NAGLUTO si Adan ng almusal. Sinangag lang naman dahil may natirang kanin nang nagdaang gabi. Ang ulam nila ay ang natirang adobo.
Hindi siya nagkamali sa palagay na tanghaling gumising si Queenie. Naghawan siya ng bakuran habang hinihintay itong magising. Ngunit hanggang sa matapos siya ay hindi pa rin bumababa ang dalaga.
Nagpasya siyang mag-almusal na mag-isa. Nang matapos ay gumayak na siya papunta sa bukid. Nag-iwan siya ng maikling sulat. Ipinaalala niyang dapat itong maghanda ng hapunan.
Approved na ng bangko ang loan niya. Nai-transfer na iyon sa account niya sa Baler ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya wini-withdraw. Nagtatalo pa kasi ang loob niya. Hindi pa kasi siya desidido sa gagawin sa bukid.
Labinlimang ektarya ng sakahan ang minana niya. Tiyak na hindi na siya makakapagturo kapag talagang pinagtuunan niya iyon ng pansin. At hindi iyon madali, lalo pa nga at hinahanap ng katawan niya ang classroom environment.
Hindi rin naman niya gustong ibenta ang lupain. Ngunit ang ideya ay nagmula sa isang tiyuhin. Katabi ng lupa niya ang lupain nito. Hindi naman siya madedehado sa bilihan kung sakali.
Ikinonsidera niya ang isang season ng pagtatanim. Baka sakali na hindi niya iyon ibenta at ipasaka na lang sa iba. Buwisang-palay na lang. At hindi pa siya makokonsiyensiyang basta na lamang niya ipinagwalang-bahala ang pamana ng mga magulang.
Nailing siya. Sa nakalipas na dalawang taon ay hinayaan niyang nakatiwangwang ang lupain. Mula nang mamatay ang ama niya ay walang nag-asikaso niyon. Hindi niya mai-give up ang pagtuturo kaya hindi niya inintindi ang lupa.
Ngayon lamang siya umuwi. Dahil isinulat ng tiyuhin na nag-aagawan ang dalawa pa niyang tiyuhin sa pagsasaka niyon. Pareho namang ayaw magbuwis sa kanya.
Nag-file siya ng vacation leave. Isang semester at malamang na mag-extend pa. Para siya mismo ang mag-asikaso ng sakahan. Ngunit ngayon pa lang ay parang gusto na niyang bumalik sa pagtuturo.
Mali yata ang desisyon niya na mag-loan pa sa bangko. Una ay may ipon naman siya. Sobra pa iyon para mapagyaman niya ang lupain. Kung bakit naisipan pa niyang mag-loan. Tuloy ay nakilala pa niya si Leigh. Tuloy ay problema niya ngayon ang babae.
“Kuya Adan!”
Nakita niyang kumakaway sa kanya ang dalagitang pinsan. Isang brown envelope ang iwinawagayway nito.
Inihinto niya ang karag-karag na jeep sa gilid.
“Ano na naman iyan?”
“Telegrama,” tugon nitong nakangiti.
Dumilim ang kanyang mukha. Tiyak niyang galing na naman iyon kay Leigh. Nilamukos na ibinalik niya sa sobre ang telegrama at saka iyon isinuksok sa bulsa ng kanyang pantalon.
“Doon na ako sa bukid.”
“Teka,” pigil nito, “hindi ba ako maglilinis sa Baler?” Gustung-gusto nitong maglinis ng bahay sa Baler. Pinakalakwatsa na nito ang magpunta roon.
“Ikaw, kung gusto mo. May tao roon. Si Queenie, iyong alaga ni Manang Susan sa America.”
“Amerikana?”
“Hindi. Pero marunong pa ring mag-Tagalog. Sige, pumunta ka roon at magluto ka na tuloy. Baka hindi iyon magluto kaya wala akong kakainin sa pag-uwi ko mamayang hapon.” Dumukot siya ng pera sa bulsa. “O, pamasahe mo.”
Namilog ang mga mata nito nang sumayad sa palad ang isandaang piso.
Nang paandarin niyang muli ang jeep ay napailing siya. Naalala niya si Queenie. May panghihinayang siyang naramdaman na nakaalis siya nang hindi man lang muna ito nakita.
KAAGAD na napansin ni Queenie ang note na iniwan ni Adan. Nakita niya agad iyon dahil nakaipit sa takip ng kaldero.
Napangiti siya sa nabasa. Naisip niyang buong panahon marahil nang itatagal niya sa Baler ay maaaliw siya.
Kumain na siya. Sabay na ang almusal at tanghalian dahil mag-aalas-onse na ng tanghali. Habang kumakain ay iniisip niya kung ano ang susunod na gagawin.
