CHAPTER SIX

1177 Words
PRESENT Patang-pata ang katawan ni Jasmin nang makauwi siya sa apartment na kanyang tinutuluyan. Binuksan niya ang ilaw sa sala at naupo sa maliit na upuan doon. Matagal na siyang umuupa roon dahil bukod sa nasa siyudad ay malapit pa sa kanilang opisina. Malaking katipiran na sa kanya na hindi na niya kailangang mamasahe at sa oras na rin. Kaya naman kahit na may kamahalan ang upa roon ay tinitiis na niya. Sapat na rin naman iyon para sa nag-iisang tulad niya. May maliit na kwarto lang iyon na kasya lang ang isang single na kama at maliit na aparador. Sa labas naman niyon ay pinagkasya na ang sala, kusina at maliit na banyo. Wala namang problema iyon sa kanya dahil si Nikki lang naman ang bumibisita sa kanya. Bukod dito ay wala na siyang pinapatuloy pa roon. Isa pa ay halos buong araw naman ay nasa opisina lang siya. Walang social life. Walang love life at wala rin naman siyang paki dahil ang prayoridad niya ay kumita ng pera. Magmula nang makapagtapos siya ng pag-aaral ay nagsimula na siyang kumayod. Kung noon ay inaakala niyang ganoon lamang kadali ang makaipon, ngayon ay parang nawawalan na siya ng pag-asa na makaipon agad para sa pangarap niyang makapagtayo ng sarili niyang negosyo. Siya na kasi ang breadwinner sa kanilang pamilya. Bago pa siya maka-graduate sa kolehiyo ay nagkasakit ang papa niya. Na-stroke ito at hindi na nakapagtrabaho pa. Ang nakuha nito mula sa gobyerno ang siya nilang ginamit para makapagpatuloy sa buhay at para rin makatapos siya sa pag-aaral. Mabuti na lang at may pension ang papa niya kaya naman kahit paano ay nakaraos sila. Ang kuya niya kasi ay tuluyan nang nalulong sa barkada at sa... May kumirot sa puso niya nang maalala ang kapatid. Dahil dito ay muli na naman niyang naalala si Harry. Sa dinami-rami naman ng magiging amo ay ito pa talaga ang napunta sa kanila? Ang galing namang magbiro ng tadhana. Dati ay naiisip niya kung paano kapag nakita silang muli nito? Ganoon pa rin kaya ang galit nito sa kanya? Ngunit ngayong nagkaharap na silang dalawa ay tiyak na tiyak na niyang galit pa rin ito sa kanya. Ang tagal na non pero parang sariwang-sariwa pa rin dito ang lahat. Bakit? Sa kanya ba ay hindi na? Tanong niya sa sarili. Hindi nga ba at kaya hanggang ngayon ay wala pa ring makapasok sa kanyang puso ay dahil... Pinigilan niya ang sarili na isipin iyon. Hindi! Unfair iyon! Kinumbinsi niya ang sarili na wala siyang panahon ngayon dahil sa pamilya niya. Kailangan pa siya ng kanyang mga magulang. Ipinangako niya sa sarili na bibigyan niya ng maayos na buhay ang mga ito at nakahanda siyang kalimutan ang lahat para sa mga ito. Nagkasakit ang kanyang papa dahil sa kakatrabaho na halos wala nang pahinga at madalas na tinipid ang sarili para may maipangbuhay sa kanila lalo na sa pagpapaaral sa kanilang magkapatid. Kung hindi lang sana napasama sa maling barkada ang kuya niya at hindi ito naging mahina, sana ay maayos sila ngayon at hindi sumama ang loob ng mama at papa nila. At sana rin ay hindi sila ganito ni... Ipinikit niya ang sarili at pinilit na ipahinga ang sarili. Pagod na pagod siya at mas lalo pang naubos ang kanyang lakas sa muling paghaharap ni Harry kanina. Nawalan na siya ng ganang kumain kaya naman matapos maglinis ng sarili ay agad na siyang nahiga at sinubukang matulog na. Pero ang kanyang utak ay parang walang kapaguran. Ang totoo ay nangangamba siya sa maaaring kahinatnan niya ngayong si Harry na ang mamamalakad sa kompanyang pinapasukan niya. Sa uri ng pakikiharap nito sa kanya kanina, hindi malayong patalsikin siya nito at alam na alam niyang wala siyang laban dito. Sino ba naman siya na isang hamak na empleyado lang kumpara rito na tagapagmana ng kompanyang nagpapasahod sa kanya? "Diyos 'ko... paano na ako? Napakahirap pa namang humanap ng trabaho ngayon," wika niya sa isip. Bukod doon, paano na lang kung gamitin ni Harry ang koneksyon nito para hindi siya makahanap ng mapapasukan? Paano na ang pamilya niya? Ang mga gamot ng mga magulang niya? Hindi! Kailangang ngayon pa lang ay may plano na siya. Pero baka naman napapraning lang siya? Kung gusto siyang tanggalin ni Harry edi sana ay kanina palang nang makita siya nito? Wala kasing HR! Uwian na. Napapikit siya sa mga naiisip. Kailangan niyang ipahinga ang sarili. Hindi maaaring ganito siya dahil baka lalo siyang hindi makaisip ng matino. Kinabukasan. Hindi niya malaman kung paano siya nakarating ng maayos sa opisina. Muntik na siyang mahuli dahil inumaga na siya sa kakaisip sa posibleng mangyari ngayong araw. Lakad takbo na ang ginawa niya at hingal na hingal na rin siya dahil patakbo niyang binaybay ang papunta sa opisina. Marahil ay nagtataka ang iba sa mga nakakasalubong niya dahil kilala siya ng mga ito na palaging poised at tila hindi padadaig kahit kanino sa tuwing maglalakad sa gusaling iyon. Nagmamadali siyang tumapat sa isa sa mga elevator. Ilang minuto nalang ay papatak na ang alas-nuebe. Ayaw niyang magkaroon ng marka ang kanyang record sa kompanyang iyon. Lalo na ngayon! Biglang bumukas ang elevator sa kanilang harapan at alam niyang lahat ng kasama niyang nag-aabang ay naghahabol din sa oras tulad niya. Nakahanda na talaga siyang makipagsiksikan at makipag-unahan sa mga ito na dati ay hindi niya ginagawa. Ang OA nang pagkakaatras ni Jasmin at halos lumabas na ang eyeballs niya nang makita kung sino ang sakay ng elevator na iyon. Alam din niyang hindi lang siya ang nagulat dahil may narinig pa siyang nagsinghapan sa likod niya. Bakit ba naman hindi? Napakagwapo ng nasa harapan nila, este, ang big boss ba naman ang nasa harapan nila at sa likod nila ay sina sir Jason at iba pang boss ng kompanya. Nang narealize na para siyang tanga sa pagkagulat ay lihim siyang bumawi at inayos ang sarili. Iniiwas niya ang paningin sa harapan. "Sasakay ka ba?" Umangat ang kanyang paningin nang magsalita si Harry mula sa kanilang harapan. Hindi niya sigurado kung sino ang tinatanong nito non. Pero malakas ang loob niya na siya iyon. Oo, medyo assuming siya roon. Nang magsalubong ang kanilang paningin ay muli niyang ibinaba ang paningin. Nakakapaso ang mga titig nito. "Ms. Nicolas? Are you going to use the lift?" Buong-buo ang boses ni Harry, este, ni sir Harry nang banggitin nito ang kanyang pangalan. "Huh?" Napalingon siya sa ibang naroon. May iba pa bang Nicolas doon? "Jasmin?" may diing sabi ni Harry. Kitang-kita niya ang pagtataka sa mga matang naroon. "Ah... sa susunod na lang po ako, sir," kandabulol niyang sagot. Siguro naman ay siya talaga ang tinanong nito unless may ibang Jasmin Nicolas doon. Kitang-kita niya ang pagsasalubong ng mga kilay nito. "Kasya pa ang isa." Napanganga siya sa sinabi nito. Pinapasakay ba siya nito? "Ah..." hindi niya maituloy-tuloy ang sasabihin. Sino ba naman sa kanila ang sasakay doon kasama ito at maging ang mga boss ng Laurel? Ngunit hindi na siya nakapag-isip pa dahil naramdaman na lang niya na may humiklas sa kanyang kamay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD