HINDI niya maipukos ang mga mata sa kalsada.
Ewan ba niya, hindi niya mapigil ang sariling sulyapan ng madalas si Maxine sa kanyang tabi.
Lalo na sa mga hita nitong nakalitaw na pinipilit nitong takpan ng laylayan ng palda.
'Namo Kyzer kasalanan mo 'yan. Baka maaksidente pa kayo n'yang ginagawa mo!' napapamurang sabi niya sa sarili sa kanyang isip.
Parusa pala, ha. Ngayon, para na rin niyang pinarusahan ang kanyang sarili.
Inihinto niya ang sasakyan at hinubad ang suot na jacket saka iniabot kay Maxine.
Nag-alangan pa itong kunin iyon pero bandang huli ay kinuha rin at itinakip sa mga hita nito.
Tahimik sila pareho kahit pa nang ipagpatuloy na niya ang pagpapatakbo sa sasakyan.
Nang makadama siya ng inip ay nag-play siya ng musika.
Napaangat pa ang mga kilay niya nang marinig ang music doon.
Passenger Seat ni Stephen Speak.
Na naman?
Gusto niyang mailing. Ngayon pa talaga siya biniro ng pagkakataon.
And I can't keep my eyes on the road.. knowing that she's inches from me..
Ohohoh..
Napabuntong hininga siya saka muling napasulyap sa dalaga.
That I've got all that I need.. right here in the passenger seat
Oh and i can't keep my eyes on the road
Knowing that she's inches from me
Muli siyang napabuntong hininga at nais mainis sa sarili.
Bakit ganito ang nararamdaman niya? Hindi siya mapakali.
Tumingin siya sa rearview mirror.
Nakita niya na nasa likuran lang ng kotse niya ang kotse ni Kylie.
Nagbigay siya ng signal kay Naylor para huminto.
Iginilid niya ang kotse at inihinto iyon ganundin si Naylor.
"Sumabay ka na muna sa kanila Kylie," sabi niya kay Sister Maxine.
Agad naman nitong inalis ang seatbelt at binuksan ang pinto.
Mabilis pa sa alas kuwatrong bumaba ito roon dala ang jacket niya.
Napasunod pa siya ng tanaw rito at nakita niyang isinuot nito iyon.
"Wow!" naibulalas niya.
Mas naging sexy ito nang isuot nito ang kanyang jacket.
Napabuga siya ng hangin saka pikit ang mata na napasandal sa backrest ng upuan.
Pakiramdam niya ay kinapos siya ng hangin at latang-lata nang mga oras na iyan.
Kumuha siya ng sigarilyo at nagsindi noon para marelax siya.
Tumanaw siya sa labas at tila noon lang niya napansin na nasa gate six na pala sila ng Fort Bonifacio.
Malapit na sila sa lokasyon ni Eynon.
Ibig sabihin kanina pa siya nagda-drive ng wala sa sarili?
NAGPAALAM muna si Maxine kay Naylor na gagamit muna siya ng comfort room nang makalapit sa sasakyan ng mga ito.
Kanina pa talaga mabigat ang puson niya hindi lang makapagsabi kay Kyzer dahil sa pagkailang dito.
Mabuti na lang at may fast food restaurant doon sa hinintuan nila.
Mabilis naman siyang nakagamit ng comfort room at nagmadali rin siyang lumabas doon.
Ilang hakbang na lang ang layo niya sa kotse ni Kylie nang biglang may humawak sa kamay niya.
Awtomatiko siyang napalingon sa may ari ng palad na iyon at ganoon na lang ang pagsikdo ng puso niya nang makilala kung sino iyon.
"Leo?" hindi pa makapaniwalang bigkas sa pangalan nito upang makatiyak.
Malawak ang naging ngiti nito.
"Sabi ko na nga ba, ikaw 'yan eh. Nakita na kita bago ka pa pumasok, nakita lang kitang nagmamadali kaya hindi na kita nilapitan," sabi nito na noon ay hindi pa din binitiwan ang kamay niya.
Hindi pa siya nakakapagsalita ay kumilos na ito at hinila siya palapit sa dibdib nito.
Bahagya pa niya itong itinulak pero natigilan din nang muling maramdaman ang komportableng dibdib nito.
Suot pa nito ang camouflage nito na lalong nagpapaguwapo rito sa paningin niya ngayon.
"Kumusta ka na? Mas gumanda ka pa 'ata at sumeksi," halos pabulong na wika nito sa kanya.
Hindi nila alintana ang mga taong nakatingin sa kanila. Kahit pa nga ang iba ay nagbubulungan na.
Kimi siyang napangiti. "Ayos lang, ikaw? Bakit nandito ka?" tanong din niya kay Leo.
"Nag-i-schooling. Sobrang saya ko ngayon kase nakita kita. Alam mo bang matagal kong inasam na makita ka ulit?"
Napalayo siya nang marinig ang sinabi nito.
"Mag-usap muna tayo." Akmang igigiya siya nito pabalik sa loob ng fast food restaurant nang pigilan ito.
"Leo, hindi na gaya ng dati ang lahat. Masaya rin ako na nakita ka ngayon pero...mas makakabuti 'ata na hindi na tayo magkita ulit." Hindi niya alam kung saan siya humugot ng lakas ng loob para masabi rito iyan.
"Walang nagbago sa 'kin Max, maliban sa determinasyon na ipaglaban ang nararamdaman ko para sa'yo hindi lang bilang bestfriend."
Umiling siya.
Bakit ngayon pa—ah hindi, bakit ngayon lang?
"Pasensya ka na Leo pero, hindi na natin dapat pang pag-usapan ang tungkol d'yan, sa nakaraan." At akmang tatalikod na siya nang pigilan nito.
"Hinanap kita, Max. Parang gumuho ang mundo ko nang malaman kong pumasok ka sa kumbento, pero ngayong nasa harapan kita hindi na ako papayag na hindi ko maamin ang nadarama ko sa'yo."
Ikinagulat pa niya ang ikinilos nito.
Hinila siya nito palapit at hinapit sa baywang saka siniil siya ng halik sa labi.
Hindi niya alam kung saan din ito kumuha ng lakas ng loob para gawin iyon sa kabila ng sitwasyon at kinaroroonan nila.
Nag-aalala siya hindi sa makikita at sasabihin ng iba, kun'di sa mga kasama niya.
NAIPIKIT ni Kyzer ang mga mata upang maiwasang makita ang eksenang iyon sa pagitan ni Sister Maxine at Leo.
Nagkuyom ang mga palad niya at matalim ang mga mata nang muling imulat ang mga iyon.
Pero agad na nagbago ang reaksyon niya nang makita si Naylor na lumapit sa kinaroroonan ni Maxine.
Lalabas sana siya ng sasakyan pero pinigilan niya ang sarili.
Nakita niya nang hilahin ni Naylor ang dalaga at sulungan nito ng suntok si Leo.
Nakalapit na rin doon si Eynon at si Kylie.
Nagkagulo ang mga tao roon dahil sa ginawa ni Naylor.
Imbes na bumaba at lumapit sa kanila Naylor ay agad niyang pinasibad ang sasakyan palayo roon.
NAPALINGON si Naylor nang maramdaman siya.
Agad itong tumayo buhat sa pagkakaupo sa pasimanu ng terrace sa bahay ni Eynon saka humarap sa kanya at inantay siyang makalapit.
"Max..." bigkas nito sa pangalan niya.
"Naylor, salamat kanina ha," sabi niya. "pati kayo muntik ng madawit sa gulo. Muntik ko pang masira ang birthday celebration ni Eynon."
Ngumiti ito. "Wala 'yon. Saka na-settle naman natin agad 'di ba at natuloy pa rin ang simpleng birthday celebration ni Eynon."
Siya naman ang napangiti. "Babawi ako sa'yo nextime," sabi dito saka iniumang dito ang kamao.
Napatingin ito roon tapos ay napangiti nang makuha ang ibig niyang sabihin.
Idinikit nito ang kamao sa kamao niya ng ilang segundo bago binawi.
"Pasensya ka na pero, sino ba s'ya?" seryosong tanong nito.
Saglit siyang hindi nakapagsalita.
"Best friend ko s'ya...dati," pagkuwa'y sabi niya. "Pero personal kase ang naging dahilan kung bakit nagbago ang pakikitungo namin sa isa't isa."
Hindi ito nagsalita o nagtanong pa matapos nitong marinig ang salitang 'personal.'
"Si Kyzer," pagkuwa'y sabi nito. "Kumusta naman ang pakikitungo niya sa'yo?"
"Ayos lang naman."
"Sa totoo lang napaisip ako nang malaman kong dinala ka niya sa bahay niya," sabi nito dahilan para mapatitig siya dito. "Matagal na kaming magkaibigan," pagpapatuloy nito. "At kilalang-kilala ko s'ya. Ikalawa ka pa lang sa babaeng nakapasok sa bahay niya maliban kay Kylie at sa Mom niya."
Napatitig siya rito. "Bakit...bigla mo na lang sinasabi sa 'kin ang tungkol sa bagay na 'yan?"
Napatawa ito. "Oo nga ano? Sa unang pagkakataon ngayon lang ata ako dumaldal ng ganito," sabi nito saka sinipat ang bote ng alak sa tabi nito. "Gawa siguro nito." Tumawa ito.
Pagbuntong hininga siyang tumawa.
Bakit may bigat siyang nadarama sa dibdib niya? Naiisip niya si Leo.
Napakurap siya nang tapikin siya ni Naylor sa balikat.
"Pasok muna ako." Paalam nito sa kanya bago siya iniwan.
"Sige." Tumango siya at sinundan ito ng tingin hanggang sa mawala sa paningin niya.