PAGKAUWI ni Gianna nang hapong iyon, nagpaalam agad siya sa yaya na makikipaglaro muna sa labas. Confident siyang papayag ito this time dahil nitong mga huling araw ay naging maganda na ang samahan ng pamilya nila.
"Bakit dadalhin mo pa ‘yang gitara mo?” usisa nito sa kanya nang makitang bitbit niya iyon.
“Kasi po magpapaturo din ako ng gitara kay Kuya Angelo, eh. Andun siya ngayon sa labas.”
“Ikaw lang ang tuturuan?” nanlalaki ang mga matang tanong ng yaya.
“Hindi po, ah. Marami kaya kaming mga tinuturuan niya,” sagot na lamang niya kahit hindi gaanong totoo, para hindi na rin maghinala ang yaya dahil isang malaking lalaki ang kasama niya.
“O, sige. Ingatan mo ‘yan, ah! Ang mahal ng bili ng papa mo d’yan. Baka ma-badtrip na naman ‘yon kapag nasira ‘yan.”
“Hindi naman po!” sagot na lamang niya at nagmamadali nang lumabas ng bahay.
Pasadong alas-kuwatro na nang mga oras na iyon kaya marami nang mga bata sa labas. Kanya-kanya sila ng mga nilalaro.
Kabilaan na rin ang mga vendor at street food. May ilang mga ale rin ang nagpapalakasan ng bunganga sa harap ng tindahan. Isang tipikal na hapon iyon sa lugar nila.
Pinuntahan niya si Angelo sa waiting shed. At pagkarating niya roon, nandoon nga ang lalaki. Alam niyang nandito na ito dahil nakita na niya ito kanina sa bintana.
May kasama itong batang lalaki na kasing edad din niya. Tumutugtog pa sila ng gitara nang gambalain niya.
“Oy, Gianna! Nand’yan ka pala. Heto nga pala si Brandon. Siya ‘yung sinasabi ko sa `yong nagpapaturo din sa akin ng guitar noon. Kauuwi lang nila kahapon,” bati sa kanya ni Angelo at agad siya nitong pinaupo sa tabi nito.
Nagulat naman ito nang mapansin ang hawak niyang gitara. “Uy, pucha! Ang ganda naman n’yan! Kanino ‘yan?”
“Sa akin po!” masiglang sagot niya sabay ngiti. “Binili sa akin ni Daddy…”
Natuwa ang lalaki sa narinig. “Woah, talaga? So it means bati na kayo?”
“Yes po!”
Bumitaw ito sa gitara at nakipag-apir sa kanya. “Sabi ko sa `yo, eh! Magkakabati rin kayo. Ano ba ang nangyari?” Sa pagkakataong iyon, sa kanya naman ito humarap.
“Sinunod ko lang po ‘yung sinabi n’yo. Pareho ko pong kinausap sina mommy at daddy. Buti na lang nagbati na sila kaya nga naibili na nila ako ng guitar, eh.”
Masiglang tumango-tango ang lalaki habang itinatayo ang gitara sa harapan nito. “Sobrang happy ako para sa `yo dahil bati na ang parents mo. Sabi ko naman kasi, eh. Kausapin mo lang sila. Iparamdam mo lang ang presence mo, at ang emotions mo. Panigurado maaawa ‘yun sa `yo at hindi puwedeng hindi ka nila pakinggan.”
“Kaya nga po, eh. Nagsasawa na rin po kasi akong nag-aaway sila lagi. Sana talaga magtuloy-tuloy na.”
“Alright! Dahil bati na ang parents ni Gianna, dapat siguro masayang kanta naman ang tutugtugin natin ngayon!” Saka ito muling lumingon sa batang lalaki at pareho silang inakbayan.
“Ayoko po. Gusto ko love song muna ulit,” hirit niya sa lalaki.
Nagpakawala ito ng maharot na tawa. “Ikaw talaga, ah. Bata mo pa luma-love song ka na. Ano’ng love song ba gusto mo?”
“Kahit ano po. ‘Yung katulad ng mga kinakanta n’yo sa akin dati.”
“Ikaw, Brandon, ano’ng kanta ba gusto mo?”
“Kahit ano na rin po, Ya! Basta ituro mo sa amin kung paano tutugtugin d’yan,” anang batang lalaki sabay turo sa gitara nito.
Kinuha muli ni Angelo ang gitara sa harapan at nag-play ng isang intro. “Ito ‘yung theme song namin ngayon ng gf ko. Gusto n’yo marinig?”
Sabay pang napasagot ng “yes” sina Gianna at Brandon.
Muling pinakawalan ng lalaki ang soulful voice nito habang kumakanta ng love song sa gitara nito.
Sinasaktan ka na niya
Paulit-ulit araw-araw gabi-gabi
Pero mahal mo pa rin
Bakit lagi kang nagtitiis sa kanya
Nandito naman ako para sa `yo
Puwede bang iwanan mo na lang siya
Hindi siya karapat-dapat para sa `yo
Namula na naman ang pisngi ni Gianna sa tindi ng pagkakangiti nang marinig ang kantang iyon. Sa unang bahagi pa lang ng lyrics, nabihag na naman ang pandinig niya.
Isa rin ang kantang iyon sa mga naririnig niya madalas sa radyo. Uso rin ito ngayon sa mga videoke tuwing may fiestahan at party kahit noong nasa Valenzuela pa lang sila.
Hindi lang niya alam ang lyrics at ang title pero alam na alam niya ang tono nito. Minsan nga ay bigla niya itong maaalala sa kanyang utak pero hindi niya kayang sabayan ang eksaktong liriko, kaya idinadaan na lang niya sa paghuni.
Pero ngayon, malinaw na niya itong naririnig sa boses ni Angelo habang sinasabayan nito iyon ng pagtugtog sa gitara.
May pakiusap lamang ako sa iyo
Huwag mo sana hahayaang abusuhin ka ng kahit na sino
Hindi mo dapat pinagbibigyan ang mga ganoong tao
Huwag mo hayaang kontrolin ka nila
Lumayo ka na sa kanila
Sa bahagi namang iyon, lalo niyang nakumpirma na alam nga niya ang naturang kanta pero hindi ang lyrics. Nakalimutan na nga niyang tumingin sa mga kamay ng lalaki kung paano kinakapa ang mga strings ng gitara.
Kung si Brandon ay pinapanood ang lalaki sa tamang pagtugtog, siya naman ay pinapanood ang mga labi nitong tila dinaramdam din ang bawat lyrics na lumalabas sa bibig nito.
Sa akin ka na lang kung puwede ba
Hinding-hindi kita sasaktan
Hinding-hindi kita pagbubuhatan ng kamay
Kung naririnig mo lang sana ako
Mamahalin kita nang higit pa sa inaakala mo
At sa bahagi namang iyon, hindi na niya napigilan ang paglaki ng kanyang tawa. Doon niya na-realize na isa pala ang kantang ito sa mga hinahanap niya noon dahil sa napaka-addictive na tono ng chorus nito.
Mababaw lang ang kaligayahan ni Gianna lalo na sa mga pinakikinggang musika. Naalala pa niya noong nasa Valenzuela pa sila, pinatugtog ito ng isa sa mga kapitbahay niya.
At dahil hindi niya ito gaanong marinig dahil sa ingay ng mga tao sa labas, napilitan pa siyang lumabas at tumambay sa harap ng bahay na iyon para lang mapakinggan ito nang mabuti.
Sa mga sandaling iyon ay pinakiramdam niyang mabuti kung may makukuha siyang kahit maliit na bahagi ng lyrics nito para maitanong niya sa yaya kung ano ang pamagat.
Ngunit dahil hindi pa siya gaanong nakakatindi ng English noon ay halos wala rin siyang maintindihan kahit isang salita. Pero alam na alam niya ang tono at iyon ang pinakatumatak sa kanya, lalo na ang chorus.
Hindi na gaanong nag-isip si Gianna. Hinayaan na niyang tapusin ng lalaki ang buong kanta na lalo pang gumanda dahil sa husay din nito sa pagtugtog ng gitara.
Sa akin ka na lang
Sa akin ka na lang
Sa akin ka na lang
Mamahalin kita nang higit pa sa inaakala mo
At nang matapos na ito ay napalakas pa ang palakpak niya kaysa sa palakpak ni Brandon, kaya napalingon tuloy sa kanya ang dalawa.
“Ang saya mo d’yan, ah!” natatawang puna sa kanya ni Angelo. “Ano, nagustuhan n’yo ba?”
“Opo!” mabilis na sagot ni Brandon. Kinuha pa nito ang gitara ng lalaki at sinubukan naman nitong tugtugin ang ilang bahagi ng kanta.
Nakaramdam ng inggit si Gianna sa batang iyon dahil mas malawak na pala kahit papaano ang kaalaman nito sa gitara. Hindi tulad niya, ang tagal na niyang nagpapaturo pero hanggang ngayon nangangapa pa rin siya.
Paano ba naman kasi, tuwing magtuturo ang lalaki ay laging natutuon ang atensiyon niya sa pagkanta nito at hindi sa pagtugtog ng gitara.
Para kasing gayuma sa pandinig ang boses nito at oras na marinig niya iyon, wala na siyang magawa kundi ang umupo, makinig at mag-imagine.
Bukod doon, lagi rin niyang nagugustuhan ang mga kinakanta nito. Iyon ang mga kantang madalas niyang marinig sa radyo, sa videoke, sa mga speaker sa tricycle, at sa mga noon time shows sa TV.
Doon lang din niya napagtanto na ganoon ang tipo ng mga musika na gusto niya. Siya lang yata ang bata roon na mas gusto ang malulungkot at mapanakit na mga love song kaysa sa mga pangsayaw na kantang kinababaliwan ngayon ng marami.
Iba kasi ang tama ng mga kantang iyon sa kanya. Tuwing naririnig niya ang mga ito, naaalala niya ang mga panahong bihira pa lang mag-away ang parents niya at lagi siyang masaya sa bahay.
Iyon din ang mga panahong mas masaya pa siyang kalaro ang mga barbie dolls na ibinibili sa kanya kaysa makipaglaro sa mga bata.
Ngunit ngayon na habang lumalaki siya, doon pa lang niya natutuklasan kung gaano kasaya ang makipaglaro sa labas at totoong tao ang nakakasalamuha, hindi mga laruan.
At iyon din ang ipinagkait sa kanya ng mga magulang noon. Tuwing susubukan niyang makipaglaro sa mga bata sa labas, lagi siyang sinasabihan na wala raw maidudulot na mabuti ang paglalaro.
Baka madumihan lang daw siya at ma-expose pa sa mga madudungis na batang nagdadala ng mikrobyo sa labas.
Sa sobrang higpit ng mga ito, halos ayaw siyang mabahiran ng kahit katiting na dumi sa katawan dahil baka raw magkasakit siya.
Ang hindi nila alam, mas lalo pa siyang nagkakasakit dahil sa labis na kalinisan. Ilang beses na ba siyang na-ospital noon dahil sa pasumpong-sumpong na hika niya?
Nahinto lang sa paglalakbay ang isip ni Gianna nang tawagin siya ni Angelo. “Hey, ikaw naman ang tumugtog. Tapos na si Brandon.”
Sa pagkakataong iyon ay medyo kinabahan siya. Lalo na’t halos wala pa siyang alam na tutugtugin sa gitara.
Ilang beses pa siyang napakamot ng ulo bago humarap sa lalaki. “Sorry, Kuya. Nakalimutan ko kasi ulit, eh. Puwede bang ituro mo uli sa `kin? Kahit ‘yung mga pang-ten seconds lang muna,” nahihiyang wika niya.
Hindi naman siya pinahiya ng lalaki. Muli nitong hinawakay ang kanyang mga kamay at inilagay sa kanyang gitara.
Sinunod niyang mabuti ang bawat instructions nito. Nakailang ulit pa sila bago niya nagawang tumugtog ng tamang tono sa loob ng anim na segundo.
Muli siyang pinalakpakan ng lalaki bilang pagpapalakas sa loob niya. Tumayo naman si Brandon sa kinauupuan at tumulong na rin sa pagturo sa kanya sa tamang paghawak ng gitara.
Inabot na sila ng alas-sais doon. Mabuti na lang ay marami-rami siyang natutunan sa pagkakataong iyon dahil dalawang tao na ang tumulong sa kanya.
At higit sa lahat, mahaba-haba rin ang oras na nakasama niya si Angelo.
“Sige, mauna na ako sa inyo, ah. Magre-review pa kasi ako, eh. Bukas may midterm exam kami.”
“Ingat po, Kuya…” pagpapaalam niya sa lalaki. Ganoon din ang sinabi ng katabi niyang si Brandon.
“Huwag kayong magpapagabi d’yan, ah? Uwi na rin kayo agad baka hanapin na kayo ng parents n’yo. Lalo ka na, Gianna.”
Natuwa na naman siya sa concern na ipinapakita nito. “Sige po, Kuya. Uuwi rin po kami agad.”
Pagkaalis ng lalaki sa waiting shed, muli pa siyang nagpaturo ng ilang minuto kay Brandon. Mahigit kalahating oras ang lumipas bago sila natapos.
Sa pagkakataong iyon, nagpaalam na rin sila sa isa’t isa dahil paniguradong pareho na silang hinahanap ng parents nila.
Masayang nakauwi si Gianna dala ang mga bagong natutunan sa gitara nang araw na iyon. Agad siyang umakyat sa kuwarto at muling inulit ang ilan sa mga tinuro sa kanya nina Angelo at Brandon.
Muli rin niyang inulit ang maikling chords ng kantang Sulyap na top favorite niya sa mga kinanta ni Angelo noon sa kanya.
Masyado siyang napasubo sa pagtugtog ng gitara. Hanggang sa bigla na lang bumukas ang pinto at bumungad doon ang Yaya Vilma niya.
“Hoy, kanina pa kita tinatawag! Kakain na tayo!”
Doon lang niya binitawan ang gitara at itinabi sa unan niya. “Hindi po ba natin hihintayin sina mommy at daddy?”
“Nag-text sa akin ng mommy mo. Medyo gagabihin daw siya dahil may nilakad sila sa trabaho. Si daddy mo naman siguradong mamaya pa iyon at lagi namang nagbibilin na mauna na tayo. Halika na nagugutom na ako!”
Doon na rin niya naramdaman ang bahagyang pagkalam ng sikmura. Hindi na halos niya ito gaanong napansin kanina dahil sa gitara.
Tumayo na siya at sumunod sa yaya. Lagi silang nauunang kumain dito dahil madalas ay ginagabi na masyado sa pag-uwi ang parents niya.
Pagkatapos nga nilang maghapunan, nagmamadali siyang umakyat sa kuwarto at muling hinarap ang gitara.
Naalala niyang may homework pa siya na dapat gawin pero ipinagpaliban na lang niya iyon bukas. Madali lang naman kasi iyon dahil may ilang mga activity lang na kailangang sagutin sa libro.
Masyado talaga siyang nawili sa pagtugtog sa gitara dahil medyo marami-rami ang natutunan niya sa araw na iyon. Sobrang proud na proud siya sa sarili tuwing magagawa niya nang tama ang bawat maiikling chords na tinuro ng lalaki.
Naalala rin niya ang sinabi nito kanina na bumili siya ng song magazine book sa palengke para mas marami pa itong maiturong chords sa kanya.
Natatandaan niya na marami nga siyang nakikitang mga song magazine sa palengke pati sa isang general merchandise store na malapit sa school nila.
At kung hindi siya nagkakamali, ang bawat lyrics na nakasulat doon ay may kalakip na chords na puwedeng sundan ng mga gustong maggitara. Tamang-tama iyon sa kanya upang may lecture siyang masundan.
Kinabukasan pagkatapos ng klase, sa tindahan agad siya dumiretso para bumili ng song magazine gamit ang naipon niya sa kanyang baon sa mga nagdaang linggo.
Nang mabasa niya ang lyrics ng Sulyap at ilang mga Smashing Foreground songs na sinasabi ng lalaki, iyon agad ang kinuha niya at binili.
Pagkauwi naman sa bahay, ito agad ang inatupag niyang basahin. Hindi pa siya marunong magbasa ng chords kaya mga lyrics na muna ang kinabisado niya.
Inubos niya ang buong oras dito. Ni hindi na nga siya nakalabas ng bahay. Inabot din siya ng gabi sa pagbabasa sa nabiling magazine.
Dahil dito, gabi na rin niya nasagutan ang kanyang homework. At dahil hindi pa makatulog sa mga oras na iyon, muli niyang kinuha ang magazine at binasa ang lyrics ng mga paboritong kanta roon.
Hindi siya makapaniwalang nakabili siya ng ganito sa sarili niyang ipon. At hindi rin niya akalaing nasa harapan na niya ngayon ang lyrics ng ilan sa mga kantang pilit niyang sinasabayan ang tono sa radyo noon dahil hindi niya kabisado ang bawat salita.
May naging usapan sila ni Angelo na kapag muli silang nagkita ay ituturo nito ang ilan sa mga kantang nasa magazine na bibilhin niya. Kaya naman muli na naman siyang binalot ng labis na pagkasabik nang oras na iyon.
Parang gusto na niyang sumapit muli ang weekend para makalabas sa bahay at makasama ang lalaki sa mahaba-habang oras.