MATALIM ang tinging ipinukol ng lalaki sa larawan ni Maxine matapos na idikit iyon sa dingding.
"Binigo mo ako! You made me believe and relied on your false promises!" pigil ang galit na sabi nito.
Habang sa mga mata nito ay naroon ang walang kapantay na pait. Pumatak ang ilang butil ng mga luha nito.
Dinampot nito ang kutsilyo at paulit-ulit na sinaksak iyon sa larawan ni Maxine hanggang sa ganap na masira ang mukha roon ng dalaga.
"Masyado na akong natatagalan," sabi pa nito habang kinukuyom ang mga kamao.
Natigil lang ito nang maagaw ang atensyon dahil sa ingay buhat sa labas ng silid na kinaroroonan nito.
Lumabas ito roon.
"Ano? Nagmamarunong ka na naman? 'Di ba sinabi ko naman sa 'yo na hindi mo kaya, kaya dapat manahimik ka na lang sa isang tabi!" paasik na sermon nito sa kasama nito roon.
Umingaw ang alaga nitong pusa at ikinuskos ang balahibo sa binti ng lalaking ito.
Yumukod ito. "Buwisit!" dinampot nito ang pusa saka ibinalibag.
Hindi naka-ingaw at hindi rin nakagalaw ang pusa dahil masama ang pagbagsak nito.
"Buwisit! Buwisiiit!" halos maputol ang litid sa leeg na sigaw ng lalaking ito. Nanginginig ang lahat dito sa matinding galit.
•••
NAKALAPAT na sa malambot na higaan ang likod ni Maxine pero hindi pa rin siya dalawin ng antok.
May bagay na gumugulo sa kaniyang isipan.
Tiningnan muli niya ang photo album at binuklat iyon sa dahon niyon kung saan inalis ang isa sa mga larawan doon.
Ilang sandali rin niyang inisip ang tungkol doon hanggang sa maalala niya kung aling larawan ang nawawala.
Bumalikwas siya ng bangon at tinungo ang pintuan ng kaniyang silid.
Dumiretso siya sa pintuan kung saan niya nakitang pumasok si Kyzer kanina.
Kinatok niya iyon ng dalawang beses saka pinihit ang seradura.
Bukas iyon kaya kaagad niyang itinulak pabukas para lamang magulantang siya.
Nabungaran niya si Kyzer na hubo't hubad at kasalukuyang sinusuot sana ang roba.
Nanginig ang buong katawan niya partikular ang kaniyang mga tuhod.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita siya ng hubad na katawan ng isang lalaki.
Napaantanda siya ng krus kasabay ang paatras na paglakad palabas ng silid nito.
Ang ilang baitang na hagdanan ang tinungo niya at nagmamadaling humakbang pababa roon.
Dahil palingon-lingon siya ay nagkamali siya ng tapak sa huling baitang.
Napa-split ang legs niya at nakaabot ang isang paa sa floor vase display na nasa sulok.
Natumba iyon at nabasag.
" 'the f**k!" galit na wika ni Kyzer na noon ay nakatayo na pala sa itaas ng hagdanan.
Awtomatiko siyang napatingala at nakita niya ang galit sa mga mata nito, pati ang ilong nito ay parang gusto na siyang singhutin sa galit.
Bumaba ito at nilapitan ang nabasag na floor vase display, siya naman ay sinikap na i-ayos ang sarili.
"S-sorry!" nabulol pang sabi niya rito.
Pigil ang galit na ipinakita nito sa kaniya ang hawak na ilang piraso ng nabasag.
"May sentimental value sa 'kin ang floor vase display na 'to, Sister. Napaka- clumsy mo!" galit na sabi nito sa kaniya.
Hindi siya nakapagsalita at napatitig na lang dito.
Kumilos ito at pinulot ang mga piraso tapos ay inilagay sa malaking tipak niyon.
"Better next time na hintayin mong ako ang magbukas ng pinto bago ka pumasok sa silid ko, okay!?" asik nito bago umakyat sa hagdanan dala ang basag na floor vase display.
Napasunod na lang siya ng tingin dito. 'Ni hindi man lang siya nito tinanong kung okay lang ba siya.
Masuwerte namang hindi siya napinsala sa pagkadulas na iyon kaya okay lang siya.
Kumilos siya at pinasyang bumalik na lang sa kaniyang silid. Sa tingin niya ay hindi na ito interesado sa sasabihin niya.
Muli pa siyang napaantanda ng krus nang maalala ang kahubaran ni Kyzer partikular sa p*********i nito na kitang-kita ng dalawa niyang mga mata kanina.
Nahihimbing iyon ngunit malinaw na mayroong higit na sukat at haba kaysa sa karaniwan.
Sa mga babaeng sanay na sa ganoong klase ng tanawin ay tiyak na mamamangha, ngunit sa kagaya niyang hindi pa nakakakita ng ganoon ay labis na matatakot.
•••
NANG magkita sila ni Kylie kinabukasan ay hindi niya ikinuwento rito ang nangyari sa kanila ni Kyzer kagabi.
Gusto sana niyang magtanong kay Kylie kung kanino galing ang floor vase display na iyon at ganoon na lamang ang galit sa kaniya ni Kyzer dahil sa aksidenteng pagkabasag niyon, pero nahihiya naman siyang masabi rito ang dahilan kung bakit nabasag niya iyon.
Nagtungo sila ni Kylie sa mall at dumiretso sa department store para pumili na ng iri-regalo kay Eynon.
Dumiretso siya sa hanay ng mga wristwatches habang si Kylie naman ay naiiwan sa perfumery section na malapit lamang sa entrance na kanilang pinasukan.
Kukuhanin sana ni Kylie ang isa sa hanay ng mga perfume roon nang matigilan dahil sa kamay na nakasabay nito sa paghawak sa box ng pabango, at dahil mas unang humawak si Kylie ay napailalim ang kamay nito sa palad ng estranghero na ito.
Awtomatikong lumingon si Kylie sa may ari ng kamay na iyon.
"Sorry, Miss, hindi ko alam na pareho nating gusto 'to," manipis ang ngiti na sabi ng lalaking may-ari ng kamay na iyon na nakahawak sa kamay ni Kylie.
Medyo malakas ang boses ng lalaking ito kaya nakarating sa pandinig ni Maxine kahit na medyo malayo siya sa mga ito.
Tumingin siya sa kinaroroonan ni Kylie. Natuog siya sa kinatatayuan at hindi nagawang makagalaw o kumurap man lang nang makita ang mukha ng lalaki sa tabi ng dalaga.
Nakita niya na kaagad hinila ni Kylie ang kamay sa ilalim ng palad ng lalaki tapos ay kiming ngumiti ang dalaga rito.
"Sige, pipili na lang ako ng iba," wika ni Kylie.
Noon tumingin sa direksyon niya ang lalaki. Bakas sa mukha nito ang pagkagulat nang makita siya.
"Max!" ganoon pa man ay maluwang ang ngiting tawag nito sa kaniya.
Nagawa niyang makabawi sa pagkabigla at ngumiti rito tapos ay lumakad palapit sa kinatatayuan ni Kylie.
"M-Marcus?" nabulol pang bigkas niya sa pangalan nito nang makalapit siya.
"Magkakilala kayo?" napapangiting tanong ni Kylie na sa kaniya nakatingin.
"O-Oo," maikling tugon niya rito.
"Kung ganoon ay magkasama pala kayo," sabi ni Marcus sabay lapit sa kaniya.
Bahagya pa siyang napaiwas nang lumapat ang balikat nito sa balikat niya.
"Max, hindi mo ba ako ipapakilala sa kaniya?" tanong nito bago tumingin kay Kylie na noon ay napawi na ang ngiti sa labi.
Napansin nito marahil ang ikinikilos niya.
"Marcus," pagpapakilala nito sa sarili nito kay Kylie nang hindi siya kumibo. Inilahad nito ang palad sa dalaga.
Tumingin muna sa kaniya si Kylie bago tinanggap ang palad nito. "Kylie," maikling sabi nito kay Marcus.
Naghiwalay rin kaagad ang palad ng mga ito.
"Ex-fiancé ako ni Max, actually," sabi ni Marcus na kinabigla niya.
Nakaawang ang bibig na tiningnan niya ito. Sumulyap pa ito sa kaniya upang makita ang reaksyon niya.
Napatingin sa kaniya si Kylie, wari'y hindi makapaniwala sa narinig buhat kay Marcus.
"Oh, pinababayaan mo yata ang sarili mo, Max," puna ni Marcus.
Napakunot ang noo niya dahil sa inis na biglang bumangon sa dibdib niya.
'Bakit ba hindi na lang umalis ang lalaking ito!?' inis na sa loob-loob niya.
"Saan mo naman nakuha ang pilat na 'yan sa likod ng palad mo?" puna pa nito sa kamay niya na nakahawak sa handle ng cart na tulak niya buhat pa kanina nang pumasok sila roon.
"Ah, 'yan ba, aksidente lang 'yan. Buti nga at nagpi-fade na, eh," malamig na sabi niya.
"Aksidente na naman? Mukhang nahihilig ka 'ata sa aksidente na 'yan, ah. Nextime mag-ingat ka naman." Tumingin ito kay Kylie hindi pa man natatapos ang sinasabi.
"Ah...Marcus." Kaagad niyang kuha sa atensyon nito.
"Hmm?" Baling nito sa kaniya.
"Pasensya na pero may hinahabol kaming oras ni Kylie."
Tikom ang labi na napataas ang mga kilay nito.
"Ah, sige, the fact mag-iikot pa ako, Max." Binalingan ni Marcus si Kylie. "Ah, Kylie, it's up to you if you really like that perfume; there are many choices naman, titingin na lang ako ng iba. Pero hindi porque maraming choices p'wedeng basta mo na lang 'yang bitawan. Pag-isipan mo munang mabuti bago iwanan," sabi nito saka kumaway pa sa kanila bago sila iniwan.
Hindi niya nagawang kumibo kaagad habang nakababa ang tingin. Alam niyang pinatamaan siya ni Marcus sa mga huling sinabi nito.
"Max, okay ka lang ba?" tanong sa kaniya ni Kylie.
Tumango-tango siya. "O-Oo naman, ako pa ba? Halika na, tingin na tayo ng gift para sa friend ng utol mo para makauwi na tayo." Hinawakan niya ito sa kamay at iginiya upang mag-ikot pa.
Natuon ang mga mata ni Kylie sa kaniya habang lumalakad sila.
Alam niya, nararamdaman niya, na nais siya nitong tanungin tungkol kay Marcus.