Laglag ang mga balikat ni Joymi nang makauwi sa apartment. Ilang oras na rin ang nakalipas matapos siyang pagalitan ng kanilang COO pero hindi pa rin nababawasan ang bigat na nararamdaman niya. Ilang beses na nga rin siyang sinubukang patawanin kanina nina Mira at Lyka pero wala talagang epekto. "Mommy!" sabay na sinalubong siya ng yakap ng dalawang anak. Lumuhod naman siya para pumantay sa mga ito. "Kamusta ang mga baby ko?" Pilit at ampaw na nginitian ni Joymi ang mga bata. "Okay lang po, Mommy. Na-miss kita," malambing na sabi ng panganay niyang si Aeriya at saka siya matunog na hinalikan sa pisngi. "Me too, Mommy! I miss you," segunda pa ni Eros bago humalik sa kabilang pisngi niya. "But where is Daddy?" maya-maya ay tanong ni Aeriya. "Oo nga, Anak. Hindi kayo sabay na umuwi ni F

