ELARA’S POV
“Anong plano mo?” tanong sa akin ni Papa habang nag-aalmusal kami.
“Maghahanap po ako ng trabaho. Hindi pa naman malaki ang tiyan ko kaya hindi pa ako nahihirapang gumalaw,” sagot ko sa kaniya.
“Nakapagpa-check up ka na ba?” tanong naman ni Tita Celia.
Umiling ako. Nang malaman kong buntis ako ay napalayas na agad ako ni Mama kinabukasan kaya hindi na ako nakapagpa-check up.
“Naku, mas mabuti siguro kung magpa-check up ka muna. Para rin maka-inom ka ng mga vitamins. Iyong trabaho, saka mo na isipin. May kita naman kami ng Papa mo, kahit ilang buwan kang walang trabaho, walang problema,” saad ni Tita Celia.
Nahihiyang ngumiti ako sa kaniya. Tatlong araw na mula nang dumating ako ng San Isidro at masasabi kong mabait talaga ang asawa ng ama ko. Kaya wala akong masabi sa kaniya. Nagpapasalamat pa nga ako na siya ang napangasawa ni Papa.
“Nakakahiya naman po. Gusto ko rin pong magtrabaho, para may ipon ako dahil alam kong hindi biro ang pagpapalaki ng bata, paliwanag ko. “Pero pupunta rin po ako ng clinic sa bayan para rin magpa-check-up muna.”
“Kung talagang gusto mong magtrabaho, titingnan ko kung may hiring sa hacienda. Dumating kasi si Sir Sean kaya medyo busy ngayon, pero ang alam ko ay aalis din siya,” saad ni Papa.
“Nandiyan si Sir Sean?” parang natutuwang tanong naman ni Tita Celia.
Umismid si Tatay.
“Narinig mo lang pangalan ni Sir Sean, sobrang laki na agad ng ngiti mo.”
Hindi ko kilala ang pinag-uusapan nila. Pero mukhang De Silva iyon dahil Sir ang tawag ni Papa.
“Ano ka ba, Andoy. Kahit sino ma-e-excite na makita si Sir Sean.” Tumingin sa akin si Tita Celia. “Apo siya ni Ma’am Amelia. Gwapo, alam sa tingin ko bagay kayo.”
“Ikaw Celia, tigilan mo si Lara. Hindi ko gusto si Sir Sean para sa kaniya, baka paiyakin lang niya ang anak ko. Alam mo naman kapag mayaman at gwapong gaya nila, hindi naman sa minamaliit ko si Lara, pero mapili sila. Hindi sila papatol sa kung sino-sino lalo na kung may anak na,” saad ni Papa bago humigop ng kape niya.
Hindi ako nasaktan sa sinabi niya. Totoo naman iyon. Sa sitwasyon ko ngayon, alam kong mahihirapan na akong humanap ng lalaki na mamahalin ako, hindi lang ako kundi ang magiging anak ko. Kaya wala sa isip ko nag humanap ng lalaki, ang focus ko ngayon ay ang maisilang ang anak ko at mapalaki siya ng maayos. Isa pa, hindi ko kilala ang Sean na tinutukoy nila.
“Saka aalis na rin ngayon si Sir, dinalaw lang niya si Ma’am Amelia bago siya umalis ng bansa. Ang alam ko si Sir Ashton ang maiiwan sa hacienda,” dagdag pa ng ama ko.
“Andiyan rin si Sir Ashton? Ibig sabihin, madaming pogi sa Hacienda ngayon,” tila kinikilig pang saad ni Tita Celia.
“Tumahan ka nga Celia. Ang tanda mo na, kinikilig ka pa rin sa apo ni Ma’am Amelia,” saway ni Papa.
“Sus, ano ka ba? Natutuwa lang ako, ang ga-gwapo kasi nila, pero huwag kang mag-alala. Mas gwapo ka sa kanila, kaya ikaw pinakasalan ko,” paglalambing ni Tita Celia at kumindat kay tatay kaya hindi ko mapigilang matawa.
Umirap naman ang ama ko pero napapangiti rin siya. Gumagat na lang siya ng pandesal at hindi makapagsungit pa.
Ang sarap nilang panuuring dalawa. Iyon bang kahit simple lang nag buhay na meron sila, halatang masaya sila at mahal na mahal nila ang isa’t isa. Noon kasing bata pa ako, naalala ko, palaging nagtatalo ang mga magulang ko. Hanggang sa umalis si Mama at iwan ako kay Papa. Nang bumalik siya, kinuha niya ako at nalaman ko lang na nagpakasal na siya sa iba.
Matapos mag-umagahan ay ako na ang nag-boluntaryong magligpit nang mga pinagkainan namin. Papasok pa kasi sila sa trabaho nila. Si papa sa Hacienda habang si Tita Celia naman ay sa school. Teacher siya sa isang public school.
“Lara, madami ang niluto ko para may pananghalian ka na rin. Initin mo na lang mamamaya, ha,” saad ni Tita Celia habang naghuhugas ako.
“Opo.”
“Alis na ako,” paalam naman ni Papa.
“Aalis na rin ako, Lara. Kapag may kailangan ka, tumawag ka lang sa amin ng Papa mo,” bilin ni Tita Celia bago siya lumabas ng bahay at nagmamadali.
May motorbike si Tita Celia kaya hindi na siya kailangang ihatid ni Papa papasok at pag-uwi. Naiiwan naman ako sa bahay kapag pumapasok sila. Kaya gusto ko rin makapagtrabaho habang nakakakilos pa ako ng maayos at hindi pa malaki ang tiyan ko. Pero dahil nasa probinsya ako, medyo mahirap maghanap ng trabaho.
Naglinis ako ng buong bahay para lang abalahin ang sarili ko at hindi ako mainip. Nasa second floor ako ng bahay. May maliit na balcony doon at may mga halaman kaya kumuha ako ng pandilig para diligan ang mga bulaklak na nasa paso. Pero habang nagdidilig ako ay napatingin ako sa malaking arko kung saan nakaukit sa itaas ang ‘Welcom to DE SILVA.’ May mahabang daan papasok doon, at medyo malayo pa bago makarating sa mismong mansion.
May kapitbahay din kami. Iisang bahay lang iyon at medyo malayo, layo na ang kasunod na bahay. Ang alam ko, nagtatrabaho din sa De Silva ang nakatira doon at may anak silang seaman at nagtatrabaho sa banko, kaya maganda ang bahay nila. Medyo malaki iyon at sementado.
Matapos kong magdilig ay napahinto ako nang makita ko ang sasakyang palabas mula sa De Silva. Hindi ko makita ang nasa loob, pero kung hindi ako nagkakamali. Iyon ang sasakyang nakita kong pumasok noong dumating ako.
Hindi ko makita ang nasa loob noon pero bigla iyong huminto kaya napakunot ang noo ko. Nakaharap sa gawi ko nag sasakyan dahil katapat ng bahay namin ang mismong arko ng mga De Silva.
Nanatili ako sa kinatatayuan ko at muling umandar ang sasakyan kaya umalis na rin ako sa kinatatayuan ko. Kung pagtatagni-tagniin ko ang sinabi ni Tatay kanina.
Dumating daw noong isang araw ang apo ni Ma’am Amelia na si Sir Sean at aalis din ngayon. Kaya maaring ang lalaking nagngangalang Sean ang sakay noon.
Eleven na ako nang umalis sa San Isidro, pero hindi ko kilala ang Sean na tinutukoy nila. Ang alam ko lang ay may tatlong anak si Ma’am Amelia, dalawang lalaki at isang babae. Pero sa pagkakaalam ko ay nanirahan sa ibang bansa ang pangalawang anak na lalaki nito. Si Ashton ang nakilala ko noong bata pa ako, dahil nagbabakasyon siya minsan sa hacienda, anak siya ni Ma’am Therese, ang bunsong anak ni Ma’am Amelia.
Pinagwalang bahala ko na lang iyon. Wala naman akong paki kahit na sino pa ang sakay ng sasakyan na iyon dahil hindi naman ako konektado sa mga De Silva. Nagpatuloy ako sa ginagawa ko. Pasado alas dose na pala nang mapansin ko nag oras kaya naghanda na ako ng pananghalian ko.
Ngayong nandito na ako sa probinsya, kahit sabihin ni Papa at Tita Celia na huwag akong mag-alala, kailangan ko pa ring kumilos. Hindi pwedeng umasa ako sa kanila. Kailangan kong maghanap ng trabaho, para mabuhay ko ang mga anak ko. Alam kong hindi madaling maging single mother, pero paninindigan ko ito. Kahit gaano kahirap, gagawin ko ang lahat para sa anak ko.
Matapos kung kumain ay gumawa ako ng resume. Kinagabihan ay sinabi ko kay Papa at Tita Celia ang plano ko. Pareho naman silang suportado sa akin.
“Ikaw ang bahala, basta kapag hindi mo na kaya magtrabaho at malaki na tiyan mo. Huwag mo nang pilitin,” bilin sa akin ni Papa.
Kaya kinabukasan ay gumayak din ako. Magpapa-check up muna ako. Pagkatapos ay maghahanap ako ng trabaho na pwede kong pasukan sa bayan. Kaya pag-alis nina Tita Celia at Papa papunta sa trabaho nila ay gumayak din ako.
