MAAGANG nagising si Queenie. Ang pinag-usapan nila ni Adan nang nagdaang gabi ay hindi niya inintinding masyado.
Che sarà, sarà. Iyon ang inilagay niya sa isip kaya napagtagumpayan niyang makatulog nang mahimbing.
Bumaba siya at naghanda ng almusal. Kahit ang usapan nila ay si Adan ang magluluto ng almusal ay siya na lamang ang umako niyon.
Tiyak niyang tulog pa ang lalaki. Wala pang alas-sais ng umaga at tahimik na tahimik pa sa silid nito.
Nagluto siya ng corned beef omelette. Iyon lang naman ang puwede niyang iluto dahil wala nang iba pang stock sa cabinet at refrigerator.
Mukhang naghihintayan sila ni Adan kung sino ang mamamalengke.
Naupo siya at nag-isip kung ano pa ang gagawin. Mas gusto niyang pagurin ang katawan kaysa mag-isip. Hanggang maaari ay ayaw niyang isiping itinataboy na siya ng lalaki.
Ayaw niyang ikonsidera na bumalik siya sa Laguna at magpaampon kay Tody.
Malinaw ang usapan nila ng kapatid na sa Baler muna siya pansamantala. Mabuting paraan iyon ng pag-iwas dahil tiyak na tatawag ang kanilang mga magulang.
Nahagip ng tingin niya ang walis-tingting na nasa isang sulok. Naisip niyang maglinis na lamang kaysa bumalik na naman sa kuwarto at magbasa.
Nagwalis siya sa harapan ng bahay. Malaki rin ang solar kaya naman nalibang siya at hindi namalayan ang oras. Nang matapos siya ay mataas na ang sikat ng araw.
Bumalik siya sa loob para kumuha ng posporo. Nais niyang sindihan ang naipong kalat at tuyong mga dahon. Ngunit tiyempo namang pumapanaog sa hagdan si Adan. Napangisi ito nang makita ang ayos niya. Pawisan siya habang bitbit ang walis.
“Nilalagnat ka ba?” buska nito.
“Hindi. Gusto ko lang maging productive ngayong araw na ito.” Pagkasabi niyon ay tuluy-tuloy na siya sa kusina.
Naramdaman niyang nakasunod ito sa kanya. At napasipol ito nang makita ang iniluto niya.
“Wow! Pinabibilib mo yata ako!” bulalas nito.
“Tse! Mamaya ikaw ang magluluto ng hapunan.” Humakbang siya pabalik sa labas. Subalit pinigilan siya nito sa kanyang braso.
“Mukhang sinisipag ka, eh, de lubusin mo na. Maghain ka na. Kumain na tayo.”
Pinandilatan niya ito ng mga mata at saka tinalikuran.
SA LABAS, kanina pa siya naiinis dahil ayaw magdingas ng mga sukal na sinigaan niya. Nakailang kiskis na siya ng posporo ay ayaw pa ring mag-apoy.
“Ako na,” anang boses sa likuran niya. “Hindi ka naman kasi marunong ng ganyan, nagpipilit ka pa. Doon ka na sa kusina. Maghain ka na lang.”
“Inuutusan mo ba ako?” angal niya.
“Oo, bakit?”
“Ano ba kita?”
“Ano nga ba?” nang-aasar na sabi nito. Halata sa ngisi nito na naaaliw ito sa nakikitang reaksiyon niya.
“Wala!”
“Meron, Miss. Magkasambahay tayo. Kaya dapat, ang magkasambahay ay nagtutulungan. See? Ako na ang gagawa ng dapat na gagawin mo. Kaya pumunta ka na sa kusina. Maghain ka na at nang makakain na tayo pagkatapos ko rito.”
“Sa amin, hindi ako inuutusan!”
“Sa inyo iyon. Dito... nakikitira ka lang. Hindi naman kita sinisingil ng upa.” Isang kiskis lang nito sa posporo at inilapit iyon sa tuyong dahon ay agad na nag-apoy.
Saglit lang at nagliliyab na ang mga kalat.
“Anong nakikitira? Bisita ako rito. Si Manang Susan ang nag-offer sa akin na dito tumuloy.”
“Iyon na nga, bisita ka rito. Pero huwag kang señorita. Magpakisamahan tayo.”
Malaki na ang apoy kaya kinuha nito ang walis sa kamay niya at siyang pinang-ipon sa mga sukal.
Sasagot pa sana siya nang may humintong tricycle sa tapat ng gate.
“Adan!” sigaw kaagad ng babaeng hindi pa man nakakababa ng tricycle. Paitsa nitong iniabot sa driver ang bayad at parang hinahabol ng torong pumasok sa gate.
“Adan!” humihingal nitong sambit. Kulang na lang ay kumandirit at dambahin ang binata.
Napaingos siya. Unang tingin pa lamang niya ay mabigat na agad ang dugo niya sa babae.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” matigas ang tonong tanong ni Adan sa bagong dating.
Nabaling ang atensiyon ng babae sa kanya. Kaya noon lang nito napansin na nakasimangot si Adan.
Bigla ay nagkainteres siya sa eksena ng dalawa. Napangiti siya habang sinusuri ang ayos at gayak ng babae.
Maganda naman ito. Pero mas maganda siya dahil mestizang Española ang ganda niya samantalang simple lang ang mukha nito. Malakas lamang ang dating ng makakapal at malalantik na mga pilik-mata nito, pero hindi matangos ang ilong at medyo maluwang ang bibig nito.
Sabagay, may mga lalaki namang ang tipo sa babae ay gaya ng anyo nito, sa loob-loob niya.
Trendy ang attire nito. Blue tube blouse na may blazer na parang kulambo at saka capri pants. Ang sandals nitong mataas ang takong ay katerno ng bag.
Bagay naman dito ang attire nito, kaya lang ay hindi maganda ang kutis nito. Dry. Parang bihirang mapa-hiran ng lotion.
Hindi kagaya ko, anang isip niya. Niyuko niya ang sarili at hinaplus-haplos ang malasutlang braso.
Hindi naman siya pintasera. Hindi rin naman niya ugaling ikompara ang sarili sa kapwa at sa huli ay purihin ang sarili. Ngayon lang nangyaring maging ganoon siya!
Naaaliw siya na parang nakikipagpaligsahan sa babae.
“Parang hindi ka masayang nandito ako,” malambing na sabi ng babae.
Napuna niyang parang hindi natural ang lambing sa tinig nito. Pilit na pilit. At ang ekspresyon ng mukha nito ay nagpapa-cute ay Adan!
Ang sarap sabunutan.
“Napakahirap pumunta rito kaya ang sabi ko sa iyo’y huwag kang pumunta. At saka ano’ng sinakyan mo? Napakaaga pa.”
Ayaw sa kanya ni Adan, panghuhula niya. Nakatutok naman siya ngayon sa anyo ng binata. Hawak pa rin nito ang walis-tingting. Parang mas gusto pa nitong iyon ang dantayan ng palad kaysa sa babaeng kulang na lang ay yumapos dito. At ang facial expression nito ay parang sinasabing “bumalik ka na sa pinanggalingan mo!”
Nanulis ang nguso ng babae. “Kagabi pa nga ako dumating kasabay ng aming internal auditor sa bangko. Pero nagpalipas lang ako ng gabi roon sa staff house. Sa Maria Aurora kita hinanap pero sabi ng mga pinsan mo roon, eh, nandito ka nga raw. Nakadalawang telegrama ako sa iyo, hindi ka man lang sumagot.”
“Busy ako,” tipid na rason ni Adan.
Hindi naiwasan ni Queenie na mapangiti. Hindi niya alam kung kanino sa dalawa siya maaawa. Kay Adan na halatang hindi nagustuhan ang pagdating ng babae o sa babaeng mahina ang pakiramdam.
Napalingon naman sa kanya ang babae. Awto-matikong umarko ang sulok ng mga labi nito. Nakita niyang gumuhit ang selos sa mga mata nito.
“Sino siya, Adan?” Nagkaroon ng tapang ang tinig nito.
Parang noon lang din naalala ni Adan ang presensiya niya. “Si Queenie.”
“Ano mo siya?” sita ng babae.
Tumikhim si Adan. Nasa anyo nito ang tila pagka-pikon sa pagbabago ng tono ng babae. Tingin pa nga niya ay tila nais nitong sindakin si Adan.
Puwes, siya ay hindi pasisindak sa babae. Si Adan na lang kung gusto nito.
Humalukipkip siya sabay taas ng noo.
“Queenie, this is Leigh. Leigh, si Queenie,” pakilala ni Adan na halata ang katabangan sa tono.
“Hi!” aniya sa babae. Hindi na rin siya nag-abalang makipagkamay rito.
Sa halip na suklian nito ang sibil na bati niya ay nilinga nito si Adan. Umangkla ang isang kamay nito sa braso ng binata. Parang ipinamumukha sa kanya: Akin si Adan!
Iyong-iyo na lang, ‘no! Iyon naman ang mababasa sa mga mata niya.
“Adan, bakit hindi mo sabihin sa kanya kung ano mo ako?” untag ng babae.
“Leigh,” nagtitimping saad ni Adan. Ngunit kita pa rin sa mga mata nito ang iritasyon.
Parang gusto niyang humagalpak ng tawa. Gayun-paman, nagpakatimpi siya.
Nakipagsukatan ng tingin sa kanya ang babae. “Girlfriend ako ni Adan,” deklara nito. Proud na proud ang tinig.
Kaswal siyang tumango. Her face was blank from any expression but her eyes were dancing in merriment!
Nang sulyapan niya si Adan ay halos malukot ang mukha nito. Daig pa ang hitsura nito ang lalaking pinikot.
“Ano mo si Adan?” tanong ni Leigh, tila walang balak na tumigil sa pagtatanong hangga’t hindi nalilinawan ang gustong malaman.
“Ano ko si Adan?” naniniryang ulit niya sa tanong nito. Bumalik uli ang tingin niya kay Adan. “Mag-ano ba tayo, ha, Adan?”
Sa sinabi niya ay parang umusok ang ilong ng babae. Pagigil na hinila nito ang braso ng binata.
“Mag-ano ba kayong talaga?” sita nito sa lalaki at saka tiningnan siya mula ulo hanggang paa.
Umayos naman siya ng tayo, animo ay modelo ng Donna Karan. Ang ganda-ganda pa naman ng housedress na suot niya. Ankle-length iyon na straight-cut ang tabas at may biyak sa gitna. Litaw ang nakasisilaw sa puting mga hita niya.
Umarko ang mga labi ni Leigh. At tiyak niya kung ano ang ibig sabihin niyon. Insecure ito sa kanya.
“Magkasambahay kami,” pagkuwan ay sabi niya. Pasimple niyang sinulyapan si Adan at saka nakataas ang isang kilay na nagmartsa siya papasok sa bahay. “Maghahain na ako. Ayain mo siya kung hindi pa siya kumakain,” sabi niya kay Adan.
“Mag-ano ba kayong talaga?”
Narinig pa niya iyon kaya naman hindi niya napigilan ang mapahagikhik. Para na niyang nai-imagine kung paano kulitin ng babae si Adan.