Nag-render pa si Franz ng one month sa accounting firm na pinapasukan nito para sa turnover bago sila lumipat sa Taguig. Mabuti nga at pumayag ang Julian's Bakeshop na hindi siya pumasok kaagad samantalang immediate hiring sila ng accounting staff.
Kasalukuyan silang nag-aayos ng gamit ngayon sa nakuhang apartment doon. Sinasamantala nila ang oras habang natutulog pa si Aeriya dahil siguradong ngangawa na naman ito kapag nagising. Mukhang namamahay pa ito at malamang din ay hinahanap ng bata ang lolo at lola nito.
"Bakit naman ganiyan ang itsura mo? Masyado kang mukhang seryoso at kanina ka pa bumubuntong-hininga riyan," sita ni Joymi sa asawa habang naglalagay ng damit sa closet habang ito naman ay naglalagay ng kurtina.
"Kinakabahan kasi ako para bukas. Siyempre new environment kaya siguradong malaki rin ang kailangan kong adjustment since medyo iba ang asta ng mga tao sa manila kumpara sa probinsya. Paano kung hindi ako mag-fit at hindi nila ako magustuhan?"
"Bakit? Kailangan ba gustuhin ka nila? For as long as you are doing your job well, kahit pa ayaw saiyo ng mga officemate's mo ay wala silang magagawa."
"Syempre mas masarap pa ring magtrabaho kung walang tensyon sa pagitan ng mga employees," giit naman ni Franz.
Hindi na lang naman sumagot si Joymi. Kung sabagay, ano nga naman ang karapatan niyang mag magaling samantalang hindi pa naman siya nakakapag-trabaho. Alam niya namang iba ang pressure ng mga hired employees kumpara sa pressure na meron sila noon as on the job training sila way back in college.
"Ikaw? Hindi ka ba naninibago rito? Anong pakiramdam mo?" tanong pa nito. Kahapon pa kasi sila nakalipat. Tinaon nilang magbiyahe ng sabado para mailaan ang pag-aayos ng gamit sa araw ng linggo bago pa man pumasok ito sa opisina.
"So far, okay pa naman. Mahirap sabihin dahil unang araw pa lang," sambit niya habang nakatuon ang buong atensyon sa may closet.
Nahirapan lang talaga siya sa pag papatulog kagabi kay Aeriya. Silang dalawa actually ay walang maayos na tulog dahil maya't-mayang nagigising at umiiyak ang bata.
"Gusto mo ba kumuha tayo ng kasama rito sa bahay? Kahit hindi na stay-in. Para lang may tagaluto at tagalinis habang inaalagaan mo si Aeri."
"Sayang lang ang ibabayad mo ro'n. Pwedeng-pwede ng pambayad ng upa kung kukuha ka pa ng katulong. Hindi naman malaki ang apartment kaya kayang-kaya ko na itong linisin. Ako na ang bahala rito. Sa ngayon ay magtipid na lang muna tayo dahil medyo mahal ang living expenses dito."
lumapit sakaniya si Franz at yumakap mula sa likuran. "I'll do good in the office para ma-regular ako agad para makakuha ng mas mataas na bonuses and benefits from the company para makapag-ipon tayo agad para sa future ni Aeri."
"Ayan, ganyan dapat. Hindi ba at parati ko nang sinasabi saiyo na dapat positive lang parati ang iisipin para mag attract ng positive outcome?"
"Yes, Boss." Sumaludo pa ito nang humiwalay sakaniya.
"Hinaan mo lang iyang boses mo at baka magising na naman iyang anak mong may tantrums," natatawang saway naman dito ni Joymi. Nakagat na lang naman ng asawa ang ibabang bahagi ng labi upang maitikom ang bibig.
----
Pagkatapos ng orientation kasama ang iba pang newly hired employees ay pinakilala naman sila ng hr assistant sa mga employees from different department. Pati na rin sa Vice president for production, Vice president for operation at sa Chief Operating Officer ng kompanya.
Halos lumabas na nga ang puso niya sa dibdib sa lakas ng kabog ng ipaiwan siya ng COO sa opisina nito dahil gusto raw siyang makausap. Nakaharap niya na ito during the final interview last month pero iba pa rin ang kabang nararamdaman niya dahil syempre mataas ang posisyon ng taong nasa harap niya ngayon.
"First of all, I wanted to congratulate you and to welcome you of course in our company."
"Thank you, Ma'am." Bahagya pang yumuko si Franz ng magpasalamat tanda ng pag galang. Sa tantya niya ay nasa mid thirties palang ang COO nila o sadyang bata lang itong tignan dahil sa mayaman ito.
"Pinaiwan kita because I wanted to orient you first before everyone else. I am very on hand and strict when it comes to the reports presented by the Finance and Accounting Departments dahil aware ka naman na ang mga reports ninyo ang basis for decision making in the company right?"
"Yes, Ma'am."
"Lahat kayo ay directly reporting sa akin. Hindi uso ang head to head policy sa akin na kapag nasa rank and file ka ay hindi mo pwedeng harapin ang mga heads. Gusto ko direct kayo sa akin because I wanted to know what kind of employees are working for the company, gusto ko kayong makilala bawat isa. And I will also evaluate your performance before regularization. Kapag may concerns ako about reports sa mga branches na hawak mo, gusto kong kasama ka rito kapag nagre-report ang manager mo para maiwasan ang turuan kapag may nagkakamali. I wanted to be fair enough para naman hindi na tayo masyadong nagagaya sa mga toxic company na nagsisiraan ang mga empleyado. I am always into the quality of works so, for as long as you are doing your job very well ay hindi tayo magkaka-problema."
"Yes, Ma'am. I promise to do my best for the company. Hindi ko po sasayangin ang tiwalang ibinigay niyo sa akin."
"That's good to hear then. Again, Congratulations and welcome to the company, Mr. Miares. You may go."
"Thank you, Ma'am. Have a good day."
"Oh, Sandali may nakalimutan pa pala ako," pigil nito ng akmang tatayo na siya. "As I've mentioned earlier, directly reporting kayo sa akin at ang mga reports na hawak niyo ay confidential at hindi dapat lumabas o makarating sa mga departamentong hindi naman involve. None of you are allowed to say anything about your reports without my permission sa ibang department heads even sa dalawang Vice President. Hindi kayo kasama sa mga under nila kaya wala kayong dapat ikasindak. Nagkakaintindihan ba tayo?"
"Yes, Ma'am."
"Okay, have a nice day to. You may go now," nakangiting sambit nito.
Nakahinga lang siya ng maluwag ng makalabas sa opisina nito. Mukha namang mabait ang kanilang COO kaya nga lang ay mukhang istrikto. "Let's go, Mr. Miares. Ihahatid na kita sa office ninyo," nakangiting salubong naman sakaniya ng HR Assistant. Hinintay pala siya nito sa labas. Hindi niya kaagad napansin.
Tulad sa ibang departments ay isa-isa rin siyang pinakilala ng kasama sa mga tao roon sa opisana. Mahigit sampo silang Accounting Analyst dahil nga marami talaga ang branches ng Julians Bakeshop.
"Hi, I am Jan. One of the supervisor here in Accounting Department. I will guide you kung ano ang mga kailangan mong gawin at kung may hindi ka maintindihan feel free to ask. Busy pa si Ma'am Jenny dahil nagre-ready siya para sa monthly committee meeting bukas kaya hindi ka pa niya mao-orient," tukoy nito sa manager nila bago siya igiya sa puwesto niya.
Nang saglit siyang iwan ng supervisor ay iginala niya ang paningin sa paligid. Ang lahat at abala sa harapan ng computer at ang iba naman ay may kausap sa cellphone na animo ay call center agent.
"Ito ang phone na gagamitin mo to communicate sa mga tao natin sa branches kapag may hindi ka naintindihan sa mga reports na pinasa nila. Domino effect kasi iyon, once na mali ang ipinasa nila saiyo, mali na rin ang maipapasa mo so constant communication is important here parang sa isang relasyon din," hugot pa nito at saka tinawanan ang sarili.
Buong araw tiniruan ni Jan si Franz sa kung ano ang mga duties and responsibility nila sa araw-araw at masasabi nga niyang ibang-iba rin ang buhay niya rito kumpara noong nasa firm siya. Mas matrabaho ito but he really find it interesting and exciting.
Hindi na lang basta bookkeeping and preparing of financial statement ang gagawin niya ngayon dahil sa trabaho niya, from the word itself Accounting Analyst hindi lang siya basta input ng input ng numbers pero kailangan din ng matinding analysis.
---
"Kamusta naman ang first day of work?" nakangiting salubong ni Joymi kay Franz nang pagbuksan ito ng pinto habang buhat ang anak.
Hinalikan pa muna siya nito sa noo at saka kinuha mula sakaniya si Aeri para buhatin. Ginawaran din nito ng halik ang pisngi ng anak bago tumugon. "Masaya. Malaki ang pinagkaiba niya sa previous work ko since they are different types of company ang I think para rito talaga ako. I mean, pakiramdam ko ito talaga yung klase ng trabaho na gusto ko," malawak ang ngiting sambit nito. At talagang ngayon ko lang napagtanto na ito ang gusto ko.
Bigla na naman tuloy nakaramdam ng inggit si Joymi. Kailan ko rin kaya mararanasan iyan? sambit niya sa isipan. "Nagugutom ka na ba? Alas sais na rin naman at nakaluto na ako. Maghahain na ba ako? O magpapahinga ka muna?"
"Magbibihis lang muna ako sandali at makikipaglaro kay Aeri. Mamaya na lang tayo kumain," anito at saka muling ibinigay sakaniya ang bata. "Pero kung nagugutom ka na, kain na tayo. Nag lunch ka ba kanina?"
"Oo naman syempre nag lunch ako. Hindi pa rin naman ako gutom kaya okay lang. Hintayin ka na lang namin dito sa sala. Paglabas mo dalhin mo na rin yung stoller at mga laruan ni Aeri. Halos kagigising lang ng batang ito kaya active na active na naman," sambit naman ni Joymi at saka pinanggigilang halikan ang pisngi ng bata na siyang ikinahagikhik naman nito.
"Yes po, Mommy," sagot naman ni Franz at saka hinaplos ang buhok ni Aeri. "Wait mo si Daddy, ha? bihis lang ako. Play tayo later."
"Dada!" masiglang sambit naman ni Aeri at saka ibinuka ang dalawang kamay at tila ba gustong magpakarga dito.
"Na-miss ng baby ang daddy?" sambit naman ni Joymi habang may malawak na ngiti sa mga labi at titig na titig sa cute na anak.
"Dada!"
"Yes, Baby. Buhat tayo later. Bihis lang ako."
"Dada!" muling sambit ng bata nang tumalikod na ang ama para pumunta da kwarto at magbihis.
Napapailing na lamang tuloy si Joymi. Hindi lang kasi nito kamukha si Franz. Mukhang daddy's girl din ito. Mukhang nasobrahan niyang mapaglihian ang asawa kaya ito na lang ang naging paborito ng anak.
"Parang ang unfair yata no'n? Ang tagal mo sa loob ng tiyan ng mommy pero ngayon gusto mo lang laging daddy?" nakabusangot na sambit niya nang umupo sa may sofa sa sala. "Mas love ba ng baby ang daddy?" tinaasan niya pa ng kilay ang anak ngunit nag-beautiful eyes lang ito at pumapalakpak pa habang ginagalaw ang mga paa.
"Dada! Dada! Dada!" paulit-ulit na sambit pa nito na tila ba tuwang-tuwa.
"Tse! Puro ka naman Dada."
"Mama!" sagot naman nito at saka nagflying kiss. Kaya pinupog naman ng halik ni Joymi ito. Napaka cute talaga ng anak kahit kailan. Kaya sa tuwing may mga pagkakataon na inaatake siya ng inggit sa asawa at sa ibang mga batchmate nila ay tinitignan at niyayakap niya lang ang anak. Tanggal kaagad ang kung ano mang stress na nararamdaman niya.
Iba pa rin talaga ang pakiramdam kapag may munting anghel sa buhay mo. Isang ngiti lang nito ay tanggal na agad lahat ng negativities sa utak niya.