HALOS mabasag ang mga pinggan habang naghahain si Queenie. Nakita niyang papalapit na ang dalawa.
Si Leigh ay parang reyna na pangko ni Adan. Ang mga kamay nito ay magkasalikop sa batok ng lalaki.
Napaingos siya. Tumalikod na lamang siya at hinarap ang pagsasandok ng kanin. Sinadya niyang ibagsak ang takip ng kaldero. Lumikha iyon ng ingay, siyempre pa.
Sa sulok ng mga mata niya ay nakita niyang ibinaba ni Adan sa silya ang babae, dahan-dahan lamang na tila ito babasaging kristal.
Naiinis siya sa nakikita.
“Ako na ang maghahain. Baka mabasag ang mga gamit,” ani Adan hustong makalapit sa kanya.
Matalim ang tinging ipinukol niya rito bago binitawan ang sandok at naupo sa puwesto niya kanina.
“Aalis sana kami ni Adan. Ang kaso, baka hindi na matuloy. Hindi ko mailakad nang maayos ang paa ko, eh,” sabi ni Leigh.
“Mukha nga,” matabang na ayon niya.
“Kumain na tayo,” pakli ni Adan at magkasabay na inilapag sa mesa ang bandehado ng kanin at ulam.
Naunang kumuha si Leigh. Maagap ang kilos nito at parang mauunahan.
Nakamasid lamang siya sa kilos ng babae. Nakita niyang sa pinggan ni Adan nag-landing ang pagkaing kinuha nito. Pinigil niyang mapabuntong-hininga.
`Eto na naman po kami, sa loob-loob niya.
“Since hindi naman tayo matutuloy na umalis, manood na lang tayo ng pelikula. Mag-aarkila ako ng VCD.”
“May TV ba rito?” manghang tanong niya.
“Oo naman. Dala ko iyon, saka iyong VCD player. Nasa kuwarto ko.”
“Kasama natin si Queenie?” dismayadong tanong ni Leigh.
“Okay lang kahit hindi ako manood. Wala naman akong hilig,” wika niya. Kitang-kita niyang nagdiwang ang ekspresyon ni Leigh. “Marami akong baong libro. Magbabasa na lamang ako.”
“Baka naman magkaroon ka ng cataract sa kababasa. Mula nang dumating ka, puro basa na ang ginawa mo. Join us, para maiba naman ang activity mo,” alok ni Adan.
Lihim siyang nagdiwang dahil nakita niyang napasimangot si Leigh. Nilinga niya si Adan.
“Okay,” aniyang hindi na nagpakipot pa. “Ano ba ang ire-rent mo? Wholesome ang gusto ko.”
“Adan, love story ang i-rent mo. Iyong Autumn in New York,” parang nakikipagpaligsahang wika ni Leigh.
Sumimangot siya. “Napanood ko na iyon sa States. Boring. Tragic ang ending,” aniya sa tonong disgustado. Ang totoo ay hindi pa niya iyon napanood. At balak nga sana niyang panoorin dahil paborito niya ang bida pero dahil gusto rin iyon ni Leigh ay ayaw na niya.
Pagbalik na lamang niya sa America iyon panonoorin.
“Mukhang hindi pa kayo magkakasundo sa panonoorin. Ako na lang ang mamimili para walang away,” pamamagitan ni Adan sa kanila.
Tinapos na ni Leigh ang pagkain. Obvious na wala itong nakain dahil ang buong atensiyon ay palaging nasa lalaki. “Kasi naman, kung natuloy tayo, de sana’y nasa sinehan na tayo ngayon,” nagma-maktol nitong sabi.
Gusto niyang bumunghalit ng tawa. Umalis man pala ang mga ito o hindi ay pareho lang. Manonood ng pelikula. Napaka-usual na date. Boring!
“Queenie, ikaw na’ng magligpit dito,” utos ni Adan.
Mapaklang ngumiti siya.
“Hindi pa kasi puwedeng itukod ang paa ni Leigh. Siya naman ang nagligpit kanina.”
“Okay,” sang-ayon na lamang niya.
Kulang na lang ay iitsa niya ang mga pinggan sa lababo. Nakita niyang tumaas ang kamay ni Leigh. Obvious na nagpapakarga na ito kay Adan.
Nanulis ang nguso niya. Kulang na lang ay umabot iyon sa bintana ng kusina. Nang biglang may kumislap na ideya sa isip niya.
“Aalis ka na ba, Adan?” Nakangiti siya nang lingunin ito. Bale-wala sa kanya kung karga-karga man nito uli ang babae.
“Iaakyat ko lang sa kuwarto si Leigh. Bakit?”
“Naisip ko, dapat nga pala akong tumawag sa Laguna. Samahan mo na rin kaya ako sa call center.”
“Adan, maiiwan akong mag-isa rito!” protesta kaagad ni Leigh.
Ngunit alam niyang hindi ang pagiging solo nito sa bahay ang dahilan ng pag-alsa ng boses nito. Ayaw nitong mapagsolo sila ng lalaki.
“Sandali lang kami ni Queenie. Hindi ka maaano rito kahit maiwan kang mag-isa.”
“Safe dito,” susog naman niya. “Ako nga, palaging mag-isa rito kapag nasa bukid si Adan. Buo pa rin ako hanggang ngayon.”
Hindi naman iyon pinansin ni Leigh. “Isama mo na lang din ako.”
“Saan ka naman uupo? Two-seater lang iyong Wrangler jeep. Hindi naman kayo puwedeng magsiksikan ni Queenie,” rason naman ni Adan.
Narinig niyang nagpoprotesta pa rin si Leigh. Subalit nakatitiyak na siyang hindi nito pagbibigyan ang babae.
Kaya naman magaan na ang kilos niya habang naghuhugas ng mga pinggan. Okay lang sa kanya kahit na siya ang gumawa niyon. Pakiramdam naman niya ay naisahan niya si Leigh.
Patapos na siya sa ginagawa nang bumaba si Adan.
“Tara na,” anito at pagkuwan ay nagpatiuna nang lumabas.
Narinig na lamang niya ang angil ng makina ng sasakyan.
Makarating kaya kami sa bayan? sa loob-loob niya nang marinig ang tila hinihikang ugong ng makina.
Pinunasan niya ang kamay at lumabas na.
“Hindi na ako nagbihis,” aniya at naupo na sa unahan ng sasakyan.
Maayos naman ang upuan. Pangit nga lang ang kaha at ang tunog ng makina.
Nilingon siya ni Adan. “Lagi ka namang mukhang aalis sa suot mo.”
Nakita niyang tila natigilan ito nang masulyapan ang kandungan niya. Litaw kasi ang mga hita niya dahil sa slit ng kanyang damit.
Wala naman siyang balak takpan ang nakalitaw na mga hita. Katwiran niya ay hindi naman masagwa ang pagkakaupo niya. Natural lamang na ma-expose ang mga hita niya dahil sa tendency ng slit na tumaas kapag nakaupo siya.
Ibinaling ni Adan ang atensiyon sa manibela. Ilang sandali pa ay nasa kalsada na sila. Nakakunot ang noo nito habang nagmamaneho. At parang wala itong balak na magsalita.
“Bakit mukha kang sinalanta ng bagyo? Nandiyan ang girlfriend mo, `di ba dapat masaya ka?” basag niya sa katahimikan.
Umungol ito. May sinabi ito ngunit hindi niya naintindihan. Ramdam niya ang mariing pagtapak nito sa accelerator. Kung hindi siya maagap na nakahawak sa upuan ay malamang na napasubsob siya sa biglaang pagsibad nila.
“Galit ka ba?” sita niya rito.
“Hindi!” paangil na sagot nito.
Napangiti siya. “Nandiyan lang iyong girlfriend mo, mahirap ka nang ispelingin.”
May talim ang mga matang sumulyap ito sa kanya. “Tigilan mo nga ako, Queenie.”
“Bakit... masama ba ang sinabi ko? Girlfriend mo ba talaga iyon? Malas na babae. Hindi mo man lang pansinin. Wala ka palang kalambing-lambing sa katawan.”
“Shut up!” singhal nito.
Tumaas ang kilay niya bagaman nanahimik na lamang. Nakita niyang napipikon na talaga ito.
“Para sa akin, hindi ko na siya girlfriend,” mayamaya ay basag nito sa katahimikan. “Kaya nga umiwas na ako. At kaya pinutol ko na rin ang komunikasyon namin.”
“Malabo ka pala, eh,” komento niya. “Kung ayaw mo na, dapat sinabi mo. Tingnan mo iyong tao, asang-asa na kayo pa. Bakit hindi mo diretsahin?”
“Naaawa ako.”
“Mas maawa ka sa sitwasyon ninyo ngayon. Siya, mukhang tanga. Ikaw, mas mukhang tanga. Dahil ayaw mo na pala, hindi mo pa sabihin.”
Malalim ang hiningang pinakawalan nito. “Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanya. It will break her heart.”
“Bobo ka pala, eh. Natural. Sino ba naman ang hindi masasaktan kapag iniwan ng mahal? Pero dapat ay sabihin mo na hanggang maaga. Para wala nang aasahan kung talagang wala.”
Nagmenor ito. Mayamaya ay itinabi nito ang sasakyan sa malapad na rampa.
“Bakit tayo tumigil?” tanong niya.
Salubong ang mga kilay na hinarap siya nito. “Hoy, Queenie, baka akala mo hindi ako nakakahalata! Kanina, sinabihan mo akong ‘tanga’, ngayon naman ‘bobo.’ Sumosobra ka na!”
Nakakasindak ang tono nito ngunit hindi siya pasisindak.
“Talaga naman,” aniyang nakataas pa ang kilay. “Ayaw mo na pala, hindi mo pa agad sinabi. Bisita mo ngayon at halatang-halata sa kilos mo ang disgusto. Wala ka sanang problema kung sinabi mo lang agad. Duwag ka.”
Tinitigan siya nito. “Look who’s talking? Ikaw nga, mula sa America pumunta ka rito para lang umiwas sa lalaking ipinagkasundo sa `yo. Hindi ba’t ganoon din ang ginawa mo? Naduwag ka ring sabihin sa lalaking `yon na ayaw mo sa kanya!”
Napipilan siya. Hindi niya inaasahang bubuwelta sa kanya ang mga sinabi niya rito.
“Nagrerebelde lang ako,” katwiran niya.
“Parehas lang iyon. Tumatakas ka rin. Sasabihin mo lang, ayaw mong magpakasal, bakit hindi mo sabihin? Mas gusto mo pang mag-aksaya ng ticket sa eroplano at magtago sa lugar na ito.”
“Itinataboy mo ba ako?” ulos niya.
Marahas itong humugot ng hininga. “You know what?” Tumaas ang isang kamay nito at hinawakan siya sa panga. “Mas gusto kitang kasambahay kaysa kay Leigh.”
Hindi na niya nakuhang limiin ang sinabi nito. Bago pa man siya makapagbuka ng bibig ay naunahan na siya ng mga labi nito.
Magaan sa una na tila ninanamnam ang kalambutan ng kanyang mga labi.
“Mas masarap kang halikan kaysa kay Leigh,” anas nito nang sandaling huminto.
Nagmulat siya ng mga mata at tinitigan ito. Akmang babalingan na nito ang manibela ngunit tila may sariling isip na kumilos ang mga kamay niya. Siya naman ngayon ang kumabig dito.
“Ayokong ikinokompara ako sa iba!” gigil na sabi niya at pagkuwan ay hinalikan ito sa mga labi.
Mabilis lamang ngunit hindi maikakaila ang damdaming nakapaloob sa ginawa niyang iyon. Pagkuwan ay padaskol niyang pinakawalan ang mga labi nito.
“Whew!” bulalas nito. Halatang hindi ito maka-paniwala sa naging aksiyon niya ngunit mababasa sa mga mata nito ang kaaliwan.
Pabuntong-hiningang humalukipkip siya. Binuhay na uli nito ang makina at saka nagmaniobra.
“Bakit tayo babalik?” angal niya.
“Aayusin ko na muna si Leigh.”
“I’m going to call Tody!” naghihisteryang bulalas niya.
“Sino naman iyon?”
“Siya iyong kapatid ko sa Laguna.”
“Mamaya ka na tumawag. Kakausapin ko muna si Leigh,” mariing wika nito at saka pinasibad ang sasakyan.
Hindi na siya nagsalita. Mahirap magsalita lalo pa nga at pakiramdam niya ay parang sinasampal ang mukha niya dahil sa malakas na hangin. Lumilipad ang buhok niya. Ngunit tila wala itong balak na magmenor.