Panimula
ISANG misteryosong nilalang ang napakatagal ng nagpagala-gala sa mundo, kasing tagal ng panahon. Hindi siya tao, hindi diyos, wala siyang kinabibilangang lahi, walang sariling anyo. Naiiba siya sa lahat pero hindi iyon hadlang upang gampanan niya ang tungkuling nakalaan sa kanya.
Alam niya kung sino siya kahit wala siyang pangalan. Alam din niya ang tungkuling nakalaan sa kanya. Walang ibang nilalang na makakagawa niyon kundi siya lang.
Mag-isa lamang siya at walang kamatayan. Matagal na siyang naglilibot sa iba’t-ibang mundo. Hindi man siya nakikita ng mga nilalang, patuloy pa rin siya sa pag-oobserba sa mga ito.
Matagal na niyang nararamdaman ang nalalapit na pagbabalik ng prinsesa ng mga diyos, ang pag-asa ng lahat ng mundo. Marami ang nag-aasam ng araw na iyon, marami ang magdiriwang. Subalit kasabay ng pagbabalik ng prinsesa ay ang paggising ng kambal nito. Kung ang prinsesa ay buhay ang pinapahalagahan, ang kakambal nito ay gustong maglaho ang lahat.
Kamatayan. Sakripisyo. Pagluluksa. Liwanag. Pag-asa.
Lahat ng iyon ay nasa hinaharap.
Hindi niya nakikita ang lahat pero may mga maliliit na pirasong ipinagkakaloob sa kanya. Ikasasama man o ikabubuti, hindi siya pwedeng makialam sa mga mangyayari. Matinding kaparusahan ang nag-aantay sa nilalang na nais baguhin ang nakatadhana.
Wala pa siyang nakikitang nilalang na nagawang suwayin ang tadhana. Pero may iilan na siyang nakita na binago ang sariling tadhana. Patuloy sa pagdaloy ang panahon, patuloy din sa pagbabago ang mga mundo. Siya lang ang hindi nagbabago.
Ginawa siya na walang emosyon, walang sariling mukha. Siya lang ang hindi nagbabago. Isa lamang siyang mensahero at gabay.
KASALUKUYAN siyang nasa mundo ng mga tao nang maramdaman niya nakatakdang pagdating ng panibago niyang misyon.
Huminto siya sa paglalakad upang pakiramdaman ang nangyayari. Napatingala siya sa kalangitan nang maramdaman ang pag-inog ng balanse ng mga mundo. At isa lang ang ibig sabihin niyon, mayroong masamang mangyayari. Nangyari na iyon noon at hindi maganda ang kinalabasan. Ngayon ay ang tanging maipagdarasal niya na sana hindi umabot sa pagkawasak ng lahat ng mundo ang kaguluhan sa balanse.
Kasintanda na siya ng panahon at mga diyos. Siya ang napiling mensahero ng mga diyos upang ipahatid sa mga mortal o sa kahit na anong klase ng nilalang ang nais ipahiwatig ng mga ito.
Napaluhod siya nang biglang sumakit ang ulo niya. Sa sakit niyon ay halos mawala ang lakas niya. Alam niya kung ano ang ibig sabihin niyon. May nais iparating na mensahe ang mga diyos.
Binuksan niya ang isip. Nawalan siya ng pakiramdam sa paligid at sa katawan niya. Para siyang lumulutang sa kawalan hanggang sa magpakita sa kanya ang imahe ng prinsesa ng mundo ng mga buhay.
Lumuhod siya sa harap nito para magbigay galang. Nanatili siyang nasa ganoong posisyon hanggang sa magsalita ang prinsesa.
"Nalalapit na ang kamatayan ko bilang mortal. Dahil doon ay muling kikilos si Lacresia para angkinin ang mga mundo. Gabayan mo ang mga Seekers sa paghahanap sa mga susi. At sa bagong Keeper. Nawa'y hindi umabot sa kapahamakan ang kanilang misyon."
"Masusunod, prinsesa."
Naglaho ito at muling bumalik sa normal na mag-inog ang balanse ng mundo. Nalalapit na ang nakatadhana sa propesiya, kailangan na niyang ihanda ang mga nilalang na pag-asa ng hinaharap.
Isang malaking gulo ang mangyayari sa hinaharap at lahat ng mundo ay maaapektuhan niyon. Pero ang gulong iyon ay dapat na mangyari upang malaman ang hinaharap ng lahat ng mga nilalang.
Pumasok siya sa kanyang “silid”, isinara niya ang pakiramdam sa kanyang paligid, ang kanyang mga nariringgan na mga huni ng ibon, at doon, taimtim siyang nagdasal para sa ikabubuti ng lahat.