Agad akong nagpababa sa isang clinic. Sinabi ko mismo sa driver na sa isang birth clinic niya ako dahalin kaya binaba niya ako sa mismong tapat ng clinic.
Dalawang tao lang ang nandoon nang mga oras na iyon kaya pagkatapos daw check-upin ng dalawang babae ay ako na ang kasunod sa pila.
Medyo umabot ng mahigit isang oras ang paghihintay ko. May fina-fill upan din sila sa akin.
Nang-tawagin ako isang babae para pumasok sa isang kwarto ay hindi ko mapigilang kabahan. May isang OB na naghihintay sa akin sa loob. Binasa niya ang pangalan ko na nasa papel. Kinuha muna niya ang timbang at BP ko bago niya ako pinahiga sa kama.
Tinanong niya ako kung kailan ang huling menstration ko. Kung may nararamdaman ba ako.
“Medyo nahihilo po ako minsan at mabilis mapagod,” sagot ko habang kinakabahan.
Tumango ang doktor. “Normal lang iyan sa mga buntis, pero titingnan natin para makasiguro.”
Naglagay siya ng gel sa tiyan ko at inihanda ang ultrasound. Tahimik lang akong nakatingin sa kisame habang naririnig ang mahihinang tunog mula sa makina. Excited na kinakabahan ako. Pero hinanda ko na ang sarili ko.
Tumingin sa akin ang doctor kaya napatingin din ako sa kaniya. Napansin kong ngumiti siya sa akin.
“Lara,” sabi niya habang nakatingin pa rin sa monitor, “may sasabihin sana ako sa’yo.”
Mas bumilis ang t***k ng puso ko. “May problema po ba, Doc?”
Umiling siya. “Wala naman. Sa totoo lang, magandang balita ito.”
Inikot niya ang screen para makita ko. May ilang maliliit na hugis na kumikislap sa monitor. Napakunot ang noo ko, bakit hindi lang isa ang bagay na nakikita ko doon.
“Congratulations. Triplets ang pinagbubuntis mo.”
Nanlaki ang mga mata ko at muntik na akong mapabangon sa kinahihigaan ko dahil sa sinabi niya.
Triplets? Parang sasabog bigla ang dibdib ko. Hindi ko alam kung magdiriwang ba ako o matatakot. Hindi lang isa, kundi tatlong baby ang ipinagbubuntis ko.
Kanina, bago ako pumunta sa clinic. Sigurado na akong kakayanin ko ang lahat, pero ngayong nalaman kong triplets ang pinagbubuntis ko, sana nga kayanin ko.
Tulala pa rin ako hanggang sa makalabas ako ng clinic. Binigyan ako ng mga vitamins na kailangan kong inumin. May mga bilin din ang doctor para hindi ako mahirapan sa pagbubuntis ko.
Pero kinakabahan pa rin ako. Paano ko bubuhayin ng sabay-sabay ang tatlong sangol na nasa sinapupunan ko?
Dinama ko ang tiyan ko. Wala pang umbok doon pero sa isipang tatlong buhay ang nasa loob noon, hindi ko alam kung mae-excite ba ako o matatakot. Pero kahit ilan pa ang nasa sinapupunan ko, hinding-hindi ko sila pababayaan.
“Kapit lang kayo, kaya natin ito,” bulong ko sa hangin.
Tumingin ako sa envelope na hawak kung saan may laman na mga resume. Mas kailangan kong magkatrabaho agad ngayon, dahil maraming gatas at diapers pala ang kailangan kung bilhin.
Nagsimula akong maglakad. Naghahanap ng pwede kung pasahan. Una akong nagpasa sa isang supermarket dahil may nakita akong hiring daw ng store manager, pero noong nagpasa ako. May nahanap na raw pala, nakalimutan lang alisin ang nakapaskil kaya muli akong naghanap ng panibago, pero napahinto ako nang parang umiikot ang paligid. Siguro dahil mainit din.
Nasa may parking ako kaya napahawak ako sa may unahan ng isang kotse para hindi ako matumba. Habang ang isang kamay ko ay nakahawak sa ulo ko.
“Miss, are you okay?” tanong sa akin ng isang boses kaya napataas ako ng tingin at nakita ko ang isang lalaking nakatingin sa akin.
Bumuka ang bibig ko pero hindi ko magawang makapagsalita. Parang tinakasan ng dugo ang buong mukha ko habang nakatingin sa matangkad na lalaking nasa harapan ko ngayon.
Mainit pero ramdam ko ang panlalamig ng mga kamay ko dahil sa kaba. Maging ang puso ko ay parang lalabas na mula sa ribcage ko dahil sa lakas ng t***k noon.
Bigla siyang ngumiti.
“You look pale. Para kang nakakita ng multo. Why are you so f*****g shocked to see me again, Elara?”