Wala naman siyang balak na maglinis ng bahay. Malinis pa iyon dahil wala namang nagkakalat. At parang hindi naman naalikabukan mula kahapong dumating siya.
May narinig siyang nagbukas ng gate. Iniwan niya ang mesa para tingnan ang dumating. Ang nasa isip niya ay si Adan. Ngunit isang dalagita ang nakita niya.
“Ikaw si Queenie?” tanong kaagad sa kanya nito.
“Kilala mo ako?”
“Pinsan ako ni Kuya Adan. Ako si Lisa. Sabi niya ay ikaw nga raw ang daratnan ko rito.”
Madali naman siyang naniwala. “Kumakain ako. Ikaw, kumain ka na?”
“Tapos na akong mag-almusal. Bilin ni Kuya na magluto ako.”
“Good!” nasisiyahang wika niya. “Hindi kasi ako mahilig magluto.”
Naupo ito sa harapan niya. Pinanonood siya nito habang kumakain.
“Masarap ba sa America?” mayamaya ay tanong nito.
Napatingin siya rito. Tipikal ang kuryusidad sa mukha nito.
“Depende,” tugon niya. “Depende kung ano ang trabaho mo roon. At kung ano ang status. `Pag TNT, mahirap. At saka doon, mahirap `pag walang trabaho. Dahil dollar din naman ang ibinabayad sa mga bilihin. Akala lang nila, masarap doon.”
Sumimangot ito, halatang na-discourage. “Bakit kaya si Manang Susan, mas ginusto pa roon, eh, ganoon naman pala? Mas masarap pa rito. Puwedeng matulog sa tanghali at puwedeng gumising kung anong oras gusto.”
“Bakit, gusto mo ba sa America?”
“Akala ko masarap doon. Kasi, si Manang Susan, kahit na ano’ng pilit namin na umuwi, ayaw. `Pag nagbakasyon, sandali lang. Parang nagmamadaling bumalik sa America.”
Tapos na siyang kumain. “Ang laki-laki nitong bahay. Maluwang ang bakuran. Ito pa lang, tanda nang maykaya si Manang Susan. Pero nakagisnan ko na siyang yaya ko.”
“Oo nga. Hindi na tuloy nag-asawa. Wala bang nanligaw sa kanya sa America?” usisa nito at saka ito tumayo para sumunod sa kanya. Pinanood siya nito sa paghuhugas niya ng pinggan.
Dismayado siya dahil akala niya ay aakuin nito ang paggawa niyon. Hindi na niya sinagot ang tanong nito. Tutal ay hindi rin naman niya alam ang sagot doon.
Halatang walang preno ang bibig nito. Nang hindi siya kumibo ay may panibago na naman itong tanong.
“Ilang taon ka na?”
“Twenty-six.”
“Sampung taon pala ang tanda mo sa akin. Dapat ba tawagin kitang ‘ate’?”
“Bahala ka.”
“Sige, Ate. Ate Queenie. Ang ganda ng pangalan mo. Reynang-reyna ang dating. Si Kuya naman, lalaking-lalaki ang tunog. Adan. Sabi ko nga sa kanya, dapat bahag lang ang suot niya para mukha talaga siyang si Adan noong unang panahon.”
Tinapos na niya ang paghuhugas. Hindi niya gustong itaboy ito ngunit hindi na rin siya interesadong makipagkuwentuhan pa rito. Mas gusto niyang magkulong na lamang sa silid.
“Bagay kayo ni Kuya Adan. Mukha kayong kape at gatas. At saka treinta pa lang si Kuya. Binata. Ang alam namin, wala pa ring girlfriend. Ikaw ba may boyfriend sa America?”
Pormal na tiningnan niya ito. “Lisa, para ba sa hapunan ang lulutuin mo?” pag-iiba niya ng paksa.
“Ay, oo nga pala!” Napahiya naman ito, pagkuwan ay binuksan ang isang lumang ref. “Wala namang stock. Itlog lang ang nandito.”
Mabilis siyang nagdesisyon. “Kukuha ako ng pera. Bumili ka ng lulutuin. Ikaw na ang bahala kung ano ang dapat bilhin.”
Umakyat siya. Saglit lang ay bumaba na siya at ibinigay kay Lisa ang dalawang daan. “`Pag bumalik ka at tulog ako, huwag mo akong gisingin.”
“Ate...” parang nag-aalangang wika nito, “nagalit ka ba sa kadaldalan ko? Sorry, ha?”
Naantig naman siya. “Hindi. Sige na at baka maagang dumating si Adan. Tiyak na gutom na `yon. Pareho pa tayong masisi.”