Julius Vs Flegil
-----------------
Catra
Pabalik pa lang sana kami ng silid ni Wendy, nang bigla na lang naming nakita ang mga estudyante na nagkakagulo, at nagsisitakbuhan patungo sa kung saan.
"Saan sila pupunta?" nagtatakang tanong ko kay Wendy.
"Hindi ko rin po alam e," mahinang sagot niya.
"Tara, punta muna tayo roon," aya ko sa kaniya.
Tumango na lamang siya sa akin bilang sagot. Makalipas ang ilang minuto, nagpasya na rin kaming tumakbo patungo roon. Bigla ko na lamang naalala kung anong mayroon, nang bigla kong nakita ang battlefield kung saan pumasok ang mga estudyante.
"Maglalaban nga pala ngayon sina Julius at Flegil," biglang sambit ni Wendy.
Agad na tumakbo kami ni Wendy roon. Papasok pa lang sana ako sa napakalaking gate, nang bigla na lamang akong hinila patungo sa kung saan.
"Teka, saan tayo pupunta?" nagtatakang tanong ko sa kaniya.
"Hindi iyan ang daan patungo sa itaas," saad niya habang tumatakbo, at hawak ang aking isang kamay.
Hinayaan ko na lamang siya sa paghila, at sumunod sa kaniya hanggang sa marating na namin ang isang hagdanan patungo sa itaas.
"Tara na," aya niya bago ako binitawan, at dali-daling tumakbo patungo sa itaas.
Agad na sumunod ako sa kaniya at tumakbo na rin paakyat. Mayamaya, parang mayroon na akong nasisilayan na isa pang pintuan kaya mas binilisan ko pa ang aking pagtakbo.
Pagkalabas ko roon, gayon na lamang ang aking gulat nang makita ang kabuuan ng Battlefield. Napakarami na ring estudyante ang nakaupo sa mga upuan, na matatagpuan sa bawat sulok ng Battlefield na ito.
"Doon po tayo," mungkahi ni Wendy sabay turo sa bakanteng upuan na nasa bandang gitna.
Agad na tumakbo kami patungo roon, at umupo. Nagulat na lamang ako, nang biglang lumitaw ang apat na malalaking screen, na nakatapat sa apat na sulok ng Battlefield na ito.
Sa screen na ito, kitang kita nang malapitan ang itsura ni Julius na nakangiti, at si Flegil na seryosong seryoso ngayon.
"Magandang tanghali sa inyong lahat. Ako nga pala si Redhunter, ang magiging host ninyo sa araw na ito. Muli, isang napakagandang tanghali sa inyong lahat," malakas na bati ng host gamit ang mic.
"Sino kaya sa tingin mo ang mananalo, Ate Catra?" kinakabahang tanong niya sa akin.
"Syempre si Julius," mabilis na sagot ko kay Wendy.
"Pareho po kasing malakas, at magaling sa pakikipaglaban sina Kuya Julius at Kuya Flegil e," paliwanag ni Wendy.
"Kayang kaya 'yan ni Julius, huwag kang mag-alala," matapang na saad ko sa kan'ya.
"Huwag na nating patagalan ang laban. Flegil laban kay Julius, simulan na!" malakas na sigaw ng Host.
Nagulat na lamang ako at nagsitilian ang mga kababaihan sa loob ng Battlefield na ito, nang bigla na lamang hinubad ni Flegil ang suot nitong damit, at inihagis sa kung saan.
Agad rin na nagpakawala si Julius ng napakaraming tubig, mula sa kaniyang mga palad, at ginawa itong napakalaking Waterball.
"Iyan lang ba ang kaya mo?" seryosong tanong ni Flegil.
"Wala ka ng pakialam sa kung anong gagawin ko," nakangiting tugon ni Julius.
"Wala ka na ring pakialam sa kung anong gagawin ko. Fire Destruction, Waves!" malakas na sigaw ni Flegil, bago itinutok ang kaniyang palad kay Julius.
Napapikit na lamang ako dahil sa ingay, at lakas ng pagsabog na ginawa ni Flegil. Pagkadilat ko ng aking mga mata, mayroong pananggala na gawa sa tubig, ang bumabalot ngayon kay Julius.
"Water Shield," nakangising sambit niya.
"Iyan lang ba ang kaya mo?" nakakunot na noong tanong ni Flegil kay Julius.
"Syempre, marami pa," nakangiting tugon ni Julius bago naglabas, nang napakaraming tubig mula sa kaniyang mga palad.
Mayamaya, ay bigla niya na lamang itong pinalutang, at inihagis patungo sa direksyon ni Flegil. Dahil sa bilis ng pag-atake ni Julius, wala ng ibang nagawa si Flegil kung 'di ang umatras at umilag.
"Hanggang diyan na lang ba ang kaya mo?" balik na tanong ni Julius sa mapang-asar na tono.
Makalipas ang ilang minuto, bigla na lamang itinutok ni Flegil ang kaniyang mga palad sa lupa, at gumawa ulit ng napakalakas na pagsabog. Sandali akong napapikit dahil sa kaniyang ginawa. At sa pagdilat ng aking mga mata, agad ko siyang nasilayan sa itaas habang nakalutang.
"Fire Destruction!" sigaw niya bago umikot nang napakabilis, patungo sa direksyon ni Julius.
"Fire Drill!" sigaw niyang muli.
"Water Shield Ultimate!" sigaw rin ni Julius, bago gumawa nang napakalaking pananggala na gawa sa tubig.
Nawalan ng saysay ang ginawang pananggala ni Julius. Agad rin itong nasira ni Flegil, at dire-diretsong umatake kay Julius gamit ang Fire Drill.
Sa pagbagsak ni Flegil, napuno ng alikabok ang kabuuan ng Battlefield. Wala na rin kaming maaninag sa screen dahil sa alikabok na bumabalot dito.
"Ayos lang kaya sila?" nag-aalalang tanong ko habang nakatingin sa screen.
"Magiging ayos lang po sila," halos pabulong na sagot ni Wendy.
Mayamaya, unti-unti nang naglalaho ang mga alikabok na bumalot sa buong Battlefield. Unti-unti ko na ring nasisilayan sina Julius at Flegil.
Pagkatingin ko sa kanilang dalawa, napakarami na nilang galos at mga sugat.
Maiintindihan ko kung nasugatan si Julius dahil sa ginawa ni Flegil, pero si Flegil mayroon na ring mga sugat? Tubig lang naman ang kapangyarihan ni Julius kaya, paano siya magkakasugat?
Napatigil na lamang ako sa pag-iisip, nang biglang umulan nang napakalakas. Pagkatingin ko kay Julius, seryoso na ang kaniyang mukha. Gayundin ang itsura ni Flegil.
Nagulat na lamang ako nang makitang, biglang nagliyab ang katawan ni Flegil, at binalot ng apoy.
"Mukhang magsisimula na silang seryosohin ang laban na ito, Ate Catra," saad ni Wendy.
"Nakakatakot sila pareho," mahinang sambit ko sa aking sarili.
"Fire fist of Destruction!" malakas na sigaw ni Flegil bago sinuntok ang lupa.
Bigla na lamang nagkaroon nang napakalakas na pagyanig sa kinaroroonan namin, dahil sa ginawa ni Flegil. Bigla na lamang nagliyab ang lupa, at nagsilutangan ang mga bata hanggang sa natunaw ito.
"Ang lupa, ayos lang ba talaga 'yan?" pasigaw na tanong ko kay Wendy.
"Ayos lang po 'yan, may salamangkero naman po tayong Creation Magic. Siya po ang bumubuo ng mga nasirang bagay sa academia na ito," nakangiwing paliwanag niya.
"Creation Magic? Mukhang napakaganda naman ng mahika na iyon," manghang tugon ko sa kaniya.
"Ate Catra, ang lupa!" gulat na sigaw ni Wendy, kaya napalingon ako sa kinaroroonan nina Flegil at Julius.
Gayon na lamang ang aking gulat, nang biglang naging tubig ang kaninang apoy na nagliliyab sa lupa. Bigla na lamang lumutang ang mga tubig patungo sa direksyon ni Flegil, at ikinulong ito sa isang malaki't bilog na gawa sa tubig.
"Flegil!" malakas na sigaw ko nang makitang, nahihirapang huminga sa Flegil sa loob ng bagay na iyon.
Gayon na lamang ang aking gulat, nang biglang nagbago ang kulay ng tubig. Mula sa kulay asul, bigla na lamang itong naging pula hanggang sa naging lava.
Makalipas ang ilang saglit, agad na nagsibagsakan ang mga lava at sa pagbagsak nito, agad na natunaw ang lupa na kinaroroonan niya. Mayamaya, biglang may lumabas na apoy sa kaniyang dalawang paa, at ginamit ito upang lumutang.
"Fire Destruction! Water!" sabay na sigaw nila pareho.
"Zero!" malakas na sigaw ni Flegil bago itinutok ang kaniyang palad kay Julius, at nagpakawala nang napakalakas na apoy.
"Waves!" malakas na sigaw rin ni Julius, at itinutok ang kaniyang palad kay Flegil.
Nagpakawala rin siya nang napakalakas na tubig, patungo sa direksyon ni Flegil. Nagulat na lamang kami nang makitang, biglang nagkaroon nang liwanag sa pagitan nila Flegil at Julius.
"Iyan ba ang epekto kapag nagsasama ang kapangyarihan ni Flegil at Julius?" tanong ko kay Wendy.
"Sa palagay ko, hindi. Iyan ang kapangyarihan ni Hera Diana," sagot ni Wendy sa akin.
Makalipas ang ilang minuto, tama nga si Wendy dahil sa biglang lumitaw si Diana sa gitna ng laban nina Julius at Flegil. Sari-saring bulungan ang namutawi sa buong Battlefield.
"Mga kaibigan, dumating si Hera Diana sa gitna ng laban nina Flegil at Julius. Maaari ba naming malaman, kung ano ang dahilan ng muling pagdalaw ng isang Hera sa Apreia Academy?" tanong ng Host kay Diana.
"Dito na magtatapos ang laban nilang dalawa. Flegil, kailangan mong sumama sa akin at pagbayaran ang ginawa mong kasalanan," walang buhay na utos ni Hera Diana kay Flegil.
"At anong kasalanan iyon?" nagtatakang tanong ni Flegil.
"Nakalimutan mo na ba kung ano ang ginawa mo sa kalahating bahagi ng bayang Collusius? Winasak mo lang naman iyon. Dahil sa ginawa mo, marami sa mga ordinaryong tao ang nawalan ng tirahan at pagkakakitaan. May mangilan-ngilan ding namatay dahil sa ginawa mo kaya, nararapat lamang na pagbayaran mo ito sa lihim na piitan," mahabang paliwanag ni Hera Diana.
"Ano? Lihim na piitan? Ayaw ko nga!" mabilis na tugon ni Flegil.
"Kusa ka bang sasama sa akin, o sapilitan kitang dadalhin doon?" inis na tanong ni Hera Diana.
"Basta ayoko, bakit ba kasi ang hihina ng mga ordinaryong tao e!" inis na sambit ni Flegil.
"Gano'n ba?" walang buhay na tanong ni Hera Diana.
Maglalakad pa lang sana si Flegil palayo, nang bigla na lamang binalot ng liwanag ang kaniyang mga paa.
"Sinabi kong ayaw ko e!" inis na sigaw ni Flegil.
"Hindi ito pakiusap, ang ginagawa ko ngayon ay isang pag-aresto!" nanggagalaiting paliwanag ni Hera Diana.
"Basta ayaw ko," mangiyak-ngiyak na pagtutol ni Flegil.
Makalipas ang ilang minuto, tuluyan nang binalot ng liwanag ang kabuuan ng katawan nina Hera Diana at Flegil, hanggang sa naglaho na nga ito nang tuluyan.
"Magiging ayos lang naman si Flegil, 'di ba?" nag-aalalang tanong ko kay Wendy.
"San-na l-lang talag-ga k-kayanin niya," nanginginig na wika ni Wendy.
"Ano bang mayroon sa lihim ng piitan?" tanong ko kay Wendy nang puno ng kuryosidad.
"Impyerno," mabilis na sagot niya.
Ipagpatuloy...