Chapter 8: Life

2549 Words
PANAY ang sigawan ng maraming tao sa loob ng covered court na iyon. Isa sina Gianna at Brandon sa mga nanunuod sa nagaganap na basketball. Kay Angelo naka-focus ang marami. Siya rin ang pinakatinitilian doon. Final round na lang iyon at nalampasan na nila ang puntos ng kalaban nila. Ito rin ang may pinamaraming three point shot na nagawa. Sa nalalabing mga oras ay painit nang painit ang laban. Kahit malapit nang manalo ang team ni Angelo, medyo kinakabahan pa rin si Gianna. Magagaling din kasi ang mga kalaban. Anumang sandali ay maaaring maka-comeback ang mga ito oras na may magkamali ng galaw sa isang grupo. Ngunit sa huling mga segundo, nagkaagawan ang dalawang team sa bola. Nagawang tumalon ni Angelo at ito ang nakasalo sa bola. Lalong lumakas ang sigawan ng lahat nang mai-shoot nito iyon sa basket. Pati sina Gianna at Brandon ay napatayo sa tuwa. Ang lalakas ng mga palakpak nila. Panalo na ang team nina Angelo. At dahil din iyon sa lalaki. Ito kasi ang halos nagbuhat sa buong team nito. Dito lalong humanga si Gianna sa lalaki. Bukod sa magaling itong kumanta at maggitara, mahusay rin pala ito sa basketball. Parang gusto na nga rin niyang matuto ng sports dahil dito. Ewan ba niya, parang lahat yata ng mga talento ng lalaki ay gusto niyang matutunan. Nais niyang makipagsabayan dito at nais din niyang lalo silang mapalapit sa isa’t isa kapag pareho ang mga kaya nilang gawin. Pagkatapos ng laro, sunod-sunod na ring nagsilabasan ang mga tao sa loob ng covered court. Ayaw pa sanang lumabas ni Gianna dahil nandoon pa sina Angelo. Parang nais niya itong lapitan at batiin sa pagkapanalo nito. Ngunit nagmamadali namang lumabas si Brandon at panay ang hila sa kanya. Nang makalabas sila, doon pa lang siya bumitaw rito. “Bakit ka ba nagmamadali? Hindi ba natin lalapitan si Kuya Angelo doon? Para mabati rin natin!” “Nu ka ka ba!” asik sa kanya ng batang lalaki. “Bawal pa yata sila lapitan kasi may mga gagawin pa ang mga ‘yan. Hintayin na lang natin sila dito sa labas.” Hindi na nagsalita si Gianna. Ngunit di nagtagal ay biglang nagbago rin ang isip niya. “Alis na kaya tayo? Bukas na lang natin siya puntahan.” “Bakit naman?” “Gusto ko sana mag-practice ulit tayo ng gitara, eh. Alam mo ba may song book na ako.” “Talaga? Sige tara na.” Nagkasundo silang dalawa at nilisan na ang lugar na iyon. Mula nang magkasabay silang turuan ng gitara ni Angelo ay naging kaibigan na rin ito ni Gianna. Nagsimula na rin itong makipaglaro sa kanya at sinasali siya sa laro ng mga kaibigan nito kapag nagkakatiyempuhan sila sa labas. Dahil maayos na muli ang relasyon ng mommy at daddy niya, madalas na siyang payagan ng mga ito na makipaglaro sa labas. Minsan ay nagagawa na rin niyang makapag-imbita ng kalaro sa loob ng bahay nila. Isinama ni Gianna si Brandon sa kanila at umakyat sila sa kanyang kuwarto. Doon sila nag-practice gamit ang sarili niyang gitara. Ang Yaya Vilma naman niya ay abala sa mga gawain sa kusina habang kausap sa cellphone ang boyfriend nito kaya hindi siya gaanong pinapansin. Mahigit isang oras ang itinagal nila sa pagtugtog ng gitara habang binabasa ang song book na nabili niya. Pagkatapos niyon, muli silang nagtungo sa labas at nakipaglaro sa iba pang mga bata roon. Magtatakip-silim na natapos ang laro nila. Iyon din ang oras kung kailan pinuntahan siya sa labas ng yaya at pinapapasok na sa loob. “Gabi na, Gianna. Halika na.” Nagpaalam na siya kay Brandon pati sa iba nilang kalaro. Saka siya sumabay sa yaya sa loob. “Ano ba naman ‘yan! Pawis na pawis ka, diyos ko po! Halika nga rito at papalitan natin ‘yang damit mo!” Umakyat sila sa kuwarto