17

1322 Words
ANG planong mag-half day sa opisina ni Kylie ay hindi nangyari. Matapos nilang ibalot ni Maxine ang mga regalo para kay Eynon ay inubos na nila ang maghapon sa panonood ng movies na kapwa nila paborito habang nagkukuwentuhan. "Paano malalaman kung ang isang lalaki ay in love sa 'yo?" kapagkuwa'y biglang singit ni Kylie sa tanong na iyan dahilan para gulat na mapatitig siya rito. Nakatuon ang mga mata nito sa hawak na libro na kinuha nito sa ibabaw ng mesita na nasa harapan nila. "May ganiyang tanong ba sa book of law?" Book of law ang hawak nitong libro kaya nagulat siya sa tanong nito. "Hindi, wala." Natawa ito sabay baba sa hawak na libro. "Tinatanong lang kita." Itinuon nito ang atensyon sa kaniya. Napailing siya at napatawa rin. Hindi siya makapaniwala na sa edad at ganda nito ay wala pa itong ideya sa mga ganoong bagay. "Ganoon ba? Hindi ko alam, hindi ako sigurado," sabi niya na nagkibit-balikat pa. Tinitigan siya nito. "Si Marcus, hindi ba siya nanligaw sa 'yo?" Nabigla siya sa tanong nito pero hindi niya ipinahalata. Sinasabi na nga ba niya, gusto nitong mag-usisa tungkol kay Marcus humanap lang ito ng tiyempo. Pasimple siyang tumikhim. "Sa totoo lang, hindi kami dumaan sa ganiyang proseso," pagsasabi niya ng totoo pero ipinakita niya rito ang kawalan ng interest tungkol sa usaping iyon. "Sino ba ang mapalad na lalaking tinutukoy mo?" pagbabalik niya sa tanong nito. Ngumiti ito. "Saka ko na sasabihin sa 'yo, kapag natiyak ko na gusto n'ya rin ako." Saglit silang natahimik. "Na-experience ko namang ligawan," sabi niya kapagkuwan. Napakislot siya at napahagikhik nang bigla ay tumili ito. "Seryoso, kapag in love sa 'yo ang lalaki ganito ka niya tingnan, ganito ang kinikilos nila." Tiningnan niya si Kylie sa paraan kung paano tumingin ang isang in love. Napatitig ito sa kaniya at napaseryoso. "At ganito ang gagawin niya," dagdag pa niya. Nagtitigan sila at kapagkuwa'y kumilos siya upang tawirin kunwari ang pagitan ng mga mukha nila ni Kylie. "Teka, lang, Max." Iniiwas nito ang mukha. "Nahalikan ka na?" "Hindi pa, hahalikan niya dapat ako pero umiwas ako, kase nga hindi pa ako ready, magulo pa kase ang isip ko noon." Tumango ito at tinitigan ulit siya. Muli ay inulit niya ang kinilos kanina. Dahil abala sila sa ginagawa ay hindi nila napansin ang pagdating ni Kyzer. Nanlaki ang mga mata nito nang makita sila sa ganoong eksena. Mabilis itong nakalapit sa kanila at kaagad na hinila palayo ang kapatid sa kaniya. "Kyzer!" inis na bigkas ni Kylie sa pangalan ng kapatid. "Bakit parang masama pa ang loob mo na pinigilan kitang halikan ng tibo na 'to? Hindi ba kayo nasasagwaan sa gagawin ninyo?!" Namimilog ang mga mata nito sa galit sa kanila lalo na sa kaniya. Dinuro pa siya nito. "Ikaw? Galing ka pa naman sa kumbento." "Mali ka ng iniisip. Hindi ganoon 'yon," depensa niya na sinabayan ng pagtayo. "Hindi ako tibo, at hindi ko gagawin kay Kylie ang nasa isip mo. Kung mataas ang tingin mo sa kapatid mo at may tiwala ka sa kaniya, hindi ka mag-iisip ng kung anu-ano." Natamimi ang binata saka marahang binitawan si Kylie. "Nag-drive ka mag-isa papunta rito?" kapagkuwan ay tanong nito kay Kylie, binalewala ang sinabi niya. "Idinaan ako ni Naylor dito. Nagdala na lang ako ng mga kailangan ko para 'di na ako uuwi sa bahay mamaya before we go to Eynon's place," sabi nito na hindi tumitingin sa kapatid dahil sa inis dito. "Magbihis na kayo, nag-aantay si Naylor at Eynon sa labas. Sabay-sabay na tayong pupunta roon," utos sa kanila ni Kyzer. "Nasa labas si Naylor?" Bigla ay bumakas ang tuwa sa mukha ni Kylie. Doon ay kaagad niyang nahulaan kung sino ang lalaking tinutukoy nito kanina. "Oh, ano naman ngayon!?" tila inis na tanong ni Kyzer sa kapatid. "W-wala naman," sagot ni Kylie saka kumilos patungo sa silid para mag-prepare. Susunod na sana siya rito pero maagap siyang pinigilan ni Kyzer sa kaniyang braso kaya napatingin siya rito. "Hindi ka susunod sa kaniya. Use the guest room at isuot mo ‘to." Sabay abot sa kaniya ng dalang paper bag na hindi niya napansin kanina. "Ano 'to?" “Punishment for what you did last night," mariing sabi nito sabay talikod sa kaniya. *** PAGKARAAN ng halos isang oras na paghihintay ay lumabas si Kylie. Kaagad na napatuon ang mga mata nila Naylor at Eynon dito. "Mga mata n'yo," kaagad niyang awat sa mga sa kaibigan. Mabilis namang nag-iwas ng tingin ang dalawa kay Kylie. "Heto na naman po si Kuya," pang-aasar pa sa kaniya ni Eynon pero hindi niya pinansin. Sumalubong si Naylor kay Kylie upang kunin ang malaking paper bag na bitbit nito at iginiya ito palapit sa sasakyan. Nang makalapit doon ay pinagbukas nito si Kylie ng pintuan ng kotse. Nakikita niya na halos matunaw si Kylie sa titig ni Eynon. Napapailing na siniko niya ito dahil katabi lamang niya ito. "Masama bang tumingin?" kunot ang noong angal nito sa kaniya. "Pipigilan ba kita kung hindi? Eh, parang hinuhubaran mo na sa tingin 'yong utol ko, eh." Umiling ito at kumilos para lumabas na sana sa garage kung saan doon naka-park ang kotse nito nang matigilan. Maging sila ni Naylor ay naagaw ang atensyon at napatingin kay Maxine na lumabas sa doorway ng kaniyang bahay. Suot nito ang plaid ruffle mini skirt at crop top shirt na binili niya para rito. Sadya niyang pinili ang skirt na iyon na alam niyang magkakanulo sa magaganda nitong legs dahil mataas pa sa kalahati ng hita nito ang haba niyon, pero hindi niya inaasahan na ganoon kalakas ang magiging dating nito. Para iyong isinukat dito. Hindi niya alam kung magaling mag-suggest ang saleslady na nag-assist sa kaniya kanina o dahil natantiya na talaga niya kaagad ang katawan ng dalaga kahit pa nga hindi pa talaga niya lubos na nakikita ang kabuuan ng kahuburan nito. Ang buhok nito na hanggang balikat ay animo sumasayaw sa mabagal na ihip ng hangin. Alas sais y medya na ng hapon noon pero pakiwari niya ay katanghaliang tapat ang liwanag at init ng paligid. "Isasabay ko na s'ya sa kotse ko." Awtomatikong nangunot ang noo niya at kaagad na bumalik sa katinuan nang marinig ang sinabi ni Eynon. "Four seaters ang kotse ko kaya kasya pa kaming tatlo," singit naman ni Kylie na noon ay nangingiti sa kanila. "Oh-mm, tama, kasya pa kami," segunda ni Naylor kay Kylie. Hindi naman siya nakakibo. "Sa kotse ko na, four seaters din ang kotse ko at mas maluwag kaming dalawa," pilit pa ni Eynon. Nakalapit na sa kanila si Maxine. "Hi," nakangiting salubong kaagad dito ni Eynon. "Ako si Eynon, ang birthday boy ngayon, kaibigan ko sila," pagpapakilala nito sa sarili at mabilis na inilahad ang palad sa dalaga. Napailing siya sa kaibigan. "Maaari ba na sa akin ka na lang sumakay?" tanong nito kay Max bago naghiwalay ang palad ng mga ito. Naiilang na ngumiti si Maxine. "Ah, pasensya ka na, Eynon?" tila tiniyak pa nito kung hindi ito nagkamali sa pagtawag dito. "Salamat pero, gusto ko kaseng kay Kylie sumabay," sabi nito at bumaling sa kanila Kylie. Mabilis namang kumilos si Naylor at ipinagbukas ito ng car door. Pero bago pa makahakbang papasok doon ang dalaga ay kaagad na niya itong hinawakan sa kamay. Napatingin ito sa kaniya. "Sa akin ka sasabay, Sister," kalmado pero maawtoridad na wika niya sabay hila rito papunta sa kotse niya. "Aba't... Hoy!" pahabol na reklamo ni Eynon na hindi malaman kung anong gagawin. "Andaya, ha? Birthday ko kaya ngayon," sabi nito na may himig pagtatampo. Nakatingin si Naylor dito habang umiiling at nangingiti. Kapagkuwan ay muling ipinagbukas nito si Kylie ng pinto ng kotse sa passenger seat bago lumigid sa driver side. "Ah, ganon? Ganiyan ba talaga? Ako lang ang walang kasama sa sasakyan?" reklamo pa ni Eynon pero hindi na nila pinansin. Kumilos lang ito nang mag-start na ang sasakyan nila at umusad na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD