Kahit na alam niyang hindi siya sinisisi ni Harry sa nangyari ay hindi pa rin niya naialis sa sarili ang mahiya. Kung dati ay inaasam-asam niya ang makasabay ito sa tuwing papasok sa eskwelahan, iba ngayon ang pakiramdam niya.
"Para kang tanga!" saway niya sa sarili.
Kinabahan siya nang may humintong jeep sa tapat ng pinaghihintayan niya. Sinuyod muna niya ng tingin ang loob niyon bago tuluyang sumakay. Nakahinga siya ng maluwag nang makitang wala roon si Harry.
Naiinis siya sa kapatid dahil sa ginawa nito. Pero sa isang banda ay naiintindihan naman niya kung overprotective ito sa kanya dahil dadalawa lang naman sila at babae pa siya. Ngunit sana ay nagtanong man lang ito. Hindi naman ito war freak noon.
Hindi niya talaga ito pinansin hanggang kaninang umaga. Sabagay ay matagal naman na silang hindi nag-uusap ng kapatid tulad ng dati.
Kahit ganoon, hindi niya pa rin magawang isumbong ang Kuya Jake niya sa mga magulang.
Nang matanaw na malapit na siya sa kanto ng binababaan papunta sa kanilang campus ay pumara na siya. Baka magkasabay pa sila ni Harry doon.
"Bakit ka ba umiiwas, Jasmin? Wala ka namang ginawang masama. Isa pa ay alam naman ni Harry na wala kang alam sa panunugod ng kapatid mo," sigaw ng isang bahagi ng isip niya.
Oo nga naman!
"Aaahhh!" Napapadyak pa siya dahil litong-lito na siya sa sarili! Nang ma-realize ang nagawa ay napalingon siya sa kanyang paligid.
Walang tao. Mabuti na lang. Baka isipin pa ng mga ito na may sayad siya kung may nakakita sa kanya sa ganoong sitwasyon.
Muli siyang naglakad. Mabagal lang. Sigurado siyang naroon na sa kanilang classroom si Harry. Kung hindi kasi niya ito nakakasabay sa umaga ay nadadatnan na niya ito roon.
Hindi nga siya nagkamali dahil nang sa wakas ay makarating na siya sa silid-aralan nila ay nakita niya si Harry sa pwesto nito at tulad ng mga nakaraang araw ay nagbabasa ito ng aklat.
Nilakasan na niya ang loob at pumuwesto sa tabi nito. Hindi naman ito palakibo at hindi nagsasalita kung hindi kakausapin kaya tiyak niyang hindi siya mahihirapan.
"Hi!" narinig niyang bati nito sa kanya. 'Pag lingon niya ay nakita niyang nakatingin ito sa kanya at nakangiti.
Kumunot ang kanyang noo. Bihira kasing ngumiti si Harry kaya nagtataka siya sa biglaang inasal nito.
"Ah... hi!" nagkandautal niyang bati rito.
"Good morning," anito pa.
Nagtataka na talaga siya sa inaasal ni Harry.
"Good morning," napilitan na rin siyang ngumiti rito. Ayaw niyang mahalata nito ang kanyang pagka-ilang.
Nagpasalamat naman siya na hindi na muli pang nagsalita si Harry. Ngumiti lang ulit ito sa kanya ng tipid bago muling ibinaling ang mga mata sa librong binabasa nito.
Napansin niyang mahilig itong magbasa ng mga libro. At iyong mga Ingles pa na makakapal. Kaya siguro ito matalino.
Bakit niya nasabi iyon? Sa ilang linggo nito sa kanilang klase ay umangat na agad ito sa iba. Partida pa na nahuli na ito ng pasok ng ilang araw.
Naisip niya pa, iba talaga kapag nanggaling sa private school. Balita niya kasi ay advanced ang turo roon. Kung siya man ay bibigyan ng pagkakataon ay gusto rin niyang makapasok sa George Halton. Pero dahil hindi naman sila mayaman ay malabong mangyari iyon. Hindi rin naman siya ganoon katalino para pumasa bilang scholar doon.
Maswerte si Harry dahil kaya itong pag-aralin doon. Pero para rito ay mas pipiliin pa rin daw nito sa school nila kaysa ang bumalik sa piling ng ina.
Ano kayang nagtulak kay Harry para magdesisyon ng ganoon?
Sinaway niya ang sarili. Hindi maganda ang makialam sa buhay ng iba.
"Why?"
Nagulat pa siya nang magsalita si Harry bagamat hindi naman ito nakatingin sa kanya. Hindi tuloy siya sure kung tama ba ang narinig niya na nagsalita ito dahil nakatutok pa rin ang mga mata nito sa libro.
"Bakit ka nakatingin sa akin?" sabi ni Harry na lumingon pa sa kanya.
"Ha?"
"Nakatingin ka sa akin. Why?"
"Ha? Ako? Hindi. Ano..." kandautal niyang sagot.
"Ano ba naman itong si Harry? Kung kailan 'ko iniiwasan ay tsaka naman salita ng salita?" tanong niya sa isip.
Paano ba naman ay sinasabayan pa nito ng pamatay na ngiti. Iyong hindi todo bigay na ngiti pero makalaglag... Hep!
Mabuti na lang at dumating na ang kanilang unang guro sa araw na iyon. Nabaling na roon ang atensyon ng lahat.
*****
Breaktime.
Nagmamadali siyang tumayo at kinuha ang wallet niya. Hindi na niya nilingon si Harry dahil baka magbago pa ang isip niya at ayain niya pa itong sumabay sa kanila. Alam niyang nagtataka ito sa kanya. Kanina kasi ay hirap na hirap talaga siyang umiwas dito dahil katabi niya ito.
"O, nasan si Harry?" tanong ni Amy nang salubungin siya.
"Hindi siya sasabay," sagot niya.
"Bakit?"
"Huwag ka nang magtanong," aniya at tsaka hinila si Amy palabas sa classroom nila.
"Teka nga, Jasmin! Anong nangyari?" nagtatakang tanong ni Amy sa kanya nang makalayo sila.
"Ha?" maang-maangan siya.
"Hoy, Jasmin! May hindi ka sinasabi sa akin. Bakit hindi sumabay si Harry sa atin? Eh, kahapon lang okay naman kayo?"
Wala talaga siyang maitatago kay Amy, palibhasa ay mula second year high school ay magkaibigan na sila.
"Wala noh! Baka wala sa mood si Harry."
Ngumuso si Amy dahil sa sinabi niya. Indikasyon na hindi ito naniniwala sa kanya.
"Bilisan mo na lang. May kailangan pa akong tapusin," sabi na lang niya para tigilan na siya nito.
"Kay Harry na lang ako magtatanong," sa halip ay banta ni Amy sa kanya. Nasamid tuloy siya at muntik nang mabulunan. Maagap na inabot ni Amy ang kanyang inumin sa kanya.
"Ano ka ba, Amy?! Papatayin mo yata ako!" singhal nita rito nang makabawi.
Tumaas ang kilay nito. "At bakit? Anong ginawa 'ko?"
Iniwas niya ang tingin dito. Talagang magaling manghuli itong si Amy, naisip niya.
"So?" untag nito sa kanya.
"Si Kuya kasi... binantaan niya si Harry ng masama," sumusukong amin niya na kay Amy.
"Ano?! At bakit naman? Anong problema ng kuya mo?!"
"Ewan 'ko don! Akala niya kasi nanliligaw sa akin si Harry. Nakakahiya kay Harry!"
"Ano? At bakit naman inisip-" biglang napahinto sa pagsasalita si Amy at tumikom ang bibig.
"Bakit?" nagtataka niyang tanong dito.
"Alam 'ko na kung saan nakuha ng kapatid mo 'yang ideya na 'yan," sagot ng kaibigan.
"Saan?"
"Hindi pala "saan" kundi "kanino"," makahulugang sagot ni Amy.
"Ha?"
"Kanino pa, edi kay Nilo," inilapit pa nito ang mukha sa kanya. Marahil ay iniiwasan nito na may makarinig sa sinasabi nito.
"Kay Nilo? Bakit naman?"
"Anong bakit naman? Hello! May gusto nga kasi sayo ang lalaking 'yun."
Napaisip siya. May point si Amy. Magkaibigan nga pala ang Kuya Jake niya at si Nilo. At inakala siguro ng huli na pinopormahan siya ni Harry porke palago silang magkasama sa school.
Hanggang makabalik sa classroom ay iyon ang nasa isip niya.
Naroon na si Harry sa upuan nito nang makabalik sila ni Amy.
Nang maramdaman marahil siya ay umangat ang mukha nito at nasalubong niya ang pares ng mga mata nito. Wala siyang mabasang reaksyon doon. Agad din naman itong nagbawi ng tingin.
Kung tama ang hinala nila ni Amy, lalong nakakahiya kay Harry dahil nadamay lang ito sa "pagseselos" ni Nilo.
Hindi siya iyakin pero parang gustong bumagsak ng mga luha niya. At hindi niya alam kung para saan iyon.
Dahil doon ay tulala siya hanggang uwian. Mabuti na lang at puro lecture lang ang araw na iyon kundi ay yari na naman siya kung nag-recitation sila.
Naglalakad na siya papunta sa sakayan ng jeep nang biglang may magsalita sa kanyang tabi.
"Iniiwasan mo ba ako?"
"Harry!" gulat na gulat siya rito. Napahawak pa siya sa kanyang dibdib.
"Sorry," hinging paumanhin nito nang makita ang kanyang reaksyon.
Huminga siya nang maluwag. Hindi niya talaga inaasahan ang biglaang pagsulpot nito lalo pa at buong araw nuya itong iniwasan.
"So, iniiwasan mo nga ako," sabi ulit nito.
"Ano? Hindi ah!" sagot niya.
"Tell me, nag-away ba kayo ng kuya mo dahil sa akin?"
"Ha? Naku, hindi Harry! Huwag kang mag-isip ng ganyan. Tsaka, pasensya ka na talaga sa mga nasabi ng kapatid 'ko kahapon. Hindi 'ko nga alam kung saan non napagkukuha 'yong mga sinabi niya. Ano... ah-"
"Hindi ba pwede?" putol nito sa litanya niya.
"Ano?"
"Hindi ba pwedeng totoo 'yun?"
"Ang alin?" bigla siyang naguluhan sa sinasabi ni Harry.
"Na manligaw ako sayo?" sersyoso nitong sagot sa kanya. With matching nakakatunaw na titig pa!