Chapter 6: Family

2421 Words
PERO biglang may naalala si Gianna. “Natatakot po kasi ako baka pagalitan lang ako ni Daddy kapag kinausap ko siya. Lagi nga niya po akong pinagagalitan, eh.” “Susubukan mo lang naman,” tugon sa kanya ni Angelo. “Wala namang masama sumubok. Kung hindi ka niya pakikinggan, nasa kanya na iyon. Ang mahalaga sinubukan mo siyang kausapin bilang anak. Kung pipiliin pa rin niya ‘yung babae, siya na ang mali roon. Karma na ang bahalang maningil sa kanya.” “Natatakot din po kasi akong mawalan ng daddy, eh,” malungkot ang tinig na wika ni Gianna. “Parang ang malas nga po ng taon na ito para sa akin kasi lagi na lang nag-aaway parents ko. Wala naman akong magawa para mapagbati sila.” “May magagawa ka,” pagpapalakas loob ng lalaki sa kanya. “Basta subukan mo lang ‘yung mga sinabi ko. Kausapin mo sila, lalo na ang daddy mo. Iparamdam mo sa kanya kung gaano ka nasasaktan dahil sa ginagawa niya, at kung gaano siya kahalaga bilang ama sa inyong pamilya.” Tumango na lang si Gianna. “Thank you po ulit. Kaso umalis na naman siya kanina, eh. Baka nakipag-inuman na naman ‘yon. Baka bukas ko na siya masasabihan kapag hindi na siya lasing.” “Okay lang. Basta huwag kang magsawang ipaalala sa kanya kung gaano kahalaga ang pamilya at hindi ito dapat ipinagpapalit sa bisyo o sa ibang babae.” “Kaso natatakot din po ako baka mamaya pag-uwi niya magwala na naman siya.” Pagkatapos nilang kumain, inakbayan siya ni Angelo habang sila’y pabalik ng waiting shed. Bahagya pang hinagod-hagod ng lalaki ang kanyang likuran para pagaanin ang loob niya. “Lumayo ka na lang muna sa kanila mamaya kung sakali mang mag-away sila uli. Alam ko mahirap sa kalooban, pero mas mahihirapan ka rin kung harap-harapan mo silang nakikitang nagtatalo. Di ba may yaya ka naman? Let her handle the situation.” “Si Yaya Vilma ko nga lang po lagi ‘yung umaawat sa kanila. Tapos ako pinapa-stay lang niya lagi sa kuwarto ko para hindi ko raw makita.” “Tama lang naman ‘yun. Hindi rin kasi maganda kapag sa harap mismo ng bata nag-aaway ang magulang. Mas mabigat na trauma ang maidudulot niyon. Basta umiwas ka na lang din muna hangga’t maaari.” “Salamat po, Kuya. Kung puwede lang sana sa inyo muna ako makitulog, eh.” Natawa bigla ang lalaki. “Kung puwede lang talaga, walang problema sa `kin. Kaso baka hindi ka rin payagan ng parents mo, o ng yaya mo. Lalo na’t bago pa lang kayo rito.” “Iyon na nga po, eh. Doon kasi sa dati naming tirahan, may kapitbahay kaming mabait. Tuwing nag-aaway ang parents ko, doon ako pumupunta sa kanila.” “O, talaga? Hindi ka pinagagalitan ng yaya mo?” “Hindi naman po. Kasi matagal na silang kakilala ng parents ko. Kaya nakakapunta ako roon kahit hindi na magpaalam kay yaya. Alam naman kasi niya na kapag matindi ang away nina Mommy at Daddy, doon lang ako lagi pumupunta para hindi ko marinig.” “Sayang talaga. Hayaan mo, lilipas din ‘yan. Kung anuman ang pinag-aawayan ngayon ng parents mo, siguradong maaayos din nila ‘yan alang-alang sa `yo. Hindi naman sila papayag na maghiwalay sila nang ganoon na lang, dahil alam nilang ikaw ang masasaktan. Trust me. Magbabati rin ‘yan.” Saktong natapos ang bahaging iyon ng usapan nila nang makarating na sila sa harap ng bahay ni Gianna. “Siguro uuwi na po muna ako nang maaga para mapaghandaan ko ang mangyayari mamaya. Thank you po ulit, Kuya Angelo.” “O sige mabuti pa nga. Hayaan mo madalas kitang dadalawin dito para may makausap ka, at para maisali kita lagi sa mga laro namin dito.” “Sige po. Saka sana po punta rin kayo minsan dito at kaibiganin n’yo rin si Yaya Vilma ko. Para kapag close na kayo, hindi na niya ako babawalan pumunta sa inyo kahit anong oras.” “Ikaw talaga!” Ginulo nito muli ang buhok niya. “Pero sige ‘pag may pagkakataon makikipagkaibigan ako sa kanya.” Pagkabitaw ng lalaki ay tumuloy na siya sa pinto. “Salamat po, Kuya Angelo. Ingat po!” “Take care din, Gianna! Basta ‘yung sinabi ko sa `yo, ha?” “Sige po, ako’ng bahala,” sagot na lamang niya kahit hindi siya sigurado kung magagawa niya iyon. Kumaway na lang ang lalaki bago ito tumalikod sa kanya. Sinundan pa niya ito nang tingin hanggang sa tuluyang makalayo. Doon pa lang niya sinarado ang pinto. Naabutan niya muli ang yaya na kausap na naman ang boyfriend sa cellphone habang nagtatrabaho sa kusina. Umakyat na siya sa kuwarto para magpahinga. ALAS-DYES na ng gabi pero hindi pa rin umuuwi ang tatay niya. Pati si Yaya Vilma ay kanina pa nakabantay sa bintana pero ni anino ng kanyang ama ay wala pa roon. “Mukhang hindi na uuwi ‘yon, Ma’am Maricel. Baka doon na ‘yun nakitulog sa kung saan man siya nagpunta,” malungkot na pahayag ni Vilma sa ina niyang nakaupo sa kusina. Namumugto pa rin ang mga mata ni Maricel dahil sa maghapong pag-iyak. “Hayaan mo siya. Bahala siya sa buhay niya. Mag-lock ka na ng mga pinto, Vilma. Kahit kumatok pa siya d’yan, huwag mo nang pagbuksan.” Sa sinabing iyon ng ina ay napilitan siyang lumapit dito. Iniisip niyang itataboy lang siya nito. Ngunit sa pagkakataong iyon, ito mismo ang yumakap sa kanya at hinagod-hagod ang likod niya. Gumanti na rin siya ng yakap dito. Doon lang yata sila magkakaroon ng magandang moment ng kanyang ina. Sa mga nagdaang buwan kasi ay masyado itong naging abala sa trabaho kaya hindi na siya gaanong naaasikaso. Dagdag pa ang madalasang away nila ng asawa kaya lagi ring mainit ang ulo. “Gianna, kung sakaling mawala man ang daddy mo, sana magpakatatag ka.” Biglang kumabog ang dibdib niya sa sinabing iyon ng ina. “B-Bakit po siya mawawala? Ano po ba’ng mangyayari, Mommy?” “Baka iwan na tayo ng daddy mo. May iba na siya, anak,” pag-amin ni Maricel, hindi na nito inilihim sa kanya ang mabigat na problema kahit alam nitong bata pa siya. “Ayoko pong mawala si daddy…” parang maiiyak na rin niyang sagot. “Ako rin naman, eh. Ayokong masira ang pamilya natin. Pero ang daddy mo na mismo ang gustong mang-iwan. Ito na lang lagi ang pinag-aawayan namin noon. Hindi ko lang sinasabi sa `yo dahil ayokong maapektuhan ka. Pero kung sakali mang mawala na talaga siya sa atin, sana lakasan mo ang loob mo, Anak.” “Wag n’yo po sana hayaang umalis si Daddy. Please po, Mommy. Ipaglaban n’yo po ang family natin.” “Ginagawa ko ang lahat, Anak. Daddy mo lang talaga ang may ayaw na maayos ang pamilya natin. Ngayon pa lang sinasabi ko na ito sa `yo para hindi ka na gaanong masaktan kung sakali mang mangyari nga ang araw na ‘yon. Pero huwag naman din sana. Hayaan mo at ginagawa ko naman ang lahat para mabago pa ang isip niya,” paliwanag ng ina at muling hinagod-hagod ang likod niya. Hindi bumitiw ng pagkakayakap si Gianna. Sinamantala niya ang pagkakataong iyon na magkausap sila nang ina tungkol sa bagay na ito. Lalo na’t iyon ang ipinayo sa kanya ni Angelo, ang kausapin ang mga magulang niya. Hindi nga umuwi si Bernard nang gabing iyon. Nakatulog na lang si Gianna sa kuwarto nito. Lampas alas-dose na nang makalabas si Vilma sa kuwarto ng bata. Nagpunta naman ito sa silid ng amo at sinabing tulog na si Gianna. “Salamat, Vilma. Sige magpahinga ka na rin,” ani Maricel habang nakasandal pa rin sa headboard ng kama. Wala pa rin itong balak matulog. Pilit ginagawang abala ang sarili sa mga binabasang papeles. “Sige po, Ma’am Maricel. Good night po,” paalam ni Vilma rito at isinara na nito ang pinto. ARAW ng Sabado. Walang pasok si Gianna pero gumising pa rin siya ng maaga para magbabad sa panonood ng DVD. Naisipan niyang bumaba muna para hanapin ang yaya ngunit ang naabutan niya sa baba ay ang ama niyang nakahiga sa sofa. Doon ito lagi pumupuwesto kapag may tampuhan sila ng ina. Nakita niyang gising na ito pero sa malayo nakatingin at tila malalim ang iniisip. Nagdadalawang-isip pa lang siya kung lalapitan ito pero nang makita siya nito, ito na mismo ang tumawag sa kanya. Doon pa lang siya tuluyang lumapit dito at umupo sa tabi nito. “Daddy…” nasambit niya. Hindi pa niya alam kung paano ito kakausapin sa paraang hindi ito magagalit. Pero nakita niya kung paano siya akbayan ng ama at hinagod-hagod pa nito ang likod niya. “Kumusta ka na, Anak?” “Okay lang po. Kayo po?” “Heto… Kinakaya pa rin naman…” Hindi siya muling nakasagot. Naubusan na naman siya ng sasabihin. Maganda ang mood ng ama pero hindi pa rin niya alam kung paano bubuksan dito ang topic na nais niyang pag-usapan. “Anak, pasensiya ka na sa mga nangyari, ah…” biglang kambiyo nito. “Alam kong nalulungkot ka dahil lagi kaming nag-aaway ng mommy mo. Pero tandaan mo lagi na mahal na mahal ko pa rin kayo.” Bahagyang gumaan ang loob niya sa sinabi nito. Ngunit hindi pa rin siya ganap na napanatag. Doon na siya nagkaroon ng pagkakataong sabihin dito ang kanina pa hinaharang ng kanyang dila. “Dad, iiwan n’yo na po ba kami? Dahil may iba ka nang babae?” Hindi agad nakasagot doon ang kanyang ama. Pero nakita niyang bahagya itong ngumiti kahit bakas pa rin ang lungkot sa kaanyuan. “Alam mo, Gianna, mahal ko kayo ng mommy mo. Kung anuman ‘yung namagitan sa amin ng babae, pipilitin kong tapusin iyon. Gagawin ko ang makakaya ko, para sa inyo… Naaawa na rin ako sa mommy mo dahil stress na nga siya sa trabaho, stress pa siya lagi dito sa bahay dahil sa akin. Kaya naman aayusin ko na ang problema kong ito. At huwag kang mag-alala dahil hindi ko kayo iiwan…” Bigla ay parang nawala ang tinik sa dibdib ni Gianna. Nakahinga siya nang maluwag. Ramdam niya ang sincerity ng ama. Ito pa ang kusang yumakap sa kanya. Mas lalong napanatag ang loob niya. Sinamahan din niya ang Daddy Bernard niya sa kuwarto. Harap-harapan itong humingi ng tawad sa kanyang ina. Lumuhod pa ito at humalik sa likod ng mga palad ni Maricel. “Aaminin kong mali ako sa lahat ng mga ginawa ko. Masyado akong nagpadala sa impluwensiya ng mga barkada ko. Nagawa ko pang pagtaksilan kayo. Kaya sana, mapatawad mo `ko. Hindi man ngayon, pero sana bigyan mo ako ng pagkakataong ayusin ito. Ayokong masira ang pamilya natin, Maricel. Hindi kita iiwan, kayo ni Gianna. Mahal ko kayo, at sa huli kayo pa rin ang pipiliin ko. Sana, huwag ka nang magalit sa akin. Lalayo na ako sa babaeng iyon, alang-alang sa pamilya natin.” Nakita niyang napaiyak na ang kanyang ina sa mga sumunod na sinabi ng lalaki. Hindi na rin nito tinaboy ang ama nang sumubok itong yumakap dito. Patunay iyon na tinatanggap na nito ang paghingi ng tawad ng lalaki. “Ang gusto ko lang naman, mailayo ka sa mga taong masama ang impluwensiya sa `yo. Naiintindihan kong mga barkada mo sila. Pero sana naman, piliin mo ‘yung pakikisamahan mo. Huwag kang makikisama sa mga taong wala namang maidudulot na mabuti sa `yo. Hindi kita binabawalang makipagbarkada at makipag-inuman kahit kanino. Pero sana, ilagay mo sa lugar. At alamin mo ang limitations mo.” Tumango-tango ang lalaki at muling yumakap dito. “Naiintindihan ko. Pasensiya ka na kung hindi ko ‘yan naisip noon. Huwag kang mag-alala. Magbabago na ako, Maricel. Hindi na ako gagawa ng kahit anong ikasisira pa ng samahan natin.” Pagkatapos ng ilang mga usapan, tuluyan na ring nagkasundo ang dalawa. Doon pa lang tuluyang humupa ang bigat sa dibdib ni Gianna. Hindi mapantayan ang kanyang ngiti habang pinagmamasdan ang magkayakap na parents niya. Iba talaga ang idinudulot na saya kapag nakikita niyang magkasundo nang ganito ang dalawa. Nitong taon kasi ay mas marami pa ang mga pagkakataong nag-away sila kaysa magkabati. Hopefully, ito na ang huling pag-aaway nila. Sana magtuloy-tuloy na ang pagbabati ng dalawa. Upang sa ganoon ay hindi na rin siya gaanong nasusungitan ng mga ito. Pagsapit nga ng hapon, umalis silang apat kasama si Vilma. Ipinasyal sila ni Bernard sa Fishermall. Inilibre pa sila ng pagkain at mga damit doon. At dahil maganda na ang mood ng ama, sinubukan niya muling magpabili ng gitara dito. Ipinaliwanag niya na ito ang talentong nais niyang matutunan. At gusto niyang gayahin ang mga talented na bata sa TV na marunong nang kumanta, sumayaw o tumugtog ng instruments. Sa pagkakataong iyon ay pumayag na ang daddy niya. Mukhang naiintindihan na nito ang nais niyang mangyari. Kaya naman nagtungo sila sa puwesto ng mga instruments at ibinili na siya ng gitara. Pinili niya ang kulay blue dahil iyon ang nakita niyang pinaka-attractive sa lahat ng mga available colors. SIgurado siyang matutuwa si Angelo kapag nakita ang magandang kulay at disenyo ng kanyang gitara. Sa wakas din ay may sarili na siyang magagamit kapag magpapaturo siya rito. Sobrang saya niya nang araw na iyon. Sa wakas ay unti-unti na ring natutupad ang mga maliliit na bagay na gusto niyang makamit. Ang magkabati ang parents niya, ang magkaroon sila ng bonding time, at ang maibili siya ng gitara. “Kanino ka ba kasi magpapaturo ng gitara?” malumanay na tanong sa kanya ng ama. Wala rin itong alam sa paggigitara kaya hindi rin siya nito matuturuan. “May kalaro po ako, Dad. Siya ang nagtuturo sa akin. Ipapakilala ko rin po siya sa inyo kapag nagkita uli kami,” ganadong sagot niya. Ganap na ang paglubog ng araw nang makaalis sila ng Fishermall. Sa pagkakataong iyon, nasa kalagitnaan na sila ng biyahe pauwi. Kumpleto na ang araw ni Gianna. Ngayon lang siya uli napangiti nang ganito katamis. Pagkauwi naman nila sa bahay, agad siyang nagtungo sa kuwarto at mag-isang tinugtog ang bago niyang gitara. Sinubukan niyang gawin ang ilang mga basic chords na itinuro sa kanya ni Angelo. Proud na proud naman siya sa sarili tuwing magagawa niya iyon nang tama. Lagi pa rin naman siyang nagkakamali pero ang mahalaga, may nasimulan na siya. At buo na ang loob niya na ito talaga ang talentong nais niyang matutunan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD