PUMALAKPAK si Sister Maxine matapos ang pag-awit niya sa awiting pambata na sinabayan ng mga pre-school students niya sa Catholic School kung saan siya ini-assign ng mother superior sa kumbento na pinamalagian sa loob ng halos dalawang taon.
Nahinto ang palakpakan nila nang bumungad sa pinto ang isang madre.
"Pasintabi, Sister Maxine, may bisita ka. Hinihintay ka niya sa visitors area, ako na muna ang bahala sa mga bata," nakangiti nitong sabi.
Tumango siya rito at binalingan ang mga bata. "Kids, iiwan ko muna kayo sandali, magpakabait kayo kay sister Mia, ha?" pagpapaalam at bilin niya sa mga ito.
"Opo, Sister Maxine," halos sabay-sabay na pagtugon ng mga ito.
Pumasok na si Sister Mia, siya naman ay lumabas na at tinungo ang visitors area. Nang sapitin iyon ay bahagya pa siyang natigilan nang makita kung sino ang naghihintay sa kaniya roon. Napatitig siya rito.
Sumilay ang maluwang na ngiti sa labi ng bisita niya nang makita siya. Kaagad itong tumayo at hindi na nahintay na makalapit siya, sinalubong siya nito.
"Sister Maxine!" tawag nito sa kaniya, masigla ang tono at maluwang ang pagkakangiti.
Napakunot ang noo niya habang iniisip kung paano nito nalaman ang kaniyang pangalan at kinaroroonan.
"I'm grateful that you let me talk to you. Hindi kita napasalamatan for saving my life so humanap ako ng paraan para makita ka and my Mom helped me find you," sabi nito na para bang nahulaan ang nasa isip niya bagama't hindi nababahaw ang ngiti nito sa labi.
Tila naalala naman niyang ngumiti nang mapansin ang pagkunot ng noo nito, marahil dahil sa ginagawa niyang pagtitig at paghagod ng tingin sa kabuuan nito.
"Wala 'yon. Masaya akong makatulong," sabi na lamang niya.
"Gusto kang makaharap ng parents ko in person, kaya matutuwa sila kapag umuwi ako kasama ka." Sa labis na tuwa ay hindi nito napigil ang sariling hawakan siya sa kaniyang mga kamay.
'Umuwi ako kasama ka?' ulit niya sa huli nitong sinabi sa pamamagitan ng kaniyang isip.
Sinikap niyang ngumiti upang ikubli ang pagkalunod sa sobra-sobra nitong pagpapakita ng importansya sa kaniya.
Kung pagbibigyan niya ito sa nais nitong mangyari, hindi naman siguro magkakaroon ng negatibong tingin kung sinuman ang nakakaalam tungkol sa bagay na iyon. Wala naman siyang masamang intensyon dito o pananamantala, malinis ang bagay na tumatakbo sa isip niya kagaya ng puting kasuotan niya.
Kaya lang ang tanong, pahihintulutan kaya siya ng mother superior na lumabas kasama nito?
•••
HINITHIT-BUGA ni Kyzer ang hawak na sigarilyo tapos ay nilingon si Andrea sa kaniyang tabi. Nakadapa itong hubo't hubad sa kama at nakatitig sa kaniya.
Isa ito sa mga modelo ng produktong pampaganda gawa sa production ng kaniyang ama. Dati niya itong karelasyon ngunit hanggang ngayon ay humaling na humaling pa rin sa kaniya. Kaya naman palagi itong gumagawa ng paraan para humantong sila paulit-ulit sa kama. Okay na rin naman sa kaniya, siya pa ba? Eh, kaunti na nga lang at malapit na siyang matawag na kaladkaring lalaki.
Gamit ang forty-five calibre na baril sa kanang kamay ay kinuha niya ang panty nito sa bedside table at iniabot iyon dito.
"Check out na ba tayo kagad? " bakas ang disgusto sa tinig na tanong nito. Mukhang bitin na bitin pa.
Muli niyang hinithit ang hawak na sigarilyo. "It's up to you kung gusto mo pang mag-stay, pero malalim na ang gabi at kailangan ko na umuwi," malamig ang tonong sabi niya rito.
"P'wede naman tayong matulog dito ah," naglalambing ang tonong sabi nito.
Hindi siya nagsalita at tinapunan lang ito ng malamig na tingin. Gamit ang libreng kamay ay inangat niya ang awditibo ng telepono sa kaniyang tabi.
"Check out na kami," wika niya.
Umikot ang eyeballs ni Andrea at padarag na kinuha ang panty sa dulo ng kaniyang baril.
Dinikdik niya ang sigarilyo sa ashtray na nandoon saka bumangon at nagsimulang magbihis. Padabog naman itong bumangon at nag-umpisa na ring isuot ang mga kasuotang nakakalat sa makintab na sahig.
Pagkaraa'y magkasunod na silang lumabas doon sa hotel. Naghiwalay sila pagdating sa parking lot pero bago pa siya pumasok sa kotse ay nilapitan pa siya nito at walang anumang sinibasib ng halik sa labi.
Nakangiti ito ng iwan ang labi niya."Marami pang next time, Kyzer," paanas at halos paungol na sabi nito bago tumalikod at tinungo ang sariling kotse.
"Hayst, pambihira." Napakamot siya sa batok habang inihahatid ng tanaw si Andrea. "Wala bang babae na rerespetuhin ang p*********i ko para naman gustuhin ko na mag-asawa," maanghang na angal niya sa sarili.
•••
NAPATITIG si Maxine sa white envelope na iniabot sa kaniya ni Mrs. Alexandria Braganza, ang ina ni Kylie. Nasa loob ng bagay na iyon ang tseki kung saan nakasaad ang napakalaking halaga ng pera.
Pinahintulutan siya ng Mother Superior na sumama kay Kylie ngunit nagtakda ito ng oras kung hanggang kailan lang siya sa labas. Sapat para makaharap niya ang mga magulang ni Kylie kagaya ng nais nito.
"Para saan po ito?" naitanong niya sa ginang bagama't hindi naman tinanggap ang inaabot nito.
Sumulyap muna ito sa esposo. "Donation para sa simbahan at sa Catholic School na pinaglilingkuran mo. Sana ay makatulong ito," anito matapos tingnan siya ng diretso.
Napangiti siya ng malawak. "Naku, Ma'am Alexandria, napakalaking tulong po nito. Hindi ko po ito inaasahan ngunit hindi ko po ito matatanggap. Ganunpaman, maaari po ninyo na direkta itong ipadala sa treasurer office ng Catholic School namin," sinserong wika niya. Ikinulong niya sa kaniyang mga palad ang kamay nitong may hawak sa envelope at marahan iyong itinulak pabalik dito.
Sandaling natigilan ang ginang pero kapagkuwan ay ngumiti at tumingin muli sa esposo nito.
"Malaking bagay ang nagawa mo para sa aming anak, kulang ang halaga ng pera para masuklian iyon. Salamat ulit, gagawin namin ang payo mo," maluwang ang ngiting wika naman ng ama ni Kylie sa kaniya.
Napatango siya habang nakangiti pa rin. "Wala pong anuman, salamat din po sa inyo."
"Mom, Dad," singit ni Kylie. "I know gusto ninyong kausap si Sister Max pero kailangan na niyang makabalik."
"Opo," kaagad niyang segunda kay Kylie. "Marami pa po tayong pagkakataon."
Nagpaalam na siya sa mga ito at binilinan naman siya ng mga itong mag-ingat.
Inutusan ng ama ni Kylie ang driver ng dalaga para ihatid siya. Inihatid naman siya ni Kylie sa garahe kung saan naroon ang sasakyan nito.
"I'll come visit to see you again, Sister Max, as long as you haven't been ordained at nananatili roon sa Catholic School, " sabi ni Kylie saka inilahad ang palad sa harap niya. "Sana, maging magkaibigan tayo simula ngayon."
Napangiti na naman siya ng maluwang at kaagad na tinanggap ang palad nito.
"Ikinagagalak kong maging kaibigan ka, Kylie," sinserong sabi niya.
Kapwa sila napakislot nang biglang bumusina ang kararating na sasakyan.Nasilaw pa sila sa liwanag ng headlights niyon.
•••
"KYZER!" tawag sa kaniya ni Kylie nang makababa siya sa kotse. Pero imbes na sa kapatid siya tumingin ay hindi niya napigil ang mga matang titigan ang naka-nun suit na kausap nito.
Bumakas sa mukha ni sister ang pagkabigla nang makita siya. Malamang ay natatandaan siya nito at hindi inaasahang makikita roon.
Naabutan niya ang eksena na nakikipagkamay ito kay Kylie at may nadama siyang kakaiba nang makita iyon. Hindi lamang niya matukoy kung bakit, pero sa tingin niya, iyon ay pagdududa.
"May bisita pala kayo," wika niya na noon ay kay Kylie na nakatingin. Pormal ang tono.
"Oo, pero paalis na siya," tugon ng kapatid na kaagad lumapit sa kaniya tapos at dinampian siya ng halik sa kaniyang pisngi na parati na nitong ginagawa. "Siya si Sister Max, siya 'yong kinukuwento ko sa 'yo," pagpapakilala nito sa kasama bago bumaling dito. "Sister Max, siya si Kyzer, and much better if he drives you to your place."
Napakunot ang noo niya matapos marinig ang sinabi ni Kylie. Ipinakilala talaga siya ng kapatid dito sa totoo niyang pangalan at sinabing siya ang maghahatid dito.
Hindi sila nagkamay ni Sister, nawala iyon sa isip niya at marahil, ganoon din ito.
"Kakarating ko pa lang paaalisin mo kaagad ako?" walang gatol na reklamo niya sa kapatid.
"Naku, ayos lang," maagap na sabi ni Max, may hiya sa himig at pagkailang sa tono. "Ayos lang naman kay Kuya Mike na ihatid ako, eh."
"Kyzer?" si Kylie na pinandidilatan siya ng mga mata.
Ngumisi siya. "Bawal ba 'kong magbiro?" bawi niya sa sinabi kanina at kaagad na lumigid sa passenger seat ng kaniyang kotse upang ipagbukas ng pintuan si Sister Maxine.
Napalunok si sister habang nakabantay sa kilos niya. Alam niya, dama niya ang matinding pagkailang nito sa kaniya.