Episode 5

1605 Words
"Tao po!" Naistorbo ang seryoso kong pagtipa ng mga letra sa aking laptop ng may marinig na nagpapatao po sa labas ng bahay. Hindi ko maiwasan na mainis sa kung sinuman ang nag-iingay sa labas dahil nawala na ang konsentrasyon ko sa sinusulat ko. Ilang araw ko na kasing pilit na dinudugtungan ang kwento ngunit hindi ako nasisiyahan sa kinalalabasa ng sinulat ko kay uulitin ko na naman. Araw-araw akong wala laging kasama dahil nga nagtitinda si Nanay sa palengke habang ang mga kapatid kong mas matanda sa akin ay may kanya-kanya ng mga trabaho kaya sanay akong magsulat ng tahimik ang buong kabahayan. Tiyak din akong hindi ang patay gutom kong kaibigan ang nasa labas ng bahay dahil bukod sa timawa si Rosa ay kinulang din sa pag-aaral ng kabutihang asal dahil hindi man lang marunong kumatok ang babaeng iyon bago pumasok sa loob ng aming bahay. Basta papasok siya na diretso sa lamesa sa kusina para tingnan kung may pagkain sa lamesa. "Tao po!" sigaw na naman sa labas. Boses babae ang tumatawag ngunit wala akong ideya kung sino ang tampalasan na gumugulo ng aking konsentrasyon sa pagsusulat at pag-iisip ng mga senaryo na aking isusulat. Wala na sana akong balak na tingnan pa kung sino ang walang hiya kong panauhin ay padaskol na akong tumayo sa kahoy na bangko at saka naiiritang naglakad patungo sa pinto ng bahay. "Sandali Sino ba kasi yan?!" asik ko na at saka pabalibag na binuksan ang pinto ng bahay. Hindi ko inaasahan ang taong makikita ko habang nakangiti pa ng todo. Si Marites pala, ang bagong tenant sa apartment na harap bahay namin. "Mukhang naka-istorbo yata ako? Pasensya ka na, Reyna." Ngayon pa talaga niya naisipan na nakaistorbo siya gayong ilang beses na nga siyang kumatok at nagpatao pa na walang sumasagot. Hindi ko alam kung tanga-tangahan ba itong probinsyanang galing sa kung saan lupalop na lugar o sadyang bobo lang? "Ano ba kasing kailangan mo?" tanong ko at pilit na itinatago ang inis ko sa kanya. Ngunit itinaas niya ang mangkok na dala niya. "Nagluto ako ng ginataang gulay. Marami talaga akong niluto para mabigyan kita at matikman mo ang luto ko." Tugon ni Marites Anong akala naman ng babaeng ito, wala kaming ulam para bigyan niya kami? At anong malay ko kung paano niya inuluto ang pinagmamalaki niyang ginataang gulay? Baka kung ano pa ang inilagay niya rito at malason pa ako. Ganun pa man ay kinuha ko na rin ang mangkok na dala niya. Sayang din kasi at para may ulam na ang aso namin na hindi man lang tumahol na may ibang tao na pala na nakapasok sa aming bakuran. "Ang ganda pala ng loob ng bahay niyo," puri ni Marites na humakbang na papasok ng bahay namin kahit hindi ko naman siya pinapatuloy. May pagka astang Rosa rin pala ang ugali nitong baduy na probinsyanang ito. Naitirik ko na lamang ang mga mata ko sa inis ko dahil wala na rin akong magagawa dahil mukhang siya na mismo nag nag welcome sa sarili niya sa loob ng bahay namin. "Ikaw lang ba mag-isa dito?" usisa niya kahit nakatingin naman siya sa family photo ng pamilya ko na nakasabit sa dingding. "Wala sina nanay at mga kapatid ko dahil nagtatrabaho sila." Matabang kong sagot at sinalin na sa mangkok namin ang ulam na dala niya. "Ako kasi mag-isa na ako sa buhay. Wala na akong mga magulang at kahit kapatid." Kwento ni Marites na as if naman na interesado ako sa buhay niya. "Ulila ka na pala?" may maitanong lang ako. Kung ganun ay mag-isa lang pala talaga siya na nangungupahan. Naisip ko tuloy iyong araw na nakita namin siya ni Rosa na kausap ang may-ari ng bahay na buong akala ko ay may katabi pa siyang babae kaya nasabi kong sila. Baka nga namalikmata na lang ako o nagdoble na lang ang paningin ko dahil lagi akong puyat at kulang sa tulog. Tumango siya. "Oo, matagal na. Bata pa lang ako," aniya pa. Kaya siguro ganito na gusto niyang makipag close dahil nag-iisa na lang pala siya sa buhay. Pero sana ay huwag na siyang magtagal pa dahil nakakaistorbo siya sa kondisyon ng utak ko. "Marites, may sasabihin ka pa ba? Pasensya ka na pero may trabaho pa kasi ako na dapat na gawin," pagdadahilan ko na lang kahit kanina ko pa gustong ipagtabuyan. "Ay, ganun ba! Pasensya na ulit, Reyna. Marami ka sigurong tinatapos na gawaing bahay at nakakaistorbo pa ako," paghingi na naman niya ng pasensya. Pilit na lamang akong ngumiti. "Hindi ako gumagawa ng trabahong bahay, mismong trabaho na pinagkakakitaan ang ginagawa ko." Taas kilay kong pagmamalaki. Anong akala niya, basta na lamang akong taong bahay? Excuse me? Ako lang naman ang kumikita ng malaki sa pamamahay na ito. "Anong trabaho mo? Call center?" Umiling na ako. "Writer ako, alam mo iyon? Iyong gumagawa ng mga kwento na karamihan ay tungkol sa buhay pag-ibig? Iyong mga sumusulat ng mga pocketbook?" Malamang na alam niya naman ang ibig sabihin ng writer. Lumaki ang mga mata ni Marites at napatakip pa ng kanyang nakangangang bibig. Mangha-mangha siguro na ngayon lamang siya nakakilala sa personal ng isang manunulat. "Hindi nga? Writer ka rin pala?" hindi makapaniwala na tanong niya. Ano kayang ibig sabihin niya sa writer ka rin pala? May iba pa ba siyang writer na kilala maliban sa akin? Sino kaya? Kilala ko ba o kilala ba sa ibang writing online platform ang ibang writer na kilala niya? "Nagsusulat ako at iyon ang pinagkakakitaan ko. Sa katanuyan nga ay ang sinusulat ko ngayon ay ang isasali ko sa isang patimpalak ng isang malaking tv station kung saan naghahanap sila ng isang magandang kwento ng pag-ibig." Dagdag ko pa para lalong mawindang ang utak niya. "Wow, naman! Masaya akong malaman na writer ka rin pala, Reyna kasi writer din ako!" bulalas ni Marites. Natigilan ako. Ano? Anong writer din siya? Niloloko ba ako ng babaeng ito? Gumagawa ng kwento para lang masabi na pareho kaming writer. "Ha? Writer ka rin?" ako naman ang hindi makapaniwala. Sunod-sunod na tumango si Marites at saka niya sinabi ang writing platform kung saan siya nagsusulat at laking gulat ko dahil doon din ako nagsusulat. "Kaya pala magaan ang loob ko sayo ay dahil pareho pala tayo ng kinahiligan, Reyna. Anong pen name ang gamit mo? Ako nga pala si ilang-kandila." Lalo akong napanganga dahil ang binanggit niyang pen name ay isa sa mga matunog na pangalan sa writing platform kung saan kami nagsusulat. Maraming mga readers ang lagi kong nababasa na nanghihingi ng update sa mga sinusulat niya na pinopost pa sa mga group page naming mga writer. Nakuyom ko ng palihim ang dalawa kong kamay. Itong baduy na probinsyanang ito ay ang manunulat sa likod ng pangalan ni ilang-kandila? "Oo nga, ano? Masaya rin ako na makilala ka Miss ilang-kandila." Plastik kung komento dahil hindi matanggap ng utak ko na siya ba talaga ang author na yon. "Nabanggit mo ang tungkol sa patimpalak? Alam mo ba na kaya ako napaluwas mula sa probinsya at nangupahan dito ay dahil sa patimpalak na yon? Malapit ang lugar na ito sa tv station na pasimuno ng contest kaya dito ako naghanap ng matitirahan. At kaya nga napili ko ang apartment sa tapat ng bahay niyo dahil mukhang tahimik na totoo naman. Dahil ako lang mag-isa at walang katao-tao ay malaya talaga akong nakakapagsulat. Kamusta na ba ang sinusulat mo? Patapos na ba? Tapos ko na kasi iyong akin at sobrang excited ko na talagang ipasa." Nagniningning ang mga mata na imporma ni Marites. Tapos niya na? Hindi maaari! Dapat tapusin ko na rin ang akin dahil dapat ako ang manalo sa contest na yon! "Hindi ko pa tapos ang akin." Malumanay kong sagot. Kinakalma ko talaga ang kalooban ko dahil para akong nainis lalo dito sa baduy na probinsyanang ito. "Kung ganun ay dapat na talaga akong umalis para makapagsulat ka na. Pasensya ka na, ha, Reyna. Sige na, magsulat ka na para matapos mo na at malapit-lapit na rin ang deadline." Nagmamadali na ngang lumabas ng bahay si Marites ngunit hinabol ko siya dahil sa nakalimutan niya ang mangkok na pinaglagyan niya ng ulam. Ayokong magkaroon pa siya ng dahilan para bumalik pa rito sa bahay lalo pa at nalaman kong sasali rin siya sa contest na yon. "Salamat sa ulam, Marites. At kinagagalak kitang makilala bilang si ilang-kandila. Ayokong sabihin ang pen name ko dahil nahihiya akong mabasa mo ang mga akda ko," tapat ko naman na sambit. Batid ko na mas marami siyang followers at readers kaysa sa akin dahil nga laging nag tre-trending ang mga sinusulat niya. Wala pa akong nabasa sa mga kwento niya pero marami rin akong nababasa na maganda raw ang mga sinusulat niya. "Ay, bakit ka naman mahihiya? Lahat ng mga kwento na sinusulat natin ay maganda. Kaya huwag na huwag kang mahihiya. Kinagagalak din kitang makilala, Reyna." Naiirita ako sa mga sinasabi niya. Sigurado ako na sinadya niya talagang sabihin na siya si Ilang-kandila para ipamukha sa mukha ko na sikat siyang manunulat. Kunwari ay ngumiti na lang at napakamot sa aking ulo. Hinding-hindi niya malalanan kung ano ang pen name ko. Hindi ko hahayaan na laitin niya ang gawa ko habang binabasa niya ang mga kwento ko. Isinara ko ng mabuti ang maliit naming gate para makasiguro na wala ng makakapasok pa. Ngunit nalingunan ko ang aso namin na nasa sulok ng kanyang bahay na para bang takot na takot habang nakatingin sa aming gate. Matapang ang aso namin at napakaingay kapag may taong hindi kilala. Anong nangyari na tila umurong ang buntot at takot na takot?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD