Hemira 1
Hemira, Anim na mga Kasamahan
Written by: BonVoyageTen
Prologue: Pahiwatig na mga Tula
* * *
Isang babaeng heneral ang naatasan
Prinsesang binihag, hanapin sa saan
Maglalakbay nang malayo, makikipaglaban
Maipon lamang, makapangyarihang mga kasamahan
*
Maalong lugar, doon magsisimula
Mga papel, makapagtuturo ng daan sa kaniya
Ngunit bantay ito ng marikit na tubig diwata
Himuking mabuti upang kaniyang makuha
*
Sunod, makikita sa papel na may dugo
Isang munti, nagiging mabangis ang anyo
Galit sa lahat, kailangang masuyo
Nang maisama sa lakbay na malayo
*
Hanapin, hanapin, isang binatang salamangkero
Hindi alam sa sarili, kaniyang makapangyarihang talento
Ituro, mahihiwagang bagay, sa kaniya ay bago
Pakiusapan na sumama sa mistikang mundo
*
Siya'y makararating sa pugad ng malalaki
Hahanapin dalawang tao, katulad niya'y munti
Siya'y makikipaglaban sa may-ari sa mabuti
Gagawa ng pabor nang puso ng nagmamay-ari sa masama'y mahuli
*
Berdeng kapaligiran, sundan, maglakbay pa
Nag-iikot na dalaga, nagtataglay ng gandang mutya
Magtutuyo sa sugat, magpapawala sa sakit na dama
Kakayahang ilipad ka, pili man lamang din kaya
* * *
Chapter 1: Labanan sa Gemuria
~Tagapagsalaysay~
"Protektahan ang palasyo!" sigaw ng babaeng mandirigma sa kaniyang mga kasamahan sabay saksak sa kalaban na nasa kaniyang harapan na dapat ay aatakihin na siya.
"Opo!" Nagpuntahan ang marami pang mandirigma sa may pinto ng palasyo gaya ng kaniyang utos.
Ang lahat ay kasalukuyang nakikipaglaban sa isa't isa. Libong mga mandirigma ng kahariang Gemuria laban sa mga MOSTRO.
Ang mostro ay ang tawag sa iba't-ibang klase ng mga halimaw at masasamang nabubuhay.
Tanging maririnig ay ang mga kalansingan at pagtatama ng mga espada at sandata sa isa't isa, sigawan ng sakit at pagsugod pati na ang atungal ng mga halimaw na kanilang mga kalaban.
Napatingin ang babaeng mandirigma sa may malaking pintuang yari sa kahoy na daan papasok sa palasyo. Nakasara iyon ngunit may mga kalaban na may buhat na malaking-malaking katawan ng puno at saka iyon ipinangsasalpok doon. Umaalingawngaw ang napakalakas na tunog na ginagawa niyon at puro malakas na pagsabog din ang tumutulong na sumira doon.
Mayroon ding mamamataang mga nabubuhay na lumilipad sa kalangitan. Ang iba'y kakampi nila na mga puting maheya na kayang-kayang lumipad na walang kahit anong sinasakyan dahil sa kanilang gamit na mahika at ang marami naman ay mga itim na maheya na kanilang kalaban.
Paikot-ikot din sa himpapawid ang mga uwak na pagkalaki-laki na aakalain nang mga taong may pakpak. Ang mga iyon ay tinatawag na KROWA na nang-aatake ng mga puting maheya.
Unti-unting dumilim ang kalangitan nang may makapal at itim na usok ang siyang humarang sa sinag ng araw.
Nakita niyang limang itim na maheya ang nakabilog at magkakahawak ang kamay hindi kalayuan ang sumasambit ng kung anu-anong mga salita upang gumawa ng itim na mahika na nagpapadilim ng langit ngunit naibalik ang atensyon niya sa palasyo nang marinig ang malakas na pag-ingit ng isang pinto.
Namilog ang kaniyang mga mata nang makitang unti-unting bumubukas na iyon.
Nasira na ang napakatibay na pangharang sa loob ng pintong iyon! Pati ang mga bantay na naroroon na gumawa ng mahikang panangga ay kakaunti na lamang ang bilang. Isa sa natira sa mga iyon ay ang pinakapinuno ng hukbo ng mga maheya at hindi na rin nito magawang pigilan ang pagdumog ng mga kalaban sa pagpasok sa palasyo.
Unti-unti na ring nauubos ang kanilang mga mandirigma at ang mga natira na lamang ay ang mga pinakamalalakas ngunit kulang na kulang naman ang kanilang bilang upang matalo ang mga kalaban.
Nakuyom niya ang kaniyang mga kamao sa nangyayari. “Paslangin ang lahat ng kalabang nakapasok sa palasyo! Wala kayong ititira kahit na isa!” malakas muli niyang sigaw sa mga kakampi at dadalo na ng tulong doon nang may pumalibot sa kaniyang mga mandirigma na suot ay itim na mga baluti. Walo ang mga itong nakapalibot sa kaniya at may hawak na mga espada at kalasag. Wala pang mga galos o sugat ang mga ito at halatang hindi siya hahayaang makatulong na protektahan ang kanilang palasyo.
“HAAAAH!” Sumugod na ang lahat ng mga ito sa kaniya nang sabay-sabay kaya naman buong lakas niyang iwinasiwas paikot ang kaniyang espada upang walang makalapit. Napaatras naman ang mga ito sa lakas ng pwersang lumabas mula roon.
Kahit na may kalasag ang mga ito na ipangpanangga nila sa kanilang mga sarili ay kayang-kaya niyang sirain iyon sa isang pukol lamang ng kaniyang espada. Ganoon siya kalakas ngunit naramdaman niya ang isang matulis na bagay ang bigla na lamang tumarak sa kaniyang tagiliran. "GAAAAAAAHHHH!" sigaw niya sa sakit nang hugutin iyon papaikot ngunit agad niyang iwinasiwas ang kaniyang espada sa direksyon niyon subalit wala siyang tinamaan. Hindi niya nagawang tamaan ang sumaksak sa kaniya. Ni hindi niya nga rin naramdaman ang paglapit niyon sa kaniya bago siya atakihin.
Napaluhod siya sa sakit at hinawakan ang kaniyang sugat. Nang tingnan niya ang kaniyang kamay ay basang-basa iyon ng sarili niyang dugo. Napangiwi pa siya dahil ramdam niya na malalim ang kaniyang tinamong saksak ngunit hindi siya pinanghinaan ng loob.
Kahit na masakit ay pinilit niyang tumayo dahil isa siyang mandirigma. Wala siyang pakialam kahit na mamatay pa siya sa labanan, maprotektahan niya lamang ang kanilang kaharian.
Doon ay unti-unting nabuo ang isang itim na usok sa kaniyang harapan at nag-anyong tao iyon. Agad niyang inihanda ang sarili sa pag-atake sa nabubuhay na iyon.
Isang lalaki ang nabuo roon at kung titingnan ay tila magkasing edad lamang silang dalawa dahil may kabataan ang itsura nito at may kakisigan din ngunit hindi siya nagpaloko sa panlabas na anyo nito. Sigurado siyang balat-kayo lamang nito iyon.
Ramdam niya ang kakaibang prisensya rito. Hindi prisensiya ng isang tao kundi sa iba. Ang lahat ng suot nito ay itim miski na rin ang kapa nito na may talukbong at may hawak din itong espada na may bahid ng dugo na nagtutulo sa lupa. Natanto niya roon na ito ang sumasaksak sa kaniya kanina.
Tumingin ito nang deretso sa kaniya at sinalubong naman niya iyon ng masamang tingin. Handa niya na itong atakihin sa isang maling galaw lamang nito ngunit nginisian lamang siya nito. Sumenyas din ito sa mga kakampi na iwanan na sila at gaya ng nais nito’y nagsi-alisan na nga ang mga kalabang mandirigma saka nakipaglaban na lamang sa mga tagaGemuria.
Dinidilaan ng lalaki ang espada nito na mayroong bahid ng kaniyang dugo. "Masarap ang iyong dugo mandirigma."
Humigpit ang hawak niya sa kaniyang espada. "Ano ang inyong pakay?! Bakit n'yo sinasalakay ang aming palasyo?!" matapang na tanong niya rito kahit na habol na niya ang kaniyang hininga dahil kanina pa siya nakikipaglaban. Nanghihina na rin siya dahil sa patuloy na pag-agos ng dugo mula sa kaniyang nasaksak na tagiliran ngunit hindi niya iyon pinahahalata rito.
"Huwag kang hangal!" sigaw nito ngunit hindi siya nagpatinag. "Bakit ko naman sasabihin na ang pakay namin dito ay ang bihagin ang inyong prinsesa?!"
Namilog ang kaniyang mga mata at natigilan naman ito nang sabihin iyon.
Agad siyang napatinging muli sa palasyo.
"Ikaw! Ano ang ginamit mong mahika sa akin upang ako'y iyong mapaamin?!" bintang nito kaya nakuha muli nito ang kaniyang atensyon at sa poot ay unti-unting nagbago ang itsura nito.
Naging mabalasik na ang mukha nito.
Ang pantay-pantay na ngipin nito'y naging matutulis na at may nagtutulong dugo at mga laman na nakasabit sa mga gilid niyon. Ang matangos na ilong nito ay nawala at napalitan na lamang ng dalawang butas. Naging kulay pula rin ang balat nito at lumaki ang mga bisig, binti pati na rin ang mismong katawan ng nabubuhay.
Isa itong halimaw na BEGUSTA!
Nahilakbot siya sa nasaksihang pagbabagong anyo nito. Hindi niya inakalang makakakita siya ng isang begusta sa buong buhay niya na kayang mag-anyong tao.
Hindi na nga mapakali ang kaniyang loob dahil sa nalaman niyang plano ng mga ito sa kanilang prinsesa ay tumindi pa lalo ang pangamba sa kaniyang dibdib dahil batid niya na mahihirapan siyang talunin kaagad ito kaya naman napahigpit lalo ang hawak niya sa kaniyang espada.
*Kailangan na ako ng prinsesa. Kailangan ko siyang maprotektahan! Ito ang kasalukuyang pumupuno na mga salita sa kaniyang isipan ngunit unti-unti niyang kinalma ang sarili upang bigyan muna ng atensyon ang kalabang nasa harapan. Batid niyang hindi niya mapupuntahan kaagad ang prinsesa dahil siguradong hahadlangan siya nito kaya muli niyang inihanda ang sarili sa pag-atake.
Nagngangalit pa rin ang Begusta sa kaniya. "GAAAAAAAWWWRRR!" Itinapon nito ang hawak na espada saka siya'y sinugod. Napakabangis ng pag-angil nito at kinalmot siya gamit ang mas humaba at tumulis pa nitong mga kuko ngunit naiwasan niya iyon.
Hanggang…
"GAAAAAAAAAHHHH!" kaniyang sigaw nang masabuyan ng laway nito sa balikat at ramdam niya ang matinding hapdi niyon na tila asido sa kaniyang balat. Nawala ang konsentrasyon niya sa pakikipaglaban dahil doon at nang malakas nitong kinalmot ang kaniyang braso ay hindi niya iyon nagawang maiwasan. Naramdaman niya ang mahahaba nitong kuko sa loob ng kaniyang laman ngunit hindi niya hinayaang hindi kaagad siya makaganti.
Mabilis ang naging pangyayari at kaagad niyang naitarak ang espada niya sa sikmura nito. "GAAAAAAAAWWWRRR!" Hindi nito nailagan iyon dahil hindi nito inaakalang makakabawi kaagad siya.
Hinugot niya na ang espada mula rito papaikot gaya ng ginawa nito sa kaniya kanina at umagos ang kulay berdeng likido mula sa pinagsaksakan niya rito saka mabilis din na nahiwaan niya ito sa pisngi.
Mas lalong bumalasik ang itsura nito sa galit. "GAAAAAAWWWWWWRRR!" Sumugod muli ito gamit ang matutulis nitong mga kuko ngunit sinangga niya iyon ng kaniyang espada.
Napakalakas nito kaya ginamit niya ang lahat ng kaniyang natitirang lakas sa pagsangga ngunit nadadaig pa rin siya nito kaya umuurong na ang kaniyang mga paa. "GAAAAAAHHHHH!" sigaw niya sa sakit dahil napepuwersa nang lubos ang kaniyang sugat sa tagiliran at pati na sa braso.
Kakalmutin na naman siya nito gamit ang isang kamay naman nito ngunit agad niyang sinipa pataas ang isang espadang nakakalat sa kaniyang paanan saka sinalo iyon at ipinangsalag agad doon. Naka-ekis na ang kaniyang mga braso upang mapigilan ang mga kamay nito.
“Iiiigggghh!” Hirap na hirap na siya sa posisyon nilang iyon at nakalalamang ito sa kaniya dahil kaunting puwersa na lamang nito ay tuluyan na siya nitong magagapi.
Ang lapit ng mukha nila sa isa't isa kaya naman kitang-kita niya kung gaano kabalasik ang itsura nito at ang kakaiba ay pulang dugo ang tumutulo mula sa nahiwa niyang pisngi nito. Bigla itong umatungal nang malakas sa kaniyang mukha at amoy na amoy niya ang napakasangsang na hininga nito. Ngunit nang mapansin niya ang sikmura nito na nagawa niyang masaksak kanina ay namilog ang kaniyang mga mata. Unti-unting sumasara na ang sugat doon na tila kusang gumagaling.
"Ahhhhhhhhh!"
Ang malakas na tiling iyon ng isang babae ang nagpalingon sa kaniya sa direksyon niyon at ang nagpatigil din sa marami sa pakikipaglaban.
Kinuha namang tsansa iyon ng halimaw niyang kalaban na siya’y daigin pa lalo. “GAAAWWWRR!” Sinipa siya nito sa sikmura na sa lakas ay nagpatalsik sa kaniya sa malayo at sumalpok pa siya sa isang kalabang mandirigma na abalang makipaglaban sa isang tagaGemuria.
Habol niya na ang kaniyang hininga ngunit sa lakas ng determinasyon niya ay nagawa niya pa ring ibangon ang sarili.
Natilamsikan siya ng dugo bigla nang saksakin ng isang tagaGemuria ang kalabang nasalpok niya kanina na siya’y aatakihin na sana. “Heneral!” Gusto pa sana siyang tulungan nito sa pagtayo.
"Heneral Hemira!" nag-aalalang tawag din sa kaniya ng mga mandirigma sa malapit.
Dahil sa nawala ang atensyon ng mga ito sa kani-kanilang mga kalaban ay sinamantala ng mga iyon ang bukas na galaw na iyon. Pinagsasaksak ang mga ito kaya nalingon niya ang mga ito.
"Mga hangal! Huwag ninyong alisin ang inyong atensyon sa inyong mga kalaban!" galit na sigaw niya sa mga ito dahil sa pagiging pabaya sa labanan.
Tumango naman ang mandirigmang gustong tumulong sa kaniya kanina at bumalik na sa pakikipaglaban. Siya naman ay agad na hinanap ang binibining pinanggalingan ng hintatakot na tili kanina.
Nahawi ang mga naglalaban sa harapan ng palasyo at lumabas mula roon ang isang itim na kabayo na doble ang laki sa pangkaraniwang kabayo. May napakalaki itong pakpak na tila ba sa isang paniki. Matutulis ang dulo ng mga pakpak na iyon.
Isang PEREUS!
Tumatakbo iyon at binabangga ang kahit na sinong madaanan, mapakalaban man o kakampi. Ang mga yabag niyon ay napakalalakas na nagpapayanig nang kaunti sa lupa.
Napatingin siya sa dalawang taong nakasakay roon. Isang napakagandang binibining nakalugay ang buhok ang nasa unahan at siyang nagpapatakbo ng Pereus. Ang suot nito ay tanging ang maseselang parte lamang ang natatakpan ng pulang tela ngunit nang mapadako ang kaniyang tingin sa likuran ng babaeng iyon ay namilog ang kaniyang mga mata.
"PRINSESA CERES!" gimbal na gimbal niyang sigaw.
Mahigpit na nakatali ang katawan nito ng lubid na ang parteng dulo ay hawak ng babaeng nakapula at kitang-kita ang pagluha ng prinsesa sa takot.
Nabihag na ang kanilang maharlika!
Unti-unting bumakat ang mga litid sa kaniyang leeg dahil sa lubos na pagtatagis ng kaniyang mga bagang at labis din ang pagkuyom ng kaniyang kamao sa hindi pagkapaniwala sa nakikita.
Unang naging reaksyon ng kaniyang katawan ay ang pagtakbo papunta sa mga ito. "PRINSESAAAA!" sigaw niya at tanging ang pagliligtas lamang dito ang pumupuno sa kaniyang sistema sa ngayon. Pinaghihiwa at saksak niya ang mga kalabang humaharang sa kaniya at kahit na napakaraming sugat ang kumikirot sa kaniya sa sakit ay tila namanhid na siya.
Napatingin naman kaagad ito sa kaniya at agad siyang nakilala. "Hemira! Tulungan mo ako!" hintatakot na hingi nito ng tulong sa kaniya.
Nakita niyang tumigil ang Pereus sa pagtakbo dahil hinila ng babaeng nakapula ang lubid na nakakabit sa leeg nito. Napatingin din ito sa kaniya at siya'y nginisian saka biglang sinabunutan ang kanilang prinsesa na nasa likuran nito.
"Ahhhhhhh!" sigaw naman ng walang kalaban-laban na maharlika sa sakit dahil sa mahigpit na pagkasabunot sa itim na itim na buhok nito.
"PRINSESA!" halos maputol ang litid niya sa lakas ng kaniyang sigaw sa pag-aalala para rito subalit hindi niya kaagad ito madaluhan dahil malayo pa rin siya sa mga ito sa dami ng gustong humadlang sa kaniya. Kahit ang mga puting maheyang nais tulungan ito ay dinadagsa ng mga kalaban sa himpapawid.
“LAPASTANGAAAN! Bitiwan mo ang aming prinsesa!” poot na poot na sigaw niya sa babaeng nakapula at patuloy pa rin ang mabilis na pagtahak niya papunta sa direksyon ng mga ito. Tinutulungan na siya ng mga kakampi na iwaksi ang mga kalabang humaharang sa kaniya.
Napataas naman ang isang kilay ng babaeng nakapula saka napangisi na halatang naaaliw sa kaniyang poot na reaksyon.
"Paano iyan? Hindi ko nais gawin iyon~" nang-uuyam na wika nito pagka'y ngumiti nang pagkatamis-tamis na nang-aasar pa rin at hinigpitan muli ang pagkakasabunot sa prinsesa.
Sinugod na rin ito ng mga mandirigma ng Gemuria pati ng mga maheya ngunit isang pagaspas lamang ng Pereus ng napakalaki nitong pakpak ay nagsisiliparan na ang mga iyon palayo. Hindi naman maaaring paliparan nila ito ng mga sandata dahil maaaring madamay ang kanilang prinsesa.
Ni walang makalapit sa babaeng nakapulang iyon upang mailigtas ang kanilang maharlika.
"Hemira!" tawag muli sa kaniya ng prinsesa at nakita niyang isang pulang usok ang bumalot dito na nagmumula sa kamay ng babaeng nakapula. Doon ay bigla na itong nawalan ng malay.
Namilog ang kaniyang mga mata at mas lalong nagtagis ang kaniyang mga bagang.
"Napakaingay ng inyong prinsesa!" may pagkainis nitong sabi. "Masakit sa pandinig ang kaniyang tinig kaya siya'y akin munang pinahimbing ngunit ano ang iyong malay? Maaaring maisipan ko rin na hindi na siya gisingin pa... habangbuhay! KYAHAHAHAH!" Tumawa ito nang napakatinis.
Poot na poot na siya ay nadagdagan pa iyon nang biglang haranging muli siya ng Begustang kalaban niya kanina kaya napatigil siya sa pagtakbo.
“Tayo ang magkalaban mandirigma.” nakangising wika nito.
“Wala akong panahon sa’yo!” Sa pagmamadali ay isang maliksing paghiwa kaagad ng espada niya sa kabilang pisngi nitong wala pang sugat ang napatamo niya rito na nagpasirit ng pulang dugo nito mula roon. Dahil doon ay magkabilang pisngi na nito ang may hiwang sugat mula sa kaniya. Mataas din siyang tumalon saka paikot na sipa sa gilid ng mukha nito ang mabilis na pinatikim niya rito na nagpatalsik pagilid dito. Sumalpok naman ito sa isang malaking bato.
Mabigat na ang kaniyang paghinga sa pagod ngunit ipinagpatuloy niya na ang pagtakbo sa direksyon ng Pereus.
Kahit na sa bawat pagtapak sa lupa ng kaniyang mga paa ay kasabay niyon ang lubusang pagkirot ng kaniyang tagiliran at hawak niya rin ang kaniyang brasong may malalaking kalmot kung saan nagtutulo ang masaganang dugo. Kahit na ganoon ay mas lalo niya pang binilisan ang kaniyang pagtakbo sa abot ng kaniyang makakaya.
Malapit na siya sa mga ito nang magsimulang ipagaspas ng Pereus ang pakpak nito at gumawa iyon ng napakalakas na hangin. Nilipad palayo ang lahat ng malapit doon na mga nabubuhay.
Napatigil muli siya sa paglapit sa mga ito at ipinangharang ang braso sa kaniyang mukha upang hindi siya mapuwing sa mga lupang sumama na sa hangin.
"Kyahahahahaah! Paalam mga talunan! Sa amin na ang inyong prinsesa! Kyahahaahaha!"
Pinilit niyang tingnan ang babaeng nakapulang iyon na walang tigil sa pagtawa nang matinis. Nakuyom niya nang labis kaniyang kamao at agad na hinabol ang papalipad sa ere na Pereus na iyon kahit na napakalakas ng hangin na humahampas sa kaniya.
Ang ibang mga nabubuhay na sumalakay sa kanilang palasyo ay isa-isa nang naglaho sa pamamagitan ng mga itim na usok pati na rin ang kanilang mga napaslang sa mga ito. Pati ang begustang kaniyang kalaban na nag-anyong tao nang muli ay naglaho na rin.
Tumigil na siya sa pagtakbo at inistima kung gaano siya kalayo sa babaeng nakapula na sakay ng nasa ere nang Pereus. Bumuwelo na siya upang ihagis ang kaniyang espada sa babaeng iyon. "HAAAAAAHHHH!" Buong lakas na ibinato niya ang kaniyang espada sa direksyon nito at lumipad ‘yon papunta rito na tawa pa rin nang tawa.
Nang malapit na ang espada rito ay nailagan nito iyon kahit papaano sa kakaunting galaw at napatigil na rin ito sa mapang-uyam na pagtawa.
Tumingin ito nang masama sa kaniya dahil sa kaniyang ginawa ngunit napalitan din iyon ng isang mapang-asar na ngiti. "Ha! Ganiyan lamang ba ang kaya ng isang heneral ng mga mandirigma? Mga wala kayong silbi! Kyahahahaah—" Napatigil ito nang maramdaman ang dugo na tumulo mula sa pisngi nito.
Nagkaroon iyon ng hiwa na gawa ng espadang hinagis niya rito. Unti-unting puminta ang galit sa magandang mukha nito dahil sa sugat na nakuha mula sa kaniya. "IKAAAW!" Bababa na sana ito ng Pereus upang siya'y sugurin ngunit isang itim na usok ang lumabas sa ere malapit dito.
Nabuo mula roon ang isang taong nakatalukbong ang ulo at naka-kapa rin ng itim. Hindi iyon ang taong Begusta na nakalaban niya dahil iba ang prisensya nito roon. Sumenyas ito ng pagpigil sa babaeng nakapula na handang-handa nang bumaba upang siya'y gantihan at napipilitan naman itong tumalima. Wala itong nagawa kundi ang pukulin na lamang siya ng masamang tingin.
Napatingin siya sa taong nakatalukbong na iyon. Kahit na hindi niya makita ang mukha nito ay nakaramdam siya ng pangingilabot sa buo niyang katawan sa hindi niya malamang dahilan.
Napatingin din ito sa kaniya at nakita niya ang mukha ng isang lalaki. Mas lalo siyang nangilabot nang ngitian siya nito.
Pinagaspas nang muli ng Pereus ang pakpak nito at lumipad na palayo kasama ang nakatalukbong na taong iyon.
"PRINSESAAAA!" Sinubukan niya pang muling habulin ang Pereus ngunit bigla na lamang itong naglahong tilang bula sa kalangitan sa pamamagitan ng itim na usok.
Pati na ang iba pang natirang mga mandirigma at maheya ng Gemuria ay sumubok ding humabol ngunit wala na talaga ang mga ito.
Wala na ang prinsesa ng kanilang kaharian dahil dala na ito ng mga kalaban at wala silang nagawa upang mapigilang mangyari iyon.
* * *
Mostro - ito ang tawag sa lahat ng mga masasamang nabubuhay na kahit nasa anong lahi pa nabibilang.
Puting Maheya - mabubuti silang mga tao at marunong silang gumamit ng iba't-ibang mahika ngunit ginagamit lamang ng mga ito ang kanilang kapangyarihan sa kabutihan.
Itim na Maheya - kabaliktaran sila ng mga puting maheya. Masasama sila at pumapaslang sila ng taong mayroon silang galit. Gumagamit sila ng sumpa at mga masasamang mahika.
Begusta - Isang mabangis at malakas na hayop ngunit hindi ito matalino. Ang alam lang nito ay kung ano ang makikita nito ay isang pagkain kahit ano pa iyon. Kaya nilang pagalingin ang sugat na kanilang natamo sa maikiling oras kaya mahirap silang talunin.
Pereus - Ang mga pereus ay kilalang-kilala sa pagiging mabangis at sobrang taas ng lipad. Kaya nitong protektahan ang sarili sa mga atake ng kalaban sa pamamagitan ng pagbalot sa sarili ng malaking pakpak nito. Napakalas din nitong sumipa na kayang bumutas ng isang makapal na kalasag.
Krowa - mga uwak na mga nabubuhay ngunit ang pinagkaiba ay lumalaki sila nang higit pa sa laki ng mga tao sa mahabang taon na lilipas dito.
Hukbo ng mga mandirigma nila Hemira - Sila ang mga mandirigmang tao na sandata ang panlaban at lakas. Sila ang nasa pinakaunahan parati ng labanan.
Hukbo ng mga maheya - Sila naman ang may mga mahika na nagbabantay rin sa palasyo at nasa likuran sila ng mga mandirigma dahil isa rin sila sa dapat protektahan ng mga ito. Kakaunti lamang sila kumpara sa mga mandirigma ngunit malalakas namang tunay at hasa.
Ipagpapatuloy…