagagaling lang sa kung saan at dito tumuloy sa bahay para na naman manghalungkat ng kung anong makakain sa kusina ng aming bahay. Kung hindi ko lang talaga kaibigan itong babaeng makapal na mukha na ito ay baka matagal na siyang pinalayas ni Nanay dahil kitang-kita naman na kaya lamang siya nakikipagkaibigan sa akin ay dahil gusto niya lagi siyang nakakalibre ng anuman na pagkain dito sa bahay. Hindi na rin ako magtataka kung isang araw ay malaman ko na lang na kapag nakatalikod ako ay sinisiraan niya ako sa ibang tao. Pero huwag na huwag ko lang talagang nalalaman ng harapan dahil hindi talaga ako magiging mabait sa kanya. Talagang ipapahiya ko siya ng todo kung saan hindi niya na gugustuhin pa na ipakita ang makapal niyang pagmumukha sa kahit na sino dito sa lugar namin. "Iyong sinusulat ko ba ang kinakamusta mo o inaalam mo lang kung anong ulam namin mamayang gabi?" mataray kong tanong. Alam ko naman na hindi na tatablan pa mg kung anong hiya itong si Rosa kahit ilang beses ko pa siyang i-realtalk. "Ay, grabe siya! Napaka sungit mo naman, te? Nagpunta lang ako rito para hatiran ka sana ng tsismis na mainit-init pa dahil baka hindi mo pa alam," ani Rosa na umupo na ng maayos sa bangko habang kaharap na ang tinapay at kape na tinimpla niya na wala man lang paalam. Pero dahil nga tsismis ang dala-dala niya ay naupo na rin ako sa harap niya para makinig. Hinihipan-hipan pa ni Rosa ang mainit na kape at saka na kumuha ng pandesal sa kulay brown na papel na lalagyan nito at walang pasubali na kumagat sa tinapay na para na sana sa aso namin dahil noong isang araw pa ito. "Saan o kanino naman patungkol ang tsismis na sasabihin mo, aber?" usisa ko na. "Kuh! Ikaw talaga! Kanina lang ay ang lakas mong mag-maasim pero ng marinig mo lang ang salitang tsismis ay para ka ng naging maamong tupa!" sabay tawa pa ni Rosa na tuloy lamang sa kanyang pagnguya sa pandesal na isinawsaw niya na sa mainit na kape. "Ano na nga ba ang sasabihin mo? Ang dami mong arte kapag yan hindi ko nagustuhan, mapapalayas ka ng hindi oras," banta ko pa. Sinubo na ni Rosa ang pandesal na hawak at saka na ngumuya ng mabilis sabay lagok na rin ng kape. Ipinagpag niya rin ang kanyang mga palad at saka na seryosong tumingin sa akin. "Heto nga, ante! Usapan ng mga tsismosa sa tabi-tabi na malapit na raw yatang mailit ng bangko ang paupahan diyan sa harap ng bahay mo. Paano naman daw kasi ay lahat na lang yata ng klase ng sugal ay alam nila. Pati raw mga online casino, e-sabong ay kinalolokohan ng mag-asawang yan." Mga kwento ni Rosa. Hindi naman na nakapagtataka ang mga narinig ko dahil alam ko naman na lulong talaga sa sugal ang mag-asawang namamahala ng paupahan. "Heto po, ante! Maliban ba sa akin ay may napagsabihan ka pa ba sa hinala mo kung nasaan na ang matandang babae na siyang tunay na nagmamay-ari ng paupahan?" Umiling ako. Alam ko sa sarili ko na wala pa akong nasasabihan maliban kay Nanay at dito kay Rosa. "Hay, naku! Bulung-bulungan ng mga tao na baka nga raw pinatay na ng mag-asawang yan ang kaawa-awang matandang babae. May mga nakapagsabi raw na sa kailaliman ng gabi at napadaan ka sa harap ng bahay nila ay may naririnig daw na boses ng matanda na waring dumadaing at humihingi ng tulong." Binabaan pa ni Rosa ang kanyang boses na tila ba nagsasalaysay ng isang nakakatakot na kwento. Kahit ganun rin naman ang sapantaha ko ay hindi ko naman maisip na magmumulto ang matandang babaeng yon. At saka, hindi ako naniniwala sa multo. "Baka naman nasa loob pa ng bahay ang matandang babae? Ikinulong lamang ng mag-asawa para nga kamkamin ang mga pag-aari nito?" opinyon ko. "Maaaring totoo. Pero wala naman daw kasing nakakapasok sa bahay ng mag-asawang sugarol. Maliban sa maraming aso sa bakuran ay nakapadlocked talaga kapag wala sila sa bahay. At kung may magtatangka man na pasukin ang bahay nila ay goodluck na lang sa makikita nilang multo ng matandang babae!" bulalas pa ni Rosa. Maghapon nga na walang tao ang bahay na tinutuluyan ng mag-asawang sugarol. "Dapat siguro tanungin natin iyong tenant nila sa apartment, ano? Medyo malapit ang pwesto niya sa bahay kaya malamang na meron siyang nalalaman." Suhestiyon ni Rosa. "Si Marites?" tukoy ko sa babaeng tenant na nakilala ko nga noong isang araw. "Marites? Kilala mo ba iyong tenant? Wow! Hanga na talaga ako sayo, ante!" Tinaasan ko na lamang ng kilay si Rosa dahil alam ko naman kung ano ang ibig niyang sabihin. "Fyi lang, ano? Ang babaeng iyon ang lumapit at nagpakilala sa akin!" kontra ko na kahit wala pa naman talagang sinasabi si Rosa. Alam na alam ko ng sasabihin niya na ako talaga ang reyna ng mga tsismosa. Tumawa na lang ang patay gutom kong kaibigan at saka uminom ulit ng kape. "Kung ganun ay chikahin mo na. Ano papahuli ka pa ba sa latest tsismis? Huwag kang padadaig sa mga bulong-bulungan, Reyna! Ikaw yata ang reyna ng mga tsismosa kaya alamin mo kung ano ang totoo sa kwento sa likod ng boses ng matandang babae na dumadaing at nanghihingi ng tulong sa hatinggabi," bahagya na naman na binabaan ni Rosa ang kanyang nakakairitang boses. "Ayoko nga! Baka isipin pa ng Marites na iyon na gusto ko siyang maging kaibigan. Sobra kayang baduy niyang manamit! At baka araw-araw na siyang magpunta rito sa bahay at istorbohin ako sa oras na magtanong ako sa kanya!" kontra ko na naman sa naisip ni Rosa. "Wow! Hindi ka na lang talaga tsismosa ngayon, ante! Grabe ka pa sa panlalait! Ano naman kung baduy manamit? Baka naman fashion niya yon? Alam mo naman sa panahon natin ngayon ay kanya-kanya na ng trip ang mga tao," saad naman ni Rosa. Kung ganun na lang din ang magiging uso na fashion ay hindi bale na lang! Pero totoo kaya ang sinasabi nitong si Rosa? Totoo nga kaya na nagmumulto ang matandang babae? At totoo rin kaya na pinatay na talaga siya ng mag-asawang mga sugarol?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD