CHAPTER THIRTEEN

1227 Words
"Hindi naman malayong magustuhan kita, Jasmin. Like what I said, you are very likeable," paulit-ulit iyon sa isip niya kanina pa. Iyon ang sinabi ni Harry sa kanya nang tanungin niya ito kanina kung seryoso ba ito sa sinabi nito na maaaring manligaw ito sa kanya. Ayaw niyang mag-assume pero nagulat talaga siya sa sinabi ng lalaki. Ngunit sabi ni Harry, hindi naman malayong magustuhan siya nito kaya hindi raw nito sinisisi ang kuya niya kung mag-isip man ito ng ganoon sa kanilang dalawa. In short, pwede pero wala pa. Wala itong gusto sa kanya. Pasimple niyang kinurot ang sarili. Hindi siya makapag-focus sa aralin nila dahil sa kakaisip sa katabing si Harry at sa mga sinabi nito kanina. "Anong ginagawa mo?" Nagulat pa siya nang paglingon dito ay nakitang nakatingin ito sa kanya at nakakunot ang noo. "Ano?" "Bakit mo sinasaktan ang sarili mo?" inginuso pa nito ang kanyang braso. Napunta yata ang lahat ng dugo niya at pakiramdam niya ay lumobo ang ulo niya nang makitang kurot-kurot nga niya ang braso. "Naku naman, Jasmin! Bakit ang engot mo?" aniya sa sarili. Hindi niya sinagot si Harry. Mabuti na lang na hindi na rin ito nagsalita pa at muling itinuon ang atensyon sa dini-discuss ng teacher nila sa harap. Siya naman ay inis na inis sa sarili niya. Palagi na lang siyang napapahiya kay Harry. At siya pa talaga ang may ganang umiwas dito? Kasi naman! Kung hindi ba naman kung anu-ano ang sinabi nito ay hindi sana siya lutang ngayon. Edi sana ay naiintindihan niya ang itinuturo ng guro nila ngayon. Sinubukan niyang i-focus ang utak sa klase. Mahirap na at baka bigla na naman siyang matawag ay wala siyang maisagot. Nagpasalamat si Jasmin na kahit paano ay naibaling niya ang atensyon sa pag-aaral kahit pa paminsan-minsan ay sumisingit pa rin sa utak niya si Harry. Ang hirap kaya non! Katabi lang niya ang lalaki. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o maiinis na hindi na siya muling kinausap ni Harry habang nasa klase. Sa totoo lang, napag-isip-isip niya. Wala namang ginagawang masama si Harry sa kanya para iwasan niya ito. Sila na nga lang ni Amy ang nakakasama nito ay nilayuan niya pa ito. "Weh? Baka naman kasi hindi mo lang siya matiis?" tuya niya sa sarili. Hindi! Bakit ba naman kasi niya ito iiwasan? Baka isipin pa ng kuya niya ay totoo ngang may namamagitan sa kanilang dalawa. Nadamay na nga lang itong si Harry sa kapraningan ng kapatid. Nahihiya lang naman kasi siya rito kaya siya umiwas.  Patuloy niyang kinumbinsi ang sarili hanggang sa magbreak sila.  Nilapitan niya si Harry ay inaya na ito tulad noong wala pang sugurang nangyari. "Sorry, Jasmin, naka-oo na ako kila Nick," sabi nito. Napanganga siya nang lagpasan siya ni Harry. May iba na pala itong nakakasama? Hindi siya aware. Tsaka isang araw lang naman silang hindi nagkasabay. "Jasmin, ano na? Anong hinihintay mo, Pasko? Matagal pa 'yun! Tara na, gutom na ako," tawag sa kanya ni Amy. Mabagal siyang naglakad papunta kay Amy. Parang bigla siyang nawalan ng gana. "Nakita 'ko si Harry, sumabay kila Nick. Close na sila?" tanong ni Amy nang kumakain na sila sa favorite spot nila sa parke ng kanilang school. Nagkibit siya ng balikat. "Ewan 'ko." "Eh bakit parang wala ka sa mood? Eh kahapon lang iniwan mo nga siya," tuya ni Amy sa kanya. Kumagat ito sa hamburger na tangan nito. "Hindi noh!" pagsisinungaling niya. "Deny pa more! Pero bahala ka, alam 'ko naman na hindi kita mapipilit magsabi sa akin ngayon." Hindi siya sumagot. Sakto kasing nakita niya si Harry at sila Nick. Pero hindi lang ang mga ito ang naroon. Maging ang grupo rin nila Nancy ay naroon. Magkatabi pa talaga sina Harry at Nancy. "Selos ka?" tukso sa kanya ni Amy. Nilingon niya ito at sinimangutan. "Bakit naman ako magseselos?" Oo nga naman! Bakit ba siya magseselos? Ano naman kung magkadikit na magkadikit sina Harry at Nancy? Ano naman sa kanya kung ngiting-ngiti si Nancy habang nakatingin kay Harry? Hindi siya nagseselos! "Huwag ka nang magsalita. Kitang-kita sa mga mata mo," sarkastikong sagot ni Amy sa kanya. "Ano bang pinagsasabi mo, Amy?" naiirita niyang tanong sa kaibigan. Bakit ba kasi ipinipilit nito na nagseselos siya gayong hindi naman? Hindi naman talaga! "Bakit ka napipikon?" natatawang tanong ulit nito. Sa halip na sumagot ay mabilis na niyang tinapos ang kinakaing sandwich. Nakakainis! Bakit parang wala iyong lasa? "Mauna na 'ko." Hindi na niya hinintay na sumagot si Amy at nagmamadali na siyang naglakad pabalik sa classroom nila. Hindi man niya aminin, alam niyang naiinis siya kay Harry. Isang araw lang na hindi sila nagkasabay, may iba na agad itong mga kaibigan? O, kaibigan lang ba talaga? Sobrang close naman nito kay Nancy? Close na close eh! Naiinis na sinipa niya ang isang bato na nadaanan niya. "Jasmin? Are you okay?" Nagulat pa siya nang may biglang nagsalita sa kanyang likod. Lumapit sa kanya si Harry. Bakit nandito agad ito? "Bakit?" malamig niyang tanong sa lalaki. "Anong bakit? Sino bang kaaway mo?" "Wala! Tsaka anong ginagawa mo rito?" Kumunot ang noo nito. Mukhang hindi nito na-gets kung bakit niya ito tinatanong na ganoon. "Sige, mauna na 'ko," aniya bago ito tinalikuran. Nilakihan niya ang mga hakbang. Bahala na kung mahalata ni Harry na iniiwasan niya ito. Naiinis pa rin siya. Nang makabalik sa classroom ay nagkunwari siyang abala sa pagbabasa ng kanilang libro. Baka kasi kausapin na naman siya ni Harry, hindi niya feel kausapin ito. Ilang sandali lang ay nakasunod na sa kanya si Harry. Mula sa gilid ng kanyang mata ay nakita niyang umupo ito sa tabi niya. Nakita rin niyang sinulyapan siya nito pero hindi naman nagsalita. Parang mas naiinis na siya sa sarili niya. Napagtanto niya, bakit siya naiinis? Na hindi sumabay sa kanila si Harry? Samantalang siya nga ay hindi ito sinabayan at iniwan pa nga niya. O baka naman naiinis siya dahil sa nakita kanina na kasama nito sila Nancy? Oo, nakakainis 'yun! "Bakit, Jasmin? Wala kang karapatan diktahan si Harry kung sino ang sasamahan niya," tuya niya sa sarili. Tama naman. Hindi dapat ganoon ang inasal niya. Pero anong magagawa niya? Hindi naman niya mapigilan ang sariling damdamin.                                                                                   ***** "Jasmin..." mahinang tawag ni Harry sa kanya pagkatapos ng huling klase nila. Nilingon niya ito. "Bakit?" "Galit ka ba?" "Galit? Hindi no!" Nginitian niya si Harry. Kanina ay nagsisi na siya sa ginawa rito. Hindi naman tama na magalit siya sa binata dahil lang may iba itong sinamahan. Pero hindi na niya mababawi pa iyon. "Pasensiya ka na sa akin kanina, Harry. Ano kasi, ano... may period ako. Kaya wala ako sa mood kanina," pagdadahilan niya rito. "Sorry, Lord!" aniya sa isip. Wala naman siyang ibang maisip na pwedeng idahilan sa inasal niya kanina. Alangan namang aminin niya kay Harry na kaya siya badtrip ay dahil nakita niyang magkatabi ito at si Nancy? Tumango lang si Harry. Tila naghihintay naman ito kung sasabay ba siya rito sa pag-uwi. "Jasmin, Harry! Okay na kayo? Akala 'ko LQ pa rin kayo!" Gusto niyang hilahin ang matabil na dila ni Amy! Kung anu-ano kasi ang sinasabi nito. Hindi ba nito alam na napapahiya siya kay Harry? "Jasmin, bakit ka namumula?" tanong pa nito. Dahil doon ay parang mas lalo siyang mapahiya kay Harry. Nang lingunin naman niya ito ay huling-huli niya ang pinipigil nitong ngiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD