Chapter 5

2010 Words
ELARA’S POV Pinatay ko ang phone ko habang nakasakay ako sa taxi. Ayaw ko munang makatanggap ng tawag mula kanino. Maaring tawagan ako ni Tito Victor para pauwiin pero ayokong sila naman ang mag-away ni Mama dahil sa akin. Nang makababa ako ng taxi ay agad akong nagtungo sa bilihan ng ticket. Mabilis lang ang naging pila ko hanggang sa makasakay ako ng bus. Hindi ko alam kung anong buhay ang naghihintay sa akin sa pagbabalik ko ng probinsya. Mahigit sampong taon mula nang kunin ako ng ina ko at dalahin sa Maynila. Mula noon, hindi na ako nakabalik. Hinintay lang na mapuno ang bus at makalipas ang siguro ay mahigit isang oras. Umalis na ito. Kinuha ko ang phone ko. May pera naman ako kahit papaano. May naipon ako mula sa allowance ko dati. Pwede ko iyong gamitin para makapagsimula akong muli. Siguro maghahanap din ako ng trabaho, may natapos naman ako. Habang hindi pa malaki ang tiyan ko. Tumingin ako sa katabi ko nang alukin niya ako ng candy, pero umiling ako sa kaniya bilang pagtanggi. “Taga-saan ka? Mukha kasing mayaman ka,” wika niya. “San Isidro,” banggit ko sa bayan kung saan ako pinanganak. “Hindi ako mayaman, nahiyang lang siguro sa tubig sa Maynila.” “Talaga? Talaga San Isidro ka? Tagaroon din ako. Liezel nga pala,” inilahad niya ang kamay na tinanggap ko naman. “Elara.” “Sure ka taga-San Isidro ka? Hindi ka kasi pamilyar sa akin. Halos kasi ng mga taga-San Isidro kilala ko. Nagtatrabaho ba ang pamilya mo sa mga De Silva?” “Flores. Dating mayordoma ang Lola ko sa mansion ng mga De Silva, pero wala na siya,” sagot ko sa kaniya. Pero namatay ang Lola ko noong sampong taon pa lang ako. Makalipas ang isang taon matapos nitong mamatay ay kinuha ako ng ina ko sa poder ng ama ko. “Ganoon ba? Ang tatay ko rin. Dati siyang tauhan ng mag De Silva.” Ang De Silva ang pinakamayamang pamilya sa probinsya namin. May malaki silang bakahan at tahiman. Ang bahay namin ay nasa tapat ng malaking arko papasok sa kanilang lupain. Kaya noong bata pa ako, nakakapasok ako sa lupain ng mga De Silva dahil tatawid lang ako ng kalsada at kakilala ko ang halos mga tauhan doon noon dahil kay Lola. Medyo mahaba ang byahe patungo sa San Isidro kaya nakatulog ako. Nagising lang ako nang may yumuyugyog sa balikat ko kaya nagmulat ako ng mga mata. “Nandito na tayo,” saad ni Leizel. Hinilamos ko ang palad ko sa mukha ko saka ako umayos ng upo. Tumayo naman siya at kinuha ang bag niya na nakalagay sa luggage area sa may uluhan namin. Nang makaalis na siya ay tumayo na rin ako. Nasa strebo naman ang maleta ko kaya tanging ang shoulder bag na dala ko pa para pumasok sa sa opisina ang dala ko. Kinuha ng konduktok ang maleta ko saka binigay sa akin. Madaling araw na kaya iilan na lang ang sasakyan. Pero may nga tricycle pa ring nakapila na pwedeng arkilahin. Medyo mahal nga lang ang bayad pero wala akong choice. Kailangang makauwi na ako. “Kuya, sa tapat ng papasok sa De Silva,” saad ko sa driver. “200, malayo kasi tapos iisa ka lang.” “Sige po,” pagpayag ko na para lang makarating na agada ko sa bahay. Sa may bandang dulo pa talaga ang tungo ko kaya medyo malayo nga sa kabayanan. Tinulungan pa ako ng driver para maisakay ko ang maleta ko. Habang nasa byahe ay napansin kong malaki na ang pinagbago ng lugar. Wala nang lubak na mga kalsada. Marami nang mga establishment. May fast food na rin. Mukhang naging maunlad ang bayan sa mga nakalipas na taon. “Kuya, diyan lang sa tabi,” saad ko habang tinuturo ang maliit na gate kung saan may isang maliit na bahay pero dalawang palapag iyon. Huminto ang tricycle. Nagbayad ako bago bumaba. Tumingin ako sa bahay na nasa harapan ko. May ilaw sa harapan kaya maliwanag. Walang gate ang bahay at tanging mga halamang nakapaso ang nakapalibot doon. Napangiti ako. Kulay light blue na ang bahay, napansin ko rin na parang mas maayos na iyon kumpara dati dahil noong umalis ako, hollow blocks ang dingding at medyo kinakalawang na nag mga bubong. Pero ngayon makinis na ang dingding at may kulay na, maayos na rin ang bubong ng bahay. Humakbang ako papalapit sa pinto. Huminga ako ng malalim bago kumatok. Maaring tulog na si Papa dahil madaling araw na. Kaya mas nilakasan ko ang katok. “PA! PA!” sigaw ko at sumilip sa bintana pero nakasarado iyon at wala akong makita. Muli akong kumatok pero napahinto ako nang makita ko ang isang papalapit na sasakyan. Lumiko iyon papasok sa mga De Silva. Mukhang isang De Silva ang sakay noon. Nagpatuloy ako sa pagkatok hanggang sa may magbukas ng pinto. Pupungas-pungas si Papa. Kinukusot pa niya ang mga mata niya pero napahinto siya at nanlaki ang mga mata nang makita ako. “Lara?!” “Pa!” Bigla siyang naiyak at mahigpit akong niyakap. “Lara…” Yumakap ako pabalik sa kaniya. Lumayo siya sa akin at kinuha ang maletang dala ko. “Pumasok ka.” Binuksan niya ang ilaw kaya kumalat ang liwanag sa buong kabahayan. Gumala ang tingin ko sa buong paligid. Maaliwalas ang buong kabahayan. Pero napahinto ako nang makita ko ang larawan ko noong bata pa ako na nakasabit sa dingding. Katabi noon ay ang graduation picture ko. Bakit meron doon noon? Paano nakakuha ang ama ko ng larawan ko, gayong wala naman akong pinadala sa kaniyang larawan ko? “Akala ko nagbibiro ka lang na uuwi ka. Okay ka lang ba? Alam ba ng mama mo na umuwi ka?” sunod-sunod na tanong niya. Pinaupo niya ako kaya naupo ako. Ganoon din siya. “Hindi po alam ni Mama na nandito ako. Pinalayas niya ako,” napayuko ako dahil sa huling sinabi ko. “Ha? Pinalayas? Bakit ka naman palalayasin ng mama mo? May nangyari ba?” “Pa… buntis po ako…” pag-amin ko sa kaniya. Kung magagalit din siya. Tatanggapin ko. Pero mas mabuting alam na agad niya ang tunay na dahilan kung bakit umuwi ako. “Ano naman kung buntis ka. Mabuti nga iyon magkakaroon na ako ng apo,” tuwang-tuwang saad pa nito. Kanina ko pa napapansin na parang ang saya-saya niya habang nakatingin sa akin. Ilang taon kaming hindi nagkita. Tumanda na siya, may mga puti na siyang buhok. Pero hindi pa rin nawawala ang ngiti sa mga labi niya na madalas kong makita noon. “W-walang ama… ayaw ni Mama ng… ng kahihiyan kaya pinalayas niya ako. Sorry, sorry kung dito ako pumunta. Kung bigla akong umuwi dahil lang pi—” “Hindi ako galit,” saad niya bago ko pa matapos ang sasabihin ko. “Masaya akong alam mong may iba ka pang uuwian kung sakali. Buntis ka, walang ama? Oo, galit ako. Galit ako sa lalaking nakabuntis sa iyo, pero hindi ako galit sa iyo. Kaya huwag kang mag-alala. Nandito lang si Papa, sagot kita. Akong bahala sa iyo,” masuyong saad niya. Parang bukal na bumalong ang luha ko dahil sa sinabi niya. Hindi man lang siya nagalit sa akin. Na para bang tanggap na agad niya ang kalagayan ko kahit hindi ako magpaliwanag sa kaniya. Minsan, aminado akong nagtatampo ako sa kaniya dahil hindi man lang niya ako nagawang dalawin sa Maynila maliban sa ilang pagtawag niya, pero hindi ko inaasahan na siya pa pala ang matatakbuhan ko sa sitwasyon ko ngayon. Wala man lang akong makitang panghuhusga sa mga mata niya matapos niyang malaman ang kalagayan ko. Malayo sa naging reaksyon ni Mama nang malaman niya na buntis ako. Lumapit siya sa akin at niyakap ako. “Tahan na. Alam kong pagod ka pa sa byahe kaya magpahinga ka muna. Bukas mag-uusap tayong muli,” bulong niya sa akin habang hinahaplos ang buhok ko pero mas humigpit ang yakap ko sa kaniya. Pinahid niya ang mga luha ko at ngumiti sa akin. Napangiti rin ako dahil sa ginawa niya. Na-miss ko siya. Iyong mga tawanan namin dati. Iyong mga jokes niya. Iyong yakap niya. Kaya nagalit ako sa kaniya noong una dahil hinayaan niyang makuha ako ni Mama. Pero ngayong bumalik na ako, parang bumalik din ang batang ako na nagsusumbong sa kaniya kapag may umaaway sa akin. “Andronico,” biglang may tumawag sa pangalan ng ama ko. Sabay kaming napalingon at natigilan ako nang makita ko ang isang babaeng mukhang bagong gising. Siguro ay nasa thirty plus ang edad nito. Maputi siya at medyo chubby. Biglang ngumiti sa akin ang babae na para bang nakilala niya ako. “Elara?” Mas lalong kumunot ang noo ko. Saka nagtatakang tumingin kay Papa. Hindi ko kilala ang babaeng nasa harap ko ngayon, pero siya para bang matagal na niya akong kilala. “Lara, siya si Celia. Asawa ko,” pagpapakilala ni Papa na mas lalong ikinagulat ko. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa. Kay papa na nasa tabi ko at sa babaeng nakatayo sa harap naming dalawa. “Asawa?” Bakit hindi niya sinabi sa akin na nag-asawa siyang muli. Hindi sila kasal ni Mama at matagal na silang hiwalay kaya wala namang kaso sa akin kung maghanap siya ng babaeng makakasama niya sa buhay. Hindi lang niya nabanggit sa akin. Kumamot sa ulo si Papa. “Oo, tumawag ako sa mama mo noong nagpakasal ako, kaso sabi niya busy ka sa pag-aaral mo at huwag na kitang abalahin kaya hindi ko na sinabi sa iyo,” paliwanag niya. Bakit pati ang bagay na iyon ay pinakikialaman ng ina ko? Kaya wala akong alam tungkol sa nangyayari sa ama ko. “Hello po,” magalang na bati ko sa asawa ni Papa. “Pasensya na kayo kung bigla akong dumating ng walang paalam at nakaistorbo ng ganitong oras,” hingi ko ng paumanhin. “Okay lang. Kahit anong oras pwede kang dumating dito kasi pamamahay mo rin ito,”magiliw na wika niya sa akin bago siya humarap kay papa. “Bakit hindi mo ako ginising?” “Akala ko kasi kung sino lang. Hindi ko alam na si Lara pala,” katwiran naman ng ama ko. “Lara, siya ang Tita Celia mo. Celia, siya si Lara ang anak ko,” pagpapakilala ni Papa sa amin sa isa’t isa. “Hello po.” “Hello, napakagandang bata. Mas maganda ka kaysa sa picture,” papuri niya sa akin. “Teka, kumain ka na ba? Baka nagutom ka sa byahe, ipaghahanda kita,” Tatanggi sana ako pero biglang tumunog ang tiyan ko. Hindi pa ako naghahapunan. “Sandali lang. Ipaghahanda kita ng makakain,” saad ni Tita Celia at nagmamadali nang nagtungo sa kusina. Napangiti naman ako. Mukhang mabait naman ang napangasawa ng ama ko kaya hindi ako dapat mangamba. Samantalang hinatid ako ni Papa sa second floor kung saan ang magiging kwarto ko. Ito rin ang dating kwarto ko, pero hindi gaya dati na, flywood ang dingding. Semento na iyon ngayon. “Bumaba ka rin. Kumain ka muna bago magpahinga. Buntis ka kaya bawal kang magutom,” saad ni papa bago ako iniwan. Tumingin ako sa relo. Pasado alas dos na nang madaling araw. Binuksan ko ang maleta ko at kumuha ng damit pantulog. Naglinis ako ng katawan ko saka ako muling lumabas ng kwarto at bumaba. Naabutan ko si papa na naghahanda ng plato. Habang si Tita Celia naman ay nagsasandok ng niluto niya. Biglang tumaba ang puso ko habang pinapanood sila. Hindi malaki ang bahay na kinaroroonan ko ngayon, kumapara sa bahay na tinirahan ko sa Maynila, pero dito ako muling magsisimula. Kasama si Papa na tanggap ang dinadala ko at ang madrasta ko na sa tingin ko naman ay makakasundo ko. Sabay silang ngumiti sa akin nang makita nila akong bumaba ng hagdan. May humaplos sa puso ko, sa unang pagkakataon, hindi ko ramdam na iba ako. Ramdam ko ang init ng pagtanggap nila sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD