TUWANG-TUWA si Gianna nang siya ang mapili ng kanilang adviser para maging Queen sa section nila. Siya ang pambato sa gaganaping King and Queen event sa kanilang paaralan.
Sa lahat kasi ng mga kaklase niya, siya lang daw ang nakitaan ng taglay na confident para lumaban sa ganoong patimpalak.
Bagamat hindi siya ang pinakamaganda, siya naman ang may pinakamalakas ang dating kaya sadyang nag-stand out siya sa lahat ng mga classmate niyang babae.
Suportado rin naman ang lahat ng mga kaklase niya sa kanya. Pinalakpakan siya ng mga ito at binati rin siya ng ilan kaya mas lalo pang lumakas ang loob niya.
Masaya niyang ibinalita iyon sa kanyang parents pagkauwi. Maging ang mga ito ay abot-tainga rin ang ngiti sa hatid niyang balita.
“Ngayon pa lang ihahanap na kita ng pinakamagandang damit na ipanglalaban mo bilang Queen!” sabi pa sa kanya ng Mommy Maricel niya.
“Huwag kang mag-alala, ‘Nak. Susuportahan ka namin. Basta magsabi ka lang kung ano ang kailangan at ipo-provide natin ‘yan para ikaw ang manalo,” wika naman sa kanya ng Daddy Bernard niya.
For the first time ay nagpakita ito ng suporta sa kanya at hindi siya hinanapan ng butas gaya ng madalas nitong gawin noon.
Doon napagtanto ni Gianna, mukhang nagbago na nga talaga ang parents niya. Hindi na sila katulad ng dati na pinagkakaitan siya ng mga bagay na gusto niyang gawin.
Siguro’y dahil na rin iyon sa galit ng dalawa noon sa isa’t isa kaya pati siya ay napagbubuntungan din ng galit. Pero ngayong bati na ang mag-asawa, ramdam na ramdam na niya ang matamis na pagmamahal ng mga magulang.
“Ang galing naman talaga ng alaga ko!” puri sa kanya ni Yaya Vilma habang magkasama sila sa kuwarto. Nagtutupi ito ng mga damit niya habang siya naman ay gumagawa ng assignment sa kama.
“Sabi pa nga po ng teacher ko, ako raw ‘yung nakita niyang may pinakamalakas na confidence kaya ako po ‘yung pinili niya,” may pagmamalaki pa niyang sabi.
“Aba siyempre naman dapat lang ikaw ang mapili, ano! Ang ganda-ganda kaya ng alaga ko…” ngiting sagot sa kanya ng yaya.
Medyo nanibago rin siya ngayon dito. Nitong mga huling araw kasi ay madalas siya nitong pagalitan dahil sa pagiging pasaway niya sa labas. Ngayon naman ay daig pa nito ang maamong tupa na panay ang puri sa kanya.
“Tapos bukas po tatawagin kami sa meeting pag-uusapan daw po ang event. Makakasama ko lahat ng mga kasali rin sa event,” dagdag pa niya. Ang dami niyang mga sinabi sa yaya.
“Okay sige goodluck sa `yo bukas. May tiwala ako sa `yo. Alam kong ikaw ang mananalo,” pagpapalakas ng loob sa kanya nito.
Nang matapos siyang gumawa ng assignment ay sakto ring natapos sa pagtutupi ang Yaya Vilma niya. Iniwan na siya nito sa kuwarto at sinabihang matulog na.
Ngunit nang siya na ang mag-isa roon, kinuha naman niya ang song book at ito ang pinagkaabalahan niyang basahin. Nakagawian na niyang basahin ang ilan sa mga lyrics doon bago matulog.
Ngunit ang binabalik-balikan talaga niya ay ang lyrics ng Sulyap. Ito ang kinakabisado niya ngayon at kinakanta tuwing mag-isa siya. Pinipilit niyang gayahin ang boses ni Angelo kahit hindi ganoon kaganda ang lumalabas na boses sa kanya.
Ang lakas talaga ng tama ng kantang ito sa kanya. Ito pa man din ang nangungunang kanta na nagpapaalala sa kanya kay Kuya Angelo niya. Tuwing maririnig niya ito, awtomatiko nang gumuguhit sa kanyang utak ang binata.
NAGTIPON-TIPON silang lahat na mga kalahok sa King and Queen sa isang bakanteng silid na hiniram ng organizer para pag-meeting-an.
Doon ipinaliwanag sa kanila kung tungkol saan ang event at kung ano ang magiging takbo nito. Magtatagal daw ito ng tatlong buwan. At sa bawat mga buwang iyon ay tatlong beses din silang makakaakyat sa stage.
Sa unang buwan ay isa-isa lamang daw silang magpapakilala sa entablado at kailangan daw nilang mag-provite ng sarili nilang motto.
Sa pangalawang buwan ay doon magaganap ang talent portion kung saan isa-isa silang magtatanghal sa harap ng maraming tao.
At sa pangatlong buwan ay muli silang magpapakilala isa-isa sa stage ngunit sa pagkakataong iyon, magsusuot sila ng costume at may makukuha rin silang puntos doon.
Lalong naging excited si Gianna sa mga narinig. Parang hindi na siya makapaghintay na makaakyat sa entablado at maipakita ang kanyang confidence sa lahat.
Ayaw niyang biguin ang kanyang teacher pati ang mga classmates niya. Ipapakita niya sa mga ito ang bagong Gianna na masisilayan nila sa harap ng entablado.
Bago natapos ang meeting, pinamigay na ng organizer ang mga ticket nila. Kailangan daw nila iyong ibenta sa mga kakilala at kamag-anak nila. Tig sandaang piso ang isa. At ang bawat ticket na mabebenta nila ay ipapa-raffle tuwing magaganap ang main event ng King and Queen tuwing katapusan.
Oras na mabunot ang isa sa mga ticket nila, may makukuhang premyo ang pinagbentahan nila pati sila rin mismo.
Iyon agad ang sinabi ni Gianna sa mga magulang pagkauwi. Ibinigay niya ang ticket sa mga ito at nakiusap na tulungan siya para maibenta lahat iyon.
“Huwag kang mag-alala, ‘Nak. Doon sa trabaho ko marami akong mapagbebentahan nito,” anang ama niya.
“Dadalhin ko rin ito sa office namin at aalukin ko ang mga kasama ko roon,” sabi naman ni Maricel.
Naghati sila sa ticket para maibenta iyon sa mga kakilala nila. Si Yaya Vilma naman ang una nilang binentahan.
“Yaya, gusto mo bang magbenta rin ng ticket?” tanong ni Maricel dito.
“Hindi kaya, Ma’am, eh. Malayo kasi ako ngayon sa pamilya ko kaya wala rin akong mabebentahan nito. E, wala pa naman akong mga kakilala rito kundi kayo lang din,” natatawa namang tugon ng babae.
“Ay oo nga pala! Sige hindi na bale, kami na lang ni Bernard ang bahala. Kailangan nating tulungan si Gianna.”
Natuwa naman ang bata nang marinig iyon. Halatang bumubuhos talaga ang suporta ng mga ito ngayon sa kanya. Sana ganoon palagi, para masaya ang buhay.
“Mommy, pahingi ako ng dalawang ticket. May pagbebentahan lang po ako sa mga kalaro ko bukas,” paalam niya sa ina nang gabing iyon.
“Bakit? Sino naman ang pagbebentahan mo? May pambili ba sila, anak?”
“Basta ako na po ang bahala. Pahingi po ako dalawa.”
Binigyan nga siya nito ng dalawang ticket. Saka siya nagmadaling pumunta sa kuwarto at itinago ang mga ito sa bag niya.
PAGSAPIT ng Sabado, maaga muling gumising si Gianna para makipaglaro sa labas. Bigla naman niyang nakita si Angelo na bumibili sa harap ng isang tindahan habang sa gitna ng daan ay may mga batang naglalaro ng Chinese garter.
Nais na rin niyang maglaro nang ganoon pero inuna niyang lapitan ang lalaki. Nagulat pa ito nang bigla niyang kalbitin sa likod.
Ngunit mabilis ding gumuhit ang ngiti sa mga labi nito nang masilayan siya. “Uy, Gianna! Good morning! Ang aga mo yata ngayon, ah.”
“Sabado po kasi, eh, walang klase.”
“Oo nga pala. Eh, di maghapon ka uli n’yan dito sa labas, ‘no?”
“Opo. E, kayo po ba?”
“Heto wala rin akong klase pero natambakan naman. May gagawin kasi kaming research project ng mga kasama ko. Para siyang mini-thesis at ire-report namin ‘yun sa Monday kaya baka hindi rin muna ako makalaro sa inyo ngayon. Sensiya na, ah.”
“Okay lang po ‘yun. Pero, Kuya, baka puwede n’yo po akong tulungan…”
Ibinulsa ng lalaki ang binili nitong tatlong pack ng kape at naupo sa gilid ng tindahan. “O, ano ba ‘yon? Tungkol saan?”
Hindi na pinatagal ni Gianna. “Para po sa school namin. Kasali kasi ako sa King and Queen. May binebenta po kayong ticket ngayon. Pa-raffle po namin. Baka gusto n’yo pong bumili.”
“Oy, talaga ba?” Natuwa ang lalaki sa balita niyang iyon. “Sige, sige, pabili ako! Magkano ba?”
“100 pesos lang po…” nag-aalangang sagot niya. Baka kasi mamahalan ito at hindi rin bumili.
Pero nakita niyang dinukot ng lalaki ang sukli nito sa bulsa. Saka nito kinuha roon ang dalawang tig singkuwenta pesos.
Agad silang nagpalitan saka siya nagpasalamat dito. Nanghiram ng ballpen ang lalaki sa tindahan at isinulat ang pangalan, address at contact number nito sa bandang gilid ng ticket.
Pinunit ng lalaki ang maliit na bahagi ng ticket kung saan nakasulat ang contact information nito at iyon ang ibinalik sa kanya. Ibinulsa naman nito sa kabilang short ang malaking bahagi ng ticket.
Kinuha ni Gianna ang isa pang ticket at nagyaya siya sa bahay nina Brandon. “Baka po puwede natin siyang kausapin na bumili rin.”
“Naku, kung si Brandon lang siguradong walang pambili ‘yun. Pero kakausapin ko na lang ‘yung nanay niya. Close kami no’n, eh, kasi alam niyang ako ang nagtuturo ng gitara at basketball kay Brandon.”
Sinamahan nga siya nito kina Brandon. Hindi na siya pumasok sa loob dahil ang batang lalaki na mismo ang lumabas nang makita sila.
Si Angelo naman ang pumasok sa loob para makausap ang nanay nito. Nagkuwentuhan naman sila ni Brandon sa may bandang garden.
Kinuwento na rin niya rito ang pagsali niya sa malaking event sa kanilang school. Sakto lang ang naging reaksyon dito ni Brandon. Dati na kasing nabanggit sa kanya ng batang lalaki na hindi ito mahilig sumali sa mga ganoong event.
Sports lang ang gusto nito at gitara. Kaya siguro pareho silang ganoon na lang ka-close kay Angelo, dahil ito ang lalaking nagtuturo sa kanila ng mga bagay na iyon.
Makalipas ang ilang sandali, lumabas na si Angelo dala ang sandaang piso at maliit na bahagi ng ticket kung saan nakasulat ang pangalan ng buyer. Muli siyang nagpasalamat dito at pasimple pa siyang nakipag-apir sa lalaki para lang mahawakan ang kamay nito.
Hindi na rin nagtagal ang lalaki roon at nagpaalam na ito sa kanila. Kailangan pa raw nitong asikasuhin ang research project kasama ang mga kagrupo. Kaya nga ito bumili ng kape para may iinumin sila sa umagang iyon.
“Ingat po, Kuya. Thank you po ulit!” pagwawakas niya sa usapan nila ng lalaki.
Sila na lamang ni Brandon ang naiwan. Niyaya niya itong sumama sa kanila. Itinago lang muna niya sa kuwarto ang dalawang ticket na nabenta pati ang dalawang-daang piso. Saka siya bumalik sa baba at naglaro na sila ni Brandon sa labas.
Tulad ng dati, uuwi siya sa tanghali para mananghalian. Magpapahinga saglit, saka muling babalik sa labas. Magtatakip-silim na natapos ang laro nila.
Pagdating niya sa loob, hindi niya pinahalata sa mga magulang ang tumatagaktak na pawis niya at baka masita pa siya ng mga ito at hindi na payagang maglaro.
Pasimple siyang umakyat sa kuwarto at mabilis na nagpalit ng damit. Nang maging maayos na muli ang hitsura niya, doon pa lang siya bumaba at tumabi sa mga ito.
Medyo malungkot ang dating ng Linggo dahil hindi nakita ni Gianna sa labas ang Kuya Angelo niya. Mukhang busy pa rin ito sa ginagawang project para sa school. Hindi naman siya maka-relate doon dahil elementary pa lang siya at hindi pa nila ginagawa iyon.
Sinubukan niyang puntahan sina Brandon ngunit sarado ang bahay ng mga ito. Mukhang umalis yata ang buong pamilya. Nakipaglaro na lang siya sa ilang mga bata roon.
Naging masaya pa rin naman ang huling araw ng weekend niya. Pero iba pa rin talaga kapag nandoon si Angelo. Mas nasasabik at sumasaya siya kapag ito ang kasama.
Medyo hindi na nga siya nito natuturuan maggitara dahil naging abala ito sa mga nagdaang araw. Ang dami nitong pinagkaabalahan sa buhay, kabilang na ang basketball event sa kanilang barangay kung saan ito nga mismo ang nanalo.
Na-miss lang niya ang lalaki kaya siya napaisip nang ganoon. Hindi niya namamalayang nakangiti na siya habang nakadungaw sa bintana nang gabing iyon.
Pagbalik ng Lunes, abala muli si Gianna sa school. Pagsapit ng break time nila, inilabas niya sa bag ang song book at ito ang binasa niya habang kumakain sa harap ng desk niya.
Pinuna naman siya ni Mark Justin na katabi niya ng upuan. Tulad niya’y kumakain din ito ng baon nito. Ang iba sa mga classmate nila ay lumabas para bumili sa canteen. Iilan lamang silang mga natira doon na pawang may kanya-kanyang baon.
“Ano ‘yang binabasa mo?”
“Song book ito. Dito kasi ako nag-aaral kumanta at maggitara,” sagot niya kay Mark Justin.
“Wow naman. Mukhang maganda ‘yan, ah!”
“Alam mo ba marunong na `ko maggitara ngayon. Meron pa nga akong tinuturuan na kalaro ko sa amin, eh. Nagustuhan niya kasi ‘yung pagtugtog ko kaya nagpapaturo na rin siya sa akin ngayon,” tila nagyayabang pa niyang sambit dito kahit hindi iyon totoo.
Gusto lang talaga niyang magpakitang-gilas kay Mark Justin dahil alam niyang marunong naman itong mag-drawing. Nais lang niyang ipakita rito na may kaya rin siyang gawin na hindi nito kaya, gaya ng paggigitara.
Tuwang-tuwa rin ang batang lalaki sa kanya. Paniwalang-paniwala niya ito sa mga sinabi niya sa kung paano tumugtog ng gitara. Kahit ang totoo, kalahati sa mga iyon ay pawang imbento lang niya dahil kaunti pa lang talaga ang nalalaman niya sa pagtugtog.
“Eh ‘di iyan na rin ang talent na gagawin mo sa King and Queen? Tutugtog ka ng gitara? Parang gusto kong manood!”
Doon siya biglang hindi nakasagot. Napasobra yata ang pagyayabang niya kaya ngayon medyo naiipit siya sa isang patibong.
Hindi niya ito masagot kung anong klaseng talent ang ipapakita niya sa event. Kahit siya ay hindi rin sigurado kung ano ang gagawin niya. Kung kakanta ba o sasayaw.
Napaisip tuloy siya. Kung sayaw na lang kaya ang gawin niya? Parang mas madali kasing matutunan iyon kaysa sa gitara.
Nais man niyang kumanta at tumugtog ng gitara sa talent portion ng event ay mukhang hindi pa niya kakayanin. Mukhang mahaba-habang pagsasanay pa ang kailangan niyang pagdaanan bago magawang tumugtog ng isang kanta sa gitara.
Pero kung hindi naman siya maggigitara, baka magduda rin si Mark Justin sa kanya. At baka mabuko pa siya nito na hindi pa naman talaga siya marunong niyon.
Ano na kaya ang gagawin niya? Sayaw o gitara? Kahit alin sa dalawang iyon ang piliin niya, kakailanganin niya ng magiging tutor.
Dahil ang ibang mga kalahok sa event, paniguradong kukuha rin ng tutor na magtuturo sa kanila ng ipe-perform sa stage.
Hanggang sa biglang pumasok sa isip niya si Angelo…