KANINA pa sila nakauwi buhat sa bahay ni Eynon pero hindi dalawin ng antok si Maxine.
Bumangon siya at umibis sa kama.
Tinungo niya ang pintuan at lumabas ng silid.
Sumalubong sa paningin niya ang karimlan.
Gaya ng nais ni Kyzer ay ini-off na niya ang ilaw roon kanina.
Tumingin siya sa direksyon ng silid ni Kyzer kahit pa nga hindi naman niya iyon naaaninaw.
Sa tingin niya ay tulog na ito.
Tahimik na tahimik na ang gabi.
Sinubukan niyang mangapa sa dilim imbes na buksan ang ilaw upang hindi malaman ng binata na lumabag siya sa isa sa rules nito.
Nangapa siya at sinubukang marating ang home mini bar ni Kyzer.
Hindi siya tumikim ng alak sa birthday celebration ni Eynon kanina dahil may kakaiba siyang ugali kapag nalalasing kaya matagal na niyang kinalimutan ang alak hindi pa man siya pumapasok sa kumbento.
Pero ngayon ay gusto niyang tumikim ulit noon para lang makalimutan ang ilang mga bagay na gumugulo sa kanyang isipan ng mga sandaling iyan.
Napangiti siya sa dilim nang sa tingin niya ay narating niya ang mini bar pagkaraan ng medyo mahabang sandaling pangangapa sa dilim.
Nakakapa na niya ang counter noon.
Muli siyang nangapa at pumasok doon hanggang sa mahawakan niya ang hanay ng mga alak sa wine rack.
Basta na lang siya dumampot ng isa sa mga bote roon at agad iyong binuksan.
Tinungga niya iyon at hindi niya napigil ang mapaubo.
Gumuguhit sa sikmura niya ang init noon.
Sadya bang hard ang alak na nakuha niya o talaga lang hindi na siya sanay uminom?
Muli siyang lumagok noon at gaya kanina ay muli siyang napaubo, ganunpaman ay hindi siya nagpatinag.
Tumungga siya ng tumungga noon hanggang sa maramdaman niya ang pamamanhid ng kanyang mga palad at labi.
Sinikap niyang kapain ang kinalalagyan noon kanina upang ibalik na ang bote ng alak doon.
Medyo namimigat na rin ang talukap ng kanyang mga mata kaya tiyak na makakatulog na siya.
Sinubukan niyang ibalik ang bote ng alak doon pero nagulat siya ng bumagsak iyon sa marble floor at nabasag.
Napaatras siya habang nag-aalala sa p'wedeng maging reaksyon ni Kyzer kapag nalaman nito ang tungkol sa ginawa niyang iyon.
Nangangatog ang tuhod na sinikap niyang mangapa ulit upang bumalik na sa silid niya pero biglang kumalat ang liwanag doon.
Muntik pa siyang takasan ng kaluluwa nang makita si Kyzer na nakaupo sa bar stool doon sa tabi ng switch ng ilaw.
May bote ng alak at wine glass na may kalahati pang laman sa harap nito.
Base sa ayos nito, nandoon na ito bago pa man siya dumating doon at nakikiramdam lamang sa mga kilos niya sa dilim.
Natuog siya, hindi dahil nahuli siya nito sa paglabag sa rules nito at nakabasag na naman, kun'di dahil wala na naman itong kahit na anong saplot sa katawan.
Hindi niya kinaya ang tanawing iyon.
Mag-aantanda pa sana siya ng krus pero hindi na niya nagawa dahil nag-collapse na siya.
LIWANAG ng paligid ang gumising sa nahihimbing na diwa ni Maxine.
Iminulat niya ang mga mata at bahagya pang nasilaw nang tumama sa mukha niya ang sinag ng araw na lumalagos sa nakahawing kurtina sa glass window.
Akmang babangon na siya nang matigilan.
Napansin niya na naka-panty at bra na lamang siya, bagay na hindi naman niya ginawa buong buhay niya kapag natutulog siya.
Sumikdo ang dibdib niya nang biglang maalala ang nangyari kagabi.
Pinakiramdaman niya ang sarili partikular sa kanyang p********e.
Wala naman siyang maramdamang kakaiba roon.
Pero malay ba niya kung may ginawa sa kanya si Kyzer habang wala siyang ulirat gayong nagawan nga siyang hubaran nang hindi niya namamalayan o natandaan.
Bumangon siya at umibis sa kama.
Nagbihis siya.
Tapos ay lumabas ng silid at tinungo ang silid ni Kyzer para komprontahin ito.
Aba oo nga at may atraso siya rito dahil sa paglabag niya sa rules nito pero hindi ibig sabihin noon ay p'wede na nitong gawin kung ano mang ginawa nito sa kanya kagabi habang wala siya sa kamalayan.
Nang sapitin niya iyon nakita niyang nakaawang ang pintuan ng silid nito kaya naman naisip niyang p'wede siyang pumasok.
Kumatok muna siya bago iyon itinulak pabukas.
"Kyzer," tawag niya rito pero wala ito roon.
Lalabas na sana siya ngunit napatingin siya sa isang pintuan na kanugnog ng silid nito.
Nakaawang din iyon at bahagyang lumalabas doon ang mahinang tunog ng masiglang musika.
Lumakad siya palapit doon.
Itinulak niya iyon pabukas at ang repleksyon niya sa full-lenght mirror na naroon ang sumalubong sa kanya.
Iyon ang gym. May pintuan pala patungo roon buhat sa silid nito, hindi niya iyon napansin nang gamitin niya ang gym.
Nakita rin niya ang repleksyon ni Kyzer sa salamin na noon ay nagpu-push up sa carpet tiled floor imbes na gumamit ng mga equipment na naroon.
Pero agad din niyang nahulaan kung bakit.
Inaasahan na nito na pupuntahan niya ito doon kaya heto at ginagawa nito iyon.
Imbes na angatin nito ang sarili para sa perpektong push up ng isang lalaki ay ang ibabang bahagi lamang nito ang iginagalaw.
Suwabe nitong iginagalaw ang balakang nito taas baba habang pilyong nakangiti at nakatingin sa kanya sa pamamagitan ng salaming iyon.
Saltik ang mga bagang na tinalikuran niya ito at nagmamadaling bumalik sa inuukupa niyang silid habang paulit-ulit na nag-aantanda ng krus.
Dumiretso siya sa bathroom at agad na itinapat ang sarili sa shower hindi pa man nahuhubad ang kasuotan.
Baka kailangan na niyang umalis sa poder ni Kyzer dahil kung hindi, baka kaladkarin lang nito malamang ang kaluluwa niya sa dagat-dagatang apoy ng impyerno.
Nang matapos siya roon ay agad niyang kinuha ang maleta niya na iniuwi ni Kyzer doon nang nagdaang gabi.
Hindi niya inalis doon ang mga laman noon dahil wala naman talaga siyang planong magtagal doon sa bahay ng binata.
Naghanap siya ng isusuot doon hanggang sa makita niya ang kanyang nun suit.
Saglit siyang natigilan bago iyon kinuha.
Si Mother Superior mismo ang nag-ayos ng mga gamit niya nang umalis siya at hindi niya alam na inilagay din nito ang kasuotang iyon doon.
Hindi niya maisip kung bakit.
Dahil ba gusto nitong ipaalala sa kanya ang buhay sa loob o para maisip niya na iyon talaga ang nais niya.
Sa huli ay natagpuan niya ang sariling isinusuot iyon.
Tapos ay naghagilap ang mga mata niya ng telepono roon at nang walang makita ay nagpasya siyang lumabas ng silid.
Agad niyang nakita ang kinalalagyan ng telepono sa sala nang sapitin niya iyon.
Lumapit siya roon at agad niyang tinawagan ang landline sa dorm na tinuluyan niya sa Catholic School.
Mabuti na lang at memorized niya iyon.
Agad na sinagot ang tawag niya at nagkataong si Mother Superior mismo ang nakasagot noon.
Hindi niya malilimutan ang boses nito.
"Mother Superior, si Maxine po ito, kumusta na?"
"Maxine!" bakas sa boses nito ang tuwa at kahit hindi niya ito nakikita ay alam niyang nakangiti ito. "Palagi kong hinihintay ang tawag mo."
"Pasensya na po, Mother Superior, kung hindi ako nakatawag mula nang umalis ako."
"Pero mabuti at napatawag ka ngayon, ilang beses na kitang kinontak pero hindi mo naman sinasagot."
"Naiwan ko po kase sa apartment ang cellphone ko, Mother Superior..." binitin niya ang sasabihin.
"Hmmm...? May bagay bang bumabagabag sa iyo?" kaagad nitong tanong.
Saglit siyang hindi nakapagsalita at bumunot ng malalim na buntong hininga.
"Gusto ko na pong bumalik diyan," sabi niya pagkuwan. "Marami pong tukso rito sa labas at na-realize ko po na mas makakapag-desisyon ako ng maayos kung nandiyan ako."
Saglit itong hindi nagsalita at napabuntong hininga rin.
"Kung iyan ang nais mo, bukas pa naman kami rito para sa iyo."
Napangiti siya pero agad ding napaseryoso nang makalanghap ng amoy ng pabango.
Ganoon pa man ay inignora niya iyon.
Saglit pa silang nag-usap ni Mother Superior bago nagpaalam dito.
Pumihit siya at nakita si Kyzer na nakatayo sa ibaba ng hagdanan at matiim ang titig sa kanya.
Sa tingin niya ay paalis ito dahil presko at bihis na bihis ito.
Hinagod siya nito ng tingin.
Hindi niya pinansin ang ginawa nito bagkus ay lumakad upang bumalik sa silid at kunin ang gamit doon.
"Wala akong nakitang cellphone sa apartment mo," narinig niyang sabi nito nang mapatapat siya rito dahilan para matigilan siya.
Kung ganoon ay kanina pa pala ito roon at narinig ang pakikipag-usap niya kay Mother Superior.
Tiningnan niya ito.
"Hindi bale na," sabi na lang niya rito at nagpatuloy sa paglakad at umakyat sa hagdanan.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin na naiwan mo ang cellphone mo sa apartment?" may bakas ng inis sa tono ni Kyzer.
Ano naman ngayon dito?
Hindi niya ito pinansin bagkus ay nagpatuloy sa paghakbang.
Kumilos naman ito at kinuha ang cellphone sa bulsa at tinawagan ang kapatid nitong si Kylie.
"Kylie..."
Narinig niyang tawag ni Kyzer sa kapatid sa kabilang linya kaya napahinto siya sa paghakbang sa hagdanan at nilingon ito.
"Tumatawag ka ba kay Sister Maxine sa mobile number niya?" narinig niyang tanong nito pagkaraan.
Muli itong huminto at nakinig sa kabilang linya.
"Makinig ka, wala kay Sister Maxine ang phone niya, wala akong nakitang cellphone sa apartment niya last time na pumunta ako roon kaya h'wag na h'wag kang tatawag sa number niya, pero kung may tumawag sa'yo gamit ang number niya o kahit unknown number, h'wag mo munang sagutin, ipaalam mo muna sa akin, okay?"
Napaawang ang bibig niya.
Ngayon ay alam na niya kung bakit naiinis itong malaman na naiwan niya ang cellphone sa apartment.
Saglit itong tumahimik ulit at nakinig kay Kylie sa kabilang linya.
Lihim niyang naipagpasalamat na hindi napahamak si Kylie dahil sa kapabayaan niya.
"Keep safe," narinig niyang sabi ni Kyzer bago ibinaba ang cellphone.
Muli siyang kumilos at nagpatuloy sa pag-akyat sa hagdanan upang magtungo sa kanyang silid.
Pumihit si Kyzer at tahimik na sumunod habang matiim ang titig sa kanya.