MAGKATAPAT sila ng upuan ni Leigh. Si Adan ay sa kabisera pa rin nakapuwesto.
Pigil na pigil ni Queenie na mapangiti sa harapang iyon. Halatang-halata ang pagpipilit ng babae na pagsilbihan si Adan. Parang imbalido kung tratuhin nito ang lalaki, kulang na lang ay subuan ito.
“Nag-leave ako nang isang linggo, Adan,” ani Leigh. “Nami-miss kasi kita.”
“Nag-leave?” Muntik nang masamid si Adan. “Papayagan ka bang mag-stay sa staff house kung on leave ka pala?”
“Bakit naman ako sa staff house mag-i-stay? Ang laki-laki nitong bahay mo. Hindi ba ako puwede rito? Bakit siya?” Pailalim siya nitong tiningnan. “Bakit siya... hindi mo kaanu-ano, eh, nakatira dito?”
“Leigh, bisita siya ni Manang Susan. Si Manang Susan ang may-ari ng bahay na ito. Baka mabalitaan niyang nandito ka, nakakahiya.”
“Bakit naman niya malalaman? Eh, de gawing sekreto.”
Napailing si Queenie. Hindi lang mahina sa paki-ramdaman ang babae. Nuknukan pala ito ng manhid! Hindi ito makahalatang unwanted ang presence nito.
“Wala ka namang gagawin dito. Sana hindi ka na nag-leave. Sayang lang.”
“Bakit masasayang?” katwiran pa rin nito. “I’m with you. Hindi iyon sayang.” Malambing ang boses nito.
Siya naman ang muntik nang masamid.
Sa wakas ay tapos na silang kumain.
Nakipag-unahan si Leigh sa pagliligpit ng pinagkainan. Alam naman niyang nais lamang nitong magpa-impress kay Adan. Iisipin nga naman ng lalaki na marunong ito sa mga gawaing-bahay.
Pinagbigyan naman niya ang babae at iniwan ito sa kusina.
“Saan ka pupunta?” habol sa kanya ni Adan.
“Sa itaas. Wala na akong gagawin dito.”
“Meron,” ani Adan. Halata sa tinig nito na ayaw siyang paalisin.
“Pabayaan mo na siya, Adan. Ako na lang ang gagawa kung ano ang ipagagawa mo sa kanya,” sahod naman ni Leigh.
Ngumiti siya. Tainga sa taingang ngiti. “`Yon naman pala, eh. Sige, aakyat na ako. Bye!”
“Queenie!” malakas na tawag ni Adan. Parang nagpa-panic ang tinig nito.
Ni hindi niya ito nilingon at nagtuluy-tuloy sa paghakbang. Tinungo niya ang hagdan.
NAGKULONG si Queenie sa kuwarto. Kahit na nakaramdam siya ng gutom nang oras na ng tanghalian ay hindi siya bumaba.
Hinintay niyang tawagin siya. Ngunit nag-alas dos na ng hapon ay wala pa ring nag-aaya sa kanyang kumain.
Inis na inis na siya.
Kabagan sana kayo! bulong niya. Nakasimangot siyang lumabas ng kuwarto.
Nakaawang ang pinto ng kuwarto ni Adan. Tumigil siya sa harapan niyon. Bigla ang pag-ahon ng kuryusidad sa dibdib niya.
Mag-uusyoso sana siya nang makarinig ng mga tinig sa loob. Parang dumadaing. “A-Adan...”
Napahumindig siya.
Mga walanghiya! Bastos! Bastos!
Mabibigat ang mga paang lumayo siya. Kulang na lang ay ipadyak niya ang mga paa. Inis na inis siya.
Nang maisip na hindi siya dapat makaramdam ng gayon ay lalong nadagdagan ang ngitngit niya.
Bakit ba? Ano ba’ng pakialam ko sa kanila? anang matinong bahagi ng isip niya.
Mga bastos sila! katwiran naman ng isang bahagi.
Bakit naman? Sa America, mas bulgar pa nga iyong iba!
Bastos sila!
Hindi kabastusan iyon. Physical expression iyon. At isa pa, s*x is universal.
Damn! Gusto niyang sabunutan ang sarili. Kaya naman ang napagdiskitahan niya ay ang dingding sa kanyang silid. Pinagbabayo niya iyon.
SAMANTALA, sa kabilang silid ay naririnig nina Adan at Leigh ang ingay na iyon. Parang binabayo ang mga dingding.
Hindi nakatiis at tumayo si Adan. Pinuntahan niya ang silid ng dalaga.
Mabuti na lang at hindi iyon naka-lock. Pinihit niya agad ang seradura.
“Queenie!”
Nakita niyang magulo ang loob ng silid.
“What’s happening here?”
Natigagal ito. May ilang sandaling parang namatanda ito bago nakuhang makipagtitigan sa kanya.
“Bakit? Ano ba’ng nangyayari sa akin?” ganting-tanong nito. Ngunit ang mga kamay nito ay matindi ang pagkakakuyom.
“Napaano ka ba?” ulit niya sa tanong. Tuluyan na siyang pumasok sa silid. Napapantastikuhang natitigan niya ang ayos ng dalaga. Para bang wala ito sa sarili.
“Wala kang pakialam!” singhal nito. “Ano pa’ng hinihintay mo, labas na! Labas!”
“Hey, ano ba’ng problema mo?”
“Wala. Wala akong problema.”
Napakamot na lamang siya sa batok. Hindi man niya gustong iwan ang dalaga ngunit sa nakikita niyang galit sa mga mata nito ay mas makabubuti pa nga sigurong mapag-isa ito.
Ngunit hindi siya nakatiis at lumingon pa nang nasa pinto na siya. “Are you sure—”
“Get out!” anitong ibinato sa kanya ang isang unan.
MAKARAAN ang ilang sandali ay humupa rin ang inis ni Queenie. Napilitan siyang lumabas ng silid, as if nothing happened. Kaswal niyang hinarap ang dalawang nasa may hallway, halatang naghihintay sa kanya.
“Ano’ng nangyari sa `yo?” interesadong tanong ni Leigh sa kanya.
“Wala lang. Medyo sinumpong lang ako ng sakit ko,” walang maisip na dahilang sagot niya rito.
Napansin niya ang damit nito. Kompleto naman; in fact, may dagdag pa nga. Ang isang bukungbukong nito ay may benda.
“Napa`no ka?” nagtatakang tanong niya rito.
“Natapilok ako. Heto nga’t namamaga.” Niyuko nito ang isang paa.
“Ikaw naman, ano nga`ng nangyari sa iyo?” kulit pa rin ni Adan sa kanya. Ngunit may mababasang mensahe sa mga mata nito habang nakatitig sa kanya. Malisyosa!
Inirapan niya ito at saka tumalikod.
“Nagugutom na ako,” sabi na lamang niya.
“Mabuti pang kargahin na lang kita, Leigh, at nang masabayan natin ang isang iyon. Mahirap palang magutom ang babaeng iyon, nayayanig ang bahay.”
Narinig niya ang sinabing iyon ng binata. Para tuloy gusto niya itong buweltahan para hambalusin. Gayunpaman, nagtimpi na lamang siya. Uunahin niyang maresolba ang problema ng kanyang tiyan kaysa ang maghuramentado!