niya at ito mismo ang nagbihis sa kanya ng bago niyang damit. Saka nito sinapinan ng puting panyo ang kanyang likod. “Dito ka na lang, ah? Huwag ka nang lalabas dahil magluluto na ako.” “Opo.” Hinintay lang niyang makalabas ang yaya, saka niya isinaksak ang DVD at pinatugtog ang isa sa mga CD na pina-burn niya. Naalala rin niya ang isa pang assignment nila sa English kaya mabilis niyang kinuha ang notebook at libro sa bag. Sinagutan niya ang mga ito habang nagpapatugtog ng ilan sa mga awiting kinanta ni Angelo sa gitara. Saktong natapos na niya ang homework nang tawagin siya ng yaya para kumain na sa baba. Sumabay siya rito sa pagbaba at nagsalo na silang dalawa sa hapunan. At sa kalagitnaan ng pagkain, sakto namang dumating sina Maricel at Bernard. Agad itong binati ng yaya niya. “Sir, Ma’am, gusto n’yo na po bang sumabay sa amin? Mukhang napaaga yata kayo, ah.” “Ay, sige! Mauna na kayo! Medyo pagod kami sa biyahe. Mamaya na lang kami kakain,” sagot dito ni Maricel. Naupo ang dalawa sa sofa at doon ipinagpatuloy ang usapan nila. Nagpatuloy naman sa pagkain si Gianna. Masaya siyang nakikita na magkasundo nang ganoon ang parents niya. Lalo tuloy siyang ginanahan kumain at nakadalawang plato pa. Hinintay na ni Vilma na matapos siyang kumain. Saka nito kinuha ang pinggan at baso niya para isabay sa hugasan. Lumapit naman agad siya sa mga magulang at tumabi sa gitna ng mga ito. “Nabusog ka, baby?” tanong sa kanya ng daddy sabay akbay sa balikat niya. “Opo, Dad.” Yumakap din sa kanya ang Mommy Maricel niya. Nag-uusap ang mga ito tungkol sa bahay na balak nilang ipatayo. Matagal na niyang naririnig ang tungkol sa iniipong pera ng kanyang ina para sa dream house na ipatatayo nila. At mukhang ngayon na iyon matutuloy dahil ayon dito, may sapat na raw silang ipon para doon. “Gusto mo bang sumama bukas?” “Yes naman po!” mabilis na sagot ni Gianna sa ina. Isasama siya bukas sa lakad ng mga ito tungkol sa bahay na ipapagawa nila. Ginapangan siya ng kaunting pagkasabik dahil sa wakas, magkakaroon na sila ng sariling bahay. Kahit siya ay hindi rin ma-imagine ang sarili kung gaano siya magiging masaya kapag naitayo na ang dream house nila. Sana nga lang, itayo ito sa lugar na marami ring bata para marami pa siyang makalaro sa kung saang lugar man itatayo ang kanilang bahay. KINABUKASAN ay maaga silang gumising at bumiyahe sa main office ng Dreamstar, isang lokal na homebuilder company sa Cavite. Dito naisipang lumapit ng mag-asawa dahil abot-kaya ang presyo ng mga pabahay na karamihan ay moderno na rin ang mga disenyo. Habang nakikipag-usap sa isang sales agent ang parents niya, nasa tabi lang siya ng mga ito at naglalaro ng space impact sa secondary phone ng mommy niya. Thirty percent ang hinihinging down payment ng naturang kumpanya at thiry five thousand pesos naman ang kailangan para sa lahat ng mga kakailanganing permits kabilang na ang construction tax, building permit at electrical sanitary permit. Isang Asian styled na model ang napili ng kanyang ina sa catalogue ng Dreamstar. Sa Maynila rin mismo nila ipina-set ang magiging location kung saan itatayo ang bahay. Pagkatapos ng maikling pag-uusap mula sa sales agent, lumapit din sa kanila ang iba pang staff ng kumpanya kabilang na ang mga architect, engineer, electricians, at marketers para pag-usapan ang magiging kabuuan sa proseso ng kanilang bahay. Nasa three million ang halaga ng bahay na balak ipatayo ng parents niya. Sa pagkakataong iyon ay ibinaba na niya ang cellphone at nakinig na rin sa usapan ng mga ito. Kahit siya ay nakaramdam ng pagkasabik nang makita sa anyo ng mga magulang ang hindi maawat na saya habang kausap ang mga staff ng kumpanya. At kahit hindi pa niya naiintindihan ang malalalim na conversations ng mga ito tungkol sa proseso ng pagpapagawa ng bahay, medyo napapangiti na rin siya dahil sa magandang daloy ng usapan. Pakiramdam ni Gianna, ganap nang buo ang kanyang pamilya. Bukod sa nagkaayos na ang mommy at daddy niya, magkakaroon na rin sila ng sarili nilang bahay. Maganda, malaki at high tech ang disenyo ng model na pinili ng kanyang ina. Halos hindi niya ito mabitawan nang tingin habang hawak niya ang catalogue. Ini-imagine na niya kung paano siya maglalaro doon araw-araw. Pagkatapos magkasundo, isinarado na ng parents niya ang napag-usapan sa magiging proseso. Bukas na bukas din ay babalik ang mga ito dala ang kontrata at down payment. Umalis sila sa tanggapan ng Dreamstar na masaya at maluwag ang loob. Kinabukasan ay hindi na sumama si Gianna sa pagbalik ng mga ito dahil araw iyon ng Sabado. Sa halip ay nakipaglaro siyang muli sa mga bata sa labas. At kasama niyang muli si Brandon. Inabot sila ng tanghali sa paglalaro. Kusa rin silang nagsiuwian para magsikain. Lukot na naman ang mukha ng Yaya Vilma niya nang makita siyang naliligo sa sariling pawis. “Hay naku! Sinabi ko naman sa `yo na huwag ka masyado magpapapawis at baka malamigan ka!” sermon nito habang pinapalitan ang kanyang damit. Mga bandang alas-tres na siya nakalabas muli ng bahay. Hinanap niya si Brandon ngunit hindi pa rin ito bumabalik. Nakipaglaro na lang din siya sa iba kahit wala pa ito. Pasadong alas-sais na ng hapon nang matapos ang paglalaro nila. Habulan, taguan, badminton at pasahan ng bola. Pawis na pawis na naman si Gianna pero sobrang nag-enjoy naman siya. Iyon na yata ang isa sa pinakamasayang sandali ng buhay niya. Marami siyang mga batang naingkuwentro kanina. Ang iba sa mga ito ngayon lang niya nakita pero naging ka-close na niya. At nagkaroon na rin sila ng mga usapan na magkikita-kita muli sa mga susunod na araw para ipagpatuloy ang kanilang mga laro. Pauwi na sana siya sa bahay nang makita niya si Angelo papunta sa paradahan ng mga tricycle. Kasama ng lalaki ang girlfriend nito at magka-holding hands pa sila. Bihis na bihis ang dalawa na parang may pupuntahang malayo. Bigla siyang nabuhayan ng dugo. Hindi siya nag-atubiling lapitan ang mga ito at ginulat pa ang lalaki. “Uy, Gianna! Nand’yan ka pala! Kumusta?” “Okay lang po, Kuya Angelo. Bakit ngayon ka lang po?” “Medyo naging busy kasi, eh. Nakapanood ka ba ng laro namin?” “Oo naman po. Kasama ko si Brandon. Pinalakpakan ka nga namin, eh.” “Ganoon ba, salamat naman! Sorry kung hindi ko kayo naturuan ng gitara noong nakaraan. Na-busy talaga ako sa laban at mga practice namin. Tapos ngayon monthsary pa namin ni gf kaya magdi-date lang muna kami.” Saka nito itinaas ang kamay ng babae. Ngumiti rin ito sa kanya na bagamat hindi nagsasalita ay halatang natutuwa rin ito sa presensiya niya. Alam na rin ng babae na marami talagang ka-close na mga bata ang boyfriend nito. “Sige po. Mag-date lang po kayo. Kami ni Brandon nag-practice kami ng gitara no’ng isang araw sa bahay namin.” “Woah, talaga? Buti hindi ka pinagalitan ng parents mo?” “Hindi na po. Bati na po sila ngayon, eh. Sana minsan makapasyal ka rin sa loob ng bahay namin, Kuya. Para doon mo rin kami maturuan ni Brandon.” Natawa ang lalaki. “Sige, sige ba! Next time ‘pag may pagkakataon pupunta ako sa inyo. Sana lang hindi ako pagalitan ng parents mo.” Napalingon itong muli sa girlfriend at sabay na nagtawanan ang dalawa. “Hindi po ‘yun! Ako ang bahala.” Ginulo muli ng lalaki ang kanyang buhok. “Sige, Gianna. Alis muna kami, ah? Next time na lang ulit!” “Ingat po, Kuya! Ingat din po, Ate!” Sa unang pagkakataon ay nagsalita ang babae. “Ingat ka rin, baby! Thank you…” Napakalambing ng boses nito. Pagkasakay ng dalawa sa tricycle ay naglakad na pauwi si Gianna. Galit na galit na naman ang Yaya Vilma niya nang makita siyang naliligo sa sariling pawis. “Ikaw talagang bata ka! Kapag nagkasakit ka ako ang masisisi ng nanay mo! Magpalit ka ng damit do’n sa taas dali! Tapos magsapin ka ng likod mo at baka magka- pulmonya ka!” Hindi na niya pinansin ang sermon ng yaya. Mag-isa na lang siyang umakyat sa kuwarto at sinunod ang utos nito. Dahil wala nang mga gagawin nang oras na iyon, kinuha niyang muli ang gitara at tumugtog ng ilang maiikling chords na pinagpractice-an nila ni Brandon noong nakaraan. Hindi rin niya kinalimutan ang ilang mga tinuro ni Angelo. May mga sablay pa rin sa pagtugtog niya pero hindi na ito kasing sablay noong unang beses na nangangapa pa lang siya. Lalo siyang ginaganahan maggitara kapag naiisip niya ang mga araw na kinakanta ni Angelo ang ilan sa mga favorite songs niya na pinatutugtog sa radyo. Iyon na ang naging libangan ni Gianna tuwing nasa loob ng bahay. Mas mahaba na ang ginugugol niyang oras sa paggigitara kaysa sa panunuod ng DVDs. Mga alas-siete na rin ng gabi nakauwi ang parents niya. Pagkatapos kasing mag-down ng mga ito sa Dreamstar, may binisita pa silang mga kaibigan kung saan napahaba ang kanilang kuwentuhan. Siksik ng masasayang moments ang weekend ni Gianna. Marami siyang mga nakalarong bata at marami ring mga laro na nasubukan. Lagi siyang umuuwing naliligo sa sariling pawis pero sulit naman dahil malaya na siya. Hindi na tulad ng dati na lagi siyang kinukulong sa bahay at pinagbabawalang maglaro sa labas. Araw ng Lunes. Half-day lang ang naging klase nina Gianna dahil nagkaroon ng meeting ang mga teachers nila kaya maaga rin silang pinauwi. Pagkabihis na pagkabihis pa lang ay lumabas na agad siya ng bahay at nakipaglaro sa mga batang naroroon. Karamihan sa mga ito ay nakalaro na niya noong nakaraan. Sa kalagitnaan ng masasaya nilang habulan, biglang may dumaang sasakyan sa kalsada. Sa bilis ng takbo ni Gianna ay hindi agad niya nakontrol ang mga paa. Muntik na siyang mahagip ng sasakyan. Buti na lang ay nakaiwas siya ngunit ikinadapa naman niya iyon at nahulog pa siya sa kanal. Napaiyak na lang siya sa sobrang sakit. Agad naman siyang nilapitan ng mga tambay at binuhat. Nasira ang mood niya dahil doon kaya naisipan niyang umuwi na lang. “Gago ‘yung sasakyang iyon, ah! Alam na ngang masikip lang itong daan at may mga bata pa, humaharurot pa rin!” dinig niyang asik ng isang tambay sa paligid bago siya nakapasok sa loob. Tulad ng inaasahan niya, galit na galit ang Yaya Vilma niya nang makita siya sa ganoong kalagayan. Sa banyo siya pinadiretso nito at inutusang maligo. Pagtapos naman niya, pinaakyat agad siya sa kuwarto at nilunod sa malulutong nitong sermon. Lalo pa itong nagalit nang makita ang dalawang malalaking sugat niya sa paa. “Iyan na nga ba ang sinasabi ko! Alam mo, ako ang mapapahamak sa ginagawa mong ‘yan, eh! Ako ang mawawalan ng trabaho kapag napabayaan kita! Magmula ngayon, Gianna, huwag ka nang masyadong maglalalabas, ah! Kung wala kang pasok manood ka na lang ng DVD d’yan!” Hindi na niya naisipan pang sumagot. Napaiyak na lang siyang muli sa sobrang hapdi ng mga sugat niya. At mas lalo pa siyang napapaiyak dahil sa mga sermon ng kanyang yaya habang ginagamot ito. Medyo lumuwag lang ang loob niya nang makalabas na ito. Napasandal na lang siya sa isang tabi habang pinagmamasdan pa rin ang mga sugat niyang natatakpan na ng band aid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD