Chapter 5: Conflict

3125 Words
HINATID na siya ni Angelo hanggang sa harap ng bahay nila kahit napakalapit lang nito sa waiting shed na tinambayan nila kanina. Marami pa ring mga bata sa paligid at mas dumagsa pa ang mga street foods sa ganoong oras. Six thirty na ang oras na nakasaad sa relo ni Angelo nang titigan iyon ni Gianna. “Kuya, next time turuan mo pa uli ako, ah,” aniya sa lalaki para magkaroon pa uli sila ng dahilan na magkita. “Yes naman ako bahala sa `yo. Matututo ka rin mag-guitar promise ‘yan,” sagot naman ng lalaki na nakaakbay pa rin sa kanya. Naabutan pa sila ni Yaya Vilma sa ganoong posisyon nang dumungaw ito sa bintana. “Hoy! Nand’yan ka na pala pumasok ka na nga rito!” Galit na naman ang tinig ng yaya. Pagbukas nito sa pinto, lukot na naman ang noo nito habang nakatitig sa kanya. “Saan ka ba nagpunta at ginabi ka?” “D’yan lang po, Yaya. Nakipaglaro lang po ako banda roon.” “Kasasabi mo lang na hindi ka lalayo! Bakit ang tagal mo?” “Hindi naman po ako lumayo, ah.” “E, bakit nga ang tagal mo?” Nanlalaki na ang mga mata ng babae. “Ah, huwag po kayong mag-alala. Doon lang naman po sila naglaro at kasama nila ako,” sabat agad ni Angelo at itinuro ang kalsada na ilang lakad lang ang layo mula sa bahay nila. Tila namukhaan ni Yaya Vilma ang lalaking iyon. “Ikaw ba ‘yung nasa People’s Park?” “Ah, opo! Ako nga po iyon, ‘yung gumamot sa sugat ni Gianna,” tumatawang sagot ng lalaki. “Tagarito rin po kasi ako. Napasyal lang din ako roon no’ng time na ‘yon.” “Mabuti naman kung ganoon!” matipid na sagot ng yaya. “Pumasok ka na rito, Gianna. Malapit nang umuwi mga parents mo. Ako na naman ang mapapagalitan kapag naabutan ka pa d’yan sa labas!” Kumalas na si Gianna sa pagkakaakbay sa kanya ng lalaki. “Good night po, Kuya Angelo. Thank you po ulit.” “Sige. Pahinga ka na, ah? Kayo rin po, Yaya. Pahinga na rin po kayo.” Napakaamo talagang pakinggan ng boses ni Angelo. Pati si Yaya Vilma ay nadala rin sa tinig nito kaya madaling nawala ang galit. “Salamat din sa pagbabantay sa alaga ko, ha?” “Hindi ko naman po pinababayaan ang mga bata rito. Madalas kasi kalaro din nila ako, eh.” “Ah ganoon? Okay, sige!” wala nang alam na isasagot ang babae kaya mabilis din nitong tinapos ang usapan. Nawala na sa paningin ni Gianna ang lalaki nang isarado na ng yaya ang pinto. Sa kusina siya nito pinadiretso at nakita niyang nakalapag na ang mga pinggan at baso nila. “Mabuti na lang mabait ‘yung kalaro n’yong iyon. Pero huwag ka pa rin magpapagabi lalo na’t marami pa ring mandurukot d’yan!” Hindi na siya tumugon doon. Agad siyang umupo sa puwesto at nagsandok ng kanin nang makitang nagluto ito ng paborito niyang hotdog. Pagkatapos na pagkatapos pa lang nilang kumain, bumulabog sa kanila ang boses ng kanyang mga magulang sa labas ng bahay na nag-aaway na naman. Pagkapasok ng dalawa, nakita niyang lango na naman sa alak ang ama niya, habang ang kanyang ina naman ay panay ang iyak at pagbubunganga. “Hayop ka! Kung hindi pa kita pinagtanong-tanong, hindi ko malalaman na ganito lang pala ang ginagawa mo! Walang hiya ka!” Tarantang nagligpit ng lamesa si Yaya Vilma at inilipat sa lababo ang mga hugasin. Si Gianna naman ay napaatras at napakapit sa palda ng yaya dahil sa lakas ng boses ng dalawa. Sumikip na naman ang dibdib niya sa mga eksena. Kitang-kita niya kung paano magwala ang lasing niyang ama, pati ang panduduro dito ng umiiyak niyang ina. Maging ang ilang mga tao sa labas ay nakasilip ngayon sa bintana nila. “Hindi ka ba nahihiya sa sarili mo, Bernard? Nakikisama ka pa rin sa mga adik na ‘yon? Kaya nga tayo lumipat dito para mailayo kita sa kanila! Tapos ngayon nakikipagkita ka pa rin pala araw-araw pagkatapos ng trabaho! Tapos may kasama ka pang ibang babae! Wala ka talagang respeto sa akin pati sa sarili mo, ano! Wala kang modo!” “Ano bang pake mo kung may iba akong babae? At ano namang masama kung dumadalaw ako araw-araw sa mga barkada ko sa Valenzuela? E, doon lang ako lumiligaya, eh! Pucha kada uuwi ako rito puro pagbubugnot mo ang nakikita ko! Masisisi mo ba ako kung maghanap ako ng kaligayahan sa iba?” palibhasa malakas na ang tama ng alak kaya wala na itong preno sa mga sinasabi kahit pa maraming nakakarinig sa labas. “At pinagmamalaki mo pa talaga ‘yung babaeng iyon sa `kin? Pati ‘yung mga barkada mong may history ng pagkaadik sa droga? Ano ba’ng ginagawa mo sa buhay mo, Bernard! Habang tumatanda ka lalo kang lumalala! Hindi mo na inisip ang anak natin! Hindi mo inisip ‘yung magiging reaksyon niya kapag nakita ka niyang may kalaguyong iba! Hayop kaaaaaa!” “E, bakit naman niya ako makikita, eh, wala naman sila rito nasa Valenzuela sila! Ako lang ang makakakita sa kanila! Hindi kayo!” Isang malutong na sampal ang pinakawalan ni Maricel dito na dinugtungan ng hampas sa dibdib. “Walang hiya kang hayop ka! Namimilosopo ka pa! Proud ka pa sa pambababae mo? At sa pakikisama mo sa mga adik na ‘yon! Sila ang sumisira sa utak mo! Hindi mo pa ba nakikita? May bad record na ang mga ‘yon sa mga pulis pero pinakikisamahan mo pa ring hayop ka! Ano, tutulad ka na rin sa kanila?” “Kung tumulad ako ano’ng pakialam mo? Buhay ko ito! Malaki na ako, Maricel! Hindi ako puwedeng diktahan ng kahit na sino! Kahit mag-drugs pa ako, kahit mambabae pa ako ng sampu wala kang pakialam! Kung saan ako masaya doon ako!” Isang sampal muli ang binitawan dito ni Maricel. Ngunit sa pagkakataong iyon ay lumaban na si Bernard. Hinawakan nito ang mga kamay ng babae at pinanggigilan. Parang gusto nitong baliin ang mga buto niyon. Lalong lumakas ang pagtangis ng babae. “Hayooooop! Halimaw ka, demonyo kaaaaa! Hindi mo inisip ang pamilya mo kung masaya ba kami sa ginagawa mo! Sarili mo lang iniisip mo putang ina mo ka! Matandang walang pinagkatandaan! Malapit ka nang mag-senior nagpi-feeling binaa ka pa rin sa mga bisyo mong ‘yan? Akala mo ikinalakas mo ‘yan? Hoy! Malapit ka nang gumamit ng tungkod kaya ibagay mo naman ‘yung takbo ng utak mo sa edad mo!” Sa sobrang galit ay hindi na napigilan ng lalaki na sampalin ang bibig ng sariling asawa. Nauwi na sa pisikalan ang away ng dalawa. Pati si Gianna ay napaiyak na rin at humigpit pa ang pagkakayakap sa palda ng yaya. Inakbayan naman siya ni Yaya Vilma at dumaan sila sa gilid, pagkuwa’y mabilis nilang inakyat ang hagdan patungo sa kuwarto niya. “Dito na lang muna tayo. Huwag mo na lang masyado dibdibin ‘yung kanina. Natural lang sa mag-asawa ang nag-aaway, Gianna,” anang babae sabay yakap sa kanya. Kahit nasa taas na sila at sarado ang pinto ay dinig na dinig pa rin niya ang nagtatalong boses ng dalawa. Ayaw paawat. At kahit hindi niya nakikita ang nangyayari, alam niyang sinasaktan na ng kanyang ama ang ina niya. Pati mga tao sa labas ay nagulat kung paano sakalin ni Bernard si Maricel. Idinikit pa nito ang babae sa pader. “Ito ang tandaan mong tarantado ka… Kahit ‘yung nanay ko noong nabubuhay pa, hindi ako pinagsasalitaan nang ganyan! Kahit ‘yung tatay ko, hindi ako sinisigawan! Kaya ikaw na asawa ko lang, wala kang karapatang sigawan ako sa kahit anong paraan! Dahil maski magulang ko, hindi ako binabawalan kahit anong gawin ko sa buhay ko!” “Ang lakas ng loob mong hayop ka! Kaya nga namatay ang nanay mo dahil sa kapabayaan mo! Nakakalimutan mo yatang namatay siya sa konsumisyon dahil sa kagaguhan mo noong nasa Valenzuela pa lang tayo! Kasalanan mo rin kaya wala ka nang mga magulang ngayon!” Si Maricel naman ngayon ang nakatikim ng sampal. At dahil mabigat ang kamay ng lalaki, mabilis namula ang pisngi niya. Itinumba naman siya ng lalaki sa sahig at doon muling sinakal. Sinubukan na niyang manlaban pero masyado itong malakas kaya wala rin siyang nagawa. Lalo namang napaiyak si Gianna nang marinig ang boses ng nanay niyang humihingi ng tulong. Doon napatayo ang Yaya Vilma niya at ito ang lumabas. Sinubukan niyang sumunod pero mabilis siyang pinigilan ng babae. “Dito ka lang! Huwag ka nang lalabas, Gianna, pakiusap!” Naalala niya ang mga taong nakasilip sa bintana nila. Ayaw niyang makita siya ng mga ito dahil sa nangyayari kaya hindi na nga siya lumabas ng kuwarto. Dumungaw na lang siya sa pinto at doon nakita niya kung paano imudmod ng kanyang ama ang mukha ng ina niya sa sahig. Dali-dali namang bumaba si Yaya Vilma at ito na ang umawat sa kanila. “Pakiusap, tama na po ‘yan! Sir Bernard… Please lang po…” Sinubukan nitong hilahin ang mga kamay ng lalaki habang nagmamakaawa, ngunit ayaw talaga nitong magpatinag. Pati si Vilma ay napaiyak na rin habang inaawat ang dalawa. Hindi rin niya kinaya ang bigat ng mga kamay ng lalaki kaya napilitan na siyang ipagitna ang sarili para mapuwersa itong bumitaw sa among babae. Napaluhod na lang si Gianna sa harap ng pintuan habang pinagmamasdan ang mabigat na eksenang iyon. Mula nang lumipat sila rito, hindi pa niya nakitang magkasundo ang parents niya. Kahit noong unang araw nila rito, panay ang pagdadabog ng kanyang ama dahil hindi nito matanggap na lumipat na sila ng bahay. Napalayo tuloy ito sa mga barkada nito pati sa babaeng kinakalaguyo roon. Parang hindi tuloy naging masaya ang paglipat nila rito. Sa halip na guminhawa sila, mas lalo pang lumala ang problema at pag-aaway ng mga magulang niya. Halos madurog ang kanyang puso tuwing makikitang nag-aaway at nagtatalo ang dalawa. Labis kasi iyong nagbibigay ng mabigat na pakiramdam sa dibdib niya. Siya ang nagdudusa at nahihirapan dahil sa hindi pagkakasundo ng mga magulang. Hiyang-hiya na rin siya sa mga taong nakakakita sa away ng mga ito kahit noong nasa Valenzuela pa lang sila. Halos wala na nga siyang mukha na maiharap doon. Pati ba naman dito ay mukhang magkaka-trauma pa siya. Nang mabitawan na ni Bernard ang babae, agad tinulungan ni Vilma na makatayo si Maricel at pinapuwesto ito sa kusina. Kinuha ng lalaki ang isang malaking flower base at binasag sa harap ng pinto. Pati ang salaming nakasabit malapit sa TV ay binuhat din nito at ibinagsak sa sahig. “Sige! Magbasag ka pa! Ubusin mo mga gamit dito! Bukas hindi mo na ako makikita! Lalayasan na kitang hayop ka! Putang ina mo ka! Isinusumpa kitaaaaaa!” gigil na gigil ang boses ni Maricel habang dinuduro ang lalaki. “Magwawala talaga ako kapag hindi mo ako hinayaang bumalik doon! Hindi pa kami tapos unimom! Pupunta-punta ka pa kase! Panira ka ng araw! Lagi mo `kong pinapahiya sa pagpupunta mo roon! Para akong bata na sinusundo pa ng magulang dahil sa ginagawa mo! Huwag mo akong susundan babalik ako ngayon doon!” Nang magtangkang lumabas ang lalaki ay mabilis na inutusan ni Maricel si Vilma na pigilan ang lalaki. Taranta namang lumapit dito ang babae at pilit hinihila pabalik ang among lalaki. “Ma’am Maricel… Sorry po hindi ko na po talaga kaya…” Napilitan na siyang sumunod dito at tumulong na rin sa paghatak sa lalaki upang hindi makalabas. “Pakiusap tumigil ka naaaaa! Sobra-sobrang kahihiyan na ang ginagawa mo!” Halos magtulakan pa ang tatlo sa harap ng pinto. Ilang beses tinangka ng lalaki na buksan ang pinto pero panay naman ang hila sa kanya pabalik ng dalawang babae. Lalong bumigat ang loob ni Gianna sa nakikita. Hindi na niya pinigilan ang pagtangis ng malakas. Napilitan na siyang tawagin ang mga ito at inutusang tumigil na. “Mommy… Daddy… Please po tama na po! Huwag na po kayong mag-away, please lang poooo!” Parang wala namang naririnig ang dalawa. Habang si Vilma naman ay napatitig sa kanya habang may luha na rin sa mga mata. Tila ito lang ang nakakaintindi sa nararamdaman niya sa mga sandaling iyon. Nais nitong lumapit sa kanya pero hindi rin nito puwedeng pabayaan doon ang dalawa. Kung may iba lang sana silang kasama roon na puwedeng mag-awat sa kanyang ama. Hindi pa niya alam kung paano lalabas bukas dahil sobrang dami nang taong nagkukumpulan ngayon sa harap nila. Hiyang-hiya na siya. Mukhang mawawalan na naman siya ng mukha na maihaharap doon. Umabot ng hatinggabi ang sigawan ng dalawa. Hindi pa rin humihinto sa pag-iyak si Gianna sa mga oras na iyon. Pasadong alas-dose na pero gising na gising pa rin ang diwa niya. Maaga pa ang pasok niya bukas pero mukhang hindi naman siya patutulugin ng nangyayari ngayon sa loob ng bahay nila. Ganito naman lagi siya tuwing mag-aaway ang mga magulang niya. Lagi siyang napupuyat. Madalas ay madaling araw na siya nakakatulog dahil hanggang dis oras ng gabi nagtatalo pa rin ang dalawa. Mga bandang ala-una lang nahinto ang matinding away. Iyon ang mga oras kung kailan nakatulog na ang ama sa sofa. Habang si Maricel naman ay umiiyak pa rin sa kusina habang kino-comfort ito ni Vilma. Hindi na niya naisipang bumaba. Naupo na lang siya sa gilid ng kama at doon ibinuhos ang natitirang mga luha. Kinabukasan, para siyang zombie na pumasok sa iskuwelahan. Halos wala siyang naiintindihan sa mga itinuturo. Pati sa break time ay wala rin siyang ganang kumain. Hanggang sa pag-uwi, labis-labis ang pananamlay niya. Parang wala siyang ganang mabuhay sa mga oras na iyon. Naiilang din siya tuwing madadaanan ang mga tambay sa paligid nila. Iniisip niyang baka nakita rin ng ilan sa mga ito ang nangyari kagabi at baka kung ano pa ang sabihin nila sa kanilang isip kapag nakita siya. Araw iyon ng Sabado nang maisipang lumabas ni Gianna. Muli siyang tumambay sa waiting shed para mapag-isa. Ang Yaya Vilma niya ay kausap muli ang boyfriend sa cellphone. Ang ina niya ay natutulog sa kuwarto. At ang ama naman niya ay gumimik na naman muli. Ang daming mga bata sa labas pero wala siyang ganang makipaglaro sa mga ito. Iba kasi ang gusto niyang makita at makasama sa mga sandaling iyon. Nagulat pa siya nang marinig ang isang boses na tumawag sa pangalan niya. Nakita niya si Angelo na papalapit sa kinaroroonan niya. Doon lang medyo gumaan ang pakiramdam niya. Sa wakas ay may makakausap na rin siya. “Uy, Gianna. Ba’t mag-isa ka d’yan?” “Ah, nagpapahangin lang po, Kuya.” “Oh?” tila hindi kumbinsido ang lalaki sa narinig. “Bakit hindi ka nakikipaglaro? Gusto mo bang sumali sa amin banda roon? Magba-badminton kami.” “Hindi na po muna. Wala po akong gana, eh,” hindi na siya naglihim sa lalaki. Pinakita na rin niya rito na hindi siya okay. Tila nabasa naman iyon ng lalaki sa kanyang kilos kaya tumabi ito sa kanya at umakbay sa kabilang balikat niya. “Alam ko na ang dahilan. Siguro dahil ‘yan sa parents mo, ‘no?” Nagulat siya dahil alam ng lalaki ang tungkol doon. “Nakita kasi namin kung paano sila mag-away noong nakaraan. Alam kong masakit iyon, pero puwede mo bang mai-share sa akin kung ano ba ang nangyari no’n?” “Sabi po kasi ni Mommy, may ibang babae raw si Daddy. Tapos nakikipagkita pa uli siya doon sa mga barkada niyang nagda-drugs. Lagi na iyon ginagawa ni Daddy noon pa lang na nasa Valenzuela kami. Laging iyon ang pinag-aawayan nila.” Naramdaman niya ang paghaplos ng lalaki sa kanyang likod upang pagaanin ang kanyang loob. “Kaya naman pala. Mabigat nga ‘yun. Pero alam mo, lahat naman ng mag-asawa nag-aaway. Wala tayo sa posisyon, lalo na ako, para husgahan kung anuman ang pagkukulang ng parents mo sa isa’t isa kaya nagawa ng isa na mag-cheat. Pero isipin mo na lang na magkakabati rin sila at maayos din ‘yan.” “Sana nga po maayos agad. Dati kasi kapag nag-aaway sila nang ganito katindi, madalas inaabot ng buwan bago sila magkabati uli. Ayoko na pong maulit iyon kasi ang bigat sa pakiramdam, eh. Tipong uuwi ka sa bahay na hindi nag-uusap ang parents mo. Hindi mo rin sila makausap nang maayos dahil doon.” Naawa ang lalaki sa paraan ng pananalita niya. Ramdam na ramdam nito ang bigat sa kanyang dibdib dahil sa sitwasyon. “I’m sorry…” sambit na lamang ni Angelo. “Kung may magagawa lang sana ako para ipagbati sila. Pero huwag mo masyadong iisipin ‘yon. Hindi mo dapat gaanong dinidibdib ang problema ng parents mo. Bata ka pa, Gianna. Dapat sa ibang bagay mo pino-focus ang isip mo para hindi ka gaanong naaapektuhan.” Sa pagkakataong iyon, hindi na siya nakaisip ng isasagot. Masyado na kasing mabigat ang pakiramdam niya para makabuo pa ng mga salita. Lalo na’t alam niyang gumala na naman ang ama niya. At hindi malabong bumalik na naman ito sa mga barkada para makipag-inuman. O di kaya’y sa sinasabi ng kanyang ina na babae nito sa Valenzuela. Kung nagkataong totoo nga ang iniisip niyang iyon, siguradong matinding away na naman ang magaganap mamaya. Huwag naman sana. Hindi pa nga humuhupa ang trauma na dumapo sa kanya noong nakaraan. “Gusto mo barbeque na lang uli tayo?” tanong sa kanya ng lalaki na bahagya pang inilapit ang mukha. Hindi na siya tumanggi sa alok nito. Siguro nga kailangan niyang ibaling sa iba ang atensiyon upang hindi siya gaanong naaapektuhan sa problema ng mga magulang. Hindi dapat siya nag-iisip nang ganoon lalo na’t bata pa siya. Baka makaapekto pa ito sa paglaki niya pati sa pag-aaral niya. Habang nasa barbeque-han sila, doon na ipinagpatuloy ng lalaki ang mga nais nitong sabihin kanina. “Alam mo, Gianna, minsan subukan mong lapitan at kausapin ang Daddy mo. Lambingin mo siya. Suyuin mo. Malay mo lumambot ang puso niya kapag ikaw ang kaharap. Sa paraang iyon, baka magbago pa ang isip niya at hindi kayo iwan. Kailangan mong ipaalala sa kanya na may sarili na siyang pamilya, at kayo ‘yun.” Doon napaisip si Gianna. Mukhang may punto nga ang lalaki. Medyo matagal na rin silang hindi nagkakaroon ng bonding ng daddy niya. Mula kasi nang sungitan siya ng mga magulang sa mga bagay na ayaw ibigay sa kanya, hindi na rin niya gaanong kinakausap pa ang mga ito. Baka nga may mga pagkukulang din siya bilang anak. At iyon ang susubukan niyang punan para mapagbati ang parents niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD