CHAPTER FIVE

2327 Words
"Kuya?" Napakunot ang noo ni Jasmin nang makita ang kanyang nakatatandang kapatid na si Jake sa labas ng kanilang classroom. "Jas." Tumingin muna ito sa kanya bago napangiti nang may makita sa kanyang likuran. "Nilo, pare!" Nilo? Kilala pala nito ang kaklase niya? "Jake. Anong ginagawa mo rito? Sinusundo mo ba si Jasmin?" narinig niyang sabi ng lalaki mula sa kanyang likuran. So, magkakilala ang dalawa. Hindi siya aware. Muli siyang bumaling sa kapatid. "Magkakilala kayo ni Nilo, kuya?" "Ah... oo. 'Di ko pala nabanggit sa'yo?" Narinig niyang bahagyang natawa si Nilo. "Pareng Jake, nakakatampo ka naman. Hindi mo man lang pala ako naikwento kay Jasmin." Wala naman siyang paki. Hindi rin siya interesado. "Sorry pare! Hindi kasi mahilig makipagkaibigan 'tong kapatid ko," sabi ng kanyang kuya Jake. "Ah... sige mauna na ko, kuya," singit niya sa iba pang sasabihin nito. Tsaka siya bumaling kay Nilo at nagpasalamat dahil sa ginawa nito kanina para sa kanya. "Teka, Jas," pigil ng kanyang kapatid sa kanya bago siya inakbayan. "'Baka ma-late ako ng uwi. Sabihin mo na lang kila mama na nakita mo kong nagpa-practice ng basketball." Kumunot ang kanyang noo pero hindi na lang sumagot at sa halip ay tumango na lamang siya sa kapatid. Pagkatapos noon ay nagsimula na siyang lumakad palayo. Pero hindi nakaligtas sa kanya ang ngiti ni Nilo sa kanya bago sumunod sa kanyang kapatid at sa mga kaibigan nito. Naglakad siya palabas ng kanilang paaralan. Sa may waiting shed sa tapat nito siya naghihintay ng jeep pauwi sa kanilang bahay. Malapit lang naman ang kanilang tinitirahan mula sa paaralan. Habang naglalakad papunta roon ay nakita niyang naroon din ang kanilang bagong classmate na si Harry. Mukhang nag-aabang din ito ng masasakyan. Parang tulala lamang ito at hindi napansin ang kanyang pagdating. "Hi!" bati niya rito. Agad naman itong napalingon sa kanya ngunit hindi nagsalita. "Naghihintay ka rin ng jeep? Saan ba ang way mo?" tanong niya rito.  "San Carlos," maikling sagot nito. Alam niya ang lugar na sinabi nito. Katabing bayan lamang ng Santa Monica, ang kanilang bayan. "Ah..." napatango-tango na lamang siya rito. Mukhang hindi rin ito friendly. Kaya naman hindi na niya sinundan ang kanyang tanong. Nang may dumating na jeep ay agad siyang sumakay. Nakita naman niyang sumakay din si Harry kasunod niya. Nang sumakay sila ay maluwag pa ang jeep ngunit hindi nagtagal ay halos mapuno na iyon kaya naman magkatabi na silang nakaupo. "Where do you live?" nagulat pa siya nang lingunin ang binata. Nakita niyang may hawak itong isang-daan. "Huh?" aniya. "Saan ka bababa?" tanong muli nito tsaka ipinakita ang hawak na bill. Ah... mukhang ililibre siya nito ng pamasahe. "Diyan lang ako sa boundary," sagot niya rito. Agad naman itong nagbayad at sinabi ang lugar na kanilang bababaan. "Thank you," sabi niya rito sabay ngiti. Biglang kumunot ang noo nito. Ngunit agad din naman siyang tinanguan. Ang weird ng reaksyon nito. Bakit ganun? Nagtataka kasi siya sa reaksyon nito nang ngitian niya. 'Di yata nito nagustuhan ang pag-ngiti niya. Nang makarating sa kanyang bababaan ay nagpaalam na siya rito at muling nagpasalamat. Tinanguan lamang siya nitong muli at agad na iniwas ang tingin. Sungit! Nang makarating sa bahay ay agad niyang sinabi sa ina ang pinasasabi ng kanyang kuya Jake. Marahil ay sanay na rin ito na ginagabi ang kanyang kapatid kaya parang wala na lang dito ang sinabi niya. Madalas kasing pagalitan ng mga magulang ang kuya niya dahil sa pagiging bulakbol at pagbabarkada. Buti sana kung maayos itong nag-aaral ngunit madalas ay bagsak pa ito. Ayaw naman niyang ilaglag ang kapatid dahil baka mas sumama ang loob ng kanyang ina. Kaya naman siya ay todo ang pag-aaral. Ayaw niyang dumagdag sa problema ng mga magulang. Talaga lang napuyat siya kagabi dahil sa pagbabasa ng nabiling libro. Maganda kasi ang istorya at hindi niya naiwasang tapusin agad. Pero pangako niya ay hindi na muling uulitin iyon. Sobrang kahihiyan ang inabot niya kanina. Matapos magpalit ng pambahay ay pumunta siya sa kusina para mag-merienda. Palagi namang may nakahandang pagkain para sa kanilang magkapatid tuwing sila'y uuwi. Nang matapos kumain ay bumalik siyang muli sa kanyang kwarto para mag-aral. Susubukan niyang sagutan ang pinasasagutan kanina sa kanya ni Miss Ignacio. Mag-aaral na rin siya ng advance para 'di na maulit ang nangyari kanina. Natapat pa na mayroon silang bagong kaklase. Pero ano bang pakialam niya sa iisipin nito? Dati-rati naman ay hindi niya pinapansin ang iisipin ng iba sa kanya.  Kaya lang, talagang napahiya siya kanina. First time iyon! At hindi na dapat pang maulit. Ke may bago silang classmate o wala. Dapat niyang pagbutihin ang pag-aaral alang-alang sa pangarap niya para sa kanyang mga magulang. Napailing-iling na lang siya at tsaka pinilit ibaling ang kanyang atensyon sa mga aralin. Mabuti na lang at wala silang homework para bukas. Kinagabihan, dinig na dinig na naman niya ang boses ng kanyang ina mula sa kwarto ng kapatid. Alam niyang pinapagalitan na naman ito dahil gabi na naman nakauwi. Magkatabi lang kasi ang kwarto nilang dalawa sa second floor ng kanilang bahay. Ang bahay na iyon ay pamana ng kanyang lolo Isko sa kanilang ama. Wala naman kasing kapatid ang ama niya dahil namatay ang lola niya nang ipanganak ito. Hindi na rin nag-asawa pang muli si lolo Isko at itinuon na lang ang atensyon sa kanilang ama at trabaho. Katamtaman lang ang laki nito at luma na. Matagal na rin kasing hindi napapayos dahil kapos pa sila sa budget. Pinaghahandaan din kasi ng mga magulang ang kanilang pagkokolehiyo. Nasa ikaapat na taon na ng high school ang kapatid kaya naman sa isang taon ay college na ito. Pero hanggang ngayon ay parang wala pa itong plano kung anong kurso ang nais nito. Siya kasi ay matagal nang plano na kumuha ng kursong Business Management. Gusto niyang magkaroon ng sariling negosyo. Hindi ito madali ngunit pagsusumikapan niya para sa mama at papa nila. Nais niyang mapaayos ang bahay nila dahil alam niyang matagal na itong gustong ipa-renovate ng ama. Bukod kasi sa luma na ay may mga butas na rin ang bubong nila kaya naman tumutulo na kapag umuulan. Paniguradong matutuwa ang kanyang papa kapag naipaayos nila ito.  Mahal na mahal niya ang mga magulang kaya naman gusto niyang tumbasan ang pag-aalaga at pagsasakripisyo ng mga ito sa kanilang magkapatid. Kung pwede nga lang hilahin ang mga oras at araw nang sa ganon ay maka-graduate na siya at makapag-trabaho. Dahil wala siyang pagkukunan ng kapital para sa isang negosyo, magta-trabaho muna siya at mag-iipon para rito. Pero bago niya tuparin ang sariling pangarap ay nais muna niyang bigyan ng regalo ang mga magulang. Matanda na ang kanyang ama ngunit kayod-kalabaw pa rin ito para sa kanila. Sana nga lang ay nakikita ito ng kanyang kuya Jake upang sabay nilang pagsumikapang umahon na sila sa hirap. Nang matapos mag-aral ay lumabas na siya ng kaniyang kwarto para tumulong sa mga gawaing-bahay. Siya ang nakatokang mag-saing sa gabi habang nagluluto naman ang kanilang ina. Naabutan niya ito sa kusina at hindi nakaligtas sa kanya ang mahina nitong paghikbi. “Nay?” tawag niya rito. Napansin niyang nagpahid ito sa mukha na sigurado siyang luha. “Nagugutom ka na ba? Sandali lang at inihahanda ‘ko na ang hapunan,” bahagya pang nanginig ang boses nito. Ngayon lang niya nakitang umiyak ang ina. Hindi naman kasi ito madalas na magsabi sa kanila. “Magsasaing na po ako,” pumunta siya sa lagayan nila ng bigas. Habang hinuhugasan niya iyon ay hindi niya maiwasang sulyapan ang ina. “Bakit?” tanong nito nang mapansing panay ang balik ng tingin niya rito. “Si kuya na naman ba, ma?” makahulugan niyang tanong dito kahit na malakas ang pakiramdam niyang tama ang kanyang hinala. Kahit na nakatalikod ang ina ay narinig niya ang pigil na paghikbi nito. Nadurog ang puso ni Jasmin dahil sa nakikitang pagdaramdam ng ina. Kung sana lang ay nakikita ng kuya niya ito. Hindi naman dating ganoon ang kuya Jake niya. Hindi rin naman niya matanong ang kapatid kung meron ba itong problema at nagbago ito lalong-lalo na ang pagsagot sa kanilang mga magulang. Pinalaki sila ng ina at ama na mabuting mga bata. Sa katunayan ay dating sacristan pa nga ang kuya niya. Nagtataka rin siya sa biglaang pagbabago nito. Ngunit hindi niya magawang tanungin ang nakatatandang kapatid dahil parang biglang may pader na nakapagitan sa kanila. Nakakasama lang ng loob na dahil dito ay umiiyak ang kanilang ina. “Hindi ‘ko na maintindihan ‘yang kuya mo. Dumaan dito kanina ‘yung teacher niya, madalas daw na hindi pumasok ang kapatid mo,” ani ng kanyang ina. Parang kinurot ang kanyang puso. Kahit na hindi niya naman kagustuhan ay parang kasabwat pa siya ng kapatid niya sa pagsisinungaling sa mga magulang nila. “Ikaw ba, Jasmin, hindi mo ba nakikita sa eskwelahan ang pinaggagawa niyang kuya mo?” Napangiwi siya sa tanong ng ina. “Ano ba naman ‘to, kuya? Pati ako, nadadamay sa kalokohan mo,” aniya sa isip. “Ah… eh…” kandautal siya nang sumagot sa ina. Hindi niya gustong magsinungaling dito pero ayaw niya ding magalit ang kapatid sa kanya. “May nalalaman ka ba, Jasmin? Bakit hindi ka makasagot ng maayos?” Humarap pa sa kanya ang mama niya nang tanungin iyon. “Po? Wala po, ma. Ano, abala rin po ako sa pag-aaral at isa pa po, malayo iyong building nila sa amin,” sagot niya rito. Alam niyang mali na pagtakpan niya ang kabulastugan ng kapatid ngunit naiipit lang din siya. Mabilis siyang kumilos upang matapos sa pagsasaing. Hindi na rin naman kumibo pa ang mama niya. Marahil ay nakumbinsi naman ito sa sagot niya. Kaya? Sabagay ay kilala naman siya nito na inaabala ang sarili sa pag-aaral lang. Kahit kailan ay hindi niya nais na bigyan ng ikasasama ng loob ang mga magulang nila. Malaki na ang sakripisyo sa kanila ng mga ito at ayaw na niyang dumagdag pa sa problema ng mga ito. Mabuti na lang at tapos na siyang mag-aral ng aralin kundi ay baka hindi na naman siya nakapag-focus sa kakaisip. Inabala niya ang sarili sa pag-aayos sa mesa habang nagluluto ang ina. Nang matapos ay kinuha niya ang walis at dust pan at nagwalis-walis kahit na alam naman niyang naglinis na ang ina. Gusto lang niyang abalahin ang sarili para makaiwas sa mama nila. Nakukunsensya talaga siya dahil nagsinungaling siya rito kanina. Habang abala siya sa paglilinis ay dumating naman ang kanilang ama. Kumunot ang noo niya nang makita ito. “Bakit lukot iyang mukha mo?” natatawang tanong sa kanya nito. “Baka mahanginan ka, sige ka.” Hindi siya natawa sa biro ng ama. Ganoon naman ito, idinadaan sa biro madalas. Nag-overtime na naman kasi ito sa trabaho kaya noon lang ito dumating. Sa sobrang busy niya kanina ay hindi na niya naitanong sa ina kung nakauwi na ang papa nila. “Nag-OT ka na naman, pa?” “Maghapon naman akong walang ginawa sa opisina. Sayang naman ang inihanda ‘kong lakas kung ‘di magagamit,” pabirong sagot nito sa kanya. “Pa…” mahina niyang sabi. “Huwag kang mag-alala, anak, hindi ko inaabuso ang katawan ‘ko. Malakas pa ako sa kalabaw,” natatawa nitong saad. Pero hindi talaga siya mapangiti ng mga biro nito. Napansin naman iyon ng ama at inakbayan siya. “Alam mo naman na pinaghahandaan ‘ko ang pagkokolehiyo ng kuya Jake mo ‘di ba? Isa pa ay talaga namang hindi ako napagod ng husto.” Lalo siyang nawalan ng gana nang marinig ang sinabi nito. Ang pag-aaral ng kuya niya ang pinaghahandaan nito ngunit wala namang pakialam ang kapatid niya rito. At hindi siya naniniwala na hindi ito napagod sa trabaho. Alam niya kung gaano ka-toxic ang trabaho nito sa munisipyo. Bago siya iwan ng ama ay nginitian pa siya nito. Gusto niyang maiyak. Sa edad ng ama nila ay hindi na ito dapat pang napapagod ng sobra. Ngunit dahil gusto nito at ng mama nila na mabigyan sila ng magandang kinabukasan ay kumakayod ito ng sobra-sobra pa sa ora ng dapat na ipinapasok nito. Hanggang sa hapunan ay dala-dala ni Jasmin ang nararamdaman. Hindi siya makatingin ng maayos sa mama at papa nila at ayaw naman niyang tignan ang kapatid niya. Tahimik lang silang kumain. Ang papa lang nila ang salita ng salita na akala mo ay hindi pagod sa trabaho. Ang mama nila ay tahimik lang din ngunit hindi ipinapahalata ang nararamdaman nito. Habang ang kapatid niya ay wala rin namang kibo. Pagkatapos nila ay nagprisinta na siyang magligpit ng pinagkainan kahit na tumanggi ang mama niya. Gusto niyang makapagpahinga na ito at isa pa ay hindi naman din nagpapahinga ang papa nila hanggang wala sa tabi nito ang asawa. Doon man lang ay makabawi siya sa pagtatakip sa kuya Jake niya. Habang naghuhugas ng plato ginagambala pa rin siya ng kunsensya. At isa pa, hindi niya alam na kaibigan ng kapatid niya ang kaklase niyang si Nilo. Ewan ba niya, hindi maganda ang pakiramdam niya sa lalaki kahit na “sinalo” pa siya nito kanina sa klase. Napapikit naman siya nang maalala ang nangyari. Ano na lang ang sasabihin ng bago nilang classmate? Bakit ba botheres siya sa iisipin nito? Dito lang naman siya nag-aalala ng ganoon. Bakit kay Nilo na siyang tumulong sa kanya kanina ay wala naman siyang paki? May crush ba siya rito? Agad-agad? Ganun-ganon lang? Aba’y may mga nagpapahiwatig din naman ng pagkagusto sa kanya at may mga itsura rin ang mga iyon ngunit hindi naman siya nagkaganito. Hindi naman sa pagmamayabang ngunit may ipagmamalaki naman ang kanyang ganda kahit na simple lang siyang gumayak. Napailing siya sa mga naisip. Para siyang luka-loka. Baka nga ang Harry na iyon ay wala namang pakialam sa kanya. Mabilis na niyang tinapos ang gawain at naghanda na sa pagtulog. Gusto na rin niyang ipahinga ang sarili. Pakiramdam niya ay pagod na pagod siya ng araw na iyon